UMUWI ako sa bahay na bitbit ko ang sama ng loob dahil sa naging pag uusap namin ni Ninong Lauren. Labis ko siyang nasaktan. Ni hindi ko tinupad ang pangako ko na hintayin siya. Nangako ako pero ako rin ang nagbali. Pero alam ko na makakalimutan din niya ako. Maraming iba babae diyan na puwede niyang mahalin. Mas higit pa sa 'kin. At sana'y matagpuan na niya ang babaeng "yon.
Sa pagkapasok ko sa loob ng bahay ay nadatnan kong andoon na si Mauro sa sala. Nakaupo sa sopa na walang ekspresyon ang mukha nang mapabaling ito ng tingin sa akin.
"Maaga kang umuwi?" tanong ko at nilapitan siya. Hinalikan ko ito sa labi. Hindi man ito umiwas pero ramdam ko ang galit nito.
"Saan ka galing?"
"Sa school." Maikling sagot ko.
Tumayo ito at nakakapaso ang matalim na titig nito sa akin. "Pinuntahan kita sa eskwelahan. Maaga ako nag out sa kompanya para ayain ka sana na kumain sa labas. Pero ang sabi ni Marisol nakauwi ka na raw. Celestine, dalawang oras kang nawala. Saan ka nagpunta?" ang tanong pa nito na parang may ibang pakahulugan.
Napatingin ako sa mga bulaklak na nasa sahig. Nagkalat ang mga petals nito na tinatapakan ni Mauro. "Nagkita kami ni Ninong Lauren sa grocery store. Inaya niya ako sa coffee shop, pinaunlakan ko naman. At nag usap kami. Matagal din kaming hindi nagkita, kumustahan lang," kaswal kong sagot sa kanya na hindi makatingin ng diretso. Wala akong dapat na itago sa asawa ko. Dahil wala akong ginagawang kalokohan.
Napasinghap ako ng biglaan niyang hinaklit ang braso ko. Umiigting ang kanyang panga. Napadaing ako sa higpit ng hawak niya. "Sumama ka sa ninong mo? May asawa kang tao tapos basta basta ka na lang sumasama sa ibang lalaki! Anong ginawa ninyong dal'wa, ha? Ano, Celestine?!"
Halos mapapikit ako sa lakas ng boses niya. Naglalabasan ang litid niya sa pagsigaw. Mas humigpit ang kapit niya, kita ko ang pamumula ng braso ko.
"Mauro, nasasaktan ako... Tsaka, ninong ko naman 'yon. 'Di na siya iba sa akin. Nasa coffee shop lang kami at wala kaming ginagawang masama. I swear, we just talk." Ayokong pagtaasan siya ng boses. Nang 'di ito mas uminit ang ulo dahil sa selos niya.
Binitawan niya ang braso ko. At napatingin ako sa bahaging namumula. Saka napatingin kay Mauro.
"Wala pa, Celestine! Ninong mo man o hindi lalaki pa rin 'yon! Paano na lang kung may makakita sa inyo na mga kaibigan ko o kaya sina mommy at daddy? Naisip mo ba ang iisipin nila? Mapapahiya ako sa parents ko at sa ibang tao."
Napaamang ako sa sinabi niya. Siya itong nag iisip ng hindi maganda tungkol sa akin at kay Ninong Lauren. "Nag uusap lang kami. Isa pa, public place ang coffee shop. Maraming tao ang lumalabas at pumapasok. Kaya malabo ang iniisip mo tungkol sa aming dalawa. May hiya pa naman ako sa sarili ko. Hindi ako gagawa ng ikakapahamak ko at ang pangalan na iningatan ng mga magulang ko." Paniniyak ko sa kanya. Pilit kong ipinapaintindi sa kanyang wala akong ginagawang masama. Wala siyang dapat na ipag alala sa kahihiyan niya.
Ang kahihiyan ni Mauro ay kahihiyan ko rin. Dalawa kaming masisira.
Kita ko ang pagkairita ni Mauro. "Lintek! Celestine, 'wag ka ng magdahilan sa akin. Alam mo ba na naghihintay ako sayo? Naghihintay ako ng tawag mo. Kahit sabihin mo lang sa akin kung nasaan ka o sinong kasama mo. Pero hindi mo pa rin ginawa! Pagkatapos nasa isang coffee shop ka lang pala nakikipag usap sa kung sinong lalaki mo!"
Hindi ko gawain ang mag update sa kanya. Kahit siya ay hindi ko tinatanong kung saan siya pupunta. 'Di ko siya inoobliga na i-update ako sa lahat ng oras. Tsaka, may tiwala ako kay Mauro.
"Noon pa man hindi ko ugali ang sabihin sayo lahat ng ginagawa ko. Tsaka, 'wag mo akong pag isipan ng 'di ko naman kayang gawin, Mauro. Hindi ko lalaki si Ninong Lauren. Mahal kita at ang laki ng respeto ko sa kasal natin. Hindi kita kayang lokohin." Pagtatanggol ko sa sarili ko. Siya lang naman ang nag iisip ng masama sa akin, sa amin ni Ninong Lauren. Idinadahilan pa niya ang ibang tao. 'Di ako ganong klase ng babae na iniisip niya.
Napakuyom ang kanyang kamao at umigting ang kanyang panga. Huli na para umiwas ako. Dumapo na ang isang kamay niya sa pisngi ko. Nanlalaki ang mga mata ko na napahawak sa pisngi ko. Biglang namanhid ang kaliwang pisngi ko sa lakas ng sampal niya. Napatigagal ako at hindi agad nakahuma sa sobrang pagkabigla.
"Iyan ang 'wag na wag mong gagawin, Celestine! Ang lokohin ako. Mapapatay talaga kita! Tandaan mo 'yan," bulyaw niya na naggagalaiti pa rin sa galit. Agad itong umalis sa harapan ko at lumabas ng bahay.
Nang makalabas si Mauro ng bahay ay doon ko pinawalan ang mga luha ko. 'Di ko inaasahan na magagawa akong saktan ng asawa ko pisikal. Ito ang kauna unahang pinagbuhatan niya ako ng kamay. Dahil lang sa selos at pag iisip na nagtataksil ako sa kanya.
Pinunasan ko ang mga luha ko sa mata. Galit lang si Mauro sa akin kaya niya nagawa 'yon. Magiging okay din kami mamaya. Ang nasa isip ko. Hawak ko pa rin ang pisngi ko na sinampal ng asawa ko.
TAPOS na akong magluto. At wala pa si Mauro. Nakapalumbaba ako habang nakaupo at pinagmamasdan ang mahabang dining table. Alas nuebe na ng gabi 'di pa rin nakakauwi ang asawa ko.
Ito ang unang beses na nagkaroon kami ng away sa loob ng dalawang buwan simula 'nong ikasal kami. Nakakapanibago ang ganitong pakiramdam.
Nanlulumo na umalis ako sa kusina. 'Di pa ako nakakain at nawalan na ako ng gana.
Pagkapasok ko sa loob ng kuwarto namin, napaharap ako sa salamin. Kita ang bakat ng kamay ni Mauro sa pisngi ko. Namumula rin ang bahagi na nasampal nito. Madaan siguro ito ng blush on bukas. Puwede ring lagyan ko ng maraming foundation para hindi halata.
May takas ng luha ang pumatak sa mga mata ko.