"Hindi ko alam kung saan tayo nagkamali. Imposibleng hindi gumana ang lahat ng 'yon." Kunot ang nuo ni Tita Prescila habang nakalagay ang isang kamay sa kanyang baba, nag-iisip. Si Mama naman ay halatang nababahala na para sa akin lalo na't panay ang pagtawa ni Erin. "Malapit ng mag-umaga. Maganda sigurong ayusin niyo muna ang nasirang pader sa harapan ng bahay." Tumingin si Tita Prescila kina Tito Raven at Rico. "Ako na," pangunang sabi ni Tito Raven bago tapikin ang balikat ng asawa ko. "Apo, halika. Samahan mo muna si Lolo sa labas. Tuturuan kita ng magic." Pang-uuto ni Tito Raven kay Nathalie. Kanina pa siya nakabusangot. Ayaw matulog at tingin lang ng tingin sa direksyon naming dalawa ni Erin. "Sige na, baby. Sumama ka muna kay lolo sa labas." Pagkumbinsi rin sa kanya ni Rico.

