Prologue: Broken, Until I Met Him
Naranasan niyo na bang magmahal at hindi piliin? Ang sakit, 'di ba? Na sa dinami-rami ng tao sa buong mundo, minsan mapapaisip ka na lang kung bakit sa kanya ka pa nahulog.
Bakit sa isang halimaw pa? Na walang awa kung manakit? Na akala niya siguro ay okay lang kung paulit-ulit niya akong saktan. Na siguro akala niya wala akong pakiramdam. Ang sakit-sakit...
From: Steven
Alam kong galit ka pa rin dahil sa nangyari pero maniwala ka man o hindi, natakot lang ako. Hindi ko sinasadyang masaktan ka. Please, sagutin mo naman ang text ko o tumawag ka sa akin kapag nabasa mo 'to.
"Ngek-ngek mo!" Bwisit na sigaw ko sa harapan ng screen nang makita ang text ni Steven. "Tingnan niyo! Akala niya ba aso ako? Na kahit saktan niya nang paulit-ulit ay babalik pa rin ako sa kanya? Tanga ba ko?!" Nahihilo kong sigaw sa harapan ng mga kainuman ko.
"Mindy, relax. Umupo ka na at ang lakas na ng tama mo," pag-alalay sa akin ni Jessica.
Tiningnan ko siya at nagkunyaring hindi pa gaanong lasing. Pero ang totoo, gusto ko nang matulog at magpahinga. Pero hindi! Kailangan kong kalimutan si Steven.
"Hindi ako lasing, ah. Pinapakita ko lang sa inyo 'yong text ng sira ulong Steven na 'to!"
"Oo na. Halos 300 times mo na ngang paulit-ulit na pinapakita sa amin 'yan, eh. Hindi ka pa lasing sa lagay na 'yan."
"Napakatarantado kasi niya, eh. Ano ba ko? Uto-uto?" Naiiyak ko nang sabi sa harapan nila.
Napatahimik ang lahat kaya naman naawa na rin ako sa sarili ko. Awang-awa na ang mga tingin nila sa akin kaya nagpaalam na ko at umalis na.
Six months! Six months ang hinintay niya bago mag-text ulit sa akin.
Okay na ko, eh. Bakit kasi kailangan niya pang magparamdam ulit? Tapos ako pa ngayon ang kailangang tumawag? Akala niya ba hindi niya ko nasaktan? Akala niya ba gano'n lang kadaling magmukhang tangang naghihintay sa simbahan?
Hindi siya sumulpot sa dapat ay pinakamasayang araw sa buhay ko... sa buhay naming dalawa. Natakot? Excuse ba 'yon?
"Hoy, babaita! Ano pa't sumama ka sa amin magbakasyon kung hihiga ka lang diyan buong araw?" Sipa sa akin ni Jessica habang nakatalukbong ako sa kama.
"Ayoko munang bumangon. Ang sakit pa rin ng ulo ko," sagot ko sabay idlip ulit.
"AAAAAAHHHHHHHH!!!!" Malanding sigaw ng bakla kaya naman napabangon agad ako.
"What the f**k! Tuff?! Ang ingay mo!" Hiyaw ni Jessica habang inaalis ang kamay sa kanyang tainga.
"Mga beshy! Ang gwapo pala ng papa diyan sa tapat ng room niyo!" Naglulundag siyang lumapit.
"Lahat naman sa'yo gwapo." Irap ko sabay higa ulit sa kama.
"Nako! Nako! Ah, basta! Walang agawan pag nakita niyo." Malditang 'to! As if naman na aagawan ko siya, 'di ba?
"Halika nga, tingnan natin," aya ni Jessica sa akin.
Tumanggi naman ako at nagtaklob ng unan. Sobrang sakit pa rin ng ulo ko dahil sa hangover at hindi ko pa yata kaya kahit na lumakad lang sandali.
Rinig na rinig ko naman ang matitinis nilang tawa at pagtakbo na kala mo ba artista 'yon na pagkapogi-pogi. If I know naman ang mga type ni Tuff. 'Di niyo gugustuhing tingnan.
"Unang araw natin dito pero tulog ka buong araw," reklamo ni Jessica nang lumapit na ko sa kanila sa isang gilid ng night bar ng island.
"Kapag sa inuman, present ang bruha," usal naman ni Tuff.
"Nasan na 'yong iba?" Hagilap ko habang nauupo.
"'Wag mo nang hanapin at hindi nila tayo sinamang mag-yate." Masama ang loob ni Jessica kaya napatawa ako. "Ikaw talaga ang may sala, eh. Kung hindi ka natulog buong araw, edi sana nakikisaya tayo doon. Balita ko pa naman ang daming invited na hot boys."
"Hot naman si Tuff, ah." Turo ko sa bakla na sinamaan naman agad ako ng tingin.
"Kapag sinunog kita, magiging hot ka rin, bruha." Umirap siya.
"Eto naman, compliment na nga 'yon, eh."
"Kung sabagay, kung straight ka lang talaga baka pinatulan din kita." Pakikipagtulungan sa akin ni Jessica. Kinindatan niya ko sabay lapit nang sobra sa bakla. Lumayo naman si Tuff habang diring-diri kaya natawa kami nang malakas.
"Alam niyo, kayo, mga kulang lang kayo sa dilig, eh. Pati ako idadamay niyo pa."
Ilang sandali lang, iniwan na rin nila kong dalawa. Sumayaw na sila sa gitna ng stage tulad ng lagi nilang ginagawa. Hindi ko hilig ang gano'n kaya lagi rin akong naiiwan sa pwesto namin. Hindi naman sa ayaw ko sa maraming tao pero nakakailang lang kasi. 'Yong tipong may makikisayaw sa'yo tapos 'yong iba masyadong aggressive.
Napagpasyahan ko na lang na lumabas sa bar at lumanghap ng sariwang hangin.
"Iba talaga kapag malapit sa dagat!" Tuwang-tuwa kong takbo habang niyayakap ang hangin. Binasa ko rin ang paa ko sabay ngiti, patingin sa dagat na umaagos.
"Xander, pagod lang 'yan. Bakit kasi hindi ka muna mag-leave kahit ilang araw?"
"Kuya naman, ano pa't CEO ako ng company natin kung kakalimutan ko ang mga problema? Saka paano ako magre-relax kung alam kong palugi na ang kumpanya?"
Napalingon ako sa dalawang lalaking nag-uusap. Ang tangkad nila at ang laki ng mga boses.
"Okay ka lang ba? Parang matutumba ka?" Hinawakan siya ng kapatid niya. Habang ako, nagulat din at napaalalay mula sa likuran. Kagat-labi akong napangiti dahil nagmukha akong sira. Pilit akong umalis ng tingin at itinuon ang pagtingin sa dagat.
"Please, Xander. Mag-relax ka muna. Ako ang bahalang magpaliwanag sa kanila. Maiwan ka muna dito at subukan mong kalimutan kahit sandali lang 'yong kumpanya."
"But..."
"Tama na." Nilakihan siya nito ng mga mata. Hindi ko alam kung bakit ang tsismosa ko. Kunyari pa kong sumisipa-sipa ng tubig habang pasimpleng sumusulyap sa kanila.
"Okay, fine. Pero please lang, gawan mo ng paraan para hindi muna malaman ni Mom ang sitwasyon ng kumpanya." Naging kunsumido lalo ang boses niya.
Napaiwas agad ako ng tingin nang magtama ang paningin naming dalawa ng isa sa nag-uusap. Tinapik niya 'yong kapatid niya at umalis na rin.
Nakakahiya ka, Mindy. Tsismosa ka na ngayon?
"Fuck." Mahinang mura ng lalaking naiwan na ikinatingin ko ulit. Hinang-hina siyang naupo sa buhangin sabay tingala sa langit.
Napanganga naman ako habang nakatitig sa kanya. Ngayon ko lang nakita ang mukha niya. Natapatan pa 'yon ng sinag ng buwan kaya lalo akong napapatulala.
Ang gwapo niya kahit problemado.
"Mindy! Kanina ka pa namin hinahanap!" Napatingin ako kay Jessica at mabilis ding bumalik ng tingin sa lalaki pero mukhang aalis na rin siya.
"May ipapakilala kami sa'yo!" Hinatak na ko ni Tuff kaya napasunod na lang ako.
"Ayusin mo nga 'tong buhok ni Minmin bago natin dalhin do'n."
Sumunod naman si Jessica kaya napangiti ako habang tinitingnan silang dalawa.
"Bakit ba?" tanong ko.
"'Wag kang maingay. Hinanapan ka namin ng boyfriend. Gwapo, friend, kaya 'wag nang choosy." Mahinang sagot ni Jessica at todo hawi sa buhok ko.
"Loko kayo. Sinabi ko bang hanapan niyo ko?"
"Calyx, dito!" sigaw bigla ng bakla kaya napalingon agad ako sa kinakawayan niya.
"Hoy, kayo, kung makabugaw kayo sa akin. Wagas, ah."
"Gwapo 'yan kaya 'wag ka nang maingay." Nakapeke siya ng ngiti habang sinasabi 'yon.
Napangiti rin ako nang makita na ang sinasabi nila.
"Hi, ikaw ba si Minmin?!" sigaw niya dahil sa ingay ng tugtugan.
"Mindy!" Pagtama ko.
"Calyx." Pakilala niya sabay lahad ng kamay.
Binunggo naman ako ng balikat ni Tuff habang minomostrahan na makipagkamay na. Mga sira talaga.
Natagalan yata ako sa pakikipagtinginan sa dalawa. Binawi niya na ang kamay niya na para bang napahiya sa ginawa ko kaya kinuha ko ulit 'yon.
"Hi!" bati ko na ikinagulat niya naman.
"Iwan na namin kayo." Nakangiting kaway ng dalawa.
Madalas nila kong hinahanapan ng ganito pero ni minsan wala pang tumagal. Landian lang ang nangyayari.
"Gusto mong lumabas?" tanong niya at tumango naman ako.
Napatingin ako sa kamay niya nang walang hiya siyang umakbay sa balikat ko. Totoo naman ang sinabi nila. Gwapo siya pero mukhang babaero rin. Masyado siyang sanay sa mga ganyang galawan.
Siguradong sa iba na naman mapupunta ang usapan mamaya-maya. Kilala ko na ang mga ganitong klaseng lalaki at ayoko sa kanila. Sila 'yong mga tipo ng lalaki na hindi seryoso at puro laro lang ang gusto. Tss...
"Balita ko naghahanap ka ng boyfriend."
"Hmm..." Walang gana kong sagot. Tumingin siyang bigla kaya ngumiti naman ako.
"Ano bang tipo mo sa lalaki?" Naramdaman ko ang pagbaba ng kamay niya sa bewang ko kaya napahinto ako sa paglakad. "Ang sexy mo pala. Bakit kasi naka-jacket ka pa?"
"Kasi malamig?" Sarkastiko kong sagot habang lumalayo pero bigla niya kong hinapit sa bewang. Napahawak tuloy ako sa dibdib niya.
"I can be your man if you want to." Mapang-akit niyang bulong kaya tinulak ko na siya palayo na ikinatawa niya naman. "Sorry, masyado ba kong mabilis?"
"Ay, hindi. Hindi ko nga napansin na kakikilala pa lang pala natin mga five minutes ago?"
"I like your sarcasm." Tumatawa niyang turo sa akin. "Hindi naman talaga ko ganito. Sorry, nakinig lang ako sa payo nila sa loob," dagdag niya habang pinagpapantay ang mga mukha namin.
"Next time na lang. Babalik na ko sa hotel namin."
"Agad? Natakot ka ba?"
"Hindi, bakit naman ako matatakot sa'yo? Eh, kaya naman kitang upakan." Pinakita ko ang braso ko sa kanya habang lumalakad paatras. Ngumiti naman siya at umiling-iling. Bumalik siya sa loob ng bar at hindi na ulit lumingon kaya nakahinga ko nang maluwag.
Gusto ko pa sanang uminom pero ayoko nang pumasok ulit sa loob. Lumakad na lang ako papunta sa isang maliit na open bar. Walang gaanong tao at kitang-kita ko pa ang dagat mula dito. Naupo ako sa bakanteng upuan sabay ngiti sa bartender.
"Thank you," sabi ko nang abutan niya ko agad ng maiinom.
Medyo boring lang pala dahil walang music at mga taong maiingay.
"Ano 'yon?" Turo ko sa ginagawa ng isa sa bartender ng mini open bar.
"French 75, Ma'am," sagot ng isa.
"Ako man," nakangiti kong order.
"Nage-enjoy ka ba dito?" Galak akong tumango-tango pero napatigil din nang lampasan lang ako ng manager ng resort. Tuloy-tuloy lang siya sa paglakad hanggang sa kabilang side.
"Okay lang," sagot sa kanya ng pamilyar na boses.
Pilit akong tumingkad patagilid para lang silayan kung sino 'yon.
"Okay lang?" Mukhang disappointed ang mukha niya. Hindi ko makita ang mukha ng lalaking kausap niya pero pamilyar talaga ang boses niya na 'yon.
"Actually, your place is nice... quality liquors..."
"Quality chicks?" Pabiro nitong ngisi sa lalaki. Tumagilid 'yon ng upo kaya napakurap-kurap ako habang inaalala kung saan ko siya nakita. Siya ba 'yong lalaki kanina?
Hindi siya sumagot at muling uminom lang sa hawak niyang alak sa baso.
"No, no, no. Anong klaseng reaction 'yan? Ngayon lang yata ako nakakilala ng CEO na hindi mahilig sa babae."
"Well." Lumunok siya. "I have standards," dugtong niya. Lumingon siya sa pwesto ko kaya gulat akong na-out of balance. Shemay, sana hindi nila ko nakita. Okay na ko dito sa buhanginan basta 'wag lang silang lalapit.
"Ma'am?" Mukhang hinahanap ako ng bartender. "Ayos lang po ba kayo?" Gulat siyang tumingin sa akin kaya napangiti ako.
"Ayos lang, tinitingnan ko lang kung malambot 'tong buhangin." Tumatayo kong palusot.
"Here's your French 75. Enjoy." Nakangiti niyang lapag habang umaayos na ulit ako sa pag-upo.
Pasimple kong sumulyap ulit sa kanila pero tahimik na.
Nakailang drinks lang ako pagkatapos naisipan ko na ring bumalik sa hotel. Alam ko namang hindi ako hahanapin ng dalawang loko na 'yon pero wala naman na kong ibang mapupuntahan. Sarado na rin ang ibang puntahan dito. Kung mauupo naman ako sa harapan ng dagat, baka mamaya hindi ko lang mapansin na nagpapaanod na pala ko.
From: Steven
Alam kong galit ka pa rin dahil sa nangyari pero maniwala ka man o hindi, natakot lang ako. Hindi ko sinasadyang masaktan ka. Please, sagutin mo naman ang text ko o tumawag ka sa akin kapag nabasa mo 'to.
Ilang beses ko nang binabasa ang text na 'yan pero hindi ko pa rin magawang kausapin siya. Kung minsan nga sa sobrang pag-iisip ay naiiyak pa ko. Ikaw ba naman kasi ang magmukhang tanga sa harapan ng simbahan. Nakasuot ng wedding gown at pinalilibutan ng mga pamilya namin at kaibigan.
Hindi ko na napansin kung saan ako dinala ng mga paa ko.
Napatingin na lang ako ngayon sa kabuuan ng Enchanted Cave. Isa ito sa pinagmamalaking kweba ng mga tagarito. Ang sabi nila, mahiwaga raw 'yan pero hindi ako sumama sa kanila noong pumasok sila sa loob.
FLASHBACK
"Ayoko ngang pumasok diyan," pagmamatigas ko sa kanila.
"Ano ka ba? Sabi mo gusto mong malimutan si Steven? Tapos aarte-arte ka pa diyan." Irap sa akin ni Tuff, kaya naman napatingin ako kay Jessica na nakapamewang.
"Isipin mo na lang ang kasabihan ng mga tagarito sa isla," ngiti niya sa akin.
Napabuntong-hininga na lang ako habang tumatalikod sa kanila.
"Wala akong balak pumasok diyan. Baka sa halip na prince charming ang makita ko, baka mahimatay lang ako sa paniki sa loob." Bored kong sabi kasabay ng paglakad ko palayo.
"Ang killjoy mo," rinig ko pang sabi ni Tuff.
END OF FLASHBACK
"Teka, anak ng! Naliligaw na ba ko?!" Mabilis akong lumingon-lingon sa paligid.
Bakit ba naisipan kong pumasok dito sa gitna ng gabi? Hindi ko naman ine-expect na ganito kalaki 'to sa loob. Ang lamig na ng hipo ng hangin at nakakatakot na. Paano na? Hindi 'to pwede. Paano na lang kung may biglang lumitaw na multo dito? O kaya aswang?!
"Mindy, ang lakas naman kasi ng tama mo. Sinabi nang umuwi ka na sa hotel. Bakit pumasok ka pa dito?" Inis kong angal sa sarili ko. Nawawalan na ko ng pag-asa habang nauupo sa isang malaking bato.
Dapat pala naglagay man lang ako ng pwedeng palatandaan. Maliligawin pa naman ako.
Teka? Ano ba 'yong parang gumagalaw sa likuran ko?
"AAAAAAAAAHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHH!!!!!!!!!!" Napatayo ako agad nang makita ang lintang nasa braso ko. Naiiyak na ko habang tinatanglawan 'yon ng flashlight.
Naglulundag ako pero, "Aaaahhhh!!!" Nanlalaking matang sigaw ko nang madulas ako.
"Okay ka lang?" May sumapo sa likuran ko na... na... gwapo?
Saan siya nanggaling?
OMG?! Totoo nga ba 'yong sabi-sabi nila tungkol sa alamat?
Na kapag ang isang puso ay naghanap ng kasagutan, mahahanap mo 'yon sa loob ng kweba. 100% daw na nagkakatotoo 'yon. Pero 'di ko naman expected na totoo nga palang walang kapaltos-kaltos 'tong kweba.
"Miss, ayos ka lang?" Pag-ulit niya kaya mabilis akong napabalik sa ulirat. "Teka, linta ba 'yan?!!" sigaw niya sabay bitaw.
"AAAAHHHH!!! MAY LINTA PA RIN!!!" Hindi ko na alintana ang pagbagsak. Mabilis akong tumayo para lumundag-lundag ulit dahil sa lintang nakakapit.
"Teka, relax ka lang," pagpapahinahon niya.
"Bakit tinatawanan mo pa ko?! Paano ko magre-relax kung may lintang nakakapit sa akin?!" Parang bata kong sigaw habang walang tigil sa pagtalon.
"Baka madulas ka na naman." Hinawakan niya ko sa braso pero may pagtawa pa rin. "Steady ka lang at tatanggalin ko."
"Mauubos na yata nito 'yong dugo ko."
"Relax, huminga ka nang malalim sabay buga," payo niya habang may nilalabas sa bulsa niya. "Mabilis lang 'to."
"Susunugin mo ba ko? Masakit 'yan, ah!" Napaatras ako nang matingin sa lighter na hawak niya.
"'Wag ka nang maingay at baka paniki naman ang magising mo." Hinawakan niya ang braso ko kaya napapikit na lang ako sa takot. "See? Tapos na. Bakit ba nakapitan ka niyan?" tanong niya sabay tapon ng linta sa tubigan.
"Uy, ayos na. Bakit ganyan pa rin 'yang mukha mo? Alam mo, ayos lang naman makapitan ng linta. Hindi naman nakakamatay 'yon." Tawa niya at hindi naman ako makagalaw.
"Meron pa..." Kinikilabutan kong salita.
Taas-kilay niya kong tiningnan at bumusangot naman ako sabay turo.
"Ano?!" Nanlalaking matang sigaw niya.
"Please, tanggalin mo rin."
"No way!" sigaw niya sa akin sabay abot ng lighter sa kamay ko.
"Pleeeaaassee..." Pagmamakaawa kong hawak sa kamay niya.
"Miss, 'wag mo kong niloloko kasi hindi ako kumakagat sa mga ganyang trick." Tawa niya pa na talagang mukhang hindi naniniwala.
"Pero nararamdaman ko kasi." Nanginginig na ang boses ko sa sobrang kilabot.
"Uh-uh." Paghindi niya.
Kaya naman wala na kong ibang choice kundi tanggalin agad ang t-shirt ko.
"Hoy! Hoy! Ano 'yang ginagawa mo?!" sigaw niya habang tumatalikod.
Huminga na lang ako nang malalim sabay talikod din sa kanya. Mas dama ko ang ihip ng malamig na hangin sa pagkakahubad ko ng damit.
"H-humarap ka na, nakatalikod na ko." Nauutal kong utos.
"Saan ka ba kasi nagsuot? Bakit ako, hindi naman ako nakapitan niyan?" Mukhang nakukunsumi na siya sa akin. "Pasalamat ka at hindi ako masamang tao."
"Ss-sa—salamat." Mahina kong sabi.
"Sa susunod, 'wag kang basta-basta naghuhubad sa harapan ng lalaki."
Napalunok ako sa seryoso niyang boses. Hindi naman talaga. Kung hindi lang talaga ko nakapitan ng linta, never akong maghuhubad.
"Okay na."
Mabilis kong sinuot ang yakap kong t-shirt bago muling tumingin sa kanya. "Salamat ulit, ah," nahihiya kong sabi at pilit na ngumiti.
Mukhang nailang din siya dahil hindi na siya ngayon makatingin sa akin.
"Bakit ka pala nandito?"
"Bakit ka nandito sa gitna ng gabi?"
Sabay naming pagsasalita. Nagkatinginan lang kami sandali at nag-iwasan din ng tingin.
"Alam mo ba 'yong daan palabas? Nawawala kasi ko." Pout ko sabay tingin ulit sa kanya.
Bigla naman siyang nangiti kaya napataas ako ng magkabilang kilay. "Nawawala ka? Napakaliit nitong kweba, nawala ka pa?" Papatawa niyang tanong. "Sumunod ka sa akin at lumabas na tayo."
"Wow, hindi ka naligaw kahit madilim?" Hangang-hanga kong tanong habang sumusunod sa kanya. "Bakit ka nga ulit pumasok dito?"
"Bakit ang ingay mo? Kapag nagising mo 'yang mga paniki, iiwan talaga kita." Kung hindi ko lang kita ang mukha niya, maniniwala na sana kong sinusungitan niya ko pero kita ko, eh. Nakangiti siya ngayon habang seryosong iniisip ang bawat nilulusutan naming bahagi ng kweba.
Totoo nga palang magical 'to. Mantakin mo, tinitingnan ko lang siya kanina sa labas tapos ngayon kasama ko na siya sa loob. At hindi lang 'yon, tinatanganan niya pa ko sa braso ko tuwing maputik ang dadaanan naming dalawa. Napaka-gentleman...
I wonder kung bakit talaga siya pumasok sa loob.
Humahanap din kaya siya ng lovelife? O kaya may gumugulo rin ba sa isip niya at hinahanap niya ang sagot sa kweba? Pero sana 'yong una ko na lang naisip ang sagot.
"Hmm?" Napalingon ako sa paligid habang siya naman ay patuloy na sa paglakad. "Wait lang! Hindi ko pa rin alam 'to." Humabol ako.
"Nasa labas na tayo pero hindi mo pa rin alam?" Nanghihinala niyang baling.
"Totoo nga," ilang kong sagot. "Hindi kasi ko dito pumasok kanina," dugtong ko sabay tingin sa kanya.
Mahina siyang tumawa na para bang niloloko ko siya.
"Bakit ba ayaw mong maniwala?"
"Malay ko ba kung palusot mo lang 'yan."
"Anong malay? Bakit naman ako magpapalusot sa'yo?"
"Kasi type mo ko?" Mayabang niyang sabi na ikinanganga ko habang natatawa. May hilig din pala ang isang 'to.
"FYI..."
"Pero dahil mabait ako, sumunod ka na lang." Hindi pa ko nakakapagsalita pero tinapos niya na agad. Tumalikod siya at kinawayan akong sumunod. Ibang klase...