“Hoy, Ashnea! Umamin ka nga, may relasiyon ba kayo ni sir Marco?” biglang tanong ni Harlene kaya napalingon ako sa kaniya. Bago pa man ako nakasagot ay nakabalik na si Mary ann sa puwesto niya at mataman lang ding nakatitig sa akin. Nakatanghod sila at hinihintay ang isasagot ko. “Boyfriend ko siya,” nakalabing bulong ko. Literal na sabay silang napasinghap at nanlaki ang mga mata. Nag-decide na akong sabihin ang totoo sa kanila dahil halatang-halata naman kasi. Kahit ilang beses kong sabihan si Marco na dapat civil kami sa isa’t isa kapag narito sa opisina eh hindi naman nakikinig. Saka ramdam ko namang mapagkakatiwalaan ko itong dalawang ito. “Kailan pa?” wala sa sariling tanong ni Mary ann. Ilang beses ding napakurap-kurap lang si Harlene at halatang hindi pa nakahuma sa pagkagulat.

