Dalawang araw na akong narito at ilang beses ko nang nalibot ang buong bakuran. Kahapon ay dinala nila ako sa farm at literal na nalula ako sa lawak ng mga pag-aari nina lolo at lola. Pinuntahan din namin ang koprahan kung saan nagkakilala ang mga magulang ko. Napangiti ako nang ma-imagine ang mga alaalang naiwan nila sa lugar na ito.
Ngayon nga ang ikatlong araw at napagpasiyahan kong magbisekleta para mabisita pa ang ibang magagandang lugar dito sa paligid. Nangako sila sa akin na pupunta kami sa islang pag-aari ni lola para mag-picnic. Pero ngayon gusto ko munang mamasiyal mag-isa. Ito ang unang beses na nakapunta ako rito sa Camiguin kaya gusto kong makalibot nang walang bantay. Halos ayaw nga nila akong payagan kanina. Ang gusto ba naman ay mamasiyal daw akong nakasakay ng kabayo at may dalawang tauhang magbabantay sa akin. Pigil na pigil ko ang sariling magmaktol kanina. Mabuti na lamang at napakiusapan ni lola si lolo na payagan akong lumakad mag-isa. Katakot-takot na bilin ang inabot ko bago nakaalis. Maging si tita Sapphire ay hindi matapos-tapos ang pagbibilin na mag-ingat ako at huwag masiyadong lalayo. Na tumawag ako kung sakaling magkaroon ako ng problema. Opo at tango lang ang isinagot ko para lang payagan na nila akong makaalis. Feeling ko kasi nasasakal na ako sa sobrang kahigpitan nila. Tatlong araw pa lang iyan ah? Paano na lang iyong 34 years ni tita?
Kahit saan ako mapadako ay puro magagandang tanawin ang nakikita ko kaya lalo ang nalilibang sa pagbibisikleta. May pinasok akong bandang gubat na may matatangkad na punong hindi ko alam ang pangalan. Tinitingala ko ito dahil sa taas nila at namamangha ako kung ano ang mga ito kaya inilabas ko ang cellphone ko para kuhanan ng larawan. Ise-search ko sa internet mamaya kung ano’ng tawag sa mga punong ito. Pagkatapos noon ay nagpatuloy lang ako hanggang sa hindi ko namalayang medyo matarik na pala ang daang tinatahak ko. At bago pa man ako makaiwas ay dumulas ang gulong ng bisekleta at dumausdos ako pababa. Tuluyan na akong nawalan ng balanse at nahulog mula sa bisekleta at tuloy-tuloy na gumulong pabulusok. Isang mahabang sigaw ang kumawala sa bibig ko bago ako tuluyang mapadpad sa pinakababang bahagi ng kinahulugan ko.
Hindi agad ako bumangon dahil ramdam ko iyong hapdi ng gasgas sa braso ko at ang pagkirot ng mga balakang at binti ko dahil sa nangyari. Tiningala ko ang pinanggalingan ko kanina at nagimbal ako sa taas nito. Kaya ko bang akyatin iyon? Nagpalinga-linga ako sa paligid at unti-unti tumayo. Masakit ang likod ko ngunit mabilis kong hinanap kung saan napunta iyong cellphone ko. Kailangan kong matawagan si tita para sabihin ang kalagayan ko. s**t! ni hindi ko alam kung nasaan ako ngayon. Paika-ika akong lumakad upang tingnan kung nasaan ang cellphone ko pero hindi ko ito nahanap. Iyong bike ko naman ay halos magkalasog-lasog pagkatapos humampas sa malaking puno. Mabuti na lang at hindi ako ang tumama sa punong iyon. Ipinagpatuloy ko ang paglalakad hanggang sa hindi ko na matanaw iyong pinanggalingan ko kanina. Ipinagpatuloy ko lang ang paglalakad dahil baka may bahay dito na puwede kong mapagtanungan at hingian ng tulong. Halos isang oras na akong naglalakad pero puro puno lang ang nakikita ko. Pagod na pagod na ako kaya Bahagya akong huminto at humanap ng mauupuan. Feeling ko napakamalas ko ngayon araw na ito. Sana talaga nakinig na lang ako nang sabihin nilang kailangan ko ng kasama. Talagang laging nasa huli ang pagsisisi.
Ipinagpatuloy ko pa ang paglalakad hanggang sa may mamataan akong malaking bagay na kulay puti. Binilisan ko pa ang paglalakad para makita iyong mabuti dahil mukha itong bahay talaga. Nang marating ko ito ay hindi ko maiwasang hindi mapasinghap. Dahil hindi lang basta-basta isang bahay ang nasa harapan ko ngayon kung hindi isang mansiyon! Totoo ba ito o nagha-hallucinate lang ako dahil sa matinding pagod? Kulay puti ang pintura nito na may navy blue na lining sa ibaba. Parang isang panaginip ang makakita ng ganito kagandang bahay sa gitna ng kagubatan. Modern ang disenyo ng bahay na ang mga dingding ay halos puro salamin. Bigla ko tuloy naalala iyong bahay nina Edward Cullen doon sa Twilight na movie.
Parang may sariling isip ang mga paa ko at lumakad palapit sa pintuan nito. Walang bakod ang magarang bahay na ito at ang pinto ay elevated. I think the whole house is elevated. May limang hakbang iyong hagdan papunta sa main door. Dahan-dahan akong umakyat para sana katukin ito nang biglang matigilan nang may magsalita.
“Who are you? What are you doing here?”
Isang malalim at malamig na boses ang nagpahinto sa paghakbang ko at nagpalingon sa akin. Nang tingnan ko ang pinanggalingan ng boses ay natulala ako nang makita ang isang lalaking matamang nakatitig sa akin. Nakatayo ito sa tabi ng malaking sasakyan niya na sa palagay ko ay Hummer o Jeep yata. Matangkad ito at parang paborito yata ng diyos dahil sa angkin nitong itsura. Marami na akong nakitang guwapo at macho pero parang hindi mo yata maipangtatapat sa isang ito. Nakasuot siya ng maong na pantalon na yakap na yakap sa mga hita niya at wala siyang anumang suot pang-itaas kaya kitang-kita ko kung gaano kaganda ang katawan niya. Napalunok ako. Parang ang tigas ng mga muscles sa dibdib at balikat niya. Tapos iyong abs… wait! Saan ba patungo itong nilalakbay ng isip ko?
Halos mapaigtad ako nang bigla itong tumikhim at lalo pang kumunot ang noo. Ano ba iyan, nahuli pa yata akong pinagpipiyestahan ang bato-bato niyang katawan.
“I asked who you are and what are you doing in my house?” pagalit na tanong nito. Dumagundong ang boses niya sa kagubatan at nag-echo pa nga. Lalong bumilis ang t***k ng puso ko habang dahan-dahang bumababa sa hagdan. Lumakad ako papalapit sa kinaroroonan niya nang hindi nag-aalis ng tingin sa guwapo niya mukha. Mataman lang din siyang nakatitig sa akin na medyo matalim ang tingin. In fairness, nakatira siya sa gitna ng gubat pero ang galing mag-English!
“Ahm…” tumikhim ako upang alisin ang bara sa lalamunan ko bago muling nagsalita. “Pasensiya ka na. Naligaw kasi ako, kakatok sana ako para magpatulong kung paano mahanap iyong daan pabalik,” nahihiyang sagot ko. Diyos ko tulungan ninyo ako. Kung kaninang nasa malayo ako ay kita ko na ang kaguwapuhan niya, ngayong ilang dangkal na lang ang layo namin sa isa’t isa ay lalo ko pang napagtanto kung gaano siya kasarap – este kakisig.
“Your clothes are dirty,” komento niya. Wala sa sariling napalingon ako sa suot kong damit. Marumi talaga dahil ikaw ba naman ang mahulog at magpagulong-gulong sa lupa. Nang muli akong mag-angat ng paningin ay nakatitig pa rin siya sa akin na napakaseryoso ng mukha. Pero at least ngayon hindi na siya mukhang galit.
“May kasama ka ba?” biglang tanong nito kaya mabilis akong napa-iling. Mas nakabibighani pala iyong boses niya kapag tagalog ang salita niya.
“Nag-iisa lang ako. Nagba-bike ako kanina kaya lang dumulas iyong gulong noong medyo gumilid ako kaya iyon, nahulog ako at nagpagulong-gulong. Mabuti na nga lang at hindi ako tumama sa malaking bato o matalim na bagay kaya konting gasgas lang ang tinamo ko.”
Ewan ko lang talaga kung bakit ang pakiramdam ko ay parang bata akong nagpapaliwanag sa kasalanang nagawa. Well, sinabihan naman ako ni tita na huwag lalayo pero dahil sa katigasan ng ulo, narito ako ngayon.
“Papadilim na. Let’s get inside,” sabi nito at lumakad na papunta sa pintuan ng bahay niya. Ni hindi man lang hinintay ang isasagot ko. Oo nga, maggagabi na kaya kailangan ko nang makabalik para hindi sila mag-alala sa akin. Gusto ko sanang magprotesta at pakiusapan siyang tulungan akong ituro ang daan palabas dito kaya lang natatakot ako dahil baka bigla itong magalit sa akin. Hindi naman siguro siya serial killer ano? Sa lugar na kinaroroonan ko ngayon iyon pang Wrong Turn na pelikula ang pumapasok sa isip ko!
“Are you going in or you will just stand there?” iritadong baling nito sa akin kaya tarantang napadako ang pansin ko sa kanya. Wala na akong nagawa kundi sumunod sa kanya. Sana lang hindi killer itong taong ito. Kaya lang doon sa mga Hollywood movies iyong mga psycho killer pogi. Huwag naman sana!