Simula

1616 Words
"Bakit?!" ang madamdaming tanong ni Shaun sa kasintahang kausap. Basag ang tinig niyang iyon. Bakas rin sa kanyang dalawang mga mata ang pamamaga marahil ay dahil sa kaiiyak. Labis na nadurog ang  puso ng lalaki dahil sa mga salitang binitawan ng kaniyang  kabiyak na si Agnes. Hindi niya lubos akalain na aabot ang babae sa punto na makipaghiwalay na sa kanya gayong mahal na mahal niya ito. "Ayaw ko na, Shaun..," ang saad ng kabiyak sa pagitan ng mga hikbi nito. "Napapagod na akong mahalin ka. Pakiusap, huwag mo na akong pahirapan pa. Gusto kong sumaya. Patawad, ngunit ang kaligayahan na hinahanap ko ay hindi ko natagpuan sa katauhan mo." "Pero, Agnes, minahal naman kita! Kung tutuusin ay mas minahal pa kita kaysa sa aking sarili! " napasabunot ng buhok ang lalaki. Bakas sa tumutulong mga mata nito ang matinding frustration. Sadyang mahal lang talaga niya si Agnes kaya lubos ang kaniyang pagpipigil na huwag siyang iwan nito. "'Di ko kayang mawala ka. Bigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataon. Dodoblehin ko pa ang paraan ng pagmamahal na ipapadama ko sa iyo.” "Buo na ang desisyon ko!" matatag na umiling si Agnes, ni hindi maramdaman ni Shaun ang pag-alinlangan sa tinig nito. "Ayaw ko na Shaun. Sana hayaan mo na lang ako sa gagawin kong ito. Hanggang dito na lang." Ang mga luhang kanina pa sa pagpatak ay domoble pa sa pag- uunahan na ngayon ay marahas na  naglandas paibaba sa maamong mukha ng lalaki. Hindi niya matanggap na ang babaeng minamahal niya ng lubos ay tuluyang mawawala sa kanya. Saksi ang Diyos kung paano niya ito minahal. Sa loob ng limang taong magkasintahan, isinama na rin niya ang babae sa mga pangarap niya dahilan para madurog ang kaniyang puso ng husto. "Masaya ka ba kung wala ako?" garalgal na tanong ni Shaun. Naroon ang pait sa kanyang mga mata, umaasang bawiin muli ng kasintahan ang pagpapasya nito. Kasabay ng marahang pagtango ng kaharap, ang unti-unti ring paglalim ng hiwa sa kanyang dibdib. "Sige…, kung ‘yan ang gusto mo. Sino ba naman ako para hadlangan ang kaligayahan mo?" ang sabi ni Shaun sa huli. Bagamat nasasaktan ngunit sa sandaling iyon, kailangan niyang tanggapin ang katotohanan na ang lahat ng kaniyang mga pangarap kasama ang babae ay harap harapang nawasak sa mismong harapan niya. "Malaya ka na, Agnes," ang pumipiyok niyang pagpatuloy, sabay pahid ng mga luhang patuloy na bumubutil sa kanyang mga mata. Tinapik ni Agnes ang kanyang balikat. Bagamat lumuha rin ang babae, ngunit masaya itong nakangiti. Sa huling pagkakataon ay niyakap siya nito ng mahigpit. " Salamat.., Shaun, hangad kong makakakita ka pa ng ibang babae na mas higit pa kay sa sa akin. Paalam," sabay kalas sa yakapang iyon saka  walang lingong lumakad na palayo. Palayo na ng palayo ang babae hanggang sa ‘di na ito nasilayan pa ni Shaun, na naiwan sa kinatatayuan. Hilam sa mga luha ang kaniyang mga mata. Ang kaniyang nga kamay ay nakayapos sa sarili. Nang hindi na niya nakita pa si Agnes, saka naman napahagulhol ng malakas ang lalaki, sabay sambit sa pangalan ng minamahal. "BOSS, NANDITO na tayo,” isang marahang pagtapik sa balikat ang gumising kay Shaun mula sa mahimbing na pagkatulog.  Papungas pungas niyang  kinukusot ang mga mata, bago niya nakita ang mukha ng konduktor ng bus na nakatayo sa kanyang harapan sa sandaling iyon. Mahaba ang biyahe, kaya dahil sa pagod ay 'di niya namalayan na nakatulog na pala siya. Sa mga nagdaang araw, ang pagtulog lang ang tanging paraan ni Shaun upang matakasan ang sakit na  patuloy nanagpapaluha sa kanya. Mahigit apat na oras ang kanyang biyahe patungong terminal ng Sindangan. Karatig ng lungsod ay ang Siayan, kung saan naroon ang baranggay Polayo. Sa liblib na baryo na iyon naninirahan ang kaniyang Lola Virgie. Sa lugar na ito niya napagpasyahang  magbakasyon ngayong summer, dahil sa kagustuhang sandaling makalimutan ang kasintahan. Naisip niya na  magpakalayu-layo muna nang sa gayon ay maiwasang magtagpo ang kanilang mga landas ng kasintahan. Sandaling inilibot ng binata ang paningin. Nakita niyang siya na lang ang pasaherong naroon sa loob ng bus. Hiyang humingi ng paumanhin ang lalaki, sabay hatak ng mga bagaheng dala, saka tumayo pababa ng naturang bus. Sa kalagitnaan ng maiinit na araw at maalikabok na hindi sementadong kalsada, naglakad ang binata patungong sakayan ng habalhabal o pampasaherong motorsiklo para magpahatid sa malayong baryo na sadya. Sobra ang pangangalay na naramdaman ni Shaun. Masyadong malubak-lubak ang  daanan na tinatahak ng motorsiklong sinasakyan niya sa sandaling iyon. Kung tutuusin, ang makipot na daang tinatahak ay waring daanan rin ng mga kabayong pumanaog patungo sa lungsod ng Sindangan.  "Hinay-hinay lang po, manong… Masyado po yatang mabilis ang inyong pagpapatakbo," ang nababahalang saad ng binata. Mas diniinan niya ang pagkapit sa laylayan ng lumang damit ng driver para huwag mahulog lalo na’t sa bawat gilid ng daan tinatahak nila ngayon ay matatarik na bangin. "Malayu-layo pa ang ating lalakbayin. Hindi dapat ako masapitan ng papalubog na araw sa lugar na babaan mo. Kailangan kong makalagpas pabalik sa hangganan ng teritoryo ng Sindangan bago pa sumapit ang dilim," kinakabahang tugon ng driver. Walang nagawa ang binata na piniling magkibit balikat na lang. Pinilit na lang niyang libangin ang sarili sa mga berdeng tanawin na nasisilayan sa paligid. Unang pagkakataon niyang  dumayo sa lugar na ito. Madalas kasi ang lola Virgie niya lang ang bumibisita sa kanila. Tutol ang kanyang ina noong araw na nagpaalam siya na  pupunta sa baryo ng kaniyang lola ngunit sadyang matigas ang kanyang ulo. Wala siyang ibang lugar na mapupuntahan kaya kahit anong pagpigil ng ina ay hindi siya nagpatinag. Walang nagawa ang ina niya. Matapos ang mahabang pag-uusap sa huli ay napapayag niya rin ito. Ngunit, laging naglalaro sa isipan ng lalaki ang maraming babala na ipinabaon sa kaniya ng ina bago umalis. Mahigpit na ibinilin nito ang hindi paglabas pagsapit ng dilim. Labis nga rin ang kanyang pagtataka, nang pinabaunan siya ng ina ng sandamakmak na bawang bago umalis sa kanilang tahanan, ngunit ipinagsawalang bahala lang niya na lang iyon. Unti-unting lumukot ang mukha ni Shaun nang mapansin na sa napakahaba ng kanilang paglalakabay, ni walang mga kabahayan siyang nakikita na kanilang nadaanan. Kung mayroon man, ngunit base sa hitsura ng mga ito, sa tingin niya'y matagal na itong inabanduna. Sa buong paglalakbay ay pawang matatayog lamang na puno ang kanyang nakikita, animoy tumatahak sila sa gitna ng walang hangganang kagubatan. Ilang sandali pa, biglang huminto ang habalhabal na sinasakyan sa gitna ng malubak-lubak na daanan na pinapalibutan ng malalagong d**o at mga talahib. "Bakit po tayo tumigil, manong?" takang tanong niya. "Narito na tayo sa hangganan ng teritoryo ng baryo. Hanggang dito nalang tayo sa labasan, kasi bawal kaming tagalungsod na pumasok riyan. Hindi na makatuloy ang habalhabal ko sa loob," ang namumutlang salaysay ng driver, wari bang may kinakakatakutan. Panay ang paglilikot ng mga mata nito sa kapaligiran, sabay turo sa hindi kalakihang sapa na walang tubig na umaagos, marahil ay dahil sa tagtuyot. Sa kabilang gilid ng sapa ay mayroong makipot na daanan na napupuno ng tuyong dahon. "Tawirin mo ang sapa. Ang daan na iyan sa kabilang pampang ang maghahatid sa iyo patungo sa arko na may nakalagay na pangalan ng baryo. Lakarin mo na lang papasok, at magtanong tanong  ka sa mga taong makasalubong mo sa looban." Napilitang bumaba sa habalhabal ang binata. Sandali niyang sinuyod  ng paningin ang kabuuan ng lugar, ngunit muli wala siyang nakitang kabahayan o kahit isang tao ang naroon sa kapaligiran. Nagtataka man ay umiling na lang si Shaun. "Teka, manong. Baka pwedeng ihatid niyo naman ako kahit doon man lang sa arkong sinasabi ninyo? Mukhang wala naman akong mapagtanungan dito. Huwag po kayong mag-alala, dodoblehin ko na lang ang pamasahe ko sa inyo," ang nababahalang sambit ng binata. "Pagpasensiyan mo na bata, pero napakadelikado ang lugar na ito, lalo na’t papalubog na rin ang araw. Baka pa maabutan ako ng gabi sa daan," hinging paumanhin ng nababalisang driver.  “Teka lang," unti-unting lumaki ang dalawang mga mata ng matanda. Ang mga titig niyang iyon ay puno ng pangamba at pagdududa. "A-aano bang sadya mo diyan sa baryo?” nauutal nitong pahayag? “Bibisitahin ko ang aking lola Virgie.” “Ma-may kapamilya ka diyan?!” gulat na tanong ng driver. Mas lalong nahindik ang may kaedarang lalaki, nang makita ang pagtango ni Shaun. Nagtataka man sa inasal ng kaharap, sa huli walang nagawa si Shaun kundi ibigay na lang  ang pamasahe na mabilis namang tinanggap ng driver sa nanginginig nitong kamay. Mabilis ang mga kilos ng matanda na pinaharurot ng habal habal pabalik sa daang pinanggalingan. Muling napailing si Shaun sa inasal ng taong iyon. Bitbit ang mga bagahi, maingat na tinawid ni Shaun ang sapa na walang tubig na dumadaloy. Buong ingat siyang huwag mapatid ang mga paa sa mga nakausling matutulis na mga bato na nilalakaran. Pagdating niya sa kabilang pampang ay unti-unti niyang inihakbang ang mga paa sa makipot, at maputik na daan. Maputik na daan? Nagsimulang makaramdam si Shaun ng hiwaga sa lugar na kinasasadlakan, ngunit pursigido siyang makapasok sa baryo ng kaniyang lola, ni hindi niya alintana ang mga misteryong nababalot sa lugar. Ang kadiliman ay unti-unting naghari sa kapaligiran nang unti-unting nagtago ang araw. Ang sinag nito ay tuluyan ng nilamon ng mayayabong na mga dahon ng puno na malagong pumupuno sa kabuuan ng lugar. Sa kabila ng malamig na paraan ng pag-ihip ng hangin na unti-unting nanoot sa balat ni Shaun, patuloy ang kanyang paglakbay sa maputik, at madulas na daan. Sa 'di kalayuan ay natanaw na nga niya ang arko na sinasabi ng matanda. Kinakapitan ito ng mga baging, ngunit sapat pa rin ang laki  ng mga letrang tila kinakalawang at nilulumot na nakasulat sa ibabaw ng arko. Napalunok muna siya bago binasa ang mga letrang nakasaad doon. Sa wakas, tapos na ang kaniyang mahabang paglalakbay. Dumating na siya sa... "BARYO POLAYO!" 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD