Saloobin ng Driver ng Fortuner
7pm na. And like all the previous Friday, ipinark ko na ang sasakyan kong puting Fortuner sa harap ng abandonadong bodega na dati kong pinagtratrabahuhan na malapit sa bahay at tindahan nina Mariel. Every Friday ay maaga akong umaalis ng opisina namin sa Taguig to make sure na makakarating ako ng Bulacan bago makauwi ang aking Love na si Mariel sa bahay nila. Ilang buwan ko na ding ginagawa ito. Napapanatag ako na kahit hanggang sa tanaw lang ay masigurado ko na safe na nakakauwi si Mariel tuwing Friday.
Bandang 8:30pm ay may natanaw akong lalaki na lumabas mula sa kabilang bahay na kahilera ng bahay nina Mariel. May dala itong bouquet of flowers. Napangiti pa nga ako dahil naisip ko na mukhang aakyat ng ligaw tong isang ‘to. Pero laking gulat ko ng kina Mariel nagpunta ang lalake. Kinausap pa nito ung binatilyong kasama nina Mariel sa bahay sa harap ng gate nina Mariel. Malamang pinsan ni Mariel ang binatilyo dahil unica hija ang Love ko. Lalo akong kinabahan ng natanaw kong kinawayan pa si Mariel ng lalakeng may dala ng flowers at sumabay pa ito sa pagpasok ng kotse ni Mariel sa loob ng bakuran. Hindi pwede to. Napahawak ako ng mahigpit sa manibela. Mukhang si Mariel ang liligawan ng lalake. Nagpalipas pa ako ng ilang minuto. Umaasa ako na bumili lang ang lalake sa tindahan nina Mariel at lalabas din ito. Pero hindi. Halos limang minuto na ang nakakalipas ay hindi pa lumalabas ang lalake na may dalang bulaklak kanina. Pinaandar ko agad ang sasakyan ko. Huminto pa ako mismo sa tapat ng tindahan nina Mariel para matignan kung nandoon sa tindahan ung lalaking may dalang bulaklak. Pero walang ibang tao sa tindahan kundi ang binatilyo na kasama nina Mariel sa bahay. Pilit pa nga nitong inaaninag ang loob ng sasakyan ko kaya mabilis kong pinaandar agad ito.
Shit. Hindi maaari ito. Mukhang may manliligaw na naman si Mariel. Mukhang mapapaaga ang balak kong pagbabalik sa buhay ni Mariel ko. Sapat na ung higit sampung taong lumayo ako sa kanya habang binabantayan at patuloy na minamahal ko siya mula sa malayo. Panahon na para balikan ko ang babaeng pinakamamahal ko na iniwan ko dahil sa isang pagkakamali na naging dahilan upang masaktan ko siya dati. Wait lang, Love. Babalikan na kita para maipagpatuloy na natin ang pagmamahalan natin at hindi na kailanman kita iiwan. Babalik na si Dondon sayo, Love. You will love me again, Mariel ko.
******
"Mariel, Love, please naman. Buksan mo na tong pinto. Mag usap tayo. Wag naman ganito. Lumabas ka na dyan. Sorry na, Love."
Ilang oras na kaming nagsasalitan nina Nanay Minda sa pagkatok sa pinto ng kwarto ni Mariel. Nakikiusap na papasukin kami sa kwarto niya. Si Nanay Minda naman ay medyo tumataas na ang tono ng boses pero wala pa ding nangyari. Hindi nagbukas ng pinto ng kwarto niya si Mariel ko. Nagkulong ito sa kwarto niya. Dinouble lock pa nito ang pinto para masiguradong hindi namin ito mabubuksan mula sa labas. Naririnig namin ang pag iyak niya mula sa loob ng kwarto.
Lord, ano po ba tong nagawa ko? Bakit ba hindi ko napigilan ang sarili ko kanina? Kung hindi pa ako naitulak ni Mariel ay baka humantong na sa pag-angkin ko na sa p********e ni Mariel ang aking kapusukan. Sana ay mapatawad ako ng babaeng pinakamamahal ko. Sana mapatawad ako ni Mariel ko.
Maski kinabukasan ay hindi nakipag usap sa akin si Mariel. Nakailang beses akong nagpabalik balik sa bahay nila pero sabi ni Lori ay hindi pa daw gising si Mariel. Ni hindi nga daw ito naghapunan kagabi.
Bago matapos ang lunchbreak ko ay nagtungo ulit ako kina Mariel. Si Nanay Minda ang kumausap sa akin. "Pasensya ka na, Dondon. Kabilin-bilinan ni Mariel na wag ka naming payagang makausap siya. Ayaw ka na din daw niyang makita. Tinatapos na daw niya ung relasyon ninyo." Hinawakan pa ni Nanay Minda ang balikat ko. "Iyan ung isa sa kinatatakutan ko, Dondon. Hindi pa ganoon kamatured si Mariel. Bata pa na kapag nasaktan ay magdedesisyon agad agad."
"Naiintindihan ko po, Nanay Minda. Kasalanan ko pong lahat ng ito. Sana po nakinig ako sa inyo nung sinabihan niyo ako na maghintay pa na tumuntong ng disiotso anyos ang anak po nyo. Pero dahil naunahan po ako ng takot na may ibang manligaw kay Mariel at dahil na din po sa pagmamahal ko para sa kanya ay hindi ko po kayo sinunod. Patawarin niyo po ako, Nay. Hindi ko po sinasadya na masaktan ko si Mariel at pati na kayo. Mahal na mahal ko po si Mariel." Malungkot kong sagot kay Nanay Minda.
Mahigit isang linggo ang lumipas pero hindi ko pa din nakausap o nakita man lang si Mariel. Iniiwasan pa din niya ako. Sabi ni Lori, andun lang si Mariel sa kwarto niya. Pati pagkain nito ay doon din sa kwarto ginagawa. Lumalabas lang daw ito para mag CR at kumuha ng makakain sa kusina. Sinisigurado din daw ni Mariel na wala ako sa paligid pag lumalabas ng kwarto niya. Lagi pa din daw naglalock ng pinto ng kwarto niya si Mariel. Hinayaan na nga lang daw ni Nanay Minda at nina Tita sa pagkukulong nito sa kwarto si Mariel para makapag-isip-isip ng maayos.
Alam kong nasasaktan si Mariel at nahihirapan sa sitwasyon niya kaya isang linggo bago magumpisa ang review classes ko para sa board exam ay nagpasya na akong lumayo muna kay Mariel para matahimik na din ang babaeng pinakamamahal ko. Gumawa ako ng sulat para sa kanya kung saan humingi ako ng sorry kasabay ng pagpapaalam ko sa kaniya at pagpapaalala na mahal na mahal ko siya. Nag-iwan ako ng pangako na siya lang ang mamahalin ko at babalikan ko siya para ipagpatuloy ung pagmamahalan namin pagdating ng panahon na napatawad na niya ako. Pinakiabot ko ang sulat kay Lori nung nagpaalam ako sa kanila nina Nanay Minda. Nakita ko ang lungkot sa mga mata nina Nanay Minda nang magpaalam ako sa kanila. Paalis na ako ng bahay nina Mariel ng pigilan ako ni Lori at sinabihan ako na hintayin ko siya sandali sa sala. Susubukan daw niyang alamin ang saloobin ni Mariel. At iyon nga, bago ako lumayo ay nalaman ko ang saloobin ni Mariel. Ayon kay Lori, natakot daw si Mariel sa maaaring kahihinatnan nung nangyari at baka daw pag naulit ung ganoon ay baka magpaubaya na siya dahil sa pagmamahal niya sa akin. Pati na ung sinabi ko na papakasalan ko siya after 5 years dahil sabi nga daw ni Mariel may mga pangarap din siya na gustong matupad. Ayaw ko man ay itinuloy ko pa ding lumayo sa kabila ng pagpigil sa akin ni Lori dahil alam niyang mahal na mahal ako ni Mariel. Pero lumayo pa din ako para mabigyan ng panahon si Mariel na tuparin ang mga pangarap niya at magawa ang mga gusto niya.
Ang saloobin ni Mariel ang pinagbasehan ko ng desisyon ko na lumayo muna. Na mahalin at bantayan na lamang siya mula sa malayo ng hindi niya nalalaman. Hindi alam ni Mariel na sa loob ng mga taon na nakalipas ay nasaksihan ko ang pag abot niya sa kanyang mga pangarap. Andun ako nung unang araw niya sa college. Na sa tuwing may pagkakataon ako ay inaabangan ko ang paglabas niya sa unibersidad na pinapasukan niya sa Maynila. Andun din ako nung graduation niya. Isa ako sa mga pumalakpak ng tawagin ang pangalan niya para tanggapin niya ang medalya bilang isa sa mga graduate na may honor. Inaabangan ko din siya pag may pagkakataon ako nung nagrereview siya para sa board exam. Pati sa oath taking niya nung nakapasa siya sa board exam at naging CPA din tulad ko ay andoon din ako. Maski sa mga events at seminars na inattendan niya ay halos andoon ako. Dinaig ko pa ang isang stalker. Masaya ako dahil on her own, natupad niya ung mga pangarap niya. She became an independent woman. Malayo na ang narating niya mula sa Mariel na pinipikon ko noong nagdadalaga siya na Accounting Supervisor na ngayon sa kumpanyang kanyang pinagtratrabahuhan sa Makati. Living by herself at marunong na din siyang magmaneho. Nakapagpundar na siya ng sarili niyang kotse. Ilang beses ko nang ginustong balikan siya pero hindi pa panahon. Hinayaan ko muna siyang abutin ang mga gusto niya sa buhay kaya nakontento na lang muna ako na inaantay ang pag uwi niya tuwing Friday, pagtetext sa kanya tuwing umaga at pagpapadala ng mga bulaklak dito sa bahay nila at sa opisina niya. Alam ko nagtataka na siya kung sino ang nagtetext sa kanya at minsang tumatawag na pinakikinggan lang ang boses niya. Masaya na ako na nakikita ko din siya paminsan minsan at naririnig ang boses niya.
Pero ngayon, desidido na akong bumalik sa piling ng babaeng pinakamamahal ko. Kung hindi man niya na ako mahal ay gagawin ko ang lahat, mahalin niya lang ako ulit. Kung nagawa ko na dati na mahalin niya ako noon, magagawa ko ulit un ngayon. I will do everything to make sure that Mariel will definitely love me again.