By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
---------------------------------
Sobrang saya ko nang nalamang mahal din pala ako ni Jerry. Ngunit malungkot din dahil nalaman ko ito sa oras naman na lumisan siya. Sobrang ironic dahil imbes na magtampisaw kami sa saya na nalamang mahal pala namin ang isa't-isa ay hayun, nakadagdag pa ito sa lungkot at pananabik ko sa kanya. Lalo na kapag nasa tindahan ako at uupong nakaharap sa puwesto niya. Mapapaiyak na lang ako. Para akong isang baliw na umiiyak nang walang dahilan. Syempre, hindi ko naman masabi kahit kanino ang nararamdaman ko. Una, hindi ko naman talaga tanggap nang buo na nagmamahal ako ng isang lalaki. Ang bata ko pa kasi sa panahong iyon. Isa pa, noon ko pa lang naranasan ang ganoong klaseng emosyon, ang ganong klaseng pakiramdam. Nalilito ako. At natakot akong malaman ng mga kaibigan namin na ganoon ako, bakla at may relasyon kami. Ngunit hindi ko rin maipagkailang hinahanap-hanap ko siya. Na matinding sakit ang nararamdaman ko sa paglisan niya.
Halos araw-araw ay lihim akong umiiyak. Sa school, sa bahay, sa tindahan, sa kahit anong bagay na nakikita ko at nagpapaalala sa akin kay Jerry. Para akong mababaliw sa matinding pagkalito at bigat ng dinadala. Dahil wala akong mapagsabihan ng aking mga problema, gumawa na lang ako ng diary kung saan ay isinulat ko ang aking mga saloobin.
Day 1: "Dear Jerry, kumusta ka na riyan? Sana ay nasa mabuti kang kalagayan. Ako rito, heto, sobrang na-miss kita. Di ko nga alam kung ano ang gagawin eh. Ang sakit pala na maiwan ng isang best friend. Para tuloy nagsisi ako kung bakit naging best friend pa kita. Parang hindi ko kayang mabuhay na malayo sa iyo 'tol. Ang ginawa ko na lang kanina ay nagpunta sa bahay-kubo ng itay sa gilid ng ilog, iyong palagi nating pinupuntahan kapag naliligo tayo o kung mag-iinuman. Natandaan mo pa ba ang unang nangyari sa atin doon? Na-miss ko rin iyon... Sa kaiiyak ko kagabi ay nakatulog na pala ako roon. Halos hating gabi na nang nagising ako at umuwi ng bahay. Nagalit nga ang inay. Oo nga pala, nabasa ko iyong sulat mo kung saan ay sinabi mong mahal mo ako. Alam mo, sobrang saya ko. Kasi, ganoon din ako sa iyo. Bagamat hindi ko pa naranasan talaga ang magmahal, pero sa palagay ko ay ito na iyon eh. Kasi, ewan, parang di ko talaga kaya na di kita kasama eh. Heto nga, habang nagsusulat ako sa iyo, tumutulo ang luha at sipon ko. Ang sakit sa dibdib. Sobra. Gusto ko mang sabihin sa ibang kaibigan natin ang nararamdaman ko upang gumaan ang pakiramdam ko ngunit hindi puwede eh. Alam mo naman siguro kung bakit..."
Day 2: "Dear 'Tol, kanina nanuod ako ng sine doon sa beta-house na suki natin. Gusto ko kasing kahit papaano ay malimutan kita. Comedy kasi iyong palabas. Gusto kong sumaya. Kaso, umiiyak pa rin ako. Paano kasi naalala ko iyong beta-house na iyon kung saan tayo unang nanood dala-dala natin iyong isang supot ng setserya at isang naka-plastic na softdrinks na dalawa tayong nag-straw. Tapos, ang lakas mong sumipsip ikaw ang nakaubos. Tapos sabi mo ako ang nakaubos. Ang kulit mo lang at ang ingay 'di ko maintindihan ang kuwento. Ganoon pa rin kanina. Di ko maintindihan ang kuwento dahil kusang bumabalik-balik ang mga alaala ko sa iyo sa loob ng beta-house na iyon. Ang kaibahan lang kanina ay ang sakit na naramdman ko kasi wala ka. Ewan ko 'tol, hindi na yata kita mabura pa sa aking isip. Sige 'Tol, mag-ingat ka na lang d'yan ah."
Day 3: "Dear 'Tol, hiyang-hiya talaga ako kanina. Paano ba naman, sa Values Education class namin, kinuwento ba naman ng teacher ang buhay mo. Kasi nga raw, naghirap ka, ginawa ang lahat upang makatulong sa iyong inay at mga kapatid. Masipag at ngayon ay ipinadala sa Maynila upang doon mag-aral. Ikaw ang ginawa ng teacher namin na karapat-dapat na tularan. Hindi ko maiwasang hindi mapaiyak kahit anong pigil ko. Ang siste, binanggit pa talaga ng teacher na ako ang kaibigan mo. Syempre napaiyak na nga ako, tapos lahat sila ay nagtitinginan sa akin. Bad trip! Hindi ako makapunta ng CR dahil baka isipin na nag walk out ako o nagalit... Kakainis! Kaya pinigilan ko na lang ang mga luha ko na huwag dumaloy. Sobrang bad trip. Pati ba naman si Ma'am ay pinapahirapan ako."
Day 4: Dear Tol, kanina ay sobrang saya ng mga soybeans boys. Kasi ba naman, si Julius, nagdala ng gitara. Ang galing palang kumanta noon. Nirequest ko nga ang paborito kong kanta eh, yung "Just When I Needed You Most." Habang pinakinggan ko ito ay pinigilan ko ang sariling huwag umiyak. Grabe, damang-dama ko talaga ang bawat kataga ng kanta. At habang kumakanta siya, binalikan ko sa aking isipan panahon kung saan ay nagtitinda ka pa rito ng soybeans, hanggang sa pag-alis mo... just when I needed you most."
Iyan ang mga sulat ko sa kanya, puro makabagbag-damdamin, mailabas ko lang ang aking mga saloobin. At dahil binigyan naman ako ni Jerry ng address niya sa Maynila ipinadala ko via post office ang aking sulat.
Lumipas ang halos dalawang linggo ay may natanggap akong sulat mula kay Jerry. Sobrang excited ako na mabasa ito.
"Dear 'Tol, pasensya na ngayon lang ako nakasulat. Nag-adjust pa kasi ako sa aking kalagayan dito. Okay naman ako. Mga madre rin pala ang may-ari ng paaralan dito. Bale special education sila. Second year High School ang status ko ngayon ngunit mag-take uli ako ng acceleration test. Pagkatapos ng test ay i-evaluate nila uli kung anong year ako sunod na i-accelerate. Pag-igihan ko, promise. Gusto kong sana, sabay tayong mag college. Kumusta ka na riyan. Palagi kang mag-ingat. Palaging kakain sa tamang oras at huwag pagutom. Ako rito ay okay naman ang kalagayan. Medyo nanumbalik ang aking pagkamahiyain. Parang ang hirap nilang kaibiganin. Karamihan kasi sa kanila ay laking Maynila at may mga anak-mayaman din. Parang ako lang yata ang galing sa probinsiya. Pero para sa iyo, kakayanin ko ang lahat. Mahal kita, 'Tol."
Sinagot ko kaagad ang sulat niya sa mismong araw na iyon. "Dear 'Tol, Kumusta ka na? Sana ay nasa mabuti kang kalagayan. Pilitin mong makipagkaibgan d'yan 'tol. Kasi kapag hindi mo sila papansinin, iisipin nilang iba ang ugali mo. Di ba kagaya ko dati? Nainis ako sa iyo kasi parang ang suplado mo, mayabang porke't guwapo. Kaibiganin mo silang lahat na gustong makipagkaibigan sa iyo para mas madali kang makapag-adjust. Masarap kapag may maraming kaibigan kasi kapag may problema ka, sila ang makakatulong sa iyo, lalo't wala ako riyan, walang ibang tutulong sa iyo. Pero syempre, ingat ka rin kasi baka malimutan mo na ang best friend at mahal mo. Masasaktan naman ako niyan. (Joke)."
Tuloy-tuloy lang ang sulatan namin. Regular. Linggo-linggo ay may sulat akong natatanggap mula sa kanya. Hangang sa nakapag-adjust na siya. "Dear 'Tol. Siguro ay masasabi kong nakapag-adjust na nga ako. Mukhang naibsan na ang aking pagkahome-sick at may mga kaibigan na rin ako. At may masasabi kong close friend na rin, si Rachel. Mabait siya 'tol, maalalahanin, maganda, at anak-mayaman pa. Kaya lahat ng problema ko rito ay siya talaga ang tumutulong. At alam mo, malaki raw ang tsansa namin ni Rachel na makapagsimula na ng college sa sunod na taon. Sobrang saya ko 'tol. Pero huwag kang mag-alala, ano man ang mangyayari, ikaw pa rin ang best friend at mahal ko. Wala siya sa kalingkingan ng best friend at mahal kong nasa probinsya. Hindi ko siya maaaring ipagpalit kahit kanino man. Mahal kita, 'tol."
Masaya ako sa sulat niyang iyon. Ngunit siguro nga, ang isa sa mga pitfalls ng isang long distance relation ay selos, o iyong takot na baka tuluyan siyang mawala at madevelop sa taong nasa malapit sa kanya. Malakas din naman kasi ang hatak ng tukso kapag ganyang malayo kayo sa isa't-isa. At si Jerry pa, hindi maaaring walang matukso sa kanya.
Sinagot ko ang sulat niya, "Dear 'Tol... masaya naman ako na nakapag-adjust ka na at may close friend na ngayon. Good luck na lang sa iyo, 'tol... at sa inyo ni Rachel. Sana ay magtagumpay kayo at maging masaya palagi sa inyong klase riyan."
Aaminin kong masama ang loob ko sa sulat ko na iyon para sa kanya. Ngunit hanggang doon na lang ang sinabi ko sa sulat. Hindi ko rin naman kasi masasabi nang diretsahan na nagseselos ako kasi nga, wala naman siyang sinabi na nililigawan niya ang babae. At wala akong pruweba na may kakaiba sa kanila. Wala naman kasi ako roon. Wala akong kaibigan doon, at walang makapagsabi sa akin kung ano ba talaga ang nangyayari sa kanila roon.
Sa sunod pa niyang sulat ay mas lalo pa akong nasaktan. Ibinibida niya si Rachel sa akin. Kesyo ang bait daw, kesyo maaasahan, kesyo parang ako rin na magaling mag advice at ginagabayan siya. Kesyo nariyan siya palagi sa kanyang tabi lalo na sa mga problema niya.
Mistula akong nagising sa masakit na katotohanan sa huling mga sulat ni Jerry. Parang may malakas na kamay na sumampal sa aking pisngi at bigla akong natauhan. Doon na sumagi sa aking isip ang mga bagay-bagay na hindi ko dati naisip. At mas lalo pa akong nasaktan. Ang Jerry na nakilala kong isang napaka mahiyain, mababa ang pagtingin sa sarili, isang taong nawalan ng pag-asa ay sa pagkakataong iyon ay isang Manila boy na, isang masayang tao at confident na sa sarili at malapit nang maabot ang kanyang mga pangarap at tagumpay sa buhay. Doon na ako tinablan ng takot at matinding insecurity. Nagselos syempre. At may inggit akong nadarama. Alam kong may nararamdaman ang babeng iyon kay Jerry. Si Jerry pa. Malakas ang hatak nito sa mga babae at bakla. At ramdam ko rin, base sa kanyang sulat na may pagtingin si Jerry sa kanya. Ang sakit lang... Iyon ang pangalawang beses na naranasan ko ang matinding sakit sa paglayo ni Jerry sa akin. Sobrang awa ang aking naramdaman para sa aking sarili. First time na na in-love ako, iyon na rin yata ang unang beses na mabigo ako. Wala akong kalaban-laban kasi pareho silang matatalino, palagi silang magkakasama, at higit sa lahat, babae si Rachel. "Mabuti pa siya, nakapunta na ng Maynila, masaya na, may magandang eskuwelahan, at may kaibigan... ang taas na niya. Hinid ko na maaabot." ang bulong ko sa aking sarili.
At napagdesisyunan kong limutin na si Jerry. Sa isip ko ay hindi dapat na hahadlangan ko kung ano man ang plano o pangarap niya sa kanyang buhay. Sinagot ko ang sulat ni niya. "Dear 'Tol... masaya ako para sa inyo ni Rachel. At alam mo, kahit sabihin mo pa sa akin na mahal mo si Rachel nang higit pa sa kaibigan, maintindihan ko. Susupurtahan kita, 'Tol. Di ba ako naman ang official guhit ng iyong buhay? Basta ikaliligaya mo 'Tol, narito lang ako..."
Maiksi lang ang sulat na maaaring ikatuwa niya. Ngunit kabaligtaran ito sa tunay kong naramdaman. Puno ito ng sakit at paghinagpis. Wala naman kasi akong magagawa pa. Kahit tila tinadtad ang aking puso ay pinilit ko talagang kalimutan siya. At ang sumunod pang mga sulat ni Jerry para sa akin ay hindi ko na binasa. Ayaw kong masaktan. Alam ko kasing ang laman ng sulat niya ay mga papuri kay Rachel o di kaya ay pagdepensang magkaibigan lang sila at wala siyang naramdaman. Pero buo na ang pasya ko. Gusto kong kalimutan si Jerry at mag move on. Ayaw kong matulad sa isang bakla sa aming lugar kung saan ay labis na nagmahal sa isang lalaki at nang hiniwalayan dahil nakahanap ng babaeng kanyang pakakasalan, hindi niya nakayanan ang sakit hanggang sa nabaliw siya at nagpalaboy-laboy na lang sa lansangan. Nakakaawa. Ayokong maging katulad niya.
(Itutuloy)