Habang pauwi, walang pag-uusap na nagaganap sa pagitan nina Seven at Hillary. Si Seven ay nagmamaneho. Isang sasakyan ang hiniram nito sa palasyo. Iyong luma at walang bandera ng palasyo na pagkakakilanlan. Himala na hindi sila nagkaligaw-ligaw. Para bang kabisado ni Seven ang bawat pasikot-sikot doon. Si Hillary naman ay nasa passenger's seat, nakapatong ang kanyang braso sa nakabukas na bintana at nangangalumbaba. Ginagawa niya iyon dati pa, ang mamintana para maitago ang kanyang ngiti. Ngiting hindi niya malaman kung bakit ayaw mawala. May mga locals, lalo na mga bata na kumakaway sa kanya. Sinasagot naman niya 'yon ng ngiti at kaway. Sa palihim na pagsulyap kay Seven, nakita niyang nakangiti rin ito. Ibinalik ni Hillary ang tingin sa bintana, kinakagat ang ibabang labi para hindi n

