“Ano ba kasi’ng nangyari? Bakit nagalit nang gano’n ang daddy mo? Nasaktan ka pa tuloy niya,” muli ay naluluha na naman si mommy nang magsalita. Suminghot ako dahil nagbabanta na namang bumagsak ang mga luha ko. Ginagamot ni mommy iyong sugat sa gilid ng pisngi ko. Mayroon na ring nakahandang icebag para sa namamaga nang pisngi ko. “Hindi ko rin po alam, mommy. Nakita niya lang po akong kasama si Stan. Wala naman po akong ginagawang masama, mommy,” umiiyak kong sumbong at tuluyan nang naiyak. Awang-awa na hinaplos ni mommy ang ulo at likod ko. Dahil sa sakit na nararamdaman ko sa dibdib ko ay napayakap na ako sa kaniya at mas lalo pa akong napaiyak. “Mommy, ikukulong niya po ba talaga ako ng isang buwan dito?” humihikbing tanong ko. Humigpit ang yakap ni mommy sa akin bago nagsalita.

