PAGKAPASOK ni Louise sa kaniyang kwarto ay napasapo siya sa kaniyang dibdib. "What happened?! Diyos ko!" Halos malagas na ang buhok sa ginagawang pananabunot sa sarili. Dumadagundong pa rin ang kaniyang dibdib. Hindi siya makapaniwala sa nangyari. Kung bakit nahayaang niyang mahalikan siya ng isang lalaking kanina lang niya nakilala at nakausap. Napahawak siya bigla sa kaniyang mga labi. Nag-init bigla ang kaniyang mga pisngi---"erase! erase! erase!" aniya --- "Aaaaah hayop 'yon ah! Manyak ba siya? Nakakaloka!" Napapasigaw na siya mag-isa. "I like you? ano 'yon?! Hanep sa diga ah! Akala naman niya maniniwala ako 'dun? Hah! Mga lalaki talaga kahit kailan, kahit saan!" Dagliang nagtungo siya sa banyo. Kailangan niyang mag-shower dahil hindi niya maintindihan ang kaniyang nararamdaman. Kinuskos nang mabuti ng sabon ang mga labi na para bang hinalikan siya ng isang may nakakahawang sakit. Tumigil lang siya nang makaramdam ng paghapdi sa kaniyang mga labi.
Pagtuntong sa huling baitang ng hagdanan sa tenth floor, sapo ang dibdib at nilamukos ni Tae-bin ang mga palad sa kaniyang mukha at napabuntong hininga ng malalim. "Whoah!" hingal na sambit nito. Basa ng pawis ang buong katawan at halata ang pagod. Mantakin mo ba namang bagtasin ang sampungg palapag ng hotel na iyon sa pamamagitan ng pag-akyat sa hagdanan para makaiwas lang sa mga tao. Nagpasya na kasi itong maghagdan na lang dahil hindi na niya nahintay na may mabakanteng elevator. Ayaw niyang sumabay sa ibang pasahero dahil bukod sa wala siyang suot na sombrero at shades o kaya jacket na may hoodie para maikubli sana ang kanyang mukha, amoy din ang whiskey na ininom niya kanina. Ayaw niyang mag-iwan ng pangit na impression sa mga taong makakasalamuha niya dahil baka isa sa mga ito ay kilala siya o worst of all ay miyembro ng media.
Agad siyang nagtungo sa banyo para maligo dahil kanina pa siya nakakaramdam ng init sa katawan. Kakaibang init dulot ng simpleng nangyari sa kanila ni 'lobby girl'. "Ahh... Louise... hmmm," usal nito sa sarili habang may kapilyuhan ang kanyang pagngiti.
"Best, tingin mo? Kaya na ba nating buksan ang ibang floors nitong building?" tanong ni Gelai kay Louise habang magana nitong kinakain ang kaniyang pancake na may sangkaterbang maple syrup samantalang halos nakakaisang kagat pa lang si Louise sa kanina pang hawak nito na toasted bread na pinalamanan ng butter at strawberry jam dahil kanina pa ito nakatunghay lang sa kawalan.
Kumakain sila ng agahan. Nasa isang table sa bandang sulok ng restaurant ng hotel sila nakapwesto. Doon sila palaging pumupwesto kapag kumakain dahil kasabay nito ay ang pagmamasid nila sa mga nangyayari sa kanilang hotel & restaurant. Dito din ang nagsisilbing meeting place nila para pag-usapan ang takbo ng kanilang negosyo.
"Uy! Okay ka lang ba?" tanong ni Gelai habang iwinawagayway ang mga kamay nito sa harap ng mukha ni Louise. Kanina pa ito daldal nang daldal sa harap niya pero parang hindi siya nito naririnig "H--aa?! gulat na tumingin pabalik kay Gelai. "Hay naku naman Johanna Louise! Nasa earth ka pa ba?!" tudyo sa kaibigan nang mapansin ang papasok na tatlong makikisig na kalalakihan. "Sina Ginseng oh!" aniya sabay tawa ng mahina dahil sa nasasaksihan nilang senaryo sa kanilang restaurant.
Alas sais y medya pa lang ng umaga ay kinalampag na ni Tae-bin ang katapat na kwarto. Hindi na siya nagpahatid ng breakfast sa Room Boy dahil gusto niyang sa restaurant ng hotel mismo mag-agahan baka sakaling makita niya doon si Louise. Walang nagawa sina Paul at Chen kundi ang yamot na nagbihis at sumunod sa kaniya pasakay ng lift.
Pagbungad pa lang nila sa entrada ng restaurant ay nasilayan na niya agad si Louise at ang kasama rin nito kagabi. Kagyat siyang napangiti pero hindi niya ito masyadong ipinahalata. Nakita niyang bakante ang katapat na lamesa kung saan nakapwesto sina Louise kaya naisip na niyang doon niya yayayain ang mga kasama na maupo. Cool na cool lang siyang naglakad papasok ng bulwagan. Sa outfit niya na navy blue trousers na tinernohan ng plain white cotton shirt at low cut white canvass shoes, hindi maiwasang makaagaw ng pansin sa mga kababaihang naroon din na hindi na mailingid ang pagkakilig. Lalo pang nagpaangat sa kaniyang kagwapuhan ang suot na white baseball cap at shades bunsod upang ang iba ay mapaawang ang mga labi unconciously habang sinusundan siya ng tingin. May lumapit na mga babae at nag-request ng picture kasama siya at magiliw naman niyang pinagbigyan ang mga ito. Ito pa mismo ang humawak ng mga cellphone at nag-selfie kasama sila.
"Ayos ah! Parang celebrity lang. Abah! at may pa-selfie pa ha!" natatawang saad ni Gelai sa natawa na ring si Louise habang parehong nakatingin sa kumpol ng mga babae na 'di-magkamayaw at halos mapunit na ang mga labi sa lapad ng pagkakangiti habang nagpapa-picture sa isa sa tatlong lalaki na kapapasok lamang. "Ma'am, celebrity po talaga siya...Korean celebrity po," anang isang waitress nila na katatapos lang ilapag sa mesa nila ang kanilang juice at brewed coffee. "Ah talaga?" maang ni Gelai na hindi makapaniwala. Si Louise naman ay nawala ang pagkakangiti sa mga labi at balisa at biglang naging maligalig sa kinauupuan nito.
"Okay! Okay, girls, that's enough. Let him have his breakfast first so he won't look hideous on your selfies with him," ang pag-agaw-pansin ni Paul sabay kumpas at dalawang palakpak sa mga babae na animong ayaw nang pakalawan si Tae-bin at ayaw paawat sa pagpapa-picture sa kaniya. Dumiretso na sila sa buffet table at pagkatapos kumuha ng ilang prutas, bacon, hotdog at isang loaf bread ay agad na tinungo ni Tae-bin ang katapat na table nina Louise at Gelai.
Nang nagsipagpulasan ang mga babae sa kanilang harapan ay agad na sinipat si Tae-bin ang kinaroroonang lamesa nina Louise. Nahuli nitong nakatingin rin pala ito sa kanilang dako at nagpanagpo ang kanilang tingin. Ngumisi ito nang mapansing tila biglang nabalisa si Louise sa kaniyang kinauupuan kaya. Unang bumawi ng tingin si Louise sa ilang segundo rin nilang pagkakahinang. Hindi pa man din niya nailalapag ang kaniyang plato ay narinig na niyang nagpaalam si Louise sa kasama.
"Best, alis na ako. Baka ma-late ako sa presentation ko," saad ni Louise habang mabilis na dinadampot sa lamesa ang mga libro at notebook na isinisilid sa loob ng backpack niya. "Ikaw na muna ang bahala dito," pagpapatuloy niya at kinuha ang tasa ng kape at dagliang hinigop ito nang biglang... "Boss, mai--" hindi na naituloy ng waitress ang sasabihin dahil mabilis na dinampot ni Louise ang tasa ng mainit na kape at agad itong nilagok. Sa sobrang init ay ramdam niya ang pagkapaso ng kaniyang dila pero hindi na niya ito alintana. Nagulat na lang sina Gelai at ang waitress nang agad din nitong naibuga sa sobrang init. Mabilis na sumibat ito palabas ng restaurant at naiwang may pagtataka sa mukha si Gelai samantalang natigilan naman sa pagkakatayo ang waitress habang bahagyang napanganga pa ito. "Ang weird!" ang tanging naisambulat na lang ni Gelai.
Natigilang kunot ang noo ni Tae-bin sa naging kaganapan sa kabilang lamesa nila. Pagkalapit niya kasi sa kanilang mesa at ay nakita niyang nagligpit agad ng gamit si Louise at mabilis na nagpaalam sa kasama. Pero higit na natigilan siya nang nakita niyang higupin nito ang sobrang init na kape. Maging siya man ay aawatin din sana niya ito pero mabilis ang paghigop na ginawa ni Louise. Huli na. Napailing na lang siya sa tinuran ni Louise. Batid niyang napaso ito dahil hindi nakaligtas sa kaniyang mapanuring mata ang namulang pisngi at mata ni Louise. Halos maluha luha ito habang mabilis na naglalakad palabas ng restaurant. "Is she avoiding me? Hmmm," naibulalas na lang nito sa sarili.
"Ouch!" mangiyak ngiyak na sambit ni Louise, sapo ang kaniyang napasong dila. Buti na lang hindi masyadong napuruhan. Nasa loob na siya ng kaniyang kotse na nakaparada sa basement parking ng hotel. "Nakakainis! Ano bang problema ng lalaking iyon? Ang dami namang bakanteng pwesto doon pa talaga sa malapit sa amin. Para namang nananadya!" gigil pa nito habang mahigpit na nakakapit sa kaniyang manibela. Pansamantala muna siyang tumahimik at kinalma ang sarili bago niya tuluyang pinasibad ang kaniyang kotse. Ngayon ang final presentation niya para sa kaniyang thesis.