Episode 11

2092 Words
You're Not My Brother Episode 11 Gael Kasalukuyan akong nagpapainit ng tubig nang tumunog ang doorbell. Mabilis akong tumayo mula sa kinauupuan ko saka ko sinilip sa peephole ang bisita namin ng ganito kaaga. Napaisip pa ako sandali bago ako nagpasya na buksan ang pinto. Mabilis siyang naglakad papasok at inilagay niya sa sofa ang mamahalin niyang bag. Napapatanga na lang ako habang isinasara ko ang pintuan. "Itinawag sa akin ng school mo ang nangyari sayo nung nakaraan. Hindi mo sinasagot ang mga tawag ko. Nagtungo ako dito kahapon pero walang nagbubukas ng pinto. Nasaan si Tor?" mahabang litanya niya. "Hay! Natutulog pa siya. Napakaaga pa, Ma!" medyo iritadong sagot ko. "Hayaan mo siya at nang makapagpahinga siya." aniya sa mababa nang tinig. Kumulo na ang tubig kaya nagtimpla na ako ng kape. Ipinagtimpla ko ma rin siya para kahit papaano ay hindi puro sermon ang aatupagin niya. Maghapon akong nag-stay dito sa unit sa pag-aakala na maaga kang darating. Nagsalubong ang mga kilay ko. Kung totoo na narito lang si Red kahapon, bakit hindi niya pinagbuksan ng pinto si Mama? "Saan ka nagbulakbol kahapon? Bakait wala ka dito nang magpunta ako?" tanong niya na muli na namang naging hyper ang tono. "Ma! Doon ako nagpalipas ng maghapon sa apartment ni Kevin. Bakit ba kayo nandito?" naiiritang sagot ko sa kanya. "Bakit? Wala na ba akong karapatan na dalawin ka dito? Ayusin mo yang ugali mo. Wala ka na sa probinsiya." "Sana nga doon na lang ako. Mas gusto ko pa doon." naiinis nang sagot ko sa kanya. Isang malakas na sampal ang mabilis na dumapo sa pisngi ko. "Huwag mo akong artehan nang ganyan, Gabriel. Gusto mo doon? Ano ang ipapakain sayo ni Raul? Lugaw?" matapobreng sagot niya. "Mas gugustuhin ko pang kumain ng lugaw araw araw kesa magpakasasa ako sa yaman ng bagong asawa mo." Akma na naman siyang mananampal kaya napapikit ako pero hindi iyon dumapo sa mukha ko. Marahan akong nagmulat at nakita ko ang pagpipigil ng galit ni Mama. "Hindi ko na alam kung anong sasabihin ko sayo. Nasabi kang matalino pero yung paraan ng pag-iisip mo ay kagaya lang ng sa tatay mo. Hindi ka aasenso sa ganyang mindset." "Hindi bale nang hindi ako umasenso basta hindi ko lang natamasa iyon sa hindi tamang paraan." "Hrrrrrghh!" nanggigigil na hiyaw ni Mama saka niya ako sinabunutan. "Sira ulo ka Gael, sira ulo ka!" Ilang sandali pa ay huminto na siya sa pagsabunot sa akin. Disappointment ang nakita ko sa magandang mukha niya habang nakatitig siya sa akin. Gusto ko nang maiyak pero pinipigilan ko ang sarili ko. "Sira ulo na kung sira ulo. Pero hindi ko talaga kaya ang ginagawa mo. Hindi ko kayang gastahin ang pera na galing sa asawa mo. Hindi ko pa ginalaw ang binigay mo sa akin." Nailing na lang siya saka niya ako muling pinagmasdan sa disappointed na paraan. "Hindi ko alam kung paano ka pinalaki ni Raul. Pero sa nakikita ko ay hindi ka niya napalaki nang maayos. Nilalamon ng pesteng prinsipyo ninyo ang utak ninyo. Hindi iyan makakabuti sayo. Matutulad ka lang sa ama mo. Mahina at walang diskarte sa buhay." Napayuko na lang ako. Gusto ko pa rin salungatin ang baluktot na pananaw ni mama sa buhay pero alam ko na hindi rin naman niya marerealize ang punto ko. Nabulag na siya ng pagnanasa sa magaan at marangyang buhay. Hindi ko rin naman siya masisisi dahil kahit ako ay nakita ko noon kung paano siya nagdusa sa hirap ng buhay. Naglakad na si mama patungo sa sofa. Hindi man lang niya ginalaw ang kape na iniabot ko sa kanya. Inilapag lang niya iyon sa mesa. Dinampot na niya ang bag niya saka siya muling humarap sa akin. "Hindi na ako magtatagal. Dumaan lang talaga ako para kumustahin ang lagay mo." sabi niya sa mahinahon nang tinig. Nakita ko rin ang paglambot ng anyo niya habang nakatitig siya sa malungkot na anyo ko. Naglakad siya muli palapit sa akin saka niya ako niyakap ng mahigpit. Nanatili naman ako na nakatayo at pinigilan ko ang sarili ko na yakapin din siya pabalik. Napadako pa ang tingin ko sa pintuan ng silid ni Red. Nakita ko na nakasilip siya doon at tahimik na nagmamasid sa amin. Nang kumalas si Mama ay hinalikan niya ako sa pisngi saka siya ngumiti nang may panghihinayang. "Hindi ka man sa akin lumaki pero huwag mo sanang iisipin na hindi kita mahal. Anak kita at walang ina ang hindi magmamahal sa kanyang anak." Hindi ko siya sinagot. Nanatili lamang akong nakatingin sa kanya. Pinipigilan ang mga luha na kanina pa gustong kumawala. "Hindi na ako magtatagal. Baka ma-late ako sa appointment ko. Alagaan mo ang sarili mo. Huwag ka na ulit makikipag-away. Kung may kailangan ka ay tumawag ka kaagad sa akin." sabi niya saka na siya nagmamadaling lumabas ng unit. Pagkasara ng pinto ay siya namang paglabas ni Red mula sa silid niya. Mabilis akong tumalikod sa kanya saka ko pasimpleng pinunasan ang mga namumuong luha sa mga mata ko. Narinig kaya niya ang lahat ng napag-usapan namin ni Mama? "Hindi mo ba ako ipagtitimpla man lang ng kape?" nakangiting tanong niya sa akin nang makalapit na siya at nagtungo sa harapan ko. "Inumin mo na ang nasa likuran mo. Yung kay Mama na lang ang iinumin ko." mabilis kong sagot saka na ako umiwas sa kanya. Tinungo ko ang kape na iniwan ni Mama saka ko iyon hinigop nang nakatalikod kay Red. "Samahan mo naman ako sa grocery. Paubos na ang stocks natin dito." sabi niya nang halos isang minuto na ang lumipas ay hindi pa rin ako gumagalaw mula sa kinatatayuan ko. Marahan akong humarap sa kanya. Hawak ko ang tasa ng kape sa dalawang kamay ko at nakatapat iyon sa may bandang dibdib ko. "Tungkol sa narinig mo na pinag-uusapan namin ni Mama..." "Huwag mo nang isipin iyon. Hindi mahalaga sa akin ang kung ano mang pag-uusapan ninyo ni Aileen." putol niya sa sinasabi ko saka siya ngumiti. Totoong ngiti dahil umabot iyon sa mga mata niya. "Mahalaga lang sa akin ay kung ano ang samahan na meron tayo, Gael. Pero sana ay huwag mong mamasamain kung hindi ko talaga magawang tanggapin ang nanay mo sa buhay ko." "Hindi mahalaga sa akin kung tatanggapin mo ba o hindi si Mama. Choice mo yun. Hindi ko hawak ang isip mo." sagot ko. Kahit papaano ay nakadama ako ng relief dahil sa kabila ng mga narinig niya kanina ay nakikita ko na good mood pa rin siya. Nang maubos ko na ang kape ko ay nagtungo na ako sa sink uoang hugasan ang tasa. Sakto pa lang na nabubuksan ko ang gripo ay bigla na lamang lumapit sa akin si Red. Hinuli ng mga palad niya ang kamay ko na may hawak na tasa. Napalingon ako sa kanya at sa akin din pala siya nakatingin. Halos maamoy ko na ang mabangong hinibga niya dahil napakalapit na pala niya sa akin. Bumuka ang mga labi niya at nakita ko na dumako ang mga mata niya sa labi ko. Nararamdaman ko ang pagdaloy ng tubig mula sa gripo patungo sa kamay ko. Hanggang sa maramdaman ko na lang na nakuha na ni Red ang tasa mula sa kamay ko. "Trabaho ko ang mga hugasin diba?" sabi niya na sinabayan ng pilyong ngiti. Nakadama na ako ng pagkailang kaya marahan ko nang inilayo ang sarili ko sa kanya Dahil linggo at walang pasok ay sinamahan ko sa pamimili si Red sa pinakamalapit na mall. Hapon na kami nakaalis dahil umalis si Red nang umaga. First time din namin lumabas nang magkasama na hindi sa school ang pinuntahan. At aaminin ko na sa buong durasyon na nasa mall kami ay hindi ko nakita sa kanya ang maangas at mayabang na Red na unang nakilala ko. Para sa akin ay ibang tao ang kasama ko sa mga sandaling ito. Makulit, masayahin at maharot. Katulad din noon ay para pa rin siyang bata kung umasta pero sa pagkakataon na ito ay hindi na ako naiinis sa mga childish acts niya. Hindi muna kaagad kami namili ng mga groceries. Nag-ikot muna kami sa loob ng mall. First time ko rin mamasyal mula nang dumating ako dito sa Maynila. Nagagandahan ako sa mall na pinuntahan namin. Kakaiba sa mga mall na napuntahan ko na noon sa probinsiya. Doon na rin kami naghapunan sa mall na iyon. Gusto ni Red ay sa isang mamahaling restaurant pero nagpilit ako na sa mumurahing food chain na lang. Natatawa naman siya na nagparaya sa gusto ko. Hindi rin niya hinayaan na magbayad ako ng kinain ko. "Hayaan mo na ako ang gumastos ng pagkain natin ngayon. Isa pa ay ako naman ang nagyaya na lumabas tayo." sabi niya. Hinayaan ko na siya dahil sa totoo lang ay wala na rin naman talagang matitira sa akin kung magpipilit pa ako. Plano ko na bumawi na lang sa kanya sa susunod. Kapag nakahanap na ako ng trabaho. "Bakit hindi mo ginalaw ang pera na binigay sayo ng nanay mo?" bigla ay tanong niya habang nasa kalagitnaan kami ng pagkain. Natigil naman ako sa pagtusok ng manok na kinakain ko. Napaangat ako ng tingin kay Red. Balewala lang sa kanya ang sinabi niya. Ganado pa rin niyang nilalantakan ang pagkain niya. Nang mapagtanto niya na hindi ko siya sinasagot makalipas ang ilang sandali ay sumulyap na rin siya sa akin. "Bakit?" tanong niya. "Hindi kasi ako kumportable sa ganyang uri ng topic." sinserong sagot ko. "Saka hindi naman ako obligasyon ng tatay mo para gastahin ko ang pera niya." Napailing naman siya. Tila ba hindi siya pabor sa sinabi ko. "Gamitin mo ang perang ibinibigay ni Aileen sayo. Hindi mo naman basta gagamitin iyon sa walang katuturan na bagay. Gagamitin mo iyon para sa sarili mo. Para makapag-aral ka nang maayos sa university na pinapasukan natin." "Huwag na nating pag-usapan pa ang tungkol sa bagay na iyan. Masaya na ako na nakapag-aral pa rin ako kahit papano. Sapat na sa akin na pinatuloy ako ni Mr.Serrano sa condo niya." Si Red naman ang natigil sa pagkain. Tumingin siya sa akin sa seryosong anyo. "Hindi pag-aari ni Daddy ang unit na tinutuluyan natin. Sa akin nakapangalan iyon. Binili ko gamit ang perang iniwan sa akin ng Mother ko." Napatanga naman ako sa narinig ko. "Paano ka napapayag ng Daddy mo na doon ako tumuloy sa unit mo?" usisa ko. "Hindi mo kilala ang Dad ko. He can manipulate everything. Sa totoo lang ay hindi naman ako pumayag na doon ka tumira sa unit ko. Wala na lang akong nagawa dahil kahit tumanggi ako ay gusto pa rin naman niya ang susundin niya. Hindi totoo na hindi afford ni Dad na bilhan ka ng sarili mong unit. Sinadya talaga niya na pagsamahin tayong dalawa upang patunayan sa akin na palagi lang akong nasa ilalim niya." "I'm sorry." sinserong sabi ko sa kanya. "Hindi ko rin naman ginusto na guluhin ang buhay mo. Kaya ka ba nagalit nung nalaman mo na ako ang anak ni Aileen?" "Hindi ako galit sayo, Gael. Huwag mo ring iisipin na nagtagumpay si Dad dahil napagsama niya tayong dalawa. Alam mo kahit minsan may saltik ka rin. Nagpapasalamat ako at ikaw ang naging anak ni Aileen. Gusto kita dahil nasasakyan mo ang ugali ko. Patawarin mo ako kung nagiging gago ako minsan." sincere na sabi niya saka na niya ininom ang iced tea niya. Hindi ko na alam kung ano ang isasagot sa kanya. Ewan ko ba. Kapag si Red na ang kausap ko ay nauubusan ako ng isasagot. Hindi ko rin kasi inaasahan ang mga sinasabi niya. Pero ngayon ay mas lumalalim na ang pagkakakilala ko sa kanya. Sa palagay ko ang totoong Red ay ang taong kasama ko ngayon. Hindi ang mayabang na lalaki na nakilala ko nung unang araw pa lang ng klase. Palabas na kami ng food chain na kinainan namin nang hatakin ako ni Red patungo sa mga sinehan. "Samahan mo ako. Matagal ko nang inabangan ang movie na ito. Kaya lang ay wala akong kasama na manood." sabi niya. First time ko rin makapasok sa loob ng sinehan. Hindi naman kasi kami mahilig magtungo sa mga mall. Minsan lang ako makapunta ng mall noon. Madalas ay nakikinood lang ako ng mga movies sa bahay nina Kevin kapag sinuwerte na pinayagan ako ni Tatay. Bukod sa hindi kaya ng budget ko ay nasasayangan ako sa ibabayad ko. Naninibago pa ako dahil napakadilim sa loob. Nang mapansin ni Red ang paghinto ko ay hinatak niya ako saka niya ako inakbayan. Sabay kaming umakyat sa hagdan. Nararamdaman ko ang kakaibang init na nanggagaling sa katawan niya na tumatagos sa mga tela na suot namin. Kakaibang init na pumapaso sa kakaibang pakiramdam na nagsisimulang umusbong sa damdamin ko. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD