NABIBIGLA parin kami sa aming mga naririnig tungkol sa mga rebelasyon ni Lila, hindi kami makapaniwala na magagawa niyang sabihin ang lahat ng ito na kalmado lang at wala man lang panginginig ng boses mula sa kanyang tono ng pananalita.
Tila kaswal lang ang pagkakasabi nito tungkol sa kanyang pangitain at wala man lang bahid na pag-aalinlangan kung paano niya ilahad ang lahat ng bagay na kanyang nalaman. Ni hindi mo makikitaan ng takot sa mga mata nito at maging sa reaksyon ng mukha nito na blanko lang, sanay na siguro ito sa lahat ng mga nakikita niya at sa mga masasamang pangitain na ipinapakita sa kaniya.
“Hindi ka ba natatakot?” saad ni Steven sa isang gilid.
“Lahat naman siguro ng tao ay takot mamatay, sadyang ayaw ko lang ipakitang natatakot ako” sagot nito sa naging tanong sa kaniya.
Tumayo si Lila at ibinalik sa may-ari ang camera, umupo din ito pagkatapos.
“Pwede ko bang malaman kung paano ako mamamatay?” muling tanong ni Steven kay Lila.
Niliko ni Lila ng marahan ang kanyang leeg at nilingon ang lalaking nagbigay sa kanya ng tanong, napalunok ng malalim si Steven nang makita ang itsura ng bagong kasapi, humarang ang ilang mahabang buhok nito sa kanyang mukha.
“Aakalain ng iba na nagpakamatay ka, mula sa pangatlong palapag ng building na ‘to ay mahuhulog ka at babagsak sa lupa” nakita ko ang pamumutla ng mukha ni Steven sa kanyang narinig, maging ako ay nabigla at nakaramdam ng kaunting takot.
Nabalutan ng katahimikan sa bawat sulok ng silid, walang nais magsalita, maging si Frederick ay natulala lang at parang bumagal ang takbo ng utak dahil sa mga narinig, sa tagal na namin nagsasagawa ng pagpupulong ngayon lang kami nakaramdam ng ganitong presensiya sa loob ng silid. Hindi mapagkakaila na may kakaiba talaga kay Lila na sadyang paniniwalaan mo ang lahat ng sinasabi niya dahil palagi itong seryoso magsalita.
“H’wag muna natin alamin ang tungkol sa pangitain o kung paano ni Lila nakita ang kamatayan ng bawat isa, maging ako ay hindi pa naman din buo ang tiwala sa kanya, marami pa siyang dapat munang patunayan sa grupo” pag-iiba nito ng usapan na saad ni pinuno.
“Alam kong nabibigla kayo pero gusto kong sumugal tungkol sa mga pangitain niya, tatlong taon na natin binubuhos ang oras sa paghahanap ng sagot tungkol sa namatay na si Mr. Cardino, gusto ko na bago tayo magtapos o lisanin ang naging pangalawa nating tahanan ay matapos natin at maisara ang kaso ni Mr. Cardino”
Nagkasundo kaming lahat pagkatapos ng pagpupulong na magtutulong-tulong kami na malaman ang pagkamatay ni Mr. Cardino at tapusin ang kaso niya sa mas lalong madaling panahon kahit na ‘di umano’y may kapalit ang lahat sa aming matutuklasan. Ipinaliwanag sa amin ni Lila kung paano niya kami matutulungan, kailangan lang niya ay makapasok ng faculty at mahawakan ang ilang bagay roon kung sakaling nagkaroon ng koneksyon si Mr. Cardino bago ito namatay.
Ang pagkakasabi niya at pagkakapaliwanag ay maaaring humawak siya sa mga mesa at upuan, o ‘di kaya mga gamit na palamuti doon bago ito bawian ng buhay, ito raw ang magsisilbing koneksyon niya para makapunta sa kabilang mundo. Ngunit hindi daw iyon magiging p madali dahil kapag nalaman ng mga kaluluwa dito sa Matatag National High School ang kakayahan niyang makita sila ay hindi na raw titigil ang mga ito para gambalain siya.
Napagbotohan naming lahat na maglalaro kami ng ouija board para makausap ang kaluluwa ni Mr. Cardino ngunit malaki raw ang tiyansa na libu-libong kaluluwa ang magbabalat-kayo para lang makalabas at makapasok dito sa mundo ng mga tao kaya kailangan ng mabuting pag-iingat.
Mahigpit ang habilin sa amin ni Lila na kahit anong mangyari ay kailangan matapos namin ang paglalaro ng ouija board at kung hindi ay posibleng malagay sa panganib ang aming mga buhay.
“Sigurado na ba tayong maglalaro ng ouija board? Hindi ba maraming cases na tungkol doon na hindi na naging maganda ang kinalabasan pagkatapos nilang maglaro ng bagay na ‘yon?” nag-aalinlangan na sabi ni Steven habang kasalukuyan kaming naglalakad sa pasilyo pabalik sa aming kaniya-kaniyang silid.
Marami nga akong naresearch tungkol sa internet sa bagay na ‘yon, may mga ilang cases nga na pagkatapos nilang maglaro ng ouija board ay natagpuan nalang silang patay sa loob ng kwarto nila. May mga ilan na napatay pa ang buong pamilya dahil wala raw sila sarili ng pinatay ng mga ito ang kaniyang magulang, kapatid at anak.
“Sumang-ayon ka din naman kanina tapos ngayon magrereklamo ka” bwelta sa kanya ni Maximo.
“Ngayon ko lang kase napagtanto na delikado pala ang gagawin natin, malaki din ang takot ko dahil may weird tayong bagong recruit. Sa totoo lang natakot ako kanina, iyon ang unang beses na maramdaman ko ‘yon, mahilig akong magbasa ng horror stories at halos buong buhay ko wala kong ginawa kundi manood ng mga horror movies pero kahit kailan hindi ako natakot nang gano’n kumpara sa kung ano ang naramdaman ko kanina nung sinabi ni Lila kung paano raw niya kong nakitang mamatay” napatingin nalang kami kay Steve na napakusot ng mga mata.
“Parehas tayo ng naramdaman tungkol kay Lila, sa kanya lang ako kinilabutan ng ganito, nakatingin ako sa kaniya kanina pero hindi mo man lang siya makikitaan ng kahit na anong emosyon. Bukod kay August—“ nasa likod lang pala namin ito at sumasabay din sa amin sa paglalakad napatigil tuloy si Gino dahil doon.
“Nandiyan ka pala, August” sabi ko na tumigil sa paglakad para makasabay sa paglalakad sa kanya.
“Parang hindi maganda ang kutob ko sa gagawin natin bukas pero dahil sumang-ayon ang mas nakakarami mas mabuting tanggapin ko na lang ‘yon at ‘di na mag-isip na kahit ano” saad ni August napatingin nalang ako sa kanya at sabay baling ng tingin sa daan.
Pagkabalik namin sa aming kanya-kanyang silid ay nakita kong nakatayo at nakatingin sa akin si Lila sa tapat ng pinto ng silid namin, napakusot ako ng aking mata at napapikit ako ng dalawang beses kung tama ba ang nakikita ko. Nandoon nga ang bagong kasapi ng aming samahan at tila hinihintay ako roon.
“Bakit nandito ka Lila?” bungad na tanong ko sa kanya.
“Pwede ba tayong magkita mamaya sa tapat ng library?” tanong ang nakuha kong sagot mula sa kanya.
“O, sige, pagtapos ng klase magkita tayo” saad ko na parang medyo may pag-aalinlangan sa tono ng pananalita.
“Salamat,” sabi nito sabay talikod at iniwan akong nakatayo habang pinapanood siyang makalayo at mawala sa paningin ko.
Napaisip tuloy ako kung ano ang sasabihin nito sa akin? Napakamot ako ng ulo dahil walang ideyang pumapasok sa isipan ko kung bakit niya naisipan na makipagkita sa akin? At bakit naman ako ang napili niyang kausapin sa lahat ng kasapi ng samahan?
Habang nagkaklase ay sobra tuloy ang pagkainip ko dahil sa kuryosidad na malaman kung ano ang sasabihin sa akin ni Lila, hindi ako mapakali at panay ang pag-iisip nang rason kung ano ang maaari nitong pag-usapan namin. Mabuti nalang ay wala ang guro namin sa last subject kaya agad ko siyang tinext gamit ang numero na nakalagay sa aming secret website, naubos tuloy ang data ko dahil doon.
Pagkababa ko ay mabilis na hinanap ng mga mata ko ang lugar papuntang library, napasingkit ako ng mata para tanawin kung nandoon siya sa tapat ng nasabi namin tagpuan, naulinagan ko siyang nakatayo doon. Mapapansin mo siya agad dahil sa mahaba nitong buhok na sumasayaw dahil sa ihip ng hangin, nang makalapit ako sa kanya at mailinagan ang paglapit ko ay kumaway ito.
“Mabuti hindi ka nagdalawang isip na makipagkita sa akin” panimula nito.
Umiling-iling ako.
“Bakit naman ako magdadalawang-isip?” saad ko.
“Hindi kase ako mukhang normal gaya ng iba, marami akong nakikita na hindi nakikita ng iba. Ang akala ko matatakot ka sa akin gaya ng naging kaibigan ko dati” napansin ko ang naging malungkot na ekspresyon ng mukha nito matapos itong magtapat tungkol sa dati niyang kaibigan.
Naglakad siya at sinabayan ko naman siya.
“Dati mong kaibigan?” tanong kong sabi.
“Nagkaroon kase ako ng dati kong kaibigan sa dati kong paaralan pero simula nang malaman niya kung paano siya mamamatay ay sinumulan na niya kong layuan. Bigla kaseng lumabas ang pangitain nito tungkol sa kung ano ang ikamamatay niya habang nag-uusap kami, ang akala ko naman ay tanggap na niya ang kakayahan ko pero hindi pa pala”
Tumigil kami sa paglalakad at pumasok sa isang building dito sa aming campus, naglakad kami at umupo sa isang hagdanan doon. Wala naman akong ideya kung bakit kami nandito at bakit niya ako dinala dito.
“Bakit nga pala napunta tayo dito? Ang akala ko papasok tayo ng library para doon ay makapag-usap tayo nang maayos at nang tahimik” saad ko habang tumitingin sa mga kapwa ko mag-aaral na dumadaan sa hagdanan.
“Kung nasaan tayo nakaupo ngayon, kung nasaan tayong building, dito lumabas ang pangitain ko tungkol sa’yo, hindi ko alam kung bakit ganoon nalang ang pagmamadali at takot mo, nagawa mo pang lumingon hanggang sa maaksidente kang nahulog sa hagdan na ito”
Napatingin nalang ako sa mga baitang ng hagdan matapos niyang sabihin ang tungkol sa pangitain na nakita niya, wala naman maingay sa buong paligid pero sobrang ingay ang naririnig ko, nanggagaling pala ang ingay na ‘yon mula sa dibdib ko.