Agad kong nilapitan si Sarmiento pero hindi ko pa nagagawa ay nandoon na sina kuya. Panay ang paghingi niya ng sorry dahil sa pagkakabasag ng isang basong iniinuman niya. Nakangiti lang si Mame sa kaniya at tinatapik ang braso upang sabihing ayos lang. Napapakamot na lang siya sa batok niya habang sumusulyap sa akin. Nginitian ko lang siya at hindi na muna nilapitan. Tinignan ko lang ang bawat ginagawa niya hanggang sa pumunta siya ng kusina at siya na ang nagpunas noong natapon. Tinatawanan pa nga siya ni Kuya Max sa hindi malamang dahilan. Napakaloko-loko talaga ng kuya kong iyon! "Sino siya?" Napapitlag ako nang may magsalita sa likuran ko. Pagtingin ko, si Freidrich pala. Hindi ko tuloy alam kung ano ang gagawin ko. Bigla akong nailang at higit sa lahat ay kinabahan sa tanong niya.

