CHAPTER 17

1670 Words
PAGKATAPOS ng apat na araw na pagkaka-confine sa ospital ay nakalabas na rin si Zinnia. Si Jerimie na ang nag-asikaso ng lahat dahil hindi na muling bumalik ng ospital si Maddy. "Daddy, are we going home?" tanong ni Zinnia sa ama habang nakaupo sa likurang bahagi ng sasakyan katabi ni Gina. "Yes, we're going home. Why, are you excited?" "Yes, daddy. I want to play with my toys." Bumaling ito sa katabi. "Nurse Gina, are you excited to go home, too?" "Of course, Zinnia." "But why?" "Because you're okay now. We can play all day again at home," sagot ni Gina sa paslit. Nag-focus na lang sa pagmamaneho si Jerimie. Pinabayaan na lang niyang mag-usap sina Zinnia at Gina at nakuntento na lang siya sa pakikinig sa mga ito. Pagdating nila sa bahay ay binuksan ng kasambahay na si Diday ang gate. Malaki ang bahay at alam mong may kaya ang nakatira rito. Pumasok sila sa loob ng bahay. "Nasaan si Maddy?" tanong niya sa katulong. "Nasa pool po, ser," magalang na sagot nito. "Gina, ihatid mo na sa room niya si Zinnia." "Yes, sir." Hinawakan nito sa kamay ang bata. "Halika na, Zinnia. Let's go to your room." Pinuntahan ni Jerimie sa pool area si Maddy. Naabutan niyang abala ito sa paglangoy. Umakyat ang dugo sa ulo ni Jerimie at kaagad niyang sinita ang babae. "Anong klase kang ina? Nasa ospital ang anak mo, pero nandito ka lang at kampante na parang walang nangyari." "Eh, 'di ba magaling na nga si Zinnia? Ano ba ang gusto mong gawin ko, tumambay sa ospital at ngumawa nang ngumawa? At anong masama kung mag-swimming ako? Nagbabawas lang ako ng stress. Ilang araw na akong stress dahil sa pagkakasakit ni Zinnia. Anong gusto mo, ako naman ang magkasakit?" Natampal ni Jerimie ang sariling noo. Anong klaseng babae ba itong naging ina ng kanyang anak? Ito ba talaga ang babaeng minahal niya nang sobra-sobra? Noon! Oo, noon. Dahil imposibleng mahalin pa niya si Maddy ngayon. Hinding-hindi niya kayang mahalin ang isang taong puro sarili lamang ang iniisip. Walang concern sa iba, kahit na yata sa sariling anak. "Aalis na ako. Nasa kuwarto na niya si Zinnia. She is okay now. Sana naman iwasan mo nang ma-expose siya sa mga bagay na puwedeng mag-trigger ng pag-atake ng sakit niya." Tinaasan lang siya ng kilay ni Maddy. "Huwag mo akong turuan kung paano ko aalagaan ang anak ko," mataray nitong sabi. "Tuturuan kita hanggang hindi ka natututong magpakaina kay Zinnia. Hindi ka na dalaga. May anak ka na. Dapat alam mo kung paano magpakaina lalo na at maselan ang kalagayan ng anak mo," nanggigigil na sabi ni Jerimie. "Whatever! Kung magsalita ka akala mo naman ay napakabuti mong ama. Eh, ikaw nga itong kung saan-saang impiyerno nakalarating para lang maglakwatsa." Dinampot ni Maddy ang sigarilyo at lighter na nasa marmol na mesita sa gilid ng pool at sinindihan iyon. "I told you to stop smoking!" inagaw niya ang sigarilyo at inis na itinapon sa pool. "Kung gusto mong sunugin ang baga mo, 'wag mong idamay ang anak mo!" "Leche! Gagawin ko kung ano'ng gusto ko. At walang puwedeng pumigil sa akin. Not even you!" Nagdadadabog na iniwan siya ni Maddy. Huminga siya nang malalim para i-compose ang sarili. Gusto niyang sumabog sa inis pero useless lang makipagtalo sa babaeng sarado ang pag-iisip. Nagpasya siyang umalis na lang sa bahay na iyon. "Diday!!!" "Ser?!" Nagtatatakbong lumapit sa kanya ang katulong. "Bakit po?" "Aalis na ako. Bantayan n'yong mabuti si Zinnia. Tawagan mo ako kaagad 'pag may problema, maliwanag?" "Opo, ser. Maliwanag po." "Nagbilin na rin ako kay Gina sa ospital kanina. Alam na niya ang gagawin. Basta, kayong dalawa ang inaasahan kong mag-aalaga sa anak ko. Huwag n'yong papayagan si Maddy na manigarilyo malapit sa anak ko. Nagkakaintindihan ba tayo?" "Eh, ser mapipigilan ko ba si Ma'am Maddy kung gusto niyang manigarilyo?" nag-aalangan nitong tanong. "Ilayo mo si Zinnia. Dalhin mo sa kuwarto at i-lock mo ang pinto." "O-opo, ser." "Buksan mo ang gate at lalabas na ako. Pupuntahan ko lang sandali si Zinnia para magpaalam." Agad na siyang nagtungo sa silid ng anak. Nagtatakbo papauntang garahe ang katulong at agad na binuksan ang gate. "Daddy!" sigaw ni Zinnia pagpasok niya sa silid nito. Nakahiga ito habang nakaupo sa tabi nito si Gina at nagbabasa ng fairy tale. Hinalikan niya sa pisngi ang anak. "I have to go. I still have works to do. Magpakabait ka lagi, ha?" Tumango si Zinnia. "When are you coming back, Daddy?" "I'll try to visit you often. You can also call me anytime. Just borrow the phone of Nurse Gina, okay?" "I love you, Daddy." "I love you too, sweetie." Isa pang halik ang iginawad niya sa pinakamamahal na anak bago siya lumabas ng silid. NANG GABING iyon ay maaga siyang nagpahinga para bumawi ng tulog. At saka naman siya nakatanggap ng tawag mula kay Elsa. "Hi, Jerimie! Busy ka ba?" As usual ay halata na naman ang kalandian sa boses ni Elsa. "Hindi naman. Nasa bahay lang ako, nagpapahinga na. Babalik na kasi ako bukas sa La Union," kaswal niyang sagot habang nakahiga sa kama. "Ah, ganoon ba? Anong oras ka bibiyahe? Puwede kayang sumabay na lang ulit ako sa'yo?" "Okay lang naman. Wala namang problema." "Pero anong oras nga? Dadaan pa kasi sana ako sa mall. Bibilhin ko lang iyong stuffed toy na ireregalo ko sa anak ni Lourdes. Inaanak ko kasi iyon, malapit na ang birthday." "Wala ba sa La Union?" "Siyempre, meron. Pero iyong particular stuffed toy na gusto no'ng bata, wala akong mahanap. Eh, meron sa Megamall kaya doon na lang ako bibili." "Samahan na lang kitang bumili para diretso biyahe na tayo pagkatapos." Kinilig nang todo ang kapitana. "Talaga? Sasamahan mo ako? Ang sweet mo talaga, Jerimie. Naku, nahihiya naman ako. Makikisabay na nga ako sa sasakyan mo, maiistorbo pa kita sa pagsama mo sa akin sa mall." "Hindi naman. Wala iyon. So, paano? Anong oras tayo magkikita?" "Lubusin ko na kaya ang pang-aabuso sa'yo..." "Ha?" "Okay lang bang sunduin mo na lang ako dito sa bahay ng pinsan ko? Tapos at saka tayo pumunta sa mall." "Puwede naman. Kung gusto mo ba, eh." Mas lalo pang kinilig si Elsa pero pinigilan nito ang sarili. Ngayon ay alam na niyang may pagtingin rin sa kanya si Jerimie. Hindi naman ito mag-aaksaya ng oras sa kanya kung hindi siya nito gusto. Nahihiya lang siguro itong magsabi dahil kelan lang naman sila nagkakilala. Pero sigurado siyang type din siya ng lalaking ito. KINABUKASAN ay maagang sinundo ni Jerimie si Elsa sa bahay ng pinsan nito. Nasa daan pa lang ay tinawagan na niya ito kaya naman pagdating niya roon ay nag-aabang na ito sa kanya. "Hi!" bati niya rito nang ihinto niya ang sasakyan. "Tara na!" Nagmamadaling sumakay si Elsa. Agad niyang naamoy ang pabango nito nang umupo na ito sa tabi niya. "Ano bang stuffed toy 'yong bibilhin mo at napakahirap naman yatang hanapin?" tanong niya rito. "Pokemon. Alam mo naman, maraming klase daw iyon. Pero, sure ako na meron sa megamall." "Sige, let's go!" Pinaandar na niya ang sasakyan. Mabilis nilang narating ang mall at anong tuwa ni Elsa nang mahawakan ang stuffed toy na hinahanap niya. Pumila na sila sa cashier para magbayad. Kahit maaga pa ay mahaba na agad ang pila. May limang tao ang nasa unahan nila, sa likod naman ay may isang babae pa na nakapila rin. Ang babaeng ito ay naaaliw na pagmasdan ang magsyotang nasa kanyang harapan na ang lalaki'y may hawak na malaking pokemon habang ang babae naman ay tila may pagka-clingy at ayaw nang bumitaw sa nobyo nito. "Buti na lang talaga sinamahan mo ako. At least, hindi na ako nahirapan sa biyahe. At hindi na rin ako mamomroblema kung paano ko iuuwi itong malaking stuffed toy na 'to." Ang tamis ng pagkakangiti ni Elsa habang kampanteng nakahawak sa braso ni Jerimie. Dala naman ni Jerimie ang stuffed toy. Hanggang sa makapagbayad si Elsa ay hindi nito inaalis ang pagkakahawak sa braso ni Jerimie. Talagang in-enjoy niya nang husto ang oras na solong-solo niya ang lalaki. At katulad nang napag-usapan, pagkagaling sa mall ay bumiyahe na sila pabalik ng La Union. Mahaba ang naging biyahe pero balewala iyon kay Elsa. Dahil habang nasa biyahe sila ay mas nakilala niya si Jerimie sa dami ng kanilang napag-usapan at pakiramdam niya ay naging mas malapit pa silang dalawa. Konting-konti na lang at alam niyang magtatapat na ito sa kanya. Hindi siya maaaring magkamali, gusto siya ni Jerimie. KAUUWI lang ni Cheska pagkatapos ng maghapong aktibidad sa covered court. Malapit na nilang matapos ang mission nila sa lugar na iyon. So far, wala namang nagiging problema. Lahat ng mga kasali ay willing matuto at hindi naging pasaway. Kung mas maaga silang matatapos, pabor sa kanya iyon. Makakabalik siya ng Maynila nang mas maaga kesa sa naiplano nilang araw ng pagbalik niya sa opisina. Sabado bukas kaya makakapagpahinga siya. Ilang araw na rin siyang umaalis ng bahay at umuuwi nang mag-isa lang. Hindi na siguro babalik si Jerimie. Hindi man lang nga ito tumawag o nag-text kahit minsan. Hindi rin naman siya nag-abalang tawagan o i-text ito dahil ayaw niyang makaistorbo. Hindi naman ito obligadong samahan siya dito sa La Union. Maging si Kapitana Elsa ay wala pa rin. Nabalitaan niya kay Lourdes na dumalo pala ito sa kasal ng kaibigan nito sa Maynila. Paakyat pa lang siya sa kuwarto nang may kumatok sa pinto. "Sino kaya 'yon?" bulong niya sa sarili. Bumaba siya ng hagdan at naglakad patungo sa pintuan. Muli siyang nakarinig ng mga katok. "Sandali lang!" sigaw niya sa kontroladong boses. Binuksan niya ang pinto at para siyang natuklaw ng ahas nang makita kung sino ang dumating. "Jerimie?!" Hindi na niya nadugtungan ang sinabi. Bakit mas lalo pa yatang gumuwapo si Jerimie sa paningin niya? Hindi nagsalita ang lalaki. Nakangiti lang ito habang nakatingin sa kanya. "Jerimie!!!" Parang wala sa sariling bigla niya itong niyakap. Mahigpit na mahigpit. Tila ayaw na niyang mawala itong muli sa paningin niya.        
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD