"JERIMIE!!! Miss na miss na kita!" Hindi na napigilan ni Cheska ang sarili.
Hindi kaagad nakakilos si Jerimie. Maging siya ay sobrang nagulat sa ginawa ni Cheska. Hindi naman siya na-offend. Mas tamang sabihing hindi niya inaasahang yayakapin siya nito.
Naramdaman niyang mas humigpit pa ang yakap sa kanya ng babae. Dahan-dahan niyang idinipa ang kanyang dalawang braso at pagkatapos ay marahan niyang niyakap din si Cheska. Yakap na hindi bugso ng emosyon. Yakap na banayad at punong-puno ng pagmamahal.
"Ay!" Bigla siyang itinulak ni Cheska sa labis niyang pagtataka.
"Bakit?"
Bigla ay parang nahiya ito at hindi makapagsalita. Hindi rin ito makatingin sa kanya.
"Hindi mo ba ako papapasukin?" nakangiting tanong ni Jerimie.
At saka lang napansin ni Cheska na nakaharang pala siya sa pintuan. Umurong siya para mabigyan ito ng daan. "P-pasok ka..."
Nang makapasok ay saka ito muling nagsalita. "Kararating mo lang din, 'di ba?"
"Ha? Paano mo nalaman?" nagtataka niyang tanong.
Natawa si Jerimie. "Eh, kasi hindi ka pa nga nagpapalit ng damit." Inginuso pa nito ang suot ni Cheska.
"Ay! Oo nga. Kasi naman bigla kang kumatok," pagdadahilan niya. "Sige na, magbibihis muna ako para makapagluto na ako ng hapunan."
"Tutulungan na kita. Magpapalit lang din ako ng damit."
SA MAYNILA ay mag-isa sa silid si Maddy. Walang ilaw sa silid na lumiliwanag lang dahil sa sikat ng buwan na sumisilip sa bintana.
Nakaupo sa kama si Maddy hawak ang isang basong may lamang alak. Sa mesitang katabi ng headboard ng kama ay naroon ang isang bote ng alak na halos kalahati pa ng laman. Katabi nito ang ashtray at isang kaha ng sigarilyo at lighter.
Ininom ni Maddy ang alak na nasa baso. Tila nakulangan pa, dinampot niya ang bote at tinungga ang laman nito. Tinungga nang tinungga hanggang sa maubos ito. Nang makitang ubos na ang laman ng bote ay nagsisigaw si Maddy. "Bigyan n'yo pa ako ng alak!" Ubod lakas niyang itinapon ang bote sa dingding ng kuwarto. Nagkalat ang nabasag na bote sa sahig.
Sunud-sunod ang mga katok na narinig niya sa pinto. "Ma'am Maddy, okay lang po ba kayo riyan?" Narinig niya ang nag-aalalang boses ni Diday.
"Bigyan mo ako ng alak!" sigaw niya sa katulong.
"Pero Ma'am Maddy, wala na pong alak sa ref."
"Bumili ka! Tonta!" Tumayo si Maddy at naglakad patungo sa pintuan. Binuksan nito ang pinto.
Nagulat pa si Diday nang biglang makita sa harapan niya ang amo. "Ma'am..."
"Asan na ang alak?" singhal niya rito.
"Wala na nga po, Ma'am. Naubos n'yo na," takot na takot na sabi ni Diday. Kahit kelan, ayaw na ayaw niyang nakakaengkwentro ang amo kapag lasing o kahit kapag may sumpong lang ito. Tingin niya rito ay halimaw na ano mang oras ay kakain ng tao.
"Lumayas ka sa harapan ko! Wala kang silbi. Puro inutil ang mga tao rito!"
"Pati po ba kayo?" Hindi niya alam kung bakit lumabas iyon sa bibig niya ganoong ang intensyon niya ay sabihin lang ito sa sarili.
"Anong sinabi mo?" Nanlisik ang mga mata ni Maddy habang nakatitig sa takot na takot na kasambahay.
"W-wala po, Ma'am. Wala naman po akong sinabi. Aalis na po ako. Matutulog na po ako, Ma'am!" Nagmamadaling tumakbo si Diday papalayo sa amo.
"Bumalik ka rito! Dalhan mo ako ng alak!" Ang sigaw ni Maddy ay mas nagpatindi pa sa takot ng katulong.
Mas lalo pang binilisan ni Diday ang pagtakbo papunta sa maid's quarter at agad na nag-lock ng pinto. Takot na takot ang pobre. Kung hindi lang dahil kay Zinnia at sa pakiusap sa kanya ni Jerimie, matagal na sana siyang lumayas sa bahay na ito. Hindi na niya talaga kayang tagalan pa ang pag-uugali ng amo niyang babae.
NASA kabilang silid lang sina Zinnia at Gina. Magkatabi lang ang kuwarto nilang mag-ina kaya dinig na dinig nila nang ibato ni Maddy ang bote ng alak sa dingding. Kinakabahan na si Gina dahil baka atakehin na naman ang bata nang dahil sa matinding nerbiyos. Mabuti na lamang at napakalma niya kaagad ito.
"Mommy is mad again," sambit ng paslit sa kanyang nurse. "She's always mad."
"Shhh... Let's just sleep. Tomorrow your mommy will be okay," pag-alo ni Gina sa alaga. "Halika na. Humiga ka na rito."
"Can you sleep beside me, Nurse Gina?" paglalambing dito ni Zinnia.
"Ah, if that's what you like..."
Mabilis na sumampa sa kama si Zinnia. Tumabi na rito si Gina.
"Let's pray first. Close your eyes, Nurse Gina." Napasunod na lang ang nurse sa anumang sabihin ng paslit.
"In the name of the father, and of the son and of the holy spirit... Amen."
"Alak! Bigyan n'yo ako ng alak!" Dinig na dinig nina Gina at Zinnia ang pagsigaw ni Maddy. Agad silang nagdilat ng mga mata at nagkatinginan.
TAPOS nang maghapunan sina Cheska at Jerimie. Kanina habang kumakain sila ay hindi nagkuwento si Jerimie kung ano ang nangyari at bigla itong napaluwas ng Maynila. Hindi na rin naman siya nagtanong dahil baka masyadong personal ang dahilan at mapagbintangan pa siyang pakialamera. Puro tungkol sa development ng project nila doon sa La Union ang pinag-usapan nila habang pinagsasaluhan ang kanin at sarciadong bangus na pinagtulungan nilang lutuin.
Nasa kuwarto na Cheska nang mapansin niyang may ilaw na sa bahay ni Kapitana Elsa. Dumating na rin ba ang kapitana? Nagkibit-balikat na lang siya.
MAGKASABAY na dumating sina Mariel at Portia sa apartment ni Kenly. Tinawagan sila ng bakla dahil may sorpresa raw ito sa kanila. Ayaw naman nitong sabihin kung ano ang sorpresang iyon.
"Ang dami talagang kaartehan ng baklang 'yan," reklamo ni Portia. "Hindi na lang sinabi sa telepono kung ano ang sorpresang sinasabi niya. Kailangan pa talagang puntahan dito?"
"Hindi ka na nasanay. Alam mo naman na pagdating sa mga gimik ay hindi pakakabog 'yon," sabi ni Mariel. "Kaya eto, kahit may programa pa ako mamayang alas-onse nandito pa rin ako."
"Hindi ba panghapon ang programa mo?"
"Nakabakasyon iyong isang DJ namin. Ako ang napakiusapang mag-pinch hit sa kanya. Next week pa ang balik. Kaya very busy ang beauty ko ngayon. Nagrereklamo na nga ang boyfriend ko dahil wala na raw akong oras para sa kanya. Mas may oras pa raw ako sa inyo ni Kenly."
"Para namang bago nang bago 'yang boyfriend mo. Ganito na tayo bago pa man kayo magkakilala. Tapos, magrereklamo siya? Naku, mga lalaki talaga!"
Nag-doorbell sila. Hindi naman nagtagal ay bumukas ang pinto.
"Mga bakla! Mabuti at nandito na kayo. Excited na ako na makita n'yo ang surprise ko." Ang landi-landi ni Kenly na nagtitikwasan pa ang mga daliri.
"Ano ba iyon at hindi puwedeng sabihin sa telepono?" tanong ni Portia.
"Bilisan mo kasi hindi ako puwedeng magtagal. Babalik pa ako sa istasyon," susog ni Mariel.
Tumaas ang kilay ni Kenly. "Grabe naman kayo. Kararating n'yo pa lang gusto n'yo kaagad umalis. Nag-effort pa naman ako para rito."
"Ano nga 'yan?" magkasabay na tanong ng dalawang babae.
"Pumasok muna kayo mga gaga! Bilis! Nandito sa loob ang sorpresa ko sa inyo."
Nang makapasok sina Mariel at Portia ay biglang pumalakpak si Kenly, tapos ay nagsalita. "Lumabas ka na, ready na sila!"
May pagtataka sa mukha nina Portia at Mariel.
Mula sa kuwarto ay lumabas ang isang gwapong lalaki na ang mukha ay pamilyar sa kanila. Nakangiti ito sa kanilang tatlo at tila naghihintay na sabihin ng sino man sa kanila ang pangalan nito.
Si Portia ang unang nagsalita. "Gordon?!"
Sumegunda si Mariel. "Gordon Almendral!"
"Korek!" tili ni Kenly. "Nakita ko na ang future boyfriend ng beshie nating si Cheska!"
Ang lawak ng pagkakangiti ni Gordon. Halatang-halata sa mukha nito na hanggang ngayon ay may gusto pa rin ito kay Cheska.