WHATEVER happened in resort, leaves in resort! Iyan ang itinatak ko sa isip ko matapos ang namagitan sa amin ni Xanth. Mananatili na lamang doon ang lahat ng nangyari. Doon na lang din ang huling beses na makikita ko siya. Tuluyan ko na siyang kalilimutan. Lahat-lahat ng tungkol sa amin ni Xanth ay ibabaon ko na sa limot. At sana rin ay tuparin niya ang ipinangako niyang hindi-hindi na ako guguluhin pa.
"Syete ka! Nakakainggit ka naman, Zekeilah!" Tili ni Camille nang mag out kami sa trabaho. Timing din dahil sabay ang oras ng out namin kaya sabay kaming uuwi. Kasalukuyan kaming naghihintay ng masasakyang jeep papauwi. "Ang lakas ng benta mo kanina, ha? Grabe!"
Ngayon lang kami nagkaroon ng pagkakataong magkasabay at siguradong uumpisahan niya na akong kulitin tungkol sa nagdaang outing. Buong linggo ko siyang iniiwasang makausap dahil alam kong uungkatin niya lang ang nangyari sa akin sa resort.
Alam ko at ramdam ko na marami siyang gustong malaman tungkol sa nangyari at kung bakit ako biglang nawala. Hindi lang makaporma ang bibig niya dahil inuunahan ko na siya. At ang idinahilan ko sa pagiwas sa kanya ay wala ako kamo sa mood para magkwento.
"Hoy! Ano ba naman 'yan! Isang linggo mo na nga akong dinidedma, hindi mo pa rin ba ako kakausapin? Taong 'to! Hindi ko malaman kung may galit ba sa 'kin o ano! Nasobrahan naman yata 'yang pagiging introvert mo! Psh! Imik-imik din pag may time, Zekeilah!"
Lihim akong napabuntong hininga. Sa dami ng pumasok sa isip ko ay saka ko lang napagtantong nakatulala na naman pala ako. Napailing na lang ako saka tipid na ngumiti sa kanya.
"Sorry! Wala lang ako sa mood, ano ka ba! 'Tsaka, may iniisip din kasi ako, eh."
Inirapan niya ako at saka niya ipinagkrus ang mga braso. "Psh! Lagi ka namang wala sa mood, eh! 'Tsaka, ano ba 'yang mga iniisip mo at di ko maarok-arok! Hirap din sayo, ayaw mo namang i-share. Para saan ba't naging magbestfriend tayo!" Nakanguso niyang sambit.
"Napakadrama mo! Wala lang sa mood magsalita, kung ano-ano ng pinagsasabi mo."
"Fine! I'll zip my mouth na! Psh! Pero, bakit nga ba ang lakas ng benta mo kanina?" aniya at agad nagbago ang ekspresyon ng mukha. Naroon nag pagtataka.
Kumibit ako ng balikat. "Oo nga eh. Hindi ko akalain na dudumugin ang booth ko ng mga couples kanina. Ang laki ng sales ko." Tugon ko saka ako naghanda para sa paparating na jeep.
Si Camille ang pumara sa jeep na sakto namang huminto sa mismong tapat namin. Kaagad kaming sumakay at doon pinagpatuloy ang naunsyaming usapan.
"Ang swerte mo nga nitong nagdaang araw, eh, hindi lang kanina. Andami mong nagiging costumer at pwesto mo talaga ang hinahanap nila gayong meron din naman kaming mga design na mayroon ka. Psh! Anong klase ba kasi ng anting-anting ang meron ka, Zekeilah? I-share mo naman kasi sa 'kin, oh! tuwang-tuwa niya akong dinunggol-dunggol sa braso ko kaya naman napaigtad ako.
Nilingon ko siya at kimunutan ko ng noo. "Anong anting-anting ka diyan! Wala ako no'n at saan naman ako kukuha no'n! Sadyang dumating lang ang swerte sa akin. At sana nga ay tumuloy-tuloy iyon ng maipon ko ang mga kumisyon at incentives ko." nangingisi kong bulong.
"Bongga ka besh! Napakalaki nga ng makukuha mong incentives ngayon! Syete ka! Balatuhan mo 'ko, ha??" anya at ipinagdaop ang dalawang palad at ipinatong doon ang baba niya at tumunghay sa akin.
Ngunit bahagya akong napangiwi dahil sa lakas ng boses niya at nakita kong pinagtitinginan na kami ng ibang pasahero! Pero, mabuti na rin lang at nakatulong ang facemask ko kaya hindi rin kita ang kabuuan ng mukha ko. Nakakahiya pero ayoko naman siyang dedmahin dahil baka magalburuto na naman siya at kung ano-ano na naman ang lumabas sa mala-armalite niyang bibig.
"Oo na! Sige. Sa unang sahod ko ay ili-libre kita! Basta samahan mo 'kong libutin 'tong lugar natin, ah?"
Namilog ang mga mata niya. "Oh my gezzz! Sige ba, gusto ko 'yan!!" Tili niya at napapalakpak pa.
Tinakpan ko ang bibig niya. "Pwede bang hinaan mo 'yang boses mo, Camille. Tsk! Ang lakas ng boses mo! Doon na nga lang tayo magusap sa bahay. 'Wag dito! Pinagtitinginan tuloy tayo, nakakahiya!" mariin kong bulong sa kanya na ikinabungisngis niya ng todo. Kahit pa nakasuot siya ng facemask ay sigurado akong labas lahat ng gilagid niya sa sobrang tuwa niya.
"Okay, fine! Madami-dami din kasi akong itatanong sayo, eh. Usap tayo sainyo ha? At 'wag mong babawiin 'yan, ah?" anya at saka ini-zipper pa niya kunwari ang bibig niya.
Napaikot na lang sa ere ang mata ko. Patay na. Siguradong kukulitin niya ako tungkol sa nangyari sa outing! Hirap na hirap pa naman akong maglihim.
Ilang sandali lang ay biglang huminto ang sinasakyan naming jeep at nagulat ako dahil sa ingay ng mga bagong sumasakay na pasahero. Mga babaeng teens iyon na nasa anim ang bilang. Biglang siksikan sa upuan at isa sa pinakadaldal ang tumabi sa akin. Naghahagalpakan at sabay-sabay na nagkukwentuhan ang mga ito na hindi na halos maintindihan dahil sa napakalalakas ng mga boses nila.
Napabuntong-hininga na lamang ako.
"Vrena, look! Trending ngayon sa twitter 'yong hot model na si Xanth Eadric!" dinig kong tili ng katabi kong babae na mukhang nasa desisais pa lang yata. Napatingin naman sa cellphone nito ang babaeng tinawag na agad namang natutop ang bibig at nanlalaki pa ang mga mata. "Cover siya sa magazine at ang soon to be wife niya!"
Soon to be wife niya??? Napalunok ako.
"Oh my gosh!!!! Kyaaaaahhh!! Super hot niya talaga! Iihhhhh! But, uhhhhh... Is he really getting married na talaga? My God! That girl is so lucky!!" Tili no'ng Vrena.
"I hope, ako na lang 'yong girl!!!" Tili din ng babaeng katabi ko.
Agad akong nilukuban ng matinding lungkot sa narinig kaya't pasimple kong sinilip ang post sa cellphone nong katabi kong teen. Kaso, hindi ko makita ang mukha no'ng babaeng kasama ni Xanth sa magazine dahil natatakpan iyon ng kamay no'ng Vrena. Tanging mukha lang ni Xanth na nakangiti ang nasisilip ko.
Kaagad kong ibinaling sa bintana ng jeep ang mukha ko. Napapikit ako at sabay akong napabuntong hininga! Naninikip na naman bigla ang dibdib ko. At kahit naman hindi ko nakita kung sino 'yong babae ay sigurado naman akong si Mam Vixen iyon! Sumidhi ang kirot sa dibdib ko at parang gustong kong humagulhol ng iyak. Napayuko na lang ako upang itago ang nangingilid na luha sa mga mata ko.
Tuluyan ka ng makakalaya sa 'kin, Xanth.. Ikakasal ka na... Hiling ko na sana'y maging masaya ka sa kanya at magiging masaya na rin ako para sayo..
Sa wakas ay huminto na ang jeep sa tapat ng bahay namin at walang lingon-likod akong bumaba.
"Zekeilah!" Habol ako ni Camille na dinig kong tinatawag ang pangalan ko. "Zekeilah!"
Ngunit mukha akong bingi na hindi siya nagawang lingunin. Dere-deretso akong pumanhik sa loob ng bahay. Ni hindi ko rin napansin ang presensya ni Nanay Suling. Napansin ko lang siya nang hinawakan niya ako sa braso ko.
"Zekeilah? Halika na't sabay na tayong maghapunan." anya at sinilip ang mukha ko dahil bahagya akong nakayuko. Nagaalala siyang hinawakan ang mukha ko. "May problema ba?"
Umiling ako saka muling yumuko. "Pagod lang po ako sa trabaho, 'nay. Magpapahinga lang po ako."
"O, sige. Tatawagin na lang kita mamaya para makakain."
Tumango ako. "Sige po." matamlay akong pumasok sa kwarto ko. Saka ko isinalya ang katawan ko sa kama at sumubsob sa unan. Doon ay tahimik akong umiyak..
Maya-maya lang ay biglang bumukas ang pinto.
"Zekeilah! Syete ka naman, oh! Nag-wantutri ka doon sa jeep!" hingal na hingal na bungad ni Camille na sumunod pa sa akin hanggang sa kwarto ko.
Napamulagat ako. Kaagad akong bumangon at tumingin sa nakasimangot niyang mukha. "Oo nga pala! Sorry. Nakalimutan ko 'yong pamasahe ko." Napayuko ako saka mabilis na pinunasan ang matang hilam sa luha.
"Psh! Binayaran ko na, nakakahiya naman sa 'yo, eh!" Inismiran niya ako ngunit nang tumingin ako sa kanya ay kaagad nagbago ang hitsura niya nang mapansin niya ang pamumula ng mga mata ko. "A-Anong nangyari? May problema ba? May masakit sayo? Bakit pulang-pula 'yang mga mata mo? Umiyak ka ba?"
Umiling ako ngunit muli lang tumulo ang luha sa mata ko. "Wala 'to. Napuwing lang ako. 'Tsaka, salamat. Ako na mamamasahe sayo bukas para tabla na tayo." Ibinaling ko ang tingin sa orasan at saka ako nagkunwaring inaantok na. Alas nuebe na rin kasi.
Tumaas ang kilay niya at pinameywangan ako. "Napuwing? 'Wag mo nga akong lokohin, Zekeilah! Akala ko ba maguusap tayo ngayon? Andami mo pa namang hindi sinasabi sa akin! Psh! Tapos ngayon aartehan mo na naman akong inaantok ka na!" nakasimangot siyang naupo sa gilid ng kama ko. Pero, muli na namang lumambot ang mukha niya nang makita niyang muling tumulo ang mga luha sa mga mata ko. "Zekeilah kasi.. kung may pinagdadaanan ka o kung may mabigat ka mang problema, sabihin mo sa 'kin. Pupwede mo 'kong sumbungan. Pwede mong i-share sa akin 'yang iniiyakan mo. Nang mabawasan naman 'yang lungkot na dinadala mo. Sige na! Sabihin mo sa 'kin."
Iniiwas ko ang tingin sa kanya at saka muling nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. Hinayaan ko na ring dumaloy sa pisngi ko ang masagana kong luha.
"Zekeilah.. Sabihin mo sa akin nang lumuwag-luwag 'yang dibdib mo. Alam ko at ramdam ko na may mabigat kang dinaramdam. Ilabas mo 'yan! 'Wag mo 'yang kimkimin.." mahinahon niyang sabi.
"I-Ikakasal na siya, Camille.."
Nakita kong nangunot ang noo niya. "Ha? Sino? Sinong ikakasal?"
"Narinig mo ba 'yong usapan sa jeep kanina?" Tanong ko sa kanya.
Umiling siya at mas lalong kumunot ang noo niya. "Anong usapan? Naka-headset na kasi ako no'ng pinatahimik mo 'ko, eh, kaya wala akong nadinig na usapan sa jeep kanina." anya at ipinakita sa akin 'yong headset niya.
Napalatak ako. Naupo muna ako at sumandal sa headboard ng kama. Saka ako nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. Tumingin ako sa kanya. "Ikakasal na si Xanth, Camille. Ikakasal na sila ni Mam Vixen." seryoso kong sabi ngunit walang nagbago sa reaksyon niya.
Nakatingin lang siya sa akin at tila nagiisip! Ilang segundo pa bago siya ngumisi at nagsalita.
"Iyon ba ang iniiyakan mo?"
Matagal akong tumitig sa kanya at nahihiya akong tumango. "Oo." sagot ko.
"Bakit?" seryoso niyang tanong.
Nagaalangan akong sagutin siya.
"Sabihin mo nga sa 'kin ang totoo, kaya mo ba iniiyakan ang ex-boyfriend mo ay dahil mahal mo pa siya?"
Huminga ako ng malalim saka ako tumango. "Oo. Hanggang ngayon ay nakakulong pa rin ako sa anino niya. Hindi pa ako makawala. Masakit sa 'kin ang malamang ikakasal na siya sa iba."
Hinawakan niya ako sa kamay nang lumipat siya sa tabi ko. "Totoong masakit 'yon pero kailangan mo ng tanggapin. Pinagtagpo lang kayo pero sadyang hindi talaga kayo ang nakatadhana. Hindi ko man alam ang naging kwento ng relasyon ninyo pero nasisiguro kong malalim ang pinagsamahan niyo. Pero, sana'y makalaya ka na. Palayain mo na siya sa puso mo. At darating ang panahon na makakalimutan mo rin siya. Hayaan mo na siyang sumaya sa iba, Zekeilah. 'Tsaka, syete! Sa ganda mong 'yan? Pinagpipilahan ang gandang 'yan. Makakatagpo ka pa rin ng iba na muling magpapasaya at magmamahal sayo."
Tumingin ako sa kanya saka malungkot na ngumiti.
"Sana nga gano'n lang 'yon kadali.. Tama ka, sobrang lalim ng pinagsamahan namin. Limang taon kaming magkarelasyon. Kahit na alam kong wala akong kasiguraduhan na mamahalin niya ako ay sumugal ako. Nagtiwala ako sa kanya at ibinigay ko sa kanya ang lahat. Naging masaya ako at naramdaman ko ding naging masaya sa 'kin. Pero... sadyang mayroon at mayroon talagang sisira sa magandang pundasyon ng relasyon hanggang sa mabuwag. At iyon ang hindi katanggap-tanggap, Camille."
"Ano ba ang dahilan ng paghihiwalay niyo?"
Napapikit ako at muling nanariwa ang sakit at galit sa puso ko. "A-Ayaw kasi sa akin ng mommy ni Xanth.. Lalo na nang malaman niya kung sino ang mga magulang ko. Halos sa simula pa lang ay against na siya sa relasyon namin at araw-araw niyang ipinaparamdam sa 'kin ang pagkadisgusto niya. Ayaw niyang magkatuluyan kami ng anak niya dahil ayaw niyang dumaloy ang maruming dugo ko sa magiging apo niya." doon na bumuhos ang luha sa mga mata ko at hinayaan ko iyon. "A-Ayaw niya sa akin dahil sa kilala niya raw ang nanay ko na ni minsan nga ay hindi ko man lang nakilala o nakasama."
Kaagad niya akong hinagod sa likod. "Grabe naman 'yon. Pero, papaano naman niyang nakilala ang nanay mo? Nasabi ba niya kung sino at kung nasaan ngayon ang nanay mo? At bakit naman idinahilan niya ang nanay mo? Hindi naman yata tama na disgustuhin ka niya dahil sa nanay mo?" anya habang patuloy na hinahagod ang likod ko.
"Ang sabi niya sa 'kin, bayaran daw ang nanay ko na siyang lumandi at umagaw sa unang nobyo niya."
Natutop niyang bigla ang bibig niya. "Oh my gosh! Si Tito Zandro ba ang tinutukoy mong dating nobyo ng mommy ni Xanth?"
Tumango ako. "Oo. Si Daddy nga."
"What?? Syete! Saka, anong ibig niyang sabihin na bayarang babae ang nanay mo?"
"Maruming babae daw ang nanay ko kaya't sigurado niya raw na nananalaytay iyon sa dugo ko. No'ng tinanong ko naman siya kung nasaan ang nanay ko ay hindi naman niya sinabi. Pero, may kutob akong may alam siya." tugon ko at tumigil na rin sa pagdaloy ang mga luha ko.
"Siguro, kaya ka niya inayawan dahil ikaw ang bunga ng dating nobyo niya, Zekeilah, at siguro'y nakikita niya ang nanay mo sayo, 'no? Napakaganda rin siguro ng nanay mo? At saka, totoo pala talaga 'yong bali-balita dito noon na sikat nga raw na pornstar ang nanay mo."
Napabuntong hininga ako ng malalim. "Narinig ko na rin 'yan noon pero hindi naman ako naniwala. Hangga't hindi ko nalalaman ang totoo, hindi ako maniniwala na maruming babae ang nanay ko, Camille. Pero alam mo ba, no'ng dumating sa punto na paulit-ulit 'yong sabihin at ipamukha sa akin ng mommy ni Xanth ay nakukumbinse na rin ako na totoo iyon."
"Pero, malay mo, malay natin kung baka paninira lang iyon ng mommy ni Xanth sa nanay mo dahil nga sa inagaw nga kamo si Tito Zandro sa kanya. At 'yong bali-balita naman dito ay pawang tsismis lang."
"Sana nga ay hindi totoo iyon. Pero paano nating malalaman ang totoo gayong wala na ang mga taong magpapatunay na malinis ang nanay ko? Namatay ang lolo at lola ko ng walang alam tungkol sa nanay ko at si Daddy naman ay bigla na lang din nawala na parang bula. Ni hindi ko nga alam kung buhay pa ba siya o patay na." Napatingin ako sa kawalan. Napabuntomg hininga ako. Sadyang napakalungkot ng buhay ko.
"Tsk. Iyon pa nga ang isa sa mga problema mo.. Hindi natin alam kung nasaan na ang daddy mo. Tapos ang tungkol sa nanay mo. Ngayon naman ay tungkol diyan sa ex-boyfriend mo." Nakatungong sambit niya at saka tiningnan ako. "So, si Xanth ba ang nakipaghiwalay sayo o ikaw ba?"
"Ako. Naisip ko kasi na mas magiging tahimik ang buhay ko kapag lumayo na ako. Hindi ko rin kasi kayang tanggapin kung pandidirihan niya rin ako oras na malaman niya ang tungkol sa totoong pagkatao ko, kung sakali ngang totoo ang ibinibitang ng mommy niya sa nanay ko."
"Hindi naman siguro gano'n si Xanth, Zekeilah. Pero, sabagay mas nakikilala mo siya kesa sa 'kin. Pero, grabe naman kung pandidirihan ka niya dahil lang sa gano'ng uri ng pagkatao ang nanay mo. Hindi ka rin naman siguro gano'n, diba?"
"Hindi, syempre!" Maagap kong sagot.
"O, kaya nga. Feeling ko, hindi gano'n ang magiging reaksyon ng ex mo kapag nalaman niya ang totoo mong pagkatao. Anyway, kaya pala hindi ko na makita ang anino ni Mam Vixen this past few days. Kahit si Sir Kleint ay bihira rin sa shop, 'no? 'Tsaka, kaya pala kahapon iba 'yong tumatayong manager natin. Mas mabait kung titignan kesa kay Mam Vixen." pagbabago niya ng usapan.
Napansin ko rin iyon pero syempre wala naman ako sa lugar para magtanong kung bakit hindi na pumapasok si Mam Vixen at panibagong manager ang humahawak sa shop ngayon. 'Tsaka, hindi pa nagpapakita sa akin si Sir Kleint pagkatapos ng nangyari sa resort.
"Marahil, abala na sila sa nalalapit nilang kasal ni Xanth." sagot ko patungkol sa hindi na pagpasok ni Mam Vixen.
Ngunit, bigla na namang nanikip ang dibdib ko ng banggitin ko ang tungkol sa kasal nila.
"Oo nga pala. Ikakasal na nga pala sila, 'no? So, kelan daw? 'Tsaka, saan? Invited ba tayo? Hala! Sigurado 'yon, besh! Close kami no'n, eh! Kinam! Maghahanap na ako ng dress sa barter!" anya at kinuha ang cellphone sa bulsa niya.
Bigla akong nainis sa mga pinagsasasabi niya kaya inirapan ko siya.
"Tsk! Akala ko pa naman sa 'yo, eh, pagagaanin mo ang kalooban ko! Iyon pala, iinisin mo lang din ako!" pinanlisikan ko siya ng mata.
Marahan niyang hinaplos-haplos ang braso ko at agad na ngumisi. "Ahh hehehe..Joke lang naman. Pinapatawa lang kita, eh.." anya at nag-peace sign pa.
Tinampal ko siya sa noo. "Alin naman ang nakakatawa do'n? Kurutin kita diyan, eh! Umuwi ka na nga sa inyo at ng makapagpahinga na ako!"
Hinawakan niya ako sa braso. "Eto naman! Di na mabiro.. Mas gusto ko kasing ganyan ka kesa do'n sa kaninang itsura mo.. Di ko kayang tingnan ka ng gano'n, eh. Para din kasing binibiyak ang heart ko." anya sa malumanay na boses.
Napatungo ako sa kanya at mahinahon ko na rin siyang tinitigan. Kumalma na rin ako. Ngunit bigla na lamang hinalukay ang tiyan ko at animoy may gustong makawala sa tiyan ko!
Mabilis akong bumaba sa kama at tinungo ang banyo. Sa pinto pa lang ay naduwal na ako. Isinuka kong lahat ng kinain ko kanina. Ilang sandali pa bago umayos ang pakiramdam ko at agad akong nagmumog at binuhusan ang sahig ng banyo. Pagkatapos ay agad akong pumihit pabalik sa loob nang makita kong gulat na gulat at nakaawang ang bibig ni Camille.
Napalunok ako at kinabahan.
"Ba't ka nagsuka, Zekeilah?" Nagtatanong ang mga matang titig na titig sa akin. "Anong ibig sabihin no'n?"
Huminga ako ng malalim saka deretsong tumitig sa mga mata niya. Hindi ko napigilang maging emosyonal ulit. Muling tumulo ang luha sa mga mata ko.
"Buntis ako, Camille."
Kaagad niyang natutop ang bibig at nakatulalang tumitig sa akin.