IKA-1 KABANATA
Ika-12 ng Disyembre taong 1991
"TEPAY! MANGANGANAK NA YATA AKO!" malakas na sigaw ni Diday sa bunsong kapatid.
"Teka lang, ate! Unang sahod ko bukas, eh. Hindi ako pwedeng um-absent," naiiyak na saad naman ni Tepay.
"Siraulo ka ba? Mapipigil ko bang lumabas itong kambal?" naiinis na sigaw ni Diday sa kapatid. "Bilisan mo na, humingi ka na ng tulong!" patuloy na sigaw nito habang nakahawak sa sinapupunan mabilis namang tumakbo si Tepay upang humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay. "Mga anak, easy lang kayo riyan sa loob! Huwag kayo masyadong magtulakan, nasasaktan ang nanay, makakalabas din kayo," pagkausap nito sa mga anak na nasa loob ng sinapupunan. "Hooohooo!" nag-inhale exhale nito upang kalmahin ang tiyan at mabawasan kahit paano ang sakit na kaniyang nararamdaman.
"ATE!! Narito na ang tricycle!" sigaw ng kapatid kaya sinalubong ito mi Diday. Isinakay na muna ni Tepay ang kapatid sa tricycle bago muling bumalik upang kunin ang mga gamit para sa panganganak ni Diday.
"Saan ba tayo?" tanong ni Manong Pedring pagkasakay ni Diday.
"Sa General Arthur na lang ho at kung kayang bilisan at pakibilisan na lang dahil baka hindi na ho umabot ang kambal ko sa ospital!" ani Diday na hindi malaman kung paanong upo ang gagawin sa loob ng tricycle. "TEPAY! Bilisan mo naman!" sigaw nito sa kapatid.
"Ito na oh! Nagbihis pa kasi ako, ate!" nakasimangot na sagot naman nito. Pagsakay nito ng tricycle ay mabilis namang umarangkada si Manong Pedring, kinse minuto lamang ay nasa tapat na sila ng General Arthur Medical Hospital.
Sinalubong naman ng wheelchair ng guard si Diday, nanghihina na naupo roon ang buntis pagtapos ay itinulak ito ng kapatid papasok ng emergency room.
"Doc! Doc! Manganganak na po ang ate ko!" malakas na sigaw ni Tepay ng makapasok ng emergency room. Mabilis namang naglapitan dito ang mga nurse at doktor na kasalukuyang naka-duty roon. Hindi na rin halos makapagsalita si Diday dahil sa sakit na kaniyang nararamdaman.
Inalalayang mahiga ng mga nurse si Diday sa bakanteng kamang naroon, kinumutan ito ng isang nurse ay saka hinubad ang suot na panloob ni Diday at sinilip ang pagitan ng kaniyang mga hita.
"Doc, 8 cm na, malapit na po itong manganak!" sigaw ng nurse.
"Sige pakilipat na siya sa Delivery Room," utos naman ng Doktora dito. "Misis, nasaan po ang mister ninyo?" tanong nito kay Diday.
"Ang kapatid ko po ang kasama ko, Doc, paanakin niyo na lamang po ako bago niyo ako interview-hin!" naiiyak na pakiusap niya rito.
Napatango naman ito at inilipat na siya kaagad ng Delivery Room.
Ngunit ang hindi alam ni Diday ay pinamanmanan siya ni Steve sa kaniyang tauhan dahil alam nitong malapit na siyang manganak. Pagpasok ni Diday sa Delivery Room ay lumapit ito sa nurse station habang si Tepay ay abala sa pakikipag-usap sa isang guwapong nurse na naroon.
"Magandang hapon, nurse!"
"Magandang hapon naman, sir."
"Ako ang asawa nung babaeng buntis na dinala rito. Ito yung mga gamit niya," sabay abot nito ng dalang mga gamit para sa panganganak ni Diday.
"Ah, ganoon po ba, sir? Sige po, pakisagutan na lang din po ito, impormasyon ng pasyente at pati na rin po ninyo," tugon naman ng nurse at kinuha ang mga gamit na inabot ng lalaki. Saka dinala iyon sa loob ng delivery room. Pagbalik nito ay muli itong lumapit kay Steve.
"Tapos na ako nurse, tapos na bang manganak iyong misis ko?" tanong naman ni Steve sa nurse.
"Nailabas na po ang isang bata, kasalukuyan na po niyang inilalabas ang kasunod," pagbabalita naman nito.
"Kung ganoon ay kambal ang aking anak?" di mapigilang tanong nito sa nurse.
"Po?" nagtataka namang tanong nito sa lalaki.
"Ah. Pasensiya na, mali pala! Masyado lang akong natuwa dahil nailabas na ang mga anak ko. Maari ko bang masilip man lang?"
"Opo, wala pong problema," magalang na sagot nito pagtapos ay sinamahan nito si Steve sa harap ng delivery room.
Kitang-kita nito sa glass panel ng silid na iyon ang paglabas ng ikalawang sanggol. Nakita rin ni Steve na nawalan ng malay si Diday.
"Nurse, okay lang ba ang misis ko?" nababahalang tanong ni Steve rito.
"Opo, nawalan lamang po siya ng malay dahil sa nahirapan siyang ilabas iyong pangalawa."
"Maari ko na bang makita ang mga sanggol?"
"Nililinisan lang po sila pagtapos ay ililipat na ng nursery room, doon po maari niyo na silang nakita," tugon naman ng nurse dito.
"Hindi ko man lang ba maaring hawakan ang mga anak ko?" pakiusap nito sa nurse.
"Pwede naman po pero baka hindi pa po sa ngayon dahil isasalang pa po sa new born screening ang mga baby."
"Kahit saglit lang, nurse. Hindi naman ako magtatagal, gusto ko lang talagang mahawakan ang mga anak ko."
"Sige po, itatanong ko," wika ng nurse pagtapos ay pumasok sa loob ng Delivery Room, hindi naman nagtagal ay muli itong sumilip sa pintuan. "Sige raw po, pasok na raw po kayo." Napangiti si Steve ng marinig iyon at mabilis na pumasok doon.
Kakaibang saya ang naramdaman nito ng masilayan ang unang sanggol, dahil ang ikalawang sanggol ay kasalukuyan pang hawak ng isang nurse dahil nililinis pa iyon. Masayang iniabot sa kaniya ng nurse ang unang sanggol.
Hawak na ni Steve ang sanggol ng biglang magkagulo sa loob ng delivery room dahil bumaba ang pulso ni Diday. Maging ang mga nurse na nasa paligid nila ay nagsilapitan kay Diday. Tanging ang nurse na naglilinis sa ikalawang sanggol na kasalukuyang nakatalikod ang naiwan doon.
Hindi alam ni Steve kung anong pumasok sa kaniyang isip at walang sabi-sabing inilabas niya iyon ng delivery room. Sa kamamadali niya ay hindi pa sinasadyang mabangga niya si Tepay.
"Pasensiya na po," paghingi ng paumanhin ng dalaga. Ngunit nag-diretso lang si Steve at nagmamadali lumabas ng ospital na iyon. Wari'y nakisama rito ang pagkakataon dahil kasalukuyang abala rin ang guard sa pagtulong sa matandang pasensiya na papasok ng ospital.
Mabilis na sinenyasan ni Steve ang driver ng sasakyan nito at pumarada naman iyon sa harapan mismong harap ng lalaki. Saka ito nagmamadaling sumakay.
Habang ang sanggol na walang kamuwang-muwang ay nasa kaniyang bisig.
"Bukas na bukas ay ipaayos mo ang papel ng sanggol na ito. Dapat bago matapos ang linggong ito ay makalipad tayo papunta ng Hong Kong," mariing utos ni Steve sa tauhan habang matamang nakatingin sa hawak nitong sanggol. “Tatawagin ko siyang si Jin Li.”