"Hi, Kate!"
Sabay-sabay na bati mula sa grupo ng mga kabataang lalaki pagdaan na pagdaan niya sa hallway ng science building sa kanilang paaralan kinabukasan. Hindi niya pinansin ang mga iyon dahil baka mapahiya lamang siya kung iisipin niyang siya ang binabati ng mga ito. Hindi rin naman kasi siya sanay na tinatawag sa kanyang palayaw na Kate. Tanging ang kanyang itay lamang ang tumatawag sa kanya sa ganoong palayaw kapag nilalambing siya nito. Karamihan ay Katherine ang tawag sa kanya o dili kaya ay Marie.
Nagpatuloy na lamang siya sa paglalakad at hindi pinansin ang mga tumatawag.
"Kate! Kate!" patuloy na pagtawag ng mga iyon sa palayaw niya ngunit patuloy niyang inignora iyon.
"Katherine Marie Loyola!" malakas na sigaw ng isa sa mga iyon kaya naman lumingon na siya. Buong pangalan na ang pagtawag nito kaya siguradong siya na ang tinutukoy niyon. Siya lang naman ay may ganoong klase at kahabang pangalan.
Biglang dinagsa ng mabilis na t***k ang kanyang puso nang makita kung sino ang tumawag sa kanyang pangalan. Nagtama ang kanilang paningin at kitang-kita na naman niya ang matamis nitong ngiti. Itinaas pa nito ang kamay at kumaway at mahina siyang binati.
“Hi!”
Parang tumigil ang kanyang mundo nang mga oras na iyon. Tila nag-slow motion ang lahat ng tao sa paligid niya. Pakiramdam niya ay silang dalawa lamang ang tao nang mga oras na iyon. Tanging mukha lang nito ang kanyang nakikita at tila iyon kumikinang sa kanyang isip. Parang isang panaginip. Magandang panaginip.
"Kung hindi ko pa binanggit ang buo mong pangalan, hindi mo pa ako lilingunin," tila nagtatampong sabi niya. Hindi niya namalayang nakalapit na pala ito at nakatayo na sa kanyang harapan.
Kumurap-kurap pa siya para makabawi sa pagkatulala.
"H-hindi naman kasi Kate ang pangalan ko," halos pabulong niyang sabi. Yumuko siya dahil pakiramdam niya ay namumula ang kanyang mukha dahil sa hiya.
"Kate is a nice nickname, tho. I think it will fit for you. Kate-rine Marie... sounds near with Katherine, right? I will call you Kate from now on."
"Ha?" nasambit lamang niya. Hindi niya alam ang isasagot sa dami ng sinabi nito na tila hindi niya maunawaan dahil mas malakas pa ang t***k ng kanyang puso kaysa sa sinasabi niyon. Tumunghay siya para makita ang mukha nitong nakangiti sa kanya. Kumindat pa ito nang magtama ang paningin nila. Tila tumalon ang kanyang puso.
"See you in the classroom, Kate," paalam nito saka naglakad palayo. Sumunod ang mga kabarkada nito at umakbay pa ang isa sa mga iyon sa binata. Tila tuwang-tuwa ang mga ito.
Hindi siya tumugon dahil para siyang nakalutang sa alapaap. Kaysarap sa pakiramdam niya ang pagbigkas nito sa kanyang palayaw at ang pagkausap sa kanya nito nang matagal. Hindi siya makapaniwalang kinausap siya nito. At hindi rin siya makapaniwalang bigla siyang natameme sa pagtitig lamang nito at pagkausap nito sa kanya. Nasaan na ang mataray na aura niya? Bakit hindi niya nagawang tarayan ito kanina? Anong nangyari sa kanya?
Hindi niya alam kung gaano na siya katagal nakatayo at nakatulala sa lugar kung saan nakita niyang nagkakalad palayo si Robert. Hindi mapawi ang ngiti sa kanyang mga labi habang paulit-ulit na tila ba bumubulong sa kanyang isip ang boses nito habang tinatawag ang pangalan niya. Parang iyong musika sa kanyang pandinig.
Kate. Kate. Kate.
"Katherine!"
Tila natauhan siya sa malakas na sigaw sa kanyang tainga ng babaeng bigla na lang sumulpot sa tabi niya.
"Kelly!" gulat na bulalas niya nang lingunin ito.
"Anong nangyari sa'yo? Bakit para kang naistatwa?" tanong nito saka tinitigan ang kanyang mukha na wari'y sinusuri iyon. "At ang ngiti... hmmm... anong ibig sabihin niyan ha?" Itinaas-taas pa nito ang kilay.
Agad namang nag-init ang mukha niya sa hiya kaya't napayuko siya at humakbang paiwas rito. "W-wala. Tara na nga!"
"Sa akin pa talaga naglihim ha?" Sinabayan siya nito sa paglalakad.
"Anong lihim ang pinagsasasabi mo diyan? Wala akong nililihim 'no?"
"Talaga lang ha?" diskumpiyado pa ring sabi nito.
"Talagang-talaga."
Nakarating na sila sa classroom. Magkaklase sila ni Kelly, sinuwerte ring nakapasa ito sa entrance exam katulad niya. Matalino rin kasi ito at kasama sa mga nakatanggap ng medalya noong elementary sila. 3rd honorable mention siya at 4th naman ito.
Umupo ito malapit sa upuan niya. Hindi naman sila magkatabi dahil itinabi sila sa lalaki. Alternate. Babae at lalaki ang magkatabi para daw hindi magkopyahan lang. Dahil wala pa ang kanilang guro ay malaya ang mga kaklase nila na makipagkuwentuhan at umupo sa kahit saan nila gustong umupo.
"Sabihin mo na kasi sa akin ang sikreto mo," pangungulit pa rin nito. Nakahalumbaba pa ito sa kanyang armchair.
"Wala nga. Ang kulit mo!"
Sumimangot naman ito at pinaikot ang eyeball. "Hindi ako naniniwala sa'yo. May kakaibang kislap iyang mata mo kaya imposible talagang wala kang tinatago sa akin."
“Ano namang itatago ko sa’yo? Saka anong kislap ba iyang sinasabi mo? Kailan pa naging bumbilya ang mata ko?”
“Naku, marunong nang mamilosopo. Palibhasa may crush na.”
“Crush ka diyan!” Nag-init ang kanyang mukha dahil para tinamaan yata siya sa pasaring nito.
“Ayaw pa kasi umamin,” sabi pa nito.
“Wala naman kasi akong aaminin.” Itinuon niya ang atensiyon sa kanyang notebook at nagsimulang magsulat ng mga guhit. Wala pa siyang maisip na isulat kaya gumuhit muna siya ng kung anong bagay na maaaring magbigay ng ideya sa kanya. Minsan nakakaisip siya ng maiksing kwento sa isang salita lang na maiisip niya o kaya mga bagay na makikita niya sa paligid kaya itine-take note niya iyon kung minsan.
Kung hindi kasi siya nagbabasa ay hilig rin niyang magsulat ng mga tula o maiikling kuwento. Puro imahinasyon lamang niya ang lahat ng kanyang sinusulat at kung minsan ay ginagawa lamang niyang inpirasyon ang mga napapanood niyang telenobela sa telebisyon.
Maya-maya pa ay panay na naman ang kalabit ni Kelly sa kanya.
"Bakit ba?" naiiritang tanong niya sa kaibigan. Kunot-noo niyang sinulyapan ito.
"Tingin ka doon," anito sabay ngumuso.
Dahan-dahan naman siyang tumingin sa tinuturo nito. Agad dinagsa ng kaba ang kanyang dibdib nang magtama ang paningin nila ni Robert. Kasama nito ang mga kaibigan at nakakumpol na nakaupo sa gitnang bahagi ng classroom. Nagkukwentuhan ang mga ito pero hindi niya maintindihan kung ano ang topic ng mga ito basta ang alam niya malagkit ang tingin sa kanya ni Robb na nagdulot sa kanya para hind imaging komportable.
Mabilis na umiwas siya ng tingin. Nakaramdam siya ng hiya. Biglang nag-iinit ang kanyang mukha.
"Kanina ka pa tinitingnan niyan. Gandang-ganda yata sa sa’yo," biro pa nito saka humagikhik.
"Sira!"
"Lingon ka ulit, dali!" tila kinikilig pa ring utos nito sa kanya.
Hindi naman niya malaman ang gagawin dahil sa kabang nararamdaman. Kahit hindi naman kasi siya nakatingin ay alam niyang may dalawang pares ng matang nakatingin sa kanya.
Hinampas-hampas pa siya nito sa braso na para bang hindi mapakali sa kinauupuan. "Lumingon ka na. Pinapalingon ka niya, mukhang may sinasabi o," sabi pa nito.
Napilitan naman siyang muling tingnan ito. Kitang-kita niya ang mapuputing ngipin nito dahil sa tamis nang pagkakangiti sa kanya. Bumuka ang bibig nito na para bang nagsasalita sa hangin. At base sa galaw ng bibig nito ay hindi siya maaaring magkamali. Binibigkas niyon ang mga katagang...
"I love you!"
Nakasanayan na ni Kate na magsulat sa kanyang diary tuwing gabi. Hindi niya maipaliwanag ang saya habang nagsusulat siya roon. Para siyang nakalutang sa hangin habang ang kanyang imahinasyon ay naglalakbay sa school kung saan nakita niya roon ang unang lalaking nagpabilis ng t***k ng kanyang puso.
Dear Diary,
Hindi ko alam kung tama ang pagkakaintindi ko sa salitang binibigkas niya kanina. Sa pagkakaintindi ko, sinabi niya sa akin na I love you. Kaya lang bakit kaya niya ako sasabihan ng ganoon? Hindi naman ako katulad ng mga kaklase namin na mayayaman at magaganda. Siguro nga pinagti-tripan lang talaga niya ako.
Sino ba ang magkakagusto sa isang mahirap na gaya ko? At isa pa, wala pa ngang isang linggo mula nang magsimula ang klase. Imposibleng magkagusto siya sa akin nang ganoon kaiksing panahon.
Tumigil siya sa pagsusulat at pinakiramdaman ang t***k ng kanyang puso. Ramdam pa rin niya ang kakaibang bilis niyon habang inaalala ang mukha ni Jon Robert at ang sinabi nito sa kanya.
Tinawag nga pala niya ako sa pangalang Kate. Si itay lang ang nagsasabi sa akin ng palayaw na iyon. Ang sarap sa pakiramdam noong tinawag niya ako sa ganoong pangalan. Ang saya-saya ko rin dahil kinausap niya ako. Sana bukas kausapin niya ulit ako. Ano ba iyan? Ang landi ko naman para isiping kakausapin niya ulit ako.
Nagpasya na siyang isara ang kanyang diary at mahiga sa kanyang kama. May ngiti sa kanyang labi bago ipinikit ang kanyang mga mata. Excited na siyang makita ulit ito kinabukasan.
Maaga naman siyang gumising kinabukasan para maghanda sa klase. Dati pa naman siyang excited tuwing papasok sa eskwela ngunit iba ang araw na ito. Parang mas nadagdagan pa ang excitement na iyon dahil kay Jon Robert. Gusto niya itong makita ulit.
“Oh, mukhang mas maaga ka yata ngayon anak?” pansin ng kanyang ina habang kumakain sila ng almusal.
“Opo, inay. Mas maganda po kasi kung mas maaga para hindi po ako mahuli sa klase. Minsan po kasi mahirap sumakay ng tricycle papuntang eskuwelahan.”
Medyo malayo mula sa kanilang bahay ang school na kanyang pinapasukan. Sumasakay pa siya ng tricycle patungo roon. Naglalakad din siya mula sa kanilang bahay patungo sa kanto upang pumara ng tricycle. Kapag araw ng pasukan, mas maraming estuyante siyang kasabay kaya naman punuan na ang mga tricycle na dumadaan. Nahihirapan tuloy siyang makasakay.
“Ah ganoon ba? Oh siya, eto ang baon mo. Pagkatapos mong kumain ay puntahan mo na agad si Kelly para sabay na kayong pumasok,” bilin pa ng kanyang ina.
Ginawa naman niya iyon. Pinuntahan niya si Kelly na ngayon ay nagbibihis pa lamang ng uniform nito.
“Teka lang, ang aga mo naman!” reklamo pa nito habang bino-butones ang polo nito. Pababa na ito ng hagdan upang salubungin siya.
“Kailangang maaga talaga para hindi tayo ma-late,” tugon naman niya.
“Ma-late? E ang lapit naman ng school. Saglit lang naman ang biyahe,” nakasimangot na sabi nito habang inaayos na ang bag pack.
“Mahirap sumakay ng tricycle.”
“Ang dami mong dahilan. Bakit hindi mo na lang sabihin sa akin na excited ka talagang pumasok dahil kay Robb?” panunudyo nito sa kanya. Sinaling pa siya nito sa tagiliran.
“Sinong Robb?” kunot noong tanong niya.
“Sino pa ba? E di si Jon Robert.”
Agad namang nag-init ang kanyang mukha pagkabanggit ng pangalan ng binata. Hindi niya alam na Robb pala ang palayaw nito. Ngayon lamang niya nalaman dahil kay Kelly.
“Kita mo na. Halatang-halata ka. Namumula ka o,” panunudyo ni Kelly.
“Uy, hindi a. Medyo mestisa lang talaga ko at saka medyo mainit ngayon.”
“Sus, palusot ka. Hindi ka kaya mestisa, morena ka.”
Nakarating na sila sa school. Naglalakad pa lamang sila sa hallway nang matanaw na niya si Robb at ang mga barkada nito na nakaupo sa may corridor. Agad siyang binati at kinawayan nito.
“Kate!” sambit nito sa kanyang palayaw.
Hindi naman niya ito pinansin at nagtuloy-tuloy lamang siya papasok sa loob ng classroom kahit ang totoo ay pinipigilan niyang mapangiti. Ayaw niyang mapansin ng mga ito na kinikilig siya sa pagtawag nito sa kanyang pangalan.