3: His Name

1854 Words
“Bakit iniisip mong alien ka?” tanong nito sa kanya na nakangiti pa rin. “Bakit mo binabasa ang diary ko?” sita naman niya dito sabay irap. Mabilis niyang itinago ang diary sa kanyang bag. Yumuko siya para hindi nito makita ang kanyang mukha. Alam niyang nakatingin pa rin ito sa kanya. Ramdam niya ang titig nito sa kanya. “Alien ba ang tingin mo sa sarili mo?” tanong nito sa kanya sa halip na sagutin ang tanong niya. Bahagya niyang iniangat ang tingin dito. Nagtama ang kanilang mga mata. Parang biglang napako ang kanyang tingin sa mga mata nito. Kahit nakaupo ito ay alam niyang matangkad ito base sa pagkakayuko nito para lang magpantay ang kanilang mga mukha. Kapansin-pansin ang brown na mga mata nito at makapal na mga kilay. Para siyang hinihigop sa kawalan sa mga titig nito. Napalunok siya habang nakatingin sa binata. Minememorya rin ng kanyang isip ang kabuuan ng mukha nito. Matangos na ilong at mapula at medyo makapal na labi. Perpekto din ang hugis ng mukha nito na bumagay sa mata, ilong at bibig nito. Biglang bumilis ang t***k ng kanyang puso. Para itong tatalon mula sa kinalalagyan nito. “Bakit hindi mo ako sinasagot? Hindi ka naman pipi, hindi ba?” sabi pa nito sa kanya. Kumurap-kurap naman siya upang gisingin ang sarili. Biglang nagpanting ang kanyang tainga. “Hindi ako pipi. Narinig mo namang nagsalita ako, ‘di ba?” mataray niyang sabi. “So, bakit ayaw mong sagutin ang tanong ko?” “Because I don’t talk to strangers.” “Wow. Englisera ka rin pala kahit na hindi ka tulad nila,” sabi naman nito sabay turo sa ibang babae na abala pa rin sa pakikipagkuwentuhan. “Akala ko iba ang salita mo dahil sabi mo alien ka.” “Alien can adapt any language,” pilosopong sabi niya sabay irap. “Woah. Nice,” ngiting-ngiting sabi nito. Para bang tuwang-tuwa pa ito habang kinakausap siya. “Puwede bang huwag mo na akong kausapin?” sabi pa niya. Hindi talaga siya sanay na kinakausap lalo na ng isang lalaki. “Bakit naman? Hindi ba puwedeng kausapin ang tulad mo?” Umikot ang eyeball niya dahil sa pagkairita. Hindi niya alam kung bakit ba trip siyang kulitin ng lalaking ito. Kahit ano yatang sabihin niya ay hindi siya titigilan nito. "Alam mo, crush kita," anito na ikinalaglag ng kanyang panga. Ilang segundo siyang tila nawala sa kanyang sarili. Parang biglang nag-lock ang kanyang utak at hindi agad naka-response. Hindi agad na-absorb ng utak niya ang mga sinabi ng lalaking kaharap. Nagsalubong ang kanyang kilay at muli siyang kumurap-kurap. Hindi siya makapaniwala sa sinasabi ng nasa harap niya. Unti-unting nag-iinit ng kanyang mukha kaya naman mabilis niyang binawi ang kanyang tingin sa binata. Parang hindi yata siya makakatagal sa mga titig nito at matamis nitong ngiti. Pakiramdam niya ay unti-unti siyang natutunaw. “Puwede bang huwag mo rin akong tingnan ng ganyan?” Muli niyang kinuha ang notebook sa kanyang bag at itinakip sa mukha. Binuklat niya iyon kahit wala naman siyang babasahin roon. Hindi niya maintindihan ang kanyang sarili. Parang napuno ng tensiyon ang buo niyang katawan at nagulo ang buo niyang sistema. Biglang bumigat ang notebook na hawak niya. Ibinaba iyon ng lalaking nakaupo sa kanyang harapan. Kinalma naman niya ang sarili at bumuntong hininga bago binalingan ang lalaki. Tinaasan niya ito ng kaliwang kilay. "A-ano bang problema mo?" Naggalit-galitan siya. Baka sakaling masindak ito at layuan na siya nito. "Wala naman." Hindi naman nawawala sa labi nito ang ngiti. Para bang sadya pa nitong inilabas ang pantay-pantay at mapuputi nitong ngipin. "W-wala pala e. P-puwedeng tigilan mo ako?" mataray na sabi niya. "Hindi ba naintindihan ng isang alien ang sinabi ko?” tanong pa nito na ikinakunot ng kanyang noo at ikinasingkit ng kanyang mata. Para bang biglang nagpanting ang kanyang tenga. “Tinawag niya akong alien?” naisaloob pa niya. “Sabi ko, crush kita." Hindi na naman siya nakapagsalita dahil sa sinabi nito. Unang beses na may magsabi sa kanya ng ganoon. Hindi tuloy niya alam ang isasagot niya. Tila naumid ang kanyang dila at lalong bumilis ang t***k ng puso ko. Parang may gera sa loob ng kanyang dibdib. Parang nalunok yata niya ang dila at nawala bigla ang kanyang katarayan. Muli siyang napatitig dito. "Hey!" Ikinampay nito ang kamay sa harapan niya. "Are you okay?" Muli siyang kumurap. Nagising siya mula sa isang mahabang pananaginip ng gising. Nang makabawi siya sa pagkatulala ay agad niyang inirapan ito. Hindi siya sumagot sa halip ay ibinalik na lamang niya ang kanyang diary sa loob ng bag. Eksakto rin kasing dumating na ang kanilang guro. Lumabas na rin si Kelly sa banyo at lumapit na sa kinaroroonan niya. "Good morning, class," bati ng guro nang nakatayo na ito sa aming harapan. Mukhang mabait ito base sa magandang pagkakangiti nito sa lahat. Nagsiayos naman sa pagkakaupo ang lahat maging ang lalaki na nasa kanyang harapan at sabay-sabay na binati ang guro ng, "Good morning, Ma'am!" "Dahil first day ng klase natin ngayon, gusto kong makilala ang bawat isa sa inyo. Isa-isa kayong magpapakilala dito sa harapan, okay ba iyon?" "Yes, Ma'am!" sabay-sabay na tugon ng mga estudyante maliban sa kanya. Iyon kasi ang pinakaayaw niyang gawin sa lahat. Ang pumunta sa unahan at magpakilala sa harap ng mga bago niyang kaklase. Isa-isa ngang nagpakilala ang kanyang mga kaklase. Hindi naman niya matandaan ang bawat pangalan na sinasabi ng mga ito. Sa dami kasi, hindi na niya iyon maisa-isa. Muling napako ang kanyang tingin sa lalaking naglalakad patungo sa harapan. Tama siya ng hinala, matangkad nga ito. Sa tingin niya ay nasa 5'7" ang height nito. Matangkad para sa isang 1st year high school student. "Hello, everyone!” puno ng kompiyansang bati nito sa lahat. Nagtilian naman ang lahat na parang kinikilig. “I'm Jon Robert Jones. I am 13 years old and I am living at Don Faustino’s Village and Residences. Nice to meet you all," nakangiting pakilala nito. Tumingin pa ito sa gawi niya at saka kumindat bago naglakad pabalik sa inuupuan nito. Ewan niya pero biglang bumilis ang t***k ng kanyang puso sa ginawa nito. Dumoble pa iyon dahil sa kaba dahil siya na ang susunod na magpapakilala. Tumayo naman siya dahil siya ang nakaupo sa likuran nito at sunod na magpapakilala. Dahan-dahan siyang naglakad sa unahan. Nakayuko at nanginginig pa ang mga kamay pati na rin ang kanyang mga tuhod. Hindi siya makatingin sa mga kaklase dahil sa sobrang hiya. Hindi talaga siya sanay humarap sa napakaraming tao at tumayo sa harapan ng mga ito. Minsan ay napipilitan lamang siya kapag natotoka siyang mag-report sa unahan noong nasa grade school pa siya. Lumunok siya bago tumunghay at tiningnan ang kanyang mga kaklase. Alanganin siyang ngumiti sa kanila. Nanginginig rin ang kanyang labi habang nakangiti. "H-hello! I am Katherine Marie Loyola. I am 13 years old and I am living in Brgy. Uno. Nice to meet you all," nahihiyang sambit niya saka muling yumuko at naglakad pabalik sa kanyang upuan. "Katherine Marie. Nice name,” sambit ng lalaki pagdaan niya sa tagiliran nito. Tiningnan niya ang ito at muling magtama ang kanilang paningin at nakita niyang muli ang matamis nitong ngiti. "Robert," naisaloob niya. Tinandaan niya ang pangalan nito sapagkat ito ang kauna-unahang lalaking kumausap sa kanya at ang unang lalaking nagpabilis ng t***k ng kanyang puso. Dear Diary, First day namin ngayon sa school. Sobrang daming mayayamang estudyante akong nakasalamuha. Halos lahat ay may hawak na cell phone. Nakakahiyang makisalamuha sa kanila kasi ako lang ang walang ganoong klaseng kagamitan. Kung mayroon man ako ay iyong binili lang ni Inay para matawagan namin si Itay. Hindi ko naman iyon puwedeng dalhin sa school. Hindi rin naman ako naghahangad ng ganoon. Ang mahalaga sa akin ay pag-aaral. Gusto ni inay na makatapos ako ng pag-aaral at gagawin ko iyon para sa kanila ni Itay. Mayroon nga palang lalaki na bigla na lamang nagsabi sa akin na crush niya raw ako. Totoo kaya iyon? Jon Robert ang pangalan niya. Siya rin iyong lalaking sumingit sa pila noong enrollment. Siguro pinagti-tripan niya lang ako. Imposible naman kasing totoong magustuhan niya ang tulad ko at take note, sa loob ng isang araw lang. Nakakaloko naman siya. Isinara niya ang kanyang paboritong notebook na ginawa niyang diary. Mga pinagsama-samang pilas na lumang notebook iyon na ginawa niya para kumapal at gawing bagong muli. Ginamit niya ang sa tingin niya ay pinakamagandang cover. Ni-recycle niya iyon at dinesenyuhan ng makukulay at cute na stickers. Gabi-gabi pagkatapos ng buong araw niya ay wala siyang palya sa pagsusulat sa kanyang diary. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa silya at tinungo ang bintana. Tumingala siya sa langit katulad rin ng lagi niyang ginagawa bago matulog. Hilig niya ang pagtingin sa mga bituin maging sa maliwanag na sinag ng buwan. Gumagaan kasi ang kanyang pakiramdam kapag ginagawa niya iyon. Napangiti siya nang biglang gumuhit sa kanyang imahinasyon ang mukha ng binatang kanina lamang ay laman ng kanyang diary. "Totoo kayang gusto niya ako?" mahinang bulong niya sa kawalan. "Mukhang may crush na ang anak ko a." Gulat siyang napalingon sa likuran nang marinig ang boses ng kanyang ina. "Crush? Crush po ba ang tawag kapag gusto mo ang isang tao, inay?" "Ang totoo niyan, naririnig ko lang ang salitang iyan sa mga kabataan sa karinderya. Naku, noong panahon kasi namin ng tatay mo, wala namang crush-crush na tinatawag. Basta ang alam lang namin, kapag mahal mo ang isang tao, ipaparamdam mo iyon sa kanya sa pamamagitan ng panliligaw." "Paano ninyo po nalaman na mahal talaga kayo ni itay?" curious niyang tanong. "Hmmm... paano ba? Basta naramdaman ko ang sinseridad niya sa kanyang mga sinasabi. Maging sa pagpapakita sa akin ng atensiyon at sa paglalaan ng oras. Ipinaramdam niya sa akin kung gaano ako kahalaga para sa kanya. Kahit ang panliligaw sa mga magulang ko ay ginawa niya para patunayan lang na totoo ang nararamdaman niya para sa akin." "Ang sweet po siguro ni itay noong panahon ninyo." "Ang tatay mo ang pinaka-sweet na taong nakilala ko," matamis ang ngiting sabi nito. Bakas pa rin ang labis na pagmamahal nito sa kanyang itay base sa pagkislap ng mga mata nito nang banggitin ang mga katagang iyon. "Sana po makatagpo rin ako ng lalaking gaya ni itay." Hinawakan nito ang kanyang buhok at bahagyang ginulo iyon. "Makakatagpo ka rin noon, balang araw. Sa ngayon, huwag muna iyon ang isipin mo. Pagbutihin mo muna ang pag-aaral mo bago iyang mga crush-crush na iyan." Humagikhik naman siya nang bahagya dahil sa sinabi ng ina. “Siyempre naman po. Pangako ko po sa inyo na hindi ako magbo-boyfriend hanggang hindi ako nakakatapos ng kolehiyo." Itinaas pa niya ang kanyang kanang kamay bilang tanda ng isang pangako. Niyakap naman siya ng kanyang ina saka hinalikan sa noo. "Matulog ka na, maaga pa ang pasok mo bukas." Tumango lamang ako pagkatapos ay pumunta na ako sa aking kama at humiga. Binalot ko ang aking katawan ng kumot saka muli kong binalingan si Inay. "Goodnight, inay," sabi ko saka ipinikit na ang aking mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD