“HINDI KA puwedeng umalis, hija.”
Pagpasok ko pa lang dito sa loob ng bahay nagpaalam agad ako kay Aling Elena na aalis ako mamaya,
hindi pumayag ang tanda...
“Sandali lang ho—”
“Hindi,” matigas na saad n'ya.
Wala akong nagawa. Umakyat na lamang ako ng k'warto.
Maaga pa, makaka-isip pa ako ng paraan...
Hinintay kong lumipas ang isang oras.
Habang naghihintay, naghanap ako ng p'wedeng daanan pero wala akong nakita bukod sa bintana.
Hindi kaya ng katawan kong talunin ang baba mula rito.
Mas'yadong mataas...
Nagbihis ako saka walang ingay na binuksan ang pinto ng k'warto ko. Abala ang mga kasambay kapag ganitong oras, nagpapahinga na rin si Aling Elena.
Walang makakapansin kung mawala ako bigla...
Derediretso ang lakad ko, hindi ako lumilingon kahit ramdam ko ang presens'ya ng ilang kasambay.
Saktong pagsara ko ng gate nang huminto ang taxi sa likuran ko.
Agad na sumakay ako rito.
“Manong, bayad ho. Purple EVER cafe ho.”
May kalahating oras pa bago ang pag-uusap namin. Bumili muna ako ng cellphone at sim card sa malapit na mall.
Matapos ayusin ang cellphone na binili ko, pumasok na ako sa loob ng café.
“Yiesha, sa dati?” ani Aila.
Si Aila ang laging nag-aasikaso 'pag nandito ako.
Tumango ako sa kan'ya.
Kapag pumupunta ako rito, alam na nila kung saan dapat ang p'westo ko.
Nakasanayan na nila...
“May maghahanap sa 'kin, sabihin mo kung nasaan ako. Salamat,” pahabol na usal ko.
Nagtaka si Aila kung sino ang tinutukoy ko. Hinayaan ko na lang.
Umakyat ako ng pangalawang palapag.
Ligtas dito kumpara sa baba. Dito makaka-usap ko si Byron na walang makakarinig.
Pribado ang palapag na 'to. Hindi lahat ng kustomer pinapayagang umapak dito. Kahit humihiga ka pa sa pera, hindi mo magagawang makaapak sa palapag na ito ng walang permiso ng may ari.
Saktong alas-singko nang iluwa ng pinto ang lalaking hinihintay ko at si Aila na may dalang kape.
Nilapag ni Aila ang dalawang kapeng hawak niya, binigyan niya muna ako ng nagtatanong na tingin bago lumabas at bumaba.
Tumingin ako sa kaniya.
Umupo siya sa harap ko.
“A-anong nangyari sa kaniya? B-bakit s-siya... pinatay?”
Uminom muna ako ng kape at tumingin sa kaniya.
“Dahil wala siyang k'wenta...” Nanlilisik ang matang tumingin siya sa 'kin.
“Wala kang karapatang sabihin 'yan.” Kinuyom niya ang kamao niya.
Siguro kung hindi lang ako babae, kanina pa tumama ang kamao niya sa mukha ko.
“Hindi mo kilala ang tatay ko... wala kang alam.”
Halos sigawan niya ako sa inis at galit. Wala naman makakarinig kung 'yon ang gawin niya.
Ang sigawan ako para mabawasan ang sakit na nararamdaman n'ya...
“Tama ka. Wala nga akong alam, pero nasisiguro ko na—dapat lang sa kaniya ang... kamatayan niya.”
“Tumigil. Ka. Na,” madiin n'yang saad.
“Akala ko ba gusto mong malaman?” kalmadong ani ko.
Tumalim ang mga titig niya sa 'kin.
Hindi mo ako madadala sa ganiyang titig, Byron...
Inubos ko ang laman ng kape, isinandal ko ang likod ko sa malambot na upuan at seryosong tumingin sa kan'ya.
“Sumakay ako sa taxi ng tatay mo, Byron. Dinala niya ako sa madilim at masansang na amoy; tinakot, at sinubukang patayin.” Hinawakan ko ang tasa at nilaro-laro ito ng kamay ko. “Gan'on kasama ang tatay mo, Byron... mamamatay tao.”
Lumambot ang mukha n'ya sa sinabi ko. Kumurap-kurap din ang mga mata nito.
“Pasensiya na sa ginawa ni Tatay—”
“Ang tatay mo... Ang tatay mo dapat ang humingi ng tawad.” Napayuko siya. Hindi na umimik pa.
Iniwas ko sa kan'ya ang paningin ko.
“May nag-utos sa kaniya, para... patayin ako.” Tumingin ako sa kamay ko.
Binitawan ang hawak na tasa.
“Wala siyang k'wenta—dahil hindi niya ginawa ang utos sa kaniya. Dahil sa ginawa niyang pagpatakas sa 'kin, humantong siya sa kamatayan niya...” Inangat ni Byron ang mukha niya, muling nagtama ang aming mga mata.
Bumuka ang bibig niya pero walang lumabas dito.
Kinuyom niya muli ang kamao niya. Bumakas muli ang galit sa mukha niya.
Hindi ko kasalanan ang pagkamatay ng ama niya, hindi ako hihingi ng tawad kahit pa sa kaniya.
Sa 'yo, Byron.
"S-sino... Sino ang pumatay sa kaniya?"
Sandali akong natigilan.
“Sino ang pumatay sa tatay ko, Ysha?”
Wala akong maisagot.
“Hindi ko alam,” sinagot ko pa rin siya.
“Kung sino man ang gumawa nito sa tatay ko. M-mga hayop sila. Hayop.” Tumingin siya sa mga mata ko.
Nakaramdam ako nang kakaiba.
Kung ano man ang binabalak mo,
nasisiguro kong pag sisisihan mo lang ito, Byron.
“Papatayin ko sila... papatayin ko—”
“Hindi mo magagawa 'yon...” Gumuhit sa mukha niya ang inis matapos marinig ang sinabi ko.
“Hahanapin ko pa rin kung sino ang pumatay sa tatay ko—”
“Paano mo magagawa 'yon, kung... mahina ka?” Kumunot ang noo niya.
“Anong ibig mong sabihin—”
“Paano magagawa ng isang hamak na serbidor ang banggain ang mga demonyong kumikitil ng buhay, ang demonyong pumatay sa tatay mo.”
Hindi siya naka-imik.
Para siyang lalangoy sa napakalalim na lawa na wala namang lamang tubig. Siguradong lasog-lasog ang katawan niyang babagsak.
“Mahina ka pa, Byron. May oras para gawin ang bagay na nais mong gawin.”
Wala siyang nagawa kundi ang tumango sa sinabi ko.
Binigay ko sa kaniya ang number ko. Kung ano man ang kahihinatnan nito,
nasisiguro kong hindi ako magsisisi.
“Ako ang target nila. Ako dapat ang namatay. Kung sino man ang nag-utos sa tatay mo, nasisiguro kong alam niya kung bakit niya ginawa 'yon.”
Tumingin ako sa cellphone ko.
7:14 PM.
Kailangan ko nang umuwi...
“Tawagan mo ako 'pag may kailangan ka...”
Napansin niyang dito na nagtatapos ang pag-uusap namin, tumayo na rin ito at sumabay sa pagbaba ko.
“Salamat,” rinig kong saad niya.
Tumigil ako sa pangatlong hagdan at tumingin sa kaniya.
“Hindi na kailangan.”
Tuluyan na akong bumaba at lumabas ng café.
Nauna siyang umalis sa 'kin.
Nag-abang ako ng taxi pauwi sa amin.
Nasilaw ako sa motor na tumigil sa gilid ko. Kunot-noo ko itong tinitigan ngunit na wala rin ang pagkakunot ng noo ko nang matantong si Byron lang ito.
Hinubad niya ang suot na helmet at tumingin sa 'kin.
“Sakay na, ihahatid na kita.”
Nag-alangan pa ako dahil hindi pa ako nakakasakay sa motor pero sa huli, lumapit ako para sumakay.
“Ito.” Abot niya sa helmet niya.
Tinitigan ko lang ito.
“Tsk,” saad niya.
Bumaba ito ng motor at lumapit sa 'kin. Isinuot niya ang helmet sa ulo ko.
“Hindi na kailangan—”
“'Wag ka na lang magsalita.”
Sumakay na siya sa motor at gan'on din ako. Takot man na sumakay sa motor niya pero binalewala ko na lang 'yon.
“Bagalan mo. Magpapalit pa ako ng kurso...” Mas binilisan niya pa lalo kaya nasubsob ako sa likod niya.
Papatayin niya ba ako? Dahil ang tatay niya ang namatay at hindi ako?
Pangyayari 'to...
Tumigil ang motor malapit sa bahay namin.
Bumaba ako at tinanggal ang helmet niya. Inilahad ko ito sa kaniya.
“Salamat.” Tumalikod na 'ko para umalis pero pinigilan niya ako.
“Sandali, Ysha.”
“Yiesha,” pagtatama ko sa kaniya.
“Mas madaling sabihin 'yon.”
“'Gano'n ba—” Hindi ko na tuloy ang sinasabi ko dahil bigla niya na lang akong hinigit at niyakap.
Po-protesta sana ako kaso naramdaman kong nabasa ang damit ko.
Umiyak siya sa balikat ko.
“Wala na si T-Tatay... Wala na s-siya—wala na ang tatay ko, Ysha.”
Hinayaan ko lang siya.
Nakatingin lang ako sa unahan habang pinakikinggan ang paghikbi niya.
Lumipas pa ang ilang minuto nang humiwalay rin siya at umalis nang walang pasabi.
Pangyayari 'to...
Walang ganang naglakad ako papasok ng gate namin.
Huminto ako sa harap ng gate, akmang bubuksan ko ito pero napatalon ako sa gulat.
Pagpihit ng mga paa ko paharap, walang emosyong mukha ni Truce ang bumungad sa 'kin.
Nakasandal ito sa pinto ng sasakyan n'ya habang nakatingin sa akin.
“Who is he, Yiesha?”
Nandito siya sa labas at halata sa hitsura niya ang sobrang inip.
Wala akong pakialam kung naghintay siya.
Tinitigan ko ang mukha niya.
Ano'ng... kailangan mo ng ganitong oras sa 'kin, Truce?