By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
---------------------------------
Sa sunod pang mga araw ay ginugol ko ang aking oras sa pag-aaral. Hanggang isang araw ay nilapitan ako ng inay ni Jerry sa hallway ng eskuwelahan, dala-dala pa niya ang kanyang mga gamit sa paglilinis. "Mike, puwede bang makausap ka sandali?" ang tanong niya.
"O-opo. Bakit po?"
"M-may galit ka ba kay Jerry? Nagtatanong sa akin eh. Nalungkot siya dahil hindi ka na raw sumulat at hindi mo rin singot ang kanyang mga sulat. Gusto niyang ako mismo ang magtanong sa iyo kung may problema ba, kung ano raw ba ang kasalanan niya."
Dahil hindi ko naman puwedeng sabihin ang tunay na dahilan kung kaya ay nagsinungaling na lang ako sa inay ni Jerry. "W-wala naman po. M-medyo busy lang po sa mga projects. P-pero susulat po ako sa kanya. Pakisabi lang po na susulatan ko siya."
"Ah sige Mike ha. Kasi, hindi raw siya mapakali sa kaiisip kung ano raw ba talaga ang dahilan eh."
"S-sige po... Huwag po siya kamong mag-alala dahil wala naman pong problema sa akin." ang sagot ko na lang habang tumalikod at lumayo. Ayaw kong magtanong pa siya ng marami dahil baka masabi ko ang totoo kundi man ay iiyak ako at lalo pa siyang mag-alala.
Ngunit hindi ko tinupad ang sinabi ko sa inay ni Jerry. Pinanindigan ko ang aking desisyon na hindi na susulat pa sa kanya kahit ano ang mangyari.
Lumipas pa ang ilang buwan. Disyembre. Ang buwan ng pasko at ang buwan din ng aking kapanganakan. Nakakalungkot isipin na sa pinakamasayang buwan ng buhay ko simula nang makilala ko si Jerry ay malayo siya at may iba nang kaibigan. Nang nakaraang pasko kasi ay magkasama kami ni Jerry. Sunod-sunod ang mga kasiyahan. Nariyan ang mga Christmas party, ang birthday ko, ang pasko mismo, tapos ay ang new year. Habang nakikita ko ang mga naggagandahang parol at mga dekorasyon sa mga bahay at paligid at naririning ang mga kantang pamasko sa radyo, lalo lamang itong nagpadagdag sa aking kalungkutan. Marami kaming masasayang alaala ni Jerry sa pasko. Nariyan iyong nangangarolling kami kung saan ay nakaranas na sinabuyan ng ihi at nagsitakbuhan kami. Nariyan iyong hinabol kami ng aso, nariyan din iyong sinigawan kami ng may-ari ng bahay dahil nakaka-estorbo raw, ang pangit daw ng mga boses namin masakit sa tainga... pero mayroon din namang mga mababait na tao na nagbibigay sa amin. Kapag nakabuo kami ng isang gabi, pupunta na kami ng plaza at doon, kahit kaming dalawa lang, bibili ng mainit-init pang tinapay at maupo sa isa sa mga sementong upuan doon at magkuwentuhan. Minsan ay puro kabulastugan ang mga kuwentuhan namin ngunit minsan din ay seryoso. At kapag seryoso naman, sobrang seryoso ito na hahantong sa iyakan, lalo na kapag naaalala niya ang mga nangyari sa kanya. Minsan din iyong takot niya sa future. Iyong pangamba kung anong mangyayari sa buhay niya, na palagi ko ring sinisiguro sa kanya na nariyan lang ako, na hindi ko siya pababayaan, na kung sakaling ako man ang papalaring magtagumpay sa buhay ay bahagihan ko siya ng swerte ko kung mayroon man, na sasagutin din niya na ganoon din siya. Sobrang saya ko sa mga panahong iyon. Lalo na noong sinabi niyang hindi kami maghihiwalay at hindi niya hahayaang mawalay ako sa kanya dahil sa buong mundo, ako lang daw ang nag-iisang tao na nakakaintindi sa kanya, na tunay na may concern at pagmamahal sa kanya, na kahit buong buhay niya ay handa niyang iaalay para sa akin. Tapos, aakbayan niya ako, at aakbay din ako sa kanya.
Noong December 19 ay birthday ko. Inilibre niya ako sa isang kainan na malapit sa aming tindahan. Sa pamilya ko kasi, parang regular na araw lang ang birthday. Walang party, minsan ay walang salo-salo kapag wala talagang pera. Kadalasan ay "Happy birthday" greeting lang ng inay. Kapag may alagang manok ang itay, iyon ang kinakatay. Noong huling birthday ko ay talagang wala kami. Alam ni Jerry iyon. Kaya niyaya niya ako sa kainang iyon. Bumili siya ng sampung beer, karekare, adobong baboy, at bulalo. Ang sarap ng kain namin. Pagkatapos noon ay namasyal kami sa plaza kung say ay may karnabal na. Nanuod kami ng magic show, sumakay sa ferries wheel, at naglaro sa mga papustahang rolleta. Nang naubos na ang mga pera namin, nagpunta kami sa may sea wall, sa bandang naroon ang mga malalaking bato at doon ay naupong nakaharap sa dagat at nagkuwentuhan.
"16 ka na 'Tol... tas ga-graduate ka na rin ng High School." Ang sambit niya habang naupo kami sa isang malaking bato.
"Oo nga eh. Matanda na."
Tiningnan niya ang mukha ko, hinipo ng kanyang kamay ang aking mukha. "Oo nga! Kulubot na ang mukha mo 'Tol!" sabay tawa.
"Gago! Ang cute ko kaya..." ang sagot ko naman.
Hindi na niya singaot ang sinabi ko. Yumuko siya na parang naging seryoso.
"Nalungkot ka ata sa sinabi kong cute ako eh!" Ang biro ko.
"Tange! Cute ka naman talaga eh. Hindi iyan!" Ang sagot niya at muling natahimik.
"Sure ka? Cute ako?"
Tiningnan niya ako. Binitiwan ang isang hilaw na ngiti atsaka tumango at muling yumuko. Parang malungkot pa rin siya.
Naramdaman ko ang lungkot niya bagamat hindi ko alam. Kaya inakbayan ko na lang siya at iginuri-guri ang aking palad sa kanyang abaga.
"Sana 'Tol... palagi tayong ganito, no? Sana ay wala nang katapusan ang pagiging ganito natin." ang pagbasag niya sa katahimikan.
Binitiwan ko ang isang buntong-hininga. Tila biglang may sumapak sa aking ulo. Alam ko ang ibig niyang tumbukin. Ramdam ko ang bigla ring paggapang ng lungkot sa aking sarili. "B-bakit mo naman nasabi iyan?"
"Sobrang saya ko kasi kapag kasama ka. Kapag sumagi sa isip ko na balang araw ay magkalayo tayo, nalulungkot ako. Syempre, hindi naman tayo palaging ganito, di ba? Isang araw ay baka lilipat na naman kami ng pagtitindahan ng soybeans dahil dumarami na ang nagtitinda nito rito. O kaya ay mag-aaral ka na ng college sa malayo at hindi na tayo madalas magkasama. O baka ako ang mapapdpad sa malayo, at ikaw ay magbago..."
"Puwede ring ikaw ay makahanap ng babaeng mamahalin at pakakasalan, at malimutan mo na ang best friend mo." Ang pagsingit ko.
Na siya namang ikinapikon niya na tila nainis, biglang napatingin sa akin. "Walang ganyanan ah!"
"Bakit? Hindi ka ba mag-aasawa?" ang tanong ko.
"Eh... malayo pa iyon. At mag-aasawa lang ako kapag mauna ka, o di kaya ay sabay tayo, iyong sinabi nilang double wedding."
"Magpapari ako eh." Ang sagot ko.
Doon lumaki ang mga mata niya. Hindi makapaniwala. "Weeee??? Totoo?"
"Baka lang. Sa side kasi ng tatay ko ay mga religious sila. May Tita at pinsan akong madre na nasa Iloilo, may lolo na pari, may tito na Obispo." Ang sagot ko.
"Dahil lang ba d'yan kaya gusto mo ring magpari?"
"Hindi naman talaga gusto. Pinag-iisipan pa lang."
"Ok... good luck. Kapag naging pari ka, ikaw na ang kakasal sa akin."
"Sure..." ang sagot ko.
Tahimik. Narinig ko na lang ang pagbitiw niya ng malalim na buntong-hininga.
"Bakit"? ang tanong ko.
"Syempre, kapag magpapari ka, sa semenaryo ka na, hindi na talaga tayo magkasama."
"Ikaw rin, kapag may babae ka na, hindi mo na ako maalaala"
"Woi, wala naman iyan sa isip ko."
"Wala pa sa ngayon."
"Tol... kung alam mo lang, ang iniisip ko ay ang ngayon ko, kung paano ko mabura sa isip ko ang mga kababuyan na pinaggagawa ng tiyuhin at ibang tao sa akin, ang mga kahirapan na dinanas ko at ng aking pamilya... Malayo ang babae sa isip ko, 'Tol. Madalas ko pa rin kasing napapanaginipan ang mga karanasan ko sa kamay ng mga taong umabuso sa akin. Siguro kung hindi dahil sa iyo, baka nagbigti na ako. Kaya huwag mong isiping kaya kitang iwan 'tol. Ikaw ang dahilan kung bakit masaya ako, kung bakit gusto ko pang mabuhay, kung bakit gusto kong makamit ang aking mga pangarap. Kaya... malulungkot ako kapag magkalayo tayo."
Sa sinabi niyang iyon ay lalo ko pang hinigpitan ang pag-akbay sa kanya. Mas idiniin ko pa ang katawan ko sa katawan niya. Sa isip ko ay gusto ko siyang yakapin at halikan. "H-hindi mangyayari iyan, 'Tol. Kapag nawala ka sa tabi ko, hahanap-hanapin pa rin kita." Ang sagot ko na lang.
"S-sana nga. Kasi, parang ang hirap mabuhay kapag wala ka sa tabi ko. 'tol."
"A-ako rin eh. Promise ko sa iyo 'Tol, hinid kita iiwan." Ang nasambit ko na lang.
Inangat niya ang kanyang mukha at ngumiti. "Salamat, 'tol. Pangako ko rin sa iyo... hindi kita iiwan." Sabay yakap niya sa akin.
(Itutuloy)