Alyson
Hating gabi na. Nakaupo lang kami, paikot sa harap ng isang bilog na mesa sa hardin nina Abby. Umuwi na ang mga bisita at tulog na rin ang batang may birthday.
Malamig ang hangin at tanging ang mahinang musika na lang sa maliit na speaker ni Luke ang maririnig. Nag-iinuman sina Sir Jared, Luke at Abby.
Tahimik lang akong nakaupo sa tabi ni Abby habang nagkukwento si Luke.
"…Jared got into a car accident when he was twenty-one. That’s the only time na pumasok yan ng ospital, takot nga yan sa karayom, e."
"Oy, hindi, a," tawa pa ni Sir Jared. Halatang lasing na sya.
Tahimik lang akong nakikinig.
Inilapag ko ang beer in can sa mesa na halos walang bawas at tinignan ang cellphone ko. Hindi ko na nabilang kung pang-ilang beses ko na 'tong sinilip simula pa kaninang alas nuwebe, at ngayon, alas dose kinse na.
Napapaling sa akin ng tingin si Abby at ngumiti. "Okay ka lang ba, girl?"
Napapansin na siguro nila na wala na akong energy. Pagod na rin ako at inaantok.
Ngumiti lang ako. "M-Medyo late na kasi."
Tinignan nila akong tatlo.
"Uuwi ka na?" tanong ni Luke.
Bago pa ako makasagot ay nagsalita na agad si Sir Jared. "Huwag ka munang umuwi. Wala namang pasok bukas."
"Baka kasi wala akong masakyan, Sir."
"Ihahatid kita," nakangiti niyang sabi.
"Sira ka ba, Jared," paling sa kaniya ng tingin ni Abby. "Nakainom ka na, o."
"I'm fine, Abby."
"No. Mabuti pang bukas na kayo umalis. Dumito na muna kayo," aniya kay Jared bago nagpaling ng tingin sa akin. "Ikaw rin, girl. Dumito ka na muna."
***
Jared
Tumayo si Alyson. "Abby, pwede ba akong makibanyo sandali?"
"Oh, sure. Sa dulo ng hallway, kaliwa."
"Thank you." Naglakad si Aly papasok ng bahay.
"Alyson seems to be a nice girl." Ngiti pa ni Abby.
"See, Jared, Aly is a nice girl," panunuksong tono ni Luke.
Siniko ko lang siya.
Pinagsalitan kami ng tingin ni Abby. "What? Something I'm not aware of?"
"Wala," sabi ko.
"Binasted siya ni Aly no'ng high school." Turo ni Luke sa mukha ko.
Kinunutan ko siya agad ng noo. "Bro naman!"
Natawa siya. "Bakit?"
Natulala lang si Abby at napanganga. "Weh? Si Aly?"
"Yeah." Tango ni Luke sa asawa. "Pero hindi alam ni Aly na si Jared 'yong binasted niya no'n because of the surgery. Aly's Jared's first love."
Napasapo ng dibdib si Abby. "Seriously?"
Nagpaling lang ako ng tingin sa malayo at umiling.
Abby's eyes are blazing with curiosity. "Come on, Jared. Kwento naman d'yan!"
"No."
"Dali na. Pa'no mo sinabi sa kaniya na gusto mo siya?"
"I said no. Wala akong ikukwento."
Siniko-siko ako ni Luke. "Dali na, dude, tell us kung pa'no ka sinuntok ni Aly no'ng nakita niya 'yong message mo sa pader sa school n'yo."
Napasapo ng bibig si Abby. "Sinuntok ka niya? Shocks!"
"Hindi nya ako sinuntok," giit ko sabay tungga ng beer.
"Tss. Ang K.J. Bilis na." Tuktok ni Abby ng bote sa mesa. "Pa'no sinabi ng heartthrob-game-designer na si Jared Cruz sa first love niya ang nararamdaman niya?"
"Ayoko."
"Dali na kasi. Curious ako kung pa'no ka na-develop sa kaniya."
"I said, no." Nakatingin lang ako sa isang pabalat ng tsitsirya sa mesa na hindi na mabasa ang pangalan dahil sa pagkakapunit.
Pangisi-ngisi lang si Luke dahil minsan ko nang naikuwento sa kaniya ang nakakahiyang pangyayari na yon.
***
Jared Cruz
3rd Floor, Auditorium
August 31, 2002
Bumuntunghininga ako bago walang-ganang itinulak ang pinto ng Auditorium at pumasok sa loob. Unang araw ko sa community service dahil sa pagsuntok ko kay Jomar no'ng nakaraang linggo. Ako ang naparusahan, siya hindi. Porque't dumugo lang ang ilong niya, ako hindi, ako na agad ang may kasalanan? Sigh.
Malawak ang loob ng Auditorium. Wala pang ibang tao rito. Magkakapatong na nakasalansan ang mga monoblock sa isang sulok kung kaya't walang maupuan. Dumiretso ako sa isang sulok at naupo sa sahig.
Kailangan kong magpunta rito araw-araw, pagkatapos ng klase, sa loob ng isang buwan. Sabi ng masungit na Guidance Counselor, kailangan ko raw tulungan ang drama club para sa nalalapit na play. Sus. Ano namang itutulong ko rito? E, malamang paglalampasuhin lang ako ng sahig o 'di naman kaya, paggugupitin ng mga kartolina.
Kinuha ko sa bulsa ko ang brick game ko. Maglalaro lang ako ng Tetris. Bahala sila.
Ilang sandali lang at sumunod na pumasok ang ilang mga estudyante. Biglang kumabog ng malakas ang dibdib ko nang makita kong kasamang pumasok sa loob si Alyson.
Yumuko lang ako at pakunyaring naglaro. Panakaw na tingin lang sa kanya.
Lumapit sa akin ang isang babae at naupo sa tabi ko. "Kasali ka sa club?" bigla niyang usap sa akin.
Hindi ko siya tinignan dahil medyo nahihiya ako. "Hindi. Community service."
"A, ikaw 'yong nakipag-away do'n sa canteen no'ng nakaraang linggo?"
Napangiti ako ng pilit. "A, parang ganon."
"Ako si Jhudie."
"Jared.”
Kinawayan ni Aly si Judhie. "Jhudz! Tara na. Game!"
Napapaling si Aly ng tingin sa akin. Nagtama ang mga tingin namin sa isa't isa. Inialis ko agad ang tingin ko sa kaniya at pakunwaring naglaro sa brick game.
Tumayo si Jhudie. "Okay," sagot niya kay Aly bago ibinalik ang tingin sa akin. "Uy, sige, a. Nice meeting you," kaway niya bago itinuro ang mga lata ng pintura sa isang sulok. "Andyan na 'yong mga pintura, nasa likod lang 'yong brush."
Natulala lang ako. "Ha?"
Ngumiti siya. "Magpipintura ka ng Auditorium," nakangiti niyang sabi bago tumalikod at tumakbo palayo.
***
Nalaman ko na kasali pala si Alyson sa magaganap na play–siya pala ang lead role. Madalas kaming nagkikita sa Auditorium, pero hindi naman kami nagpapansinan. Paminsan-minsang nagtatama ang mga tingin namin, pero mas madalas na focus siya sa mga ginagawa niya. Masipag.
Hindi ko alam pero, nitong mga nakaraang araw, parati ko na lang nahuhuli ang sarili ko na nakatingin sa kaniya. Hindi ko maintindihan. Dapat nabo-bored na ako sa araw-araw na pagpipintura sa loob ng malawak na pader ng Auditorium pero kabaliktaran. Mas gusto ko pang naririto kaysa nasa klase.
***
3rd Floor, Auditorium
September 7, 2002
Pagkatapos ng klase, dumiretso na agad ako sa Auditorium para pinturahan ang huling bahagi ng pader. Atat akong pumasok sa pinto pero mukhang napaaga ako–wala pang tao rito.
Lumapit ako sa mga lata ng pintura at dinampot ang dalawang malaking lata. Nasanay na ako sa matapang na amoy ng pintura.
Dumiretso ako sa harap ng malawak na pader. Ang pader na iyon ang prayoridad ko pero ang maamong mukha ni Alyson ang nasa isip ko.
Hinawakan ko ang brush na nakadawdaw sa kulay pulang pintura. Sandali akong natigilan.
Kailangan kong mailabas ang nararamdaman ko. Kung hindi, sasabog ako.
Pinuno ko ng hangin ang baga ko bago nagsulat sa malawak na pader. Ibinuhos ko ang lahat ng nararamdaman ko sa bawat hagod ng brush. Ang lakas ng kabog sa dibdib ko. Ilang sandali pa’t natapos din ako. Umupo ako sa sahig at sandaling pinagmasdan ang isinulat ko.
Gusto ko lagi kang makita
Gusto kong hawakan ang mga kamay mo
Parang nadedevelop na yata ako sayo
Sana malaman mo na gusto kita Alyson
Gusto ko na nga ba si Aly?
Habang nakasalampak ako sa sahig at puno ng talsik ng pintura ang mukha ay bigla na lang bumukas ang pinto ng Auditorium at nagsipasukan ang mga estudyante–sina Aly, kasama ang buong drama club.
Dali-dali akong napatayo. Sa taranta ko, mabilis kong pinatungan ng puting pintura ang mga pulang salitang nasa pader. Pero sa pagmamadali ko, hindi ko natakpan lahat ng nakasulat.
Gusto -- ---- ---- ----
----- ko-- hawakan --- --- ----- --
------ --dede----- -- ---- --- ----
---- ------- mo -- ----- ---- Alyson
Tulala silang lahat habang nakatitig sa pader. Nagpaling sa akin ng tingin si Aly at napakagat ng labi sa inis.
Napalunok ako at napangiti ng pilit. "M-Magpapaliwanag ako."
Hindi na ako nakapagpaliwanag nang sungalngalin niya ako ng brush.