Masamang Pangitain

882 Words
Isang buwan ang nakalipas pagkatapos mamatay ng aming dating guro ay parang bumabalik na ulit sa karaniwan ang lahat. May mga kuwento-kuwento pa rin tungkol sa pagkamatay niya pero hindi na ganoon kadalas pag-usapan. Unti-unting nakakalimutan na nang lahat ang malagim na pangyayaring iyon sa bawat paglipas ng araw. Iyon din naman ang gusto ng aming paaralan. Nakakasira kasi ng imahe at dangal ang nangyaring insidenteng iyon, kaya dahil doon ay naghihigpit tuloy ang mga guwardiya sa mga pumapasok at lumalabas. Ang resulta nang paghihigpit ay sa amin ang dusa na mga estudyanteng nag-aaral sa Matatag National High School. Hinding-hindi nakakapasok ang mga nakalimot at nakaiwan ng i.d., isa iyon sa mga pinakamahalagang bagay na dapat mong ipakita bago ka makapasok. Masinop naman ako sa aking gamit, ang kaso nga lang ay may mga ilan na kapwa ko estudyante na talagang likas na makakalimutin at ‘di maagap sa gamit. Kagaya ni Alexa na kinakausap ang aming guwardiya ngayon na pahintulutan siya na papasukin para makag-request siya ng bagong i.d., nawala niya kasi ito. “Manong Guard, papasukin niyo na po ako para makapunta ako sa Guidance Office. Tatlong araw na akong nakaliban sa klase, wala po ba kayong awa?” balisa at pakiusap nitong sabi. Halata ang pangangatal at pagbabarag ng boses ng aking kaibigan, kahapon pa kasi siya nakikiusap dito ngunit may pagkabato talaga ang puso nito. “Kapag hindi mo pa ko pinagbigyan talagang magwawala ako at mag-e-eskandalo sa labas ng tarangkahan na ‘to,” babala niya na mababakas sa mga mata nito ang pagiging desperado at pagod. Ngunit, hindi iyon pinansin ng guwardiya na nakaupo lang sa plastic na upuan habang naka-krus ang mga paa. Tila wala lang itong naririnig at abala lang sa diyaryo na binabasa niya. Akmang tatayo na ako sa aking kinauupuan sa tatlong palapag na waiting shed dahil nakita ko ang biglang pagbuhos ng tubig sa mga mata ni Alexa. Isang malakas na iyak ang binitawan nito, nagulat ang lalaking bantay at maging ako sa ginawa niya. Ngayon ay nagawa na niyang lingunin at bigyan ng atensyon ang aking kaibigan. Dahil magkatabi lang ang tarangkahan at Guidance Office ay may lumabas na isang guro na nag-alala sa narinig niyang ingay. Marahil, tumagos ang ginawang pag-iyak ng aking kaibigan sa laging nakabukas na pinto ng opisina. “Mang Berto, bakit umiiyak ang estudyanteng iyan?” mahinahon at malumanay na tanong nito sa bantay. Mas lalo pang nilakasan ng aking kaibigan ang kaniyang pag-iyak para mas lalong mapansin nang lumabas na guro. Napabuka lang ng bibig ang guwardiya pero walang nabitawan itong salita, kaya lumapit na lang ang nag-aalalang guro sa aking kaibigan at mahinahon niya itong kinausap. “Bakit ka umiiyak, hija?” hinagod nito ang likod ng aking kaibigan para mapakalma. “Hindi po kasi pinapapasok ng guwardiya para makapag-request po ng i.d., tatlong araw na po kasi akong absent kaya nakikiusap sana ako sa kaniya na kung maaari ay papasukin ako,” napasinghot ito ng sipon at basang-basa ang kamay na ginamit niyang pampunas ng luha. Labis ang tuwang aking naramdaman at sumilay ang ngiti sa labi ko nang yayain ng guro na nagpakilalang Mrs. Sanchez ang aking kaibigan, bumuntot ako sa mga ito. “Ano ang buong pangalan mo, hija?” nakaupo ito sa kaniyang desk, naghihintay ito ng sagot mula sa aking kaibigan. “Alexa Montes po,” magalang naman nitong tugon. Pagkatapos isulat ng guro ang pangalan ng aking kaibigan ay nanghingi ito ng limampung piso para sa i.d.. “Ikaw na bahalang magpalaminate, bumili ng bagong i.d. lace at magpapicture. Sa susunod ingatan mo na ang gamit mo para hindi nawawala, hija,” mahigpit nitong paalala bago iabot ang matagal nang hinihintay ni Alexa. “Opo, maraming salamat po ulit,” masaya nitong sagot. Halos mapatalon kami ng sobrang saya ng aking kaibigan paglabas namin ng Guidance Office. Rumolyo ang mga mata ni Alexa nang magtama sila nang paningin ng guwardiya. Marahil, iniisip siguro nito na dapat hindi na binigyan ng pangalawang pagkakataon ang aking kaibigan. Kung ganito palagi ang magba-bantay sa bawat eskuwelahan ay baka maraming estudyante ang tumigil dahil sa sobrang paghihigpit nito at hindi pagkakaroon ng kahit man lang kaunting konsiderasyon. Dumiretso na kami pumasok sa loob ng silid-aralan, sinalubong kami ni Aurora nang mahigpit na yakap. “Kumusta ka, Alexa?” bungad nitong pangangamusta sa kaniya. “Grabe ang pinagdaan ko makahingi lang ng bagong i.d., hinding-hindi ko na talaga iwawala ang bagay na ‘to,” pangako niya sa kaniyang sarili habang nakatingin dito. “Mabuti naman at pinayagan ka nang makapasok. Si Mang Lito talaga, napakawalang puso, ang akala mo wala siyang anak na nag-aaral din,” nakanguso at nagbibigay simpatiya sa mga pinagdaan ng aming kaibigan. Magkahawak ang kamay ng dalawa na tuluyan nang umupo sa kanilang mga bakanteng upuan. Magkatabi naman ito ng upuan kaya parang anino na lang akong iniwan ng dalawa. “Anong kinakamot-kamot mo ng ulo riyan?” sita sa akin ni Frederick, nakatayo pala ako sa gitna ng pisara. “Masama bang magkamot ng ulo?” sarkastiko kong sagot. Natawa na lang kaming dalawa, tinalikuran ko siya at dumiresto sa aking bakanteng upuan. Inilipag ko ang sukbit kong bag sa sahig at kumuha muna ng aking kwaderno para sa subject namin ngayong araw bago ito isara.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD