Chapter 1
"Senyora! May mga armadong mga kalalakihan sa bungad ng hacienda!" humahangos at hinihingal na imporma ng isang pinagkakatiwalaang trabahante sa Hacienda Luisa.
"Senyor!" napasigaw pa ito nang nakita si Senyor Leon.
"Leon, sino ang mga taong iyon?" Bakas sa boses ni Senyora Luisa ang takot.
Nanatiling nakatayo lamang si Senyor Leon habang nakakunot-noo. "Huwag ninyong hayaan na makapasok sila sa loob ng hacienda. Bantayan ninyo maigi ang lahat na puwede nilang daanan," malumanay na sabi ni Senyor Leon.
Parang kalmado pa ito at hindi alintana na may malaking panganib ang magaganap.
"Masusunod po, Senyor Leon." Mabilis na umalis ang lalaki.
"Maghanda ka, Luisa aalis tayo ngayon din." Hinahawakan ni Senyor Leon Si Luisa at hinala paakyat sa ikalawang palapag ng mansyon. Hindi pa man tuluyang nakaakyat ang dalawa ay may malakas na pagsabog silang narinig.
"L-Leon, natatakot ako!" nanginginig na bulalas ni Senyora Luisa.
"Papa! Mama!" malakas na sigaw ng isang batang babae. Wala nang inaksayang oras ang mag-asawa at mabilis na pinuntahan ang anak na ngayon ay sigaw nang sigaw, nanginginig pa ito nang datnan nilang sumisiksik sa labas ng pinto ng kuwarto.
Nagkagulo na sa buong hacienda, pati ang mga kasambahay ay nagulantang sa nangyayari.
"Mauna na kayo, Luisa gamitin mo ang itim na kabayo, magkita na lang tayo sa lumang bahay." Hinalikan ni Senyor Leon ang kaniyang asawa at anak.
"Na, kapag lumaki ka na kailangan mong maging matapang at mautak sa lahat, palagi mong tatandaan huwag na huwag kang magtitiwala kahit kanino man, sa tamang oras at panahon malalaman mo rin ang lahat." At niyakap nang mahigpit ni Senyor Leon ang kaisa-isang anak.
"Yna! Ikaw gising na! Tanghali na ikaw tulog pa rin? Ikaw hindi aasenso sa buhay ikaw tulog-tulog ako tapos na trabaho ikaw tulog pa rin? Gising!" Napabalikwas nang bangon si Yna.
"Opo! Ako gising na, ako ligo muna!" malakas na sigaw niya at ginaya pa kung paano magsalita ang kaniyang Uncle Ferry.
"Ah, bilis kilos kupad-kupad ikaw ganiyan lugi negosyo pamilya," dagdag pa nito.
"Ako galing takbo negosyo, hindi lugi!" mayabang na sagot niya rito.
Nakaalis na yata at hindi na nakipagsagutan sa kaniya ang madaldal niyang tiyuhin daig pa nito ang isang barker.
"Good morning self!" At mabilis na pumasok sa banyo.
Kanina pa niya pinagmamasdan si Uncle Ferry niya. Halos hindi maipinta ang matabang pisngi nito.
"Wala na tayong magagawa, Uncle Ferry, sila tuso, pagdating negosyo sila wala patawad," walang ganang sambit niya rito. Muntik na siyang natawa dahil pinanindigan niya na ang panggagaya kung paano magsalita ng tagalog ang kaniyang tiyuhin. Nilingon siya nito. "Ako hindi papayag! Ah, lugi negosyo natin, tayo bayad tax tama! Sila hindi!" Napakamot na lamang siya sa kaniyang sintido.
"Ako na bahala gumawa ng solusyon, para negosyo natin hindi malugi," sagot niya rito.
Hinampas nito ang mesa. "Hindi puwede! Ikaw mapapahamak! Ako hindi papayag ikaw gawa paraan!" Ang kulit din ng lahi nitong tiyuhin niya.
Muntik na siyang mabulunan sa iniinom na 3 in 1 Kopiko brown coffee. Paano ba naman kasi, biglang tumalikod sa kaniya si Uncle Ferry, langyang short iyan kusang lumihis pababa kitang-kita niya tuloy ang alkansya nito sa puwet."Wǒ yào qù bófù." (I need to go, Uncle)." Tumayo na siya at mabilis na lumabas sa opisina nito. Kailangan niya pang magtinda ng pinakyaw niyang balut, mas maaga mas maraming kikitain. Marami pa naman ngayong mga mag-jowa na nagde-date sa Luneta Park. Bawat segundo mahalaga sa kaniya. Time is gold ika nga nila. "Hoy! Yna, bakit para kang hinahabol ng asong ulol? Nangyari?" Napahinto siya.
"Ikaw ba naman nakakita ng alkansiya sa puwet kung hindi ka hihingalin," sagot niya sa tropang palagi na lang niyang nakikitang umuusok ang ilong at bibig, mukha tuloy itong tambutso ng jeep.
"Hanep! Pinagtripan mo na naman ba ang tiyuhin mong daig pa si Marcus?" Humalakhak siya. Hindi na bago sa kaniya ang bansag ng mga tambay rito sa Tondo. Kilalang-kilala kasi rito ang kaniyang Uncle Ferry. " Naks! Yna mukhang gumanda ka yata ngayon." Napalingon siya sa kaniyang likuran. Napakunot-noo siya nang nakilala kung sino ang bagong dating.
"Mukhang adik ka pa rin, Butchog! Akalain mo, mas lalong pumuti yata ang mata mo." Inaayos niya ang suot na sombrero.
"Ang sakit mo talagang magsalita Yna, alalahanin mo, hawak ko ang teritoryo na ito." Lumapit ito sa kaniya. Hinilot-hilot niya ang kaniyang batok, napasobra yata siya kanina sa pagkain ng Bario fiesta na bagoong.
"Hoy! Butchog! Manggugulo ka naman, tantanan mo nga si,Yna!" Pumagitna si Ariel. Akala mo naman kaya siya nitong iligtas sa mukhang kailangang tokhangin, ni President Digong. "Paktay! Mukhang maantala ang pagbebenta ko ng balut sa Luneta Park," mahinang bulong niya. Alam niyang hindi siya titigilan nitong mukhang nakahithit ng limang kilong harina. "Sarap banlawan, e, para matauhan itong lalaking ito."
"Ano ngayon kung hawak mo ang lugar na ito, Butchog? Tingin mo may pakialam ako? Ha?" Hinila niya si Ariel. Baka mamaya tamaan pa ito kapag binigwasan siya ni Butchog baka sa punerarya na ito makikita ni Aling Semang.
"Baka nakalilimutan mo, kaya ko ring hawakan ang buhay mo!" Mabilis na tinutukan niya ito ng baril. Nagsilabasan naman ang mga nakakubling kasama nito. "Ano? Hindi ka makapagsalita? Naglagay ka ba ng pulbo at puting-puti iyang pisngi mo? O, baka naman suka ang hinigop mo at namumutla ka!" Idiniin niya sa noo nito ang dulo ng kaniyang baril.
"Die!" sigaw niya, at lalong namutla ito. Napapikit pa ang mayabang. Napamura ito nang naramdaman na tubig ang lumabas sa dulo ng kaniyang baril. Bago pa man makakilos ito kumaripas na siya nang takbo.
Medyo kinabahan din siya kanina pero kailangan niyang magmukhang astig.
Ang epic lang ng reaksyon ni Butchog at paniguradong mayayari talaga siya kapag mahuli siya nito mamaya. Nagmukha tuloy siyang snatcher na ang bilis tumakbo at magtago. Mabuti na lang at maraming tao kaya suwerte siya.
Hinihingal na napaupo siya sa upuan sa loob ng Jollibee rito sa 168 Mall. Kumakalam na rin ang kaniyang sikmura at kape lang ang laman ng kaniyang tiyan. Mahirap nang malipasan ng gutom at baka lumala ang ang pagkabalahura niya nito, ayaw namang niyang sa mental na ipapasok ng pamilya niya. Baka masapok lang siya ng mabait niyang lolo, mabait kapag tulog.