Chapter 1
LINDSY
Nakapangalumbaba at nakatanaw lamang ako sa malayo habang hinihintay si Rosie, former classmate ko ng college. Kasalukuyan akong nasa coffee shop ng Venice Grand Canal, McKinley Hill dito sa Taguig para katagpuin siya. Dito kasi niya naisip makipagkita dahil saktong may kakilala siyang dadalawin niya sa lugar.
Pinili ko na makipagkita ng hapon para hindi mainit. Sa sobrang init dito sa Pilipinas dahil panahon ng summer ay nagbaon talaga ako ng tumbler na puno ng tubig at may kasamang tube ice. Mahal ang bilihin dito kaya mas mainam na magdala na lang ako ng sarili kong tubig. Heto nga at kahit alas singko na ng hapon ay tirik na tirik pa rin ang araw.
"Girl, kanina ka pa?" bungad na tanong ni Rosie ng dumating.
"Hindi naman," sagot ko.
"Order tayo ng pagkain, treat ko," suhestyon nito.
"Hindi na, Rosie," pigil ko rito ng akmang tatayo para um-order ng pagkain. "Aalis din ako kaagad. Dadalawin ko rin kasi si lola sa Bicutan," dugtong ko.
"Gano'n ba? Hindi ka pa rin nagbabago. Wala ka pa rin hilig lumabas," saad nito.
Natawa ako sa tinuran niya. Tama naman kasi ito. Noong nag-aaral pa kami sa kolehiyo, sa aming magkakaibigan, ako lang ang hindi sumasama sa lakad nila. Mas pinipili ko na lang umuwi sa bahay kaysa ang maglakwatsa. Isa pa, istrikto ang magulang ko kaya hindi ko magawang sumama sa mga lakad nila.
Pero sadya yatang pinanganak akong hindi lakwatserang tao dahil kahit sumakabilang pamilya na ang magulang ko ay nanatili ako sa nakagisnan ko.
"So, ano na nga ang offer mo sa akin?" pag-iiba ko sa usapan.
Tunuwid ito ng upo. "Ang sabi mo ay ayos lang sa 'yo kahit ano'ng trabaho, hindi ba?" naniniguro na tanong niya. "Except ang magsayaw sa patay-sinding ilaw at magbenta ng laman," dugtong niya ng akmang itatama ko ang sinabi niya.
Tumango ako bilang tugon.
"May magaganap na event sa darating na linggo sa Makati. Kailangan nila ng staff. Kulang pa sila ng isa kaya naisip kita. Ang sabi ko ay huwag muna kumuha hanggat hindi kita nakakausap. So, ano? Gusto mo ba?"
"Sige. Tamang-tama, day off ako ng Sunday," mabilis na sang-ayon ko.
"Alam ko. Nabanggit mo na rin kasi sa akin na Linggo ang off mo."
Ngumiti ako. "Ano'ng gagawin?"
"Magse-serve ka lang, girl," sagot niya.
"Sige, go ako. Ibigay mo na lang sa 'kin ang address, pupuntahan ko," sabi ko.
"Okay, then, siguro ay sabihin ko na lang na pumayag ka. Send ko na lang sa 'yo mamaya ang address. Itatanong ko na rin kung ano ang isusuot mo. Anyway, kapag nandoon ka na sa hotel, hanapin mo si Tita Sheryl. Sabihin mo lang na ako ang nag-recommend sa 'yo," litanya nito.
"Salamat, Rosie," nakangiting sabi ko rito.
"Wala iyon. Magkaibigan tayo kaya tutulungan kita. Anyway, after ng event, sama ka na sa amin ng barkada. Miss ka na namin kahit alam namin na iniiwasan mo kami," nagtatampo na sabi nito.
"Alam n'yo naman ang sitwasyon ko, hindi ba?" pagpapaalala ko rito sa sitwasyon ko.
"Oo na. Balitaan mo ako ha," sabi na lamang nito.
Nagkwentuhan muna kami ni Rosie ng ilang minuto pagkatapos ay nagpaalam na ito sa akin.
Nagpakawala ako ng malalim na buntong-hininga ng mag-isa na lang ako. Minsan ay naiinggit din ako sa mga kaibigan ko. Pero naiisip ko, wala akong dapat sayangin na pagkakataon. Kailangan ko mag-ipon para makuha ko na si Lola Ason sa tiyahin ko, kapatid ng papa ko. Hindi ko kasi alam kung inaalagaan ba ito ng maayos.
Minsan ko na kasing naabutan na nag-iisa si lola sa labas ng bahay at nakatingin lamang sa mga tambay na kumakain. Nang tanungin ko ito kung kumain na ba ay hindi ito sumagot, sa halip ay muli lamang tumingin sa mga tambay na kumakain.
Kung dati ay every Sunday lang ang dalaw ko rito dahil iyon lang ang araw na pahinga ko sa massage spa na pinapasukan ko, ngayon ay ginagawa ko ng salitan. Gusto ko makasiguro na inaalagaan ito ng mabuti.
Dumating ang araw ng Linggo. Nandito na ako sa harap ng Golden Crowne Hotel dito sa Makati kung saan gaganapin ang event. Pasado ala sais na ng gabi. Alas otso naman magsisimula ang event kaya maaga pa naman ang dating ko.
Huminga ako ng malalim bago pumasok sa lobby. Lumapit ako sa information desk para itanong kung saan gaganapin ang event. Pinaakyat nila ako sa rooftop ng hotel dahil doon daw ang event. Pagkatapos magpasalamat ay nagmamadali kong tinungo ang elevator. Pinindot ko ang buton paakyat sa rooftop.
Napangiti ako ng marating ko ang rooftop. Hindi ko napigilan ang sarili na mapanganga sa nabungaran ko. Namangha ako sa aking nakikita. Ang classy ng lugar. Napakaaliwalas at ramdam ko ang lamig ng ihip ng hangin kaya niyakap ko ang sarili.
Nagpalinga-linga ako. Nang may dumaan ay nilapitan ko ito para magtanong. "Miss, pwede magtanong? Kilala mo si Ma'am Sheryl?" tanong ko.
Tumango ito bilang tugon. Kapag-daka'y pinasadahan muna ako nito ng tingin mula ulo hanggang paa bago ito tumingin sa gawing kanan. Sinundan ko ang mata nito. May mga nakahilera doon at may babae na nasa harapan ng mga ito na tila binibilinan ang mga staff. Baka iyon ang team leader.
"Puntahan mo na lang 'yong babaeng nakasalamin," sabi nito.
Magpapasalamat sana ako pero tinalikuran na ako nito. Lumapit ako sa babaeng sa tingin ko ay team leader.
"Good evening, ma'am. Kayo po ba si Ma'am Sheryl?"
"Ako nga," tipid na tugon nito. Parang nakakatakot ito kausapin.
"Ako po si Lindsy. Ako po ang ni-recommend ni Rosie," magalang na sabi ko rito.
Katulad ng unang babae na kausap ko kanina ay pinasadahan din ako nito ng tingin.
"Ikaw 'yong kaibigan ni Rosie?" tanong niya.
Tumango ako. Hindi ko na nga iyon binanggit dahil baka isipin ng ibang makakasama ko ay gusto ko ng special treatment dahil kaibigan ko ang nag-rekomenda. Pero dahil binanggit na nito ay wala na akong nagawa kung 'di tumango.
Hindi niya ako sinagot, sa halip ay tinalikuran niya ako. Pagbalik nito ay may dala na itong papel at binigay sa akin.
"Nakalista riyan ang mga a-attend sa party. Salubungin mo sila sa bungad ng pintuan. Bago mo papasukin, hingiin mo muna ang invitation card at hanapin mo kung nariyan ang pangalan nila. Anyway, may kasama ka naman sa entrance kaya no need to worry," paliwanag niya sa akin.
"Sige po, ma'am," sagot ko at tumalikod na.
"Saan ka pupunta?"
Tumigil ako sa paghakbang. Pumihit ako paharap at nagtatanong ang tinging pinukol rito.
"Sa main door po," sagot ko.
"Na gan'yan ang ayos mo?" nakataas ang kilay na tanong niya at muli akong pinasadahan ng tingin. "Isa pa, ano ang sasalubungin mo riyan, hangin?"
Dinig ko ang hagikgikan ng mga nakahilerang staff. Alanganing ngiti na lamang ang binigay ko kay Ma'am Sheryl.
Pasimpleng sinipat ko ang sarili. Nakasuot ako ng white long sleeve at slacks na black. Tenernuhan ko ito ng white sneakers dahil iyon ang sabi ni Rosie na isusuot ng mga staff. Ano naman kaya ang masama sa suot ko?
"Ito po kasi–"
"Hindi ka server, hija. Ikaw ang haharap sa mga guest. You need to be presentable in front of them," nakataas ang kilay na sabi nito.
Napangiwi ako. Ano'ng presentable ang isusuot ko eh, wala naman akong ipapalit sa damit na ito dahil ito na ang suot ko ng pumunta ako rito?
"Wala po kasi akong pamalit, ma'am," nahihiyang sabi ko.
Umiling-iling ito. Mayamaya lang ay nagpalinga-linga ito. Nang makita ang hinahanap ay kumaway ito.
"Jessie!" tawag nito sa babaeng abala sa ginagawang pag-aayos sa sarili.
Lumapit ang tinawag na Jessie. Ngunit ng lumapit ito, saka ko lang napagtanto na hindi pala ito babae.
"Yes, mother." Lalo ko napatunayan iyon ng magsalita ito.
"Pakiayusan naman si Lindsy. May oras ka pa para gawin iyon dahil mamaya pa magsisimula ang party. Pagkatapos mo ayusan, ibigay mo sa kanya ang isusuot niya," utos ni Ma'am Sheryl kay Jessie.
"Sure, mother," pumipilantik ang daliri na sabi nito. "Let's go, girl," maarteng yaya nito sa akin.
Sumunod ako at pinaupo niya ako sa bakanteng upuan at sinimulan ayusan. Ilang minuto lang ang tinagal ng pag-aayos niya sa akin. Nang tapos na niya akong ayusan ay binigay niya ang hawak na damit at isang tila mamahaling paper bag.
"Magbihis ko muna, girl, bago ko ayusin ang buhok mo," utos niya.
Pumasok ako sa banyo at mabilis na nagbihis saka sinuot ang sandals. Hindi ako sanay sa sandals dahil sneakers ang suot namin sa spa pero titiisin ko alang-alang sa trabaho.
Bago ako lumabas ay sinipat ko muna ang sarili sa salamin. Medyo naninibago ako dahil may makeup ako. Parang hindi nga ako naniniwala na ako ang nasa salamin. Kapag nasa spa kasi ako, kilay at lipstick lang ay sapat na.
Lumabas ako ng banyo at binalikan si Jessie.
"Ang ganda mo, girl," puri niya sa akin. Bakas sa mukha ang paghanga nito ng makita ako. Alanganing ngiti na lamang ang binigay ko rito.
Dalawang minuto lang yata niya inayos ang buhok ko. Nakalugay lang ang hanggang siko kong buhok at sinadya niyang kulutin ang dulo. Saka ako nilagyan ng kumikinang na hair clip sa kanang bahagi ng buhok ko. Pagkatapos ay sinamahan na niya ako sa main entrance ng rooftop.
Habang hinihintay ang pagdating ng bisita ay tinuturuan niya ako. Ilang minuto pa ay nag-sidatingan na ang mga bisita. Hindi ko naman maiwasan na mamangha lalo na sa mga babae na pumapasok. Para kasing mga babasaging kristal na dapat mong ingatan.
Naasiwa man ako dahil humaharap ako sa mga mayayaman ay ginawa ko pa rin ng maayos ang tungkulin ko. Umabot din ng ilang minuto ang pagharap ko sa kanila. Manhid na nga yata ang labi ko dahil sa pilit na ngiti sa harap ng mga bisita.
Nang sa tingin ko ay wala ng darating ay nagpaalam ako kay Jessie na pupunta sa banyo dahil kanina pa ako naiihi. Hindi ko na ito hinintay na magsalita dahil tinalikuran ko na ito.
"s**t, girl, bumalik ka dito. Mamaya ka na mag banyo," tawag niya sa akin. Base sa reaksyon niya ay nataranta siya.
"Bakit? Naiihi na ako, eh," sabi ko at salubong ang kilay na marahang lumapit sa kanya.
"Narito na ang VIP guest natin," nandidilat ang mata na sabi nito.
Kasabay niyon ang pagdating ng kalalakihan na nakasuot ng itim na suit. Dalawa sa harap at mayroon pang tatlo sa likuran. Ngunit kung kailan namang malapit na ako kay Jessie ay sumabit ang takong ng sandals ko sa carpet.
Napasinghap at nanlaki ang mata ko. Hindi ko makontrol ang paa ko kaya dire-diretso ako patungo sa parating na dalawang lalaki. Pero dahil hindi nila inaasahan ang mangyayari, kasabay ng pagbibigay ng dalawang lalaki ng daan sa lalaking nasa gitna, sa likuran nila ay ang dinig kong tili ni Jessie.
Hindi naman ako natumba. Sa katunayan nga niyan ay para akong sinalo ng isang pader. Ngunit ng mahimasmasan ako ay saka ko lang napagtanto kung ano ang nangyari.
Halos lumuwa ang mata ko dahil sa gulat. Hindi ko inaasahan ang nangyari dahil lumapat lang naman ang labi ko sa labi ng lalaki na kapuwesto sa gitna. I accidentally kissed the man whose face showed no sign of emotion.
"No. First kiss ko 'to!" naghuhumiyaw na sigaw ng utak ko.