HUMINTO ang sasakyan nila sa barangay hall ng Brgy. Naragsak. Nauna nang bumaba ng sasakyan si Jerimie. Bumaba na rin si Cheska at tumuloy sa opisina ng barangay. Sumunod sa kanya sa loob si Jerimie.
"Magandang umaga po," bati niya sa nadatnang babae sa barangay hall. "Hinahanap ko po si Kapitana Elsa."
"Magandang umaga rin po. Kayo po ba 'yong taga-NGO sa Maynila?" tanong ng babae habang sinasalubong sila.
"Kami nga po. Ako po si Cheska. Si Jerimie naman itong kasama ko," pagpapakilala niya sa kanilang sarili kasabay ang isang matamis na ngiti.
"Ako naman si Lourdes. Isa ako sa mga kagawad ng barangay." Nakipagkamay ito sa kanilang dalawa. "Papunta na rito si Kapitana, pinuntahan lang niya ang mga volunteer na makakasama n'yo. Naroon na silang lahat sa covered court," pagbibigay impormasyon ni Lourdes. "Maupo muna kayo habang hinihintay natin si Kapitana."
Naupo si Cheska pero si Jerimie ay nagpaalam sandali.
"May titingnan lang ako doon sa sasakyan," sabi nito sa kanya at kaagad na naglakad papalabas ng barangay hall at bumalik sa sasakyan.
Hindi naman sila nainip. Ilang sandali lang ay may babaeng dumating sa barangay hall.
"Maligayang pagdating sa barangay namin. Akala namin kagabi kayo darating," sabi ng magandang dalaga na diretsong pumasok sa loob ng barangay hall. "Ako si Kapitana Elsa," pagpapakilala nito. Ikaw siguro si Cheska, tama ba ako?"
"Ako nga po," sagot niya rito kasabay ng paglahad niya ng kamay. "Ikinagagalak kitang makilala, Kapitana. Ang bata mo pa, at ang ganda." Napahanga siya sa bagong dating. Hindi niya inaasahan na ganito kabata ang barangay captain dito. Tingin niya ay nasa beinte-tres lang ang edad nito. At maganda talaga ang kapitanang ito.
Inabot ng babae ang kamay niya. "Ikinagagalak din kitang makilala. Sino iyong guwapong kasama mo?" Itinuro nito si Jerimie na nakasandal sa sasakyang dala nila.
"Ah, si Jerimie 'yan, Kapitana. Ipinadala ng kompanya nila para personal na mangasiwa sa mga donasyon."
"Ah, ganoon ba?" Napatango-tango ang babae. "Paano? Pupunta na tayo sa covered court. Andoon na ang mga makakasama mo, pati ang mga residente ng barangay namin. Mamaya ko na lamang kayo dadalhin sa tutuluyan n'yo habang naririto kayo."
"Sige po, kayo ang bahala. Ang importante ay matapos sa oras ang mga dapat gawin ngayong araw."
"Huwag mo na akong pino-po. Ang lakas maka-thunder. Mas matanda ka pa nga yata sa akin, eh."
Hindi nakasagot si Cheska. At bago pa siya makapagsalita ay naglakad na papalabas ng hall si Elsa. "Halika na, para maaga tayong matapos."
Pakendeng-kendeng na naglakad si Kapitana. Nagmamadali namang sumunod dito si Cheska.
"Jerimie, right?" bati nito sa binata nang makalapit rito.
"Ah, yes." Nakangiti si Jerimie. Ugali na talaga nito ang ngumiti.
"I'm Elsa, the barangay captain," pagpapakilala nito kasabay ang paglahad ng kamay.
Inabot ni Jerimie ang kamay ng babae. "Pleased to meet you, ma'am."
"Masyado ka namang pormal. Elsa na lang. Two weeks din tayong magkakasama rito kaya masanay ka nang tawagin ako on a first name basis," may landi ang ngiting ibinigay nito kay Jerimie.
"May katungkulan ka sa barangay. Gusto ko lang magpakita ng respeto," sagot niya.
"Well, respect can be shown in some other ways naman. Am I right?"
"Hmm, oo naman," pagsang-ayon niya.
"Aalis na ba tayo?" Mula sa likuran ay nagsalita si Cheska. Napalingon tuloy si Elsa.
"Oo, halika na," sabi ng kapitana. "Sasabay na lang ako sa sasakyan n'yo, ha?"
"Sure!" mabilis na sagot ni Jerimie.
"Sa likod ka na lang muna, Cheska. Dito na lang ako sa unahan para maituro ko kay Jerimie ang daan." Ang laki ng pagkakangiti ni Elsa. Kulang na lang ay mapunit ang mukha nito.
Napatingin si Jerimie kay Cheska na agad namang sumakay sa likurang bahagi ng sasakyan katabi ng mga kahon ng school supplies.
Sumakay na rin sina Elsa at Jerimie. Agad na pintakbo ng binata ang sasakyan.
"Idiretso mo lang, Jerimie. Basta diretso lang." Iba ang dating sa pandinig ni Cheska ng boses ni Elsa. Bakit ba parang ang landi-landi ng boses nito? "Matagal ka na ba sa trabaho mo, Jerimie?" tanong nito na hindi inaalis ang tingin sa katabi.
"Medyo matagal na rin," sagot ng binata na ang mga mata ay nanatiling nakatuon sa kalsada.
Nakikinig lang sa usapan ng dalawa si Cheska. Wala siyang balak makisali sa usapan. Kung hindi rin naman siya tatanungin, hindi siya magsasalita. Naiinis siya at hindi niya alam kung bakit!
"Lumiko ka sa kaliwa diyan sa kanto, Jerimie," malambing na sabi ni Elsa. "Iparada mo sa covered court."
Sumunod siya sa sinabi ng kapitana. Nakita niya ang covered court at marami na ngang mga tao roon.
Bumaba na silang tatlo ng sasakyan. Tinawag ni Elsa ang ilang volunteers para tumulong sa pagbababa ng mga kahong dala nila.
Mabilis na nadala sa covered court ang mga donasyong school supplies.
Kinuha ni Elsa ang mikropono at nagsalita. "Mga kabarangay, magsisimula na tayo. Pero gusto ko munang ipakilala sa inyo ang mga kasama ko, sina Cheska at Jerimie. Galing sila sa Maynila at makakasama natin sila upang turuan ang mga bata sa kanilang mga aralin, at ang mga magulang naman ay tuturuan din gumawa ng ilang proyektong pangkabuhayan para makatulong sa dagdag na pagkakakitaan ng inyong mga pamilya. Palakpakan naman natin sina Jerimie at Cheska."
Nagpalakpakan ang mga tao sa covered court. Tila ang lahat ay excited nang simulan ang mga dapat nilang gawin sa araw na ito.
"May gusto ka bang sabihin, Cheska?" tanong sa kanya ni Elsa. Lumapit siya at kinuha rito ang mikropono.
"Magandang umaga po! Masaya ako na nandito kayo ngayon para makisali sa aming proyekto. Sana po ay makatulong sa inyong mga anak at sa inyong buong pamilya ang mga gagawin natin for two weeks kung saan magbe-benefit ang mga residente ng tatlong barangay dito sa inyong lugar. Gagawin po namin ang lahat para maituro sa inyo ang mga kailangan n'yong malaman sa pag-uumpisa ng isang maliit na kabuhayan. At sa mga kabataang nag-volunteer para sa proyektong ito, maraming salamat sa inyong lahat. Hindi mangyayari ito, kung hindi dahil sa inyo." Muling nagpalakpakan ang mga tao pagkatapos ng maikling pananalita ni Cheska. Ibinalik niya kay Elsa ang mikropono. Nahagip ng mata niya si Jerimie na nasa isang bahagi ng covered court at may kausap na ilang kabataang alam niyang volunteers nila dahil na rin sa mga suot nitong yellow shirts na may logo ng iHope uCare Foundation.
Muling nagsalita si Elsa. "Opisyal ko nang binubuksan ang gawaing ito!"
Nagpalakpakan ang mga tao at nagsimula nang kumilos ang mga volunteer. May mga naka-assign para magbigay ng mga school supplies sa mga bata. Ang iba naman ay nakatokang magturo ng livelihood project sa mga magulang na naroroon. Kung seseryosohin ng mga residente ang matututunan nila sa proyektong ito, totoong malaki ang maitutulong nito sa mga buhay nila.
Nang mga sumunod na oras ay naging abala na ang lahat sa covered court. Si Cheska ay tumulong sa pamimigay ng school supplies. Hindi na nga niya namalayan ang oras. Paminsan-minsan ay nasusulyapan niya si Jerimie na abala rin... abala sa pakikipag-usap kay Elsa.
"Ms. Cheska..." Hindi niya napansin ang paglapit ng isang babaeng volunteer.
"O, may problema ba?" tanong niya rito.
"Ako po si Kathy. Ako 'yong kontak ni Ms. Pura dito sa Brgy. Naragsak."
"Yeah, oo naalala kita. Sinabi nga sa akin ni Pura na Kathy ang name ng kontak namin dito. Sorry, Kathy hindi na kita nakausap kanina bago tayo nag-umpisa. Naging busy na ang lahat, eh. Anong maitutulong ko sa'yo?"
"Wala naman pong problema. Iimbitahan ko lang sana kayong sumabay sa amin mag-lunch kasama ng ibang mga volunteer." Ngumiti si Kathy. "Gusto po kasi nila kayong makilala. Gandang-ganda sila sa inyo," kinikilig na sabi pa nito. "Lalo na iyong mga lalaking volunteer, kanina pa sila hindi mapakali sa sobrang paghanga sa'yo."
"Naku, salamat. Lahat naman tayo magaganda."
"Pero ikaw, Ms. Cheska ang pinakamaganda sa lahat," bukal sa loob na papuri ni Kathy.
"Ikaw naman, sasabay naman akong mag-lunch sa inyo kahit hindi mo ako bolahin," sinabayan niya iyon ng isang mahinang halakhak.
"Hindi iyon bola, Ms. Cheska. Alam kong alam mo 'yan. Sige po, babalikan na lang kita mamaya kapag kakain na tayo."
"Sige... Salamat, ha?"
Tinanguan siya ng babae at umalis na ito.
Nang dumating ang lunch break ay lumapit kay Cheska si Jerimie.
"Saan tayo kakain? May nadaanan akong restaurant kanina, doon na lang tayo mag-lunch," yaya nito sa kanya.
"Naku, nag-invite si Kathy, iyong kontak ng foundation namin dito. Gusto raw nila akong makasabay kumain. Kung gusto mo, sumama ka na lang din."
"Sa amin ka na lang sumabay, Jerimie. Nagpaluto ako sa isang tanod ng masarap na pananghalian. Iimbitahan ko sana kayo ni Cheska, kaso naunahan na pala ako ni Kathy. So, puwede naman sigurong ikaw na lang muna ang imbitahin ko." Mula sa likuran ay nagsalita si Kapitana Elsa at sumali sa usapan nila.
Hindi kaagad nakasagot si Jerimie. Tumingin ito kay Cheska na tila nagpapasaklolo.
"Okay lang, Kapitana. Sa ibang araw na lang ako sasabay kumain sa inyo," kaswal na sabi niya pero nagpupuyos ang kanyang kalooban. Bakit ba bigla-bigla na lang sumusulpot ang kapitanang ito? Panira ng moment!
"O, paano? Tara na, Jerimie..."
Wala na siyang nagawa nang umabrisiyete na si Elsa kay Jerimie na tila napipilitan lang ding sumama sa babaeng barangay captain.