HINDI nagtagal at muling tumunog ang doorbel. Nabungaran ni Cheska si Jerimie na dala ang kanyang travelling bag.
Ipinasok ng binata ang dala. "Ayan, magbihis ka na tapos, pumunta ka sa room ko para makapag-dinner na tayo."
"May food na ako rito. Dinala no'ng staff."
"Oo nga, pero doon ka na kumain sa room ko para sabay na tayo. At saka nag-order na rin ako ng additional dessert. Kaya 'wag ka nang umapela dahil boyfriend mo ako kaya dapat sabay tayong kumakain," kaswal na sabi ni Jerimie.
Natameme si Cheska. Hindi niya inaakala na aakto ng ganoon si Jerimie. Una, hindi pa naman sila formally nag-uumpisa sa kanilang palabas. Ikalawa, wala naman dito ang mga kaibigan niya kaya hindi kailangang mag-effort nito bilang boyfriend niya.
Bago pa siya nakapagsalita ay naunahan na siya ni Jerimie. "Lalabas na ako para makapagbihis ka. Hihintayin kita sa room ko." Mabilis nitong dinampot ang tray ng pagkain niya. "Dadalhin ko na 'to." Sa isang iglap ay nasa pintuan na ito at papalabas na ng kuwarto.
Binuksan ni Cheska ang kanyang travelling bag at pumili ng maisusuot. Nang makapagbihis at makapag-ayos ng sarili ay pumunta na siya sa kuwarto kung saan naroon si Jerimie.
Natulala si Jerimie pagkakita kay Cheska. Napakaganda nito sa simpleng maroon high rise tailored short pants at white sleeveless blouse.
"Hoy! Akala ko ba kakain tayo?"
"Ha?" Napalunok si Jerimie. "Halika, pumasok ka."
Pumasok si Cheska at nagulat pa siya sa nakitang nakahaing pagkain ss loob. "Mabuti't may table at silya ka rito."
"Hiniram ko sa staff. Nagbakasakaling meron. Halika, kumain na tayo. Umorder ako ng dessert kasi isang slice na brownie lang ang kasama sa free dinner. Kaya eto, nagpadagdag ako ng buko pandan at leche flan. Nag-crave ako bigla sa matamis, eh. Maupo ka na."
Nagsimula silang kumain. Paminsan-minsan ay nahuhuli ni Cheska si Jerimie na nakatingin sa kanya.
"Bakit mo ako tinitingnan?" tanong niya sa lalaki.
"I just want to make sure na nakakakain ka nang maayos. Ayokong magutom ka 'pag ako ang kasama mo."
"Kumain ka na rin. Ayoko ring nagugutom ka kapag ako ang kasama mo..."
Napangiti si Jerimie. Parang gusto niyang kiligin.
"Baka isipin ng mga tao, inubos ko ang pagkain mo kaya nagutom ka," dugtong ni Cheska.
Nagsalubong ang kilay ng lalaki.
Si Cheska naman ang ngumiti. Iyong ngiting tila nang-aasar.
Ipinagpatuloy na lang nila ang pagkain.
"Matagal ka na ba rito sa trabaho mo?" mamaya pa'y naitanong ni Jerimie.
"Almost five years. After graduation, dito na ako nagtrabaho."
"Naisip ko kasi, 'yong mga kaibigan mo media practitioner lahat. Nasa linya ng tinapos nilang kurso ang trabaho nila. Bakit umiba ka ng linya?"
Napangiti si Cheska kasabay ang pagkibit-balikat. "Bata pa lang ako, gusto ko na talagang magtrabaho sa isang NGO. Gusto ko 'yong trabahong nakakatulong ako sa ibang maliliit na sektor ng gobyerno. At hindi naman ako lumayo sa kursong tinapos ko. Nasa media rin ako. Ako ang content producer ng social media accounts ng iHope uCare Foundation. I am also a blogger. Lahat ng mga nangyayari sa bawat project ng iHope uCare Foundation ay isinusulat at ipino-post ko sa blog ko. So basically, nasa linya pa rin ng tinapos kong kurso ang trabaho ko. Hindi lang gaanong napapansin dahil wala naman ako sa radyo o telebisyon. Pero nagagamit ko sa trabaho ko ang mga natutunan ko sa kolehiyo," mahabang paliwanag niya kay Jerimie.
"Wow, I never thought you are that busy. Akala ko dati, ang mga nagtatrabaho sa NGO ay hindi naman talaga nahihirapan sa trabaho nila. Hindi ko ini-expect na stressful din pala ang trabaho n'yo."
"Mahirap maghanap ng sponsors. Ang bawat proyekto namin ay umaasa lang sa sponsors. Hindi kami makakakilos kung walang private companies and individuals na tutulong sa amin para maisakatuparan ang bawat gagawin naming pagtulong. Hindi naman talaga kami ang tumutulong. Kami lang ang instrumento para maiparating sa tamang tao ang mga tulong na ibinibigay ng mga kababayan nating may mabubuting loob."
Tumango-tango lang si Jerimie.
"Kaya nga thankful kami sa mga katulad ng kompanya n'yo na hindi nagdadalawang-isip na magbigay ng tulong sa mga proyektong katulad nito."
Nang gabing iyon ay hindi kaagad nakatulog si Jerimie. Sa araw na ito ay mas nakilala niya si Cheska at hindi niya maitatangging mas tumindi ang pagnanais niyang makilala pa ito nang mas malalim.
KINABUKASAN ay maagang gumising ang dalawa para mag-check out sa hotel. Halos magkasabay pa silang lumabas ng kani-kanilang mga kuwarto. Si Jerimie as usual ay guwapong-guwapo sa suot nitong ripped maong pants at black v-neck shirt. Kahit yata magsuot lang ng basahan ang lalaking ito ay guwapo pa rin.
Saglit na hindi nakapagsalita si Jerimie nang makita si Cheska. Kung kagabi ay gandang-ganda siya sa kasimplehan nito, ngayon naman ay nakita niya ang pagiging sopistikada ng itsura nito kahit na simpleng old rose fitted jeans at long sleeved striped blouse lang ang suot nito. Naisipan niyang asarin ang dalaga.
"Kailangan talaga naka-heels ka papunta sa liblib na barangay sa lugar na ito?"
Tinaasan siya ng kilay ni Cheska. "Ano namang pakialam mo? Para kasing hindi bagay kung sneakers ang isusuot ko. At saka, saglit lang naman amg biyahe. Pagdating natin doon, at saka na lang ako magsa-sandals. Siyempre, makikipag-usap tayo sa mga barangay officials doon. Ayoko namang magmukhang dugyot. Nire-represent ko yata ang opisina namin. Ayokong may masabi silang hindi maganda sa akin."
"Sige nga, pipiktyuran kita. Mag-pose ka na riyan."
"Ayoko nga. Inuuto mo ako," mahigpit niyang pagtanggi.
"Paano maniniwala ang mga kaibigan mo na girlfriend kita kung wala man lang akong picture mo?" Nakita niyang nag-isip si Cheska.
"O, sige pero isa lang, ha? Lahat na lang ng pang-uuto ginagawa mo." Sinimangutan niya ang lalaki.
"Sige, simangot pa. Alam mo namang gandang-ganda ako sa'yo kapag nakasimangot ka, nakairap o nagsusungit," natatawang sabi ni Jerimie.
"Bilisan mo na nga kung magpi-picture ka. Basta, isa lang."
"Mag-pose ka na. Iyong maganda." Inihanda niya ang kanyang cellphone.
Nag-pose si Cheska. "Ganito ba?"
"Oo, ganyan. Wait, freeze that pose. One... Two... Three..." Pinindot niya ang camera ng phone. "Ayan, ang ganda!"
"Patingin nga!"
"Here..." Iniabot niya rito ang cellphone.
"Ano naman ang gagawin mo rito?"
"Wala, dito lang sa phone. Para may titingnan ako kapag nami-miss kita..."
Shit! Nakatitig na naman siya sa akin, bulong ng isip niya. Kung ice cream lang ako siguradong kanina pa ako natunaw. "Halika na, masyado ka nang nag-eenjoy na bolahin ako." Naglakad na siya papuntang elevator bitbit ang kanyang travelling bag.
"Wait! Give me your bag!" Hinabol siya ni Jerimie at kinuha ang kanyang dala. "Anong klase akong boyfriend kung hahayaan kitang mahirapan sa bitbit mo?"
Hindi na siya sumagot. Baka hindi na siya makahinga kapag humirit na naman ng nakakakilig na linya ang lalaking ito.
Pagkatapos mag-check out ay dumaan muna sila sa isang fast food restaurant at bumili ng makakain habang nasa biyahe sila. Sabi sa waze, aabutin pa sila ng treinta minutos bago makarating sa lugar na pupuntahan nila. Kailangang habang daan ay kumain na sila dahil pagdating sa pupuntahan ay puro trabaho na ang haharapin nila sa buong maghapon.