"Sa kanila na po ako titira?" Nakatingin siya sa Tatay Mateo niya.
Nag-aalangan ang damdamin niya sa sinabi nito. Nakaramdam siya ng lungkot. Mukhang hindi na siya gusto pa makasama ng mga magulang kaya ipinapasa na siya sa iba.
"Oo, anak. Magpapakabait ka kapag nandoon ka sa kanila. Ipinagmamalaki kita sa Tiyo Leandro mo na napakabait mong bata. Masipag at matalino pa," proud na proud ito nang sabihin ang mga papuri sa kaniya.
Malungkot niyang binitawan ang kalderong hawak. Nasa mga mata ang lungkot. Matatanda na ang mga magulang, kung lilipat siya ng tirahan ay maiiwan ang mga ito na wala ng kasama sa bahay para umasikaso sa mga gawaing bahay. Tiningnan niya ang ina. Rayumado na ito at hirap na sa bawat pagkilos.
Sinundan naman ni Mateo ang tinitignan niya at pabuntong-hiningang lumapit sa kaniya. Alam nito ang nasa isip niya.
"Huwag mo na kami alalahanin ng nanay mo. Napag-usapan na namin ang bagay na ito. Isipin mo kung paano ka makapagtatapos para sa kinabukasan mo."
Marahan siyang tumango. Naunawaan naman niya ang mga ito. Alam niya kung gaano kahirap ang dalawang matanda at sobra siyang nagpapasalamat na nagawa pa siyang tulungan ng mga ito at mahalin na parang sariling anak.
Naunawaan niya na kahit pa sa loob ng ilang taon ay ang mag-asawa ang itinuring niyang mga magulang ay hindi pa rin siya tunay na anak ng nga ito. Isa lang siyang dinampot sa estero na alaga. Wala siyang pinagkaiba sa mga aso at pusa na kapag hindi na kayang alagaan ay ipinapasa na sa iba o kaya ay iniiwanan na lang kung saan. Kagaya ng ginawa ng Tiyo Miguel niya. Iniwan na lang siya at pinabayaan.
Wala rin naman siya karapatan na magreklamo. At kahit mayroon man ay hindi niya gagawin, ayaw niya masaktan ang damdamin ng mga ito.
"Huwag ka malungkot, Dong. Lagi ka pa rin namin dadalawin. Naisip lang namin na doon ka titira sa Tiyo Leandro mo para malapit ka lang sa UP. Doon ka mag-aaral, 'di ba?" Nakangiting inakbayan siya ng ama-amahan.
Nakaramdam naman siya ng kaliwanagan sa sinabi nito. Hindi naman pala siya ipapamigay na parang alaga. Nataon lang na malapit ang bahay ng kapatid ng Tatay Mateo niya sa UP.
Sinulyapan niya ang sinasabing Tiyo Leandro niya at nakangiti naman itong kausap ng Nanay Sara niya. Hindi niya alam kung bakit pero ramdam niya na hindi siya magiging masaya sa paglayo niya sa mag-asawang umampon sa kaniya. Hindi niya alam pero nalulungkot talaga siya. Lungkot na hindi lamang para sa sarili kung hindi para sa mga magulang na iiwanan niya sa lugar na iyon.
Alam niyang nakiusap ang ama niya sa mga kapatid nito para matulungan siya mag-aral hanggang college. Ayaw naman niya pahirapan ang damdamin ng mga ito kung tatanggi siya kaya pinilit na lamang niya tanggalin ang agam-agam sa puso niya. Pwede naman niya dalawin ang mga magulang kahit kailan niya gusto. Ang kailangan niya lang ay may mahanap siyang part time job para magkaroon siya ng sariling pera.
******
Ang pagtira niya sa bahay ni Leandro at ng pamilya nito ay naging maayos naman kahit papaano, kahit alam niya na ayaw sa kaniya ng asawa nito at ng mga anak ay naging maayos naman ang pakikitungo sa kaniya.
Mabait sa kaniya si Leandro at kapag nasa bahay ito ay kasalo siyang kumakain ng pamilya nito pero kapag nasa trabaho ay magsisimula na ang sunod-sunod na parinig sa kaniya at panlalait ng asawa nito at mga anak. Mga parinig na hindi na lamang niya iniintindi, na inuunawa na lamang niya.
Nang magsimula na ang klase ay sinimulan na rin niya ang paghahanap ng matatrabahuan. Nakahanap naman siya at ginawa niya ang lahat ng paraan para makaipon habang nag-aaral. Hindi niya lang nga magawa ang dalawin ang Tatay Mateo at Nanay Sara niya. Masyado siyang hinihigpitan ni Melinda, ang asawa ni Leandro.
Ang gusto ni Melinda ay kapag wala siyang pasok sa UP at trabaho bilang crew sa isang fast food restaurant ay gumawa siya ng gawaing bahay. Kadalasan ay pagod na pagod na siya kapag magpapahinga. Ilang beses pa na nakaidlip siya sa klase dahil hindi na niya kinakaya ang antok at pagod.
Nasa ikatlong taon na siya sa kolehiyo nang nagbago ang trato ni Melinda at ng mga anak nito sa kaniya. Naging mabait na ang mga ito sa kaniya. Siya kasi ang inaasahan na gumagawa ng mga projects at thesis ng mga anak nina Melinda at Leandro.
Pinilit niyang kayanin ang lahat hanggang sa makatapos siya. Pinagtiyagaan niya ang makisama. Kung dati ay alipin ang tingin sa kaniya ng mga ito ay naging maayos na noong nasa huling taon na siya sa kolehiyo. Itinuring na siyang myembro ng pamilya. At sa unang beses sa buhay niya simula ng malayo siya sa tunay na pamilya ay nagkaroon siya muli ng kwarto. Hindi na siya sa sala pinapatulog ni Melinda. Naging maluwag rin ito sa kaniya at hindi na siya pinapagawa ng gawaing bahay. Marami na siya naging oras para makadalaw sa mga magulang.
"Napakagwapo mo naman, anak!" Nakayakap sa kaniya ang Nanay Sara niya at nararamdaman niya na sobrang na-miss siya nito.
"Syempre mana sa akin," pabirong sabi naman ng Tatay Mateo niya.
Nakitawa siya sa mga ito. Masaya silang nagkukuwentuhan. Nang mga panahon na iyon ay nasa huling semestre na siya sa kolehiyo at kahit papaano ay may maayos na rin na kasuotan.
"Nay. Tay. Sa graduation ko po ay kayo po ang gusto ko kasama," malungkot niyang sabi.
"Darating naman kami pero kung gusto ng Tiyo Leandro mo na siya ang kasama mo para tanggapin ang karangalan mo ay magpaparaya naman kami. Alalahanin natin na sila ni Melinda ang tumulong para matapos mo ang pagpupulis mo," sabi ni Nanay Sara niya.
"Pero Nay, kayo po ang gusto ko makasama sa pag-martsa sa graduation. Sabi niyo po dati na kapag ga-graduate ako ng college ay kayo ang kasama ko sa pag-martsa, 'di ba?"
Malungkot na tumingin si Sara sa asawa na binigyan lang ito ng matipid na ngiti. Hindi nakaligtas sa paningin niya ang kalungkutan sa mga mata ng dalawang matanda.
"Sige, anak. Basta darating kami kahit ano mangyari. Papanoorin ka namin at papalakpakan," sabi ni Sara sa pilit na pinasiglang boses.
"Sabi niyo po 'yan, ha? Magtatampo ako kapag hindi kayo dumating para samahan ako," paglalambing niya pa sa mga ito.
Tumingin siya sa ama at nakita niya ang malungkot na tingin nito sa asawa. Pabuntong-hininga siyang umiwas ng tingin sa ina nang makitang bigla itong ngumiwi dahil sa sakit na nararamdaman.
Sinabi niya na magtatampo siya kapag hindi ito nakadalo sa graduation niya pero walang katotohanan iyon. Kahit kailan ay hindi niya magagawang magtampo sa mga ito. Wala siyang karapatan na magtampo katulad din ng katotohanan na wala siyang karapatan magreklamo. Ang totoo ay tanggap na niya na hindi ito ang makakasama niya sa pag-martsa.
Muli niya tinitigan ang ina. May sakit ito at mahina na. Ang sakit nito ay colon cancer ayon sa doctor na tumingin dito. Hirap na itong kumilos. Kailangan na itong maoperahan sabi ng doktor nito pero wala naman silang pera. Hindi rin sapat ang naipon niya.
"Nay, dalawang buwan na lang rin at graduation ko na. Basta darating kayo ni Tatay ay masaya na ako," mahina niyang sabi. Umaasa na kaya pa nito ang maka-attend sa graduation niya. Umaasa na kaya pa nito mahintay na maipagamot niya ito.
Pinisil naman ng Tatay Mateo niya ang balikat niya. Nakatayo ito sa likuran niya habang nakaupo siya sa tabi ng ina na nakaratay sa kama.
"Darating kami, Dong. Pangako," sabi ni Mateo sa kaniya.
******
Araw ng graduation niya, gusto niya sorpresahin ang mga magulang sa karangalan na tatanggapin niya. Ang alam ng mga ito ay ga-graduate lang siya, hindi niya sinabi na nakuha niya ang pinakamataas na karangalan. Ga-graduate siya na summa c*m laude.
Nakita naman niya agad ang Tiyo Leandro niya at Tiya Melinda pero hindi nakarating ang dalawang matanda na pinakahihintay niya.
Hindi niya alam kung paano niya natapos ang graduation niya. Nang nag-speech na siya bilang summa c*m laude ay hindi na niya napigilan ang pag-luha nang sabihin niya na para sa mga magulang ang karangalan niya at nakita niya na lumuluha na rin ang Tiyo Leandro at Tiya Melinda niya. Inisip niya na kaya naluha ang mga ito ay dahil naaawa sa kaniya pero hindi niya maintindihan ang sarili, nararamdaman niya na may mali. Na iba ang dahilan kung bakit lumuluha ang mga ito.
Tapos na ang seremonya ng graduation nang malungkot siyang lumapit sa mga ito.
"Dong, ayaw ka namin mabigla kanina pero hindi naman pwedeng hindi mo malaman ang totoo kung bakit wala rito sina Kuya Mateo at Ate Sara," malungkot na sabi ni Leandro sa kaniya.
Bigla siya kinabahan lalo na ng humikbi si Melinda sa tabi nito.
"Bakit po? May nangyari po ba kay nanay?" nag-aalala niyang tanong. May sakit ang Nanay Sara niya at baka iyon ang dahilan kaya hindi nakapunta ang mga iyon sa graduation niya.
Umiling naman si Leandro, "si Kuya Mateo, Dong. Nasaksak si Kuya Mateo at natagpuan ang katawan niya sa malapit doon sa tinatrabahuan niya."
"Si… si tatay?" parang wala sa sarili na ulit niya.
Tango lamang ang isinagot ng mag-asawa sa kaniya. Nalilito na tumingin siya sa paligid. Nananaginip ba siya? Panaginip na naman ba ito kagaya ng laging nangyayari sa kaniya? Kung nananaginip siya ay kailangan niya gumising para makatakas sa panaginip.
Bigla siyang tumakbo at tila wala sa sarili na magpapatihulog sana sa hagdan para magising siya nang maramdaman niya ang paghila sa kaniya ng kaibigan niya.
"Pards, ano ginagawa mo? Okay ka lang ba?" nag-aalala na sabi nito.
Tiningnan niya ang paligid. Hindi siya nananaginip. Totoo ang lahat. Totoo ang balita na wala na ang ama niya.
******
Gabi ng graduation niya at imbes na masaya siyang ipinagdiriwang iyon kasama ang dalawang matanda na itinuturing niyang mga magulang ay iba ang naging sitwasyon.
Kasama niya pa rin naman sila pero nasa mga kabaong ang mga ito at pinaglalamayan niya.
Tiim-bagang siyang nakatayo sa gitna ng dalawang kabaong na nakahimlay. Hindi niya na namamalayan ang pagdaloy ng luha sa mga mata niya para sa ama at ina.
Ang kaawa-awa niyang ama ay nakitang wala ng buhay at may saksak sa tagiliran nito. Nawawala rin ang perang iuuwi sana nito sa asawa. Base sa imbestigasyon ay kakasweldo lang nito at galing sa trabaho. Wala naman itong nakaalitan para gawin ang pagsaksak na iyon sa matanda.
May ilang witness na lumitaw. Nakita raw nila ang itsura ng snatcher o holdaper na may gawa ng gano'n kay Mateo. Ang sabi sa kaniya ni Leandro ay may sketch na rin ang pulisya sa may gawa ng kamatayan ng ama niya. Hindi niya pa iyon tinitingnan, saka na. Tatapusin na muna niya ang libing ng mga magulang at saka niya hahanapin ang taong may gawa ng krimen.
Tiningnan naman niya ang ina na payapa na rin sa kabaong nito. Inatake ito sa puso nang malaman ang nangyari sa asawa.
"Ang daya niyo naman, 'Nay. Talagang hindi kayo nagpaiwan kay Tatay."
******
Kung hindi dahil kay Leandro at Melinda ay hindi susulong ang imbestigasyon. Mabuti na lang at hindi hinayaan ng mga ito na matabunan ang kaso ng pagpaslang sa ama niya.
Matapos ang libing ng mga magulang ay saka niya lang tiningnan ang criminal sketch ng sumaksak sa ama niya.
His eyes widened with whom he saw. He knows the man. Tauhan ang lalaki ni 'mamasan' at ito rin ang inuutusan nito kapag pinagtitripan na ipabugbog siya. Ang alam niya ay matanda ito sa kaniya ng siyam na taon.
Kalmado siyang humingi ng kopya at umuwi na. Nasa loob na siya ng kwarto sa bahay nila Leandro nang muli niyang tinitigan ang sketch ng kriminal. Hindi siya pwedeng magkami sa nakikita. Si Nonoy nga ang lalaki. Si Nonoy Tornado.
Iyon ang bansag dito ng mga tauhan ni 'mamasan' dahil parang tornado raw kasi ito magtrabaho, mabilis at mapaminsala. Matinik itong snatcher at paborito ni 'mamasan' dahil marami itong inuuwing gadgets, alahas at pera. Magaling itong dumiskarte.
Pinipigilan niya ang sarili niyang magalit, gusto niya maging kalmado nang biglang pinagsusuntok na niya ang sementong dingding ng kwarto niya. Pinagsusuntok niya hanggang sa dumugo na ang mga kamao niya.
Pagod siyang bumagsak sa sahig. Humihingal. Lumuluha. Nang bigla siyang natulala. Naging malikot ang mga mata niya pagkatapos ay ngumiti siya at nagsalita.
"Sa wakas ay pinalaya mo na rin ako, Anton," pakikipag-usap niya sa sarili at sinundan niya ng malakas na halakhak.
Tumayo siya mula sa pagkakasalampak sa sahig at kampanteng naglakad patungo sa kama, dinampot ang papel na may criminal sketch. He smirked while looking at the eyes of the criminal who killed the man who took care of him.
"Malapit na tayo magharap, Nonoy!"
"Huwag ka mag-alala at bibigyan kita ng napakagandang kamatayan…"
"At ikaw, Anton! Huwag mo akong guguluhin sa plano ko dahil wala kang kwenta! Mahina ka!"