Raiza’s POV
“Sir, kumalma po kayo. Marami pa po akong kailangang itanong sa inyo para sa kaso ng kapatid ninyo,” pakiusap ko sa matangkad na lalaki. Akala ko nga talaga hindi siya marunong magtagalog. Mabuti na lang kahit kakaiba ang accent niya ay magkakaintindihan naman pala kami.
Ako man ay naaawa at nahihindik sa nangyari sa kapatid niya. Habang ine-examine namin ang bangkay kanina hindi ko maiwasang hindi humanga sa taglay na kagandahan ni Miss Charry. Maging ang katawan niya ay talagang kaiinggitan ng maraming kababaihan. Napakasaklap lang talagang ganito ang sinapit niyang kapalaran.
Hindi ko alam kung bakit pero mula sa mabangis na pagwawala ay tumitig siya sa akin ng ilang segundo. Halos mahigit ko ang hininga ko nang maayos kong makita ang buong mukha niya. Guwapo. Hindi. Sobrang guwapo! Dinaig pa niya iyong mga sikat na Hollywood celebrity. Sobrang ganda ng asul niyang mga mata, at maging ang mga panga niya ay napaka-prominent.
Sa ilang Segundo ay para akong isang teenager na nakakita ng guwapong transferee sa campus. Pero mabilis kong hinamig ang sarili dahil may trabaho akong kailangang tapusin.
“When could I get the copy of the whole report? I want everything. Every detail, every evidence you could gather, then handed them all to me!” maawtoridad na utos nito. Pigil na pigil ko ang sariling huwag tumaas ang kilay sa narinig. Kung makapag-utos akala mo hari. Saka hindi puwede ang sinasabi niya dahil may mga prosesong dapat sundin. At isa pa, may confidentiality protocol na dapat ding sundan.
“After we finished all the processes, you can ask your lawyer to get in touch with us for the documents that you will be needing, sir. But as for now, I am begging you to wait for more time,” pakiusap ko. Sinikap kong gawing kalmado ang boses ko kahit kanina pa nanginginig ang mga tuhod ko. I used to be the one intimidating men, and I always do what I like. Pero sa isang ito kinakabahan ako. Lalo na kapag nakatitig na siya sa mga mata ko. Parang iyong mga tingin niya ay tumatagos sa kaluluwa ko.
“Make sure to do your job properly. Hindi ako papayag na hindi namin makuha ang hustisya para sa kapatid ko!” mariing pahayag niya. Ang cute ng accent niya kapag nagtatagalog. Kung hindi lang sana siya masungit ngingitian ko siya, eh. Pero naiintindihan ko rin naman kung bakit siya medyo nagtataray. Siyempre, ikaw ba naman ang mamatayan ng kapatid, tapos sa napaka-brutal pa ng paraan ng pagpatay.
“By the way, sir, ano pong pangalan ninyo? Para kayo na lang po ang ilalagay kong guardian ng biktima,” kahit parang drum na tinatambol ang puso ko, nagawa ko pa ring makapagtanong ng maayos. At least dahil sa trabaho kong ito ay malaya kong matatanong ang pangalan niya. May social media account kaya siya?
Muli kong sinaway ang sarili dahil sa kung ano-anong pumapasok sa isip ko.
“Stan. Stan Makhalov,” tipid niyang tugon.
“Okay, sir. Maiwan ko po muna kayo dahil may gagawin pa po ako. Tatawagan na lang po namin kayo kapag may bagong development na po,” magalang kong paalam sa kaniya. Pero in fairness, ang igsi ng pangalan pero bagay na bagay sa kaguwapuhan niya.
Napakasuwerte naman ng lalaking ito, masiyadong biniyayaan ng Diyos ng magagandang bagay. Guwapo, matangkad, matipuno ang pangangatawan at halatang mayaman. Kahit iyong mga artista at modelo rito sa Pilipinas mahihiyang tumabi sa kaniya, eh.
Tatalikuran ko na sana siya para bumalik sa opisina ko nang bigla siyang magsalita.
“What about you, what is your name?” napalunok ako at hindi ko alam kung bakit ako napangiti. Mahinhin akong muling humarap sa kaniya. Gusto kong murahin ang sarili ko. Kailan pa ako naging pabebe?
“Hi, I am Raiza Antoneth Sylverio. Ako ang medical expert na in-charge sa kaso ng kapatid mo,” nahihiyang pakilala ko sa sarili saka inilahad ang kamay ko. Pero sa pagkadismaya ko ay tiningnan lang niya iyon saka muling lumipat ng tingin sa mukha ko.
“Miss Raiza, just make sure to do your job properly. And do it quickly because I am not good at waiting!” masungit niyang saad, saka ako tinalikuran at lumakad na palayo.
Ako naman ay napanganga sa inasta niya. Iyong kamay ko ay nabitin pa rin sa kawalan at tulala ko siyang pinanood hanggang mawala siya sa paningin ko.
Nang makahuma sa pagkabigla ay padabog akong lumakad pabalik sa opisina ko. Ano ba kasing iniisip ko? Na interasado siyang makilala ako kaya tinanong ang pangalan ko? Ang tanga lang! Ang tanga-tanga mo, Raiza. As if naman magkakagusto sa iyo iyong gano’n kaguwapo at ka-hot na lalaki? Nakakagigil talaga! Paasa! Porke masarap siya, este guwapo siya! Kagigil!
“O? Bakit ganiyan ang mukha mo?” tanong ni Alex nang bumalik ako sa opisina ko. Kung ako ay forensic medical examiner, si Alex naman ay forensic pathologist. Nauna lang talaga siya ng limang taon sa akin. Ano ang pagkakaiba? Ako, I work on the physical examination of the patient, while he is on the internal level such as extensive testing of tissue, blood and other bodily fluids. Sinimangutan ko siya kasi nagtataka ako kung ano’ng ginagawa niya rito sa opisina ko.
“Ikaw, ano’ng ginagawa mo rito sa opisina ko?” masungit kong tanong imbes na sagutin siya. Natawa siya at tumaas ang kilay dahil sa tanong ko. Pero humalukipkip at sumandal lang ako sa swivel chair ko. Nanggigigil pa rin kasi ako na ini-snob ako ng Stan na iyon. Siya lang ang kauna-unahang lalaking gumawa sa akin no’n! Ano siya, gold?
“Well, I was going to ask you about the file I requested last week. Pero mukhang busy ka, at nakalimutan mo yatang ibigay sa akin,” tila may pang-aasar niyang sabi.
Napadiretso ako ng upo at may ngiwing tumingin sa kaniya. Isang naghihinalang tingin ang ipinukol niya sa akin. Mabilis naman akong nag-peace sign.
“Sorry, Alex. Nakalimutan ko pa lang sabihan iyong kabilang department tungkol do’n. Pero tatawagan ko na sila ngayon din,” hinging paumanhin ko. Mariin itong napapikit at marahas na bumuntong-hininga kaya lalo akong kinabahan at na-guilty. Minsan na nga lang siya mag-request hindi ko pa nagawa. Samantalang ako palagi niyang napagbibigyan.
“I need it tomorrow, Raiza. Hey, alam mo naman kung gaano ka-crucial ang trabaho natin lalo na kapag malakihan ang kaso, ‘di ba?” dismayadong saad niya. Malungkot akong tumango at sobrang nakokonsensiya. Sinungitan ko pa man din siya kanina. Nakakahiya talaga!
“Promise, makukuha ko iyon ngayon ding araw na ito, okay? Huwag ka nang magtampo, please!” nagpa-cute pa ako sa harap niya habang nakikiusap. Hindi makapaniwala niya akong tinitigan ng ilang sandali kaya lalong lumakas ang kaba ko.
Pero nakahinga ako nang maluwag nang unti-unti siyang ngumiti at laylay ang balikat na tumango.
“Fine! And more thing,” sa wakas ay saad niya.
“Ano?” kunot-noong tanong ko. Kainis, ngayon parang ako pa tuloy ang may utang na loob na kailangang bayaran sa kaniya.
“Join me for dinner. Magpupuyat ako para maihabol ang report niyan para umabot sa dealine bukas, kaya kailangan ko nang maayos na dinner para makapagtrabaho nang maayos.”
Napaawang ang mga labi ko sa kundisyon niya. Ngayon mahihirapan pa akong tumanggi kasi ako iyong may kasalanan. Imbyerna naman talaga, oh! Pambihira.
“Sige na nga. Pero ngayon lang ito, ah. Mamaya isipin pa nila, totoong mag-jowa talaga tayo. Napaka-Marites kasi ng mga katrabaho natin. Makakita lang ng lalaki at babaeng magkasabay kumain, mag-jowa agad? Masiyadong mai-issue sa buhay!” reklamo ko, pagkatapos pumayag. Alam ko at ramdam ko namang talagang may gusto sa akin itong si Alex. Madalas din magpadala ng kung ano-anong pagkain at regalo, kaya halos mahulog na ang mga mata ng mga tsismosa rito.
“Puwede naman nating totohanin, di ba?” pabirong banat niya. Umikot lang ang mga mata ko at napapailing. Napakapresko ng lalaking ito. Guwapo naman siya, pero kahit ano’ng gawin niya hindi ko talaga siya type.
“Alam mo tumigil ka na sa kalokohan mo, hindi kita type. Humanap ka na lang ng ibang mabubudol mo riyan at huwag ako. Sige na umalis ka na, para magawa ko na ang ipinagagawa mo!” mataray kong sagot. Kitang-kita kong nabigla siya sa isinagot ko pero agad din namang nakahuma at ngumisi pa.
“Alright. Matiyaga naman ako. Kayang-kaya kong maghintay. By the way, see you later! Sunduin kita before 8:00,” sabi pa niya, bago tuluyang nagpaalam. Hinabol ko pa siya ng tingin hanggang makalabas na siya ng opisina ko. Napapailing na lang ako sa taas ng confidence level ng taong iyon.
Pagkatapos ay agad kong tinawagan ang toxicology department para sa report na nire-request niya. Magkaaway kasi sila ng head no’n kaya ako ang pinakiusapan niya. Magkaaway sila ni Mr. Jerson Benjade dahil pareho sila ng ugali. Parehong mahangin.
Bandang hapon nang katukin ako ng sekretarya ko para ibigay sa akin ang mga dokumentong kailangan ko. Napangiti ako nang buklatin iyon at makumpirmang iyon nga iyong mga hinihingi ni Alex.
“Thanks, Cindy. Puwede ka nang mauna. Ako na lang mag-aabot nito kay Alex mamaya. Magdi-dinner kasi kami mamaya kaya–
Natigilan ako sa pagsasalita nang biglang itong kinikilig na ngumiti sa akin. Kulang na lang ay mamilipit siya sa harap ko.
“Problema mo?” hindi ko tuloy naiwasang matanong. Halos malukot na nga ang mukha ko dahil sa inaasta niya ngayon sa harap ko.
“Wala naman po, Doc. Masaya lang po ako para sa inyo. Bagay na bagay po kasi kayo ni Doc Alex. Ang daming nababaliw sa kaniya, pero halatang-halata namang para sa inyo lang ang mga mata niya,” kilig na kilig ito habang nagsasalita. Ako naman naman ay inis na nagbuga ng hangin at saka siya tinaasan ng kilay. Mabilis na nalusaw ang maluwang na ngiti niya at payukong itinikom ang bibig.
“Una sa lahat, Cindy, wala kaming relasyon ni Doc Alex. Magkaibigan at magkatrabaho lang kami. At itong dinner, kabayaran lang dahil hindi ko nagawa iyong ni-request niyang gawin ko. Kaya kung ako sa iyo, bawas-bawasan mo ang kanonood ng mga teleserye. Para naman maging laging malinaw ang isip mo,” pangangaral ko sa kaniya. Tumango-tango ito, pero halatang hindi naniniwala sa mga sinabi ko.
“Ikaw naman, Doc, hindi mo naman po kailangang magpaliwanag. Sige po mauna na po ako!” humahagikgik niyang saad saka nagmamadaling lumabas matapos makapagpaalam. Naiwan akong napapailing na lamang sa kaniya.
Fifteen minutes bago mag-alas otso ay bumaba na ako ng condo ko. Hindi na ako nagtaka nang makita sa harap ng building ang sasakyan ni Alex. Kahit wala naman sana akong balak mag-ayos ay ginawa ko pa rin. Ayaw ko naman kasing magmukhang ewan lalo at alam kong magdadamit ito ng maganda para magpa-impress sa akin.
Nang bumaba ito ay fresh na fresh sa suot niyang asul na polo at itim na slacks. Lumapad ang ngiti niya nang makita ako kaya nag-umpisa na siyang lumapit sa kinaroroonan ko.
Isang floral dress na hanggang tuhod ang suot ko at naka-flat shoes lang din ako. Hinayaan ko lang ding nakababa ang mahaba at medyo alon-alon kong buhok.
Ngunit bago pa man marating ni Alex ang kinaroroonan ko ay isang malaking bulto ang humarang sa harapan ko. Napasinghap pa ako sa pagkabigla at muntik nang matumba. Mabuti na lang at mabilis ang malakas at matipuno niyang braso na humapit sa baywang ko.
Nang tingalain ko kung sino ang nasa harap ko ay tila nag-slow motion ang lahat. Napalunok ako at biglang pumintig ng sobrang bilis ng puso ko. Nakatitig ako sa magagandang pares ng mga matang iyon na kung tumitig ay kayang tumagos hanggang sa kaluluwa ko.
“You’re as light as a doll,” napaawang pa ang mga labi ko nang marinig ang baritono niyang boses. Tila iyon isang matamis na musika sa pandinig ko at biglang parang ayaw ko nang matapos ang sandaling ito.
“Stan?” paanas kong sambit at tila tuluyan nang tumigil sa pag-ikot ang mundo nang ngumiti siya at tumango. f**k, s**t! Ang guwapo!