Chapter 19- Goodbye, Migui na kaya?

1464 Words
Nang mag-abroad ang mama ni Kassey, tumira sa dorm si Kassey at doon nagsimulang gumulo ang buhay nito. Nabarkada ito at natutong uminom hanggang sa mabuntis ito ng kung sino. “Cedric, tulungan mo ako.” Hilam sa luha ang mga mata noon ni Kassey nang mapagbuksan niya ng pinto kaya dali-dali niya itong pinapasok sa loob. “Ano’ng nangyari sa’yo?” nag-aalalang tanong niya. “Buntis ako. Hindi alam ni mama,” anito. Napaawang ang mga labi niya. “What?” tanging nasambit niya. “Pwede ba’ng dito na muna ako hanggang sa makapanganak ako?” “Ano?” “Please, Cedric! Parang awa mo na. Papatayin ako ni Mama kapag nalaman niya ‘to.” Todo kapit si Kassey noon sa braso niya kaya walang nagawa si Cedric kundi pagbigyan ito. “Hanggang sa makapanganak ka lang, ha? Hindi ako komportable na may ibang tao sa bahay ko,” aniya habang naglalakad sila papunta sa sala. Nakangiting itinaas ni Kassey ang kanang kamay. “Promise!” anito. “Hindi ba magtataka ang mama mo niyan na hindi ka uuwi sa inyo nang ilang buwan?” “Hindi naman ako tinatanong ni Mama tungkol dun. Bihira naman talaga akong umuwi sa amin.” Napakunot ang noo ni Cedric. “Hindi ka ba nakukunsensiya sa gagawin mong ‘yan? Nagpapakahirap ang mama mo sa abroad para lang mapag-aral ka, tapos ganyan lang ang gagawin mo?” “Cedric, naman, eh. Huwag mo na akong sermunan. Tulungan mo na lang ako.” “Sino ba kasing ama niyan?” singhal niya rito. Biglang natigilan si Kassey at alanganing napangiti. “H-Hindi ko alam,” anito. Napakunot ang noo niya. “Ano? Hindi mo alam? Eh, ano’ng sasabihin mo sa mama mo kapag lumabas na ang bata?” “Huwag mo nang problemahin ‘yon, ako na ang bahala ro’n.” Napailing na lang si Cedric. “Siguraduhin mo lang na hindi ako madadamay diyan, ha?” Ngumiti si Kassey sabay tumango. “Thank you.” Gaya nang napag-usapan nila, tumira si Kassey sa kanya nang halos sampung buwan. Pero bigla na lang nitong iniwan ang bata nang hindi man lang nagpapaalam. Sinubukan niya itong kontakin pero hindi na niya ito ma-contact. Matapos ang mahigit isang buwan, muli silang nagkita sa isang bar. Pero itinanggi nito sa harap ng mga kaibigan nito na may anak itong naiwan sa kanya. Kinaibigan ni Cedric ang isa sa babaeng kasama ni Kassey kaya madali niyang nakuha ang bagong address nito. Nang magkasakit ang bata, pinuntahan niya ito sa apartment nito pero pinagtabuyan lang siya nito. “Pwede ba, Cedric? Tigilan mo na ako. May pamilya na ako ngayon at hindi alam ng asawa ko ang tungkol kay Migui.” “Kaya itatanggi mo na naman ang bata? Kassey, tao ka pa ba? Nasa ospital ang anak mo pero wala ka man lang pakialam?” “Nagbagong buhay na ako, Cedric. Maayos na ang buhay ko ngayon. Wala na akong pakialam sa bata. Kung gusto mo sa’yo na lang siya. Hindi na ako maghahabol.” Dismayadong napailing si Cedric. “Grabe ka, Kassey! Masyado kang makasarili. Sarili mong anak ipapamigay mo para lang hindi magulo ang buhay mo? Nakakatulog ka pa sa gabi sa ginagawa mong ‘yan?” “Cedric, please! Umalis ka na. Parating na ang asawa ko. Ayokong madatnan ka niya rito.” Napailing na lang si Cedric. “Ibang klase ka!” aniya atsaka niya ito iniwan. Mula nang araw na iyon hindi na ulit siya nakipagkita kay Kassey. At hindi na rin ito nagparamdam sa kanya. “Aalis ako ngayon pero babalik ako at babawiin ko si Migui.” Kapwa sila napalingon ni Manang nang magsalita mula sa itaas ng hagdan si Kassey. Nakatayo roon si Kassey habang hawak ang bata. Agad na napatayo si Cedric. Umakyat siya sa hagdan atsaka niya kinuha ang bata. Sinasamantala niya na lang noon ang pagkataon na makasama ang bata dahil alam din niya sa sarili niya na wala siyang laban kay Kassey lalo na kung totoo ang sinasabi nito na maayos na ang buhay nito. Nagising si Nikki sa mahihinang pagtapik sa balikat niya. Dahan-dahan siyang nagmulat ng mga mata. Madilim na noon sa paligid at halos hindi na niya maaninag ang mukha ni Cedric. Hindi niya namalayan na nakatulog pala siya habang nakadukmo sa mesa. "Bakit dito ka natulog?" anito nang yumuko at ilapit ang mukha sa kanya. "Hinihintay ko lang matapos ang usapan niyo. Hindi ko alam na nakatulog na pala ako.” Napabuga ng hangin si Cedric. Buong akala niya kasi nasa kwarto lang ang dalaga kaya kampante siya sa pakikipag-usap kay Manang. "O-Okay na kayo?" alanganing tanong ni Nikki. "Yeah!" halos hindi na niya narinig na sagot ni Cedric. Biglang natigilan ang dalaga. Kung okay na ang dalawa, paano na kaya siya? "Mahamog na rito sa labas. Pasok na tayo sa loob," ani Cedric nang hindi siya umimik. Pero hindi pa rin tumitinag ang dalaga na noo'y nakatungo lang ang ulo sa sahig. "Hey! What's wrong? Masama ba ang pakiramdam mo?" Dumukwang sa kanya si Cedric atsaka nito iniangat ang mukha niya. "Okay ka lang ba?" nag-aalalang tanong nito. Nakukublihan ni Cedric noon ang liwanag na nagmumula sa poste kaya hindi nito nakikita ang nangingilid na luha sa mga mata niya. Nang hindi siya sumagot, hinila ni Cedric ang isang silya atsaka ito naupo sa tapat niya. "I'm sorry. Hindi ko alam na nasa labas ka pa," anito habang hinahawi ang buhok niya na kumukubli sa mukha niya. Pero nanatiling walang kibo ang dalaga. “Uy, sorry na,”ani Cedric sabay kalabit sa ilong niya. Napasibi ang dalaga. "Wala ka namang kasalanan, bakit ka nag-so-sorry?" "Eh, bakit kasi ganyan ka. Hindi ka na naman kumikibo. Ano ba'ng problema? Bakit ganyan ka na naman?" "I'm just wondering kung ano na ang mangyayari sa akin ngayong nagkasundo na kayo ng asawa mo.” Bahagyang napangiti si Cedric. Kung mayroon mang nakapagpapawi ng bigat ng loob niya noon, iyon ay walang iba kundi si Nikki. "Iniisip mo ba na iiwanan kita because of her?" "So, ano? Gagawin mo akong mistress? Homewrecker?" Napangiti si Cedric. “Wala ka namang sinira, ah. Binuo mo nga kami ni Migui,” anito na noo’y hindi inaalis ang pagkakatitig sa kanya. "Okay lang ba sa'yo na iwan kita?" dugtong nito. Napayuko si Nikki. "Hindi. Pero iyon ang tama mong gawin para kay Migui." Nadinig niya ang mahinang pagtawa ni Cedric kaya nag-angat siya ng ulo. "Ano’ng nakakatawa ro’n?" seryoso ang mukhang sabi niya. Nakangiting inabot ni Cedric ang isang kamay niya atsaka siya nito hinila papalapit. Nakasimangot na tumayo siya atsaka siya kumandong sa hita nito. Iniyakap ni Cedric ang magkabilang kamay sa kanya atsaka nito sinubsob ang mukha sa kanya. "I will never leave you, promise ko 'yan sa'yo," anito. "Kaya gagawin mo akong kabit?" nanlalaki ang mga matang sabi niya. Natatawang pinisil ni Cedric ang ilong niya. "Of course not!" "Ibig ba’ng sabihin nun magpa-file ka ng annulment? Kasal ba kayo?" Napangiti si Cedric. Bahagya siya nitong itinulak papalayo atsaka ito tumayo. “Pasok na tayo. Lumalamig na rito.” Inabot nito ang isang kamay niya atsaka siya nito hinila. "Sagutin mo muna ang tanong ko," hirit niya nang batakin niya ito pabalik. Pero nilakihan lang siya ng mga mata ni Cedric. “Nasaan ang bata?” tanong ni Nikki nang mapansing wala ang bata sa kwarto. “Nandun sa kwarto niya kasama si Milly,” sagot ni Cedric habang naghahanap ng damit sa cabinet. “Doon na ba ulit kami?” Akmang lalabas siya ng kwarto nang abutin ni Cedric ang isang kamay niya. Naupo ito sa gilid ng kama atsaka siya nito hinila papalapit. Napakunot ang noo niya. “Why?” “I have something to tell you,” seryoso ang mukhang sabi ni Cedric. Nakatingin lang siya rito habang hinihintay niya itong magsalita. “Hindi ko asawa si Kassey. Hindi ko rin siya girlfriend. Kapatid ko siya sa ama.” Namilog ang mga mata ni Nikki. “What? Nagka-anak ka sa stepsis mo?” Natatawang pinitik ni Cedric ang noo niya. “Sira! Ba’t ko naman gagawin ‘yon?” “Sino ang ama ni Migui?” Kinabig siya ni Cedric paupo sa kandungan nito atsaka ito yumakap sa kanya. “I don’t know. Hindi rin naman alam ni Kassey kung sino ang nakabuntis sa kanya.” Napalabi si Nikki. “Kung hindi ikaw ang ama, wala kang laban sa kanya.” “I know,” malungkot na sabi nito. “H-Hindi totoong okay na kayo?” Napabuga ng hangin si Cedric sabay napatango. “Gusto na niyang kunin si Migui,” nangingilid ang luhang sabi nito. Sa mga sandaling iyon ramdam niya ang bigat ng loob ni Cedric kaya napayakap na lang siya sa binata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD