Chapter 12
"Ang ganda talaga niya bro ano?"
Kanina pa niya iyan inuulit ulit ang mga katagang iyon. Nakakarindi na! Nakakaumay sapagkat kanina pa niya bukang bibig ang babaeng tinatangi ng kanyang dibdib. At ako,heto ako! Patagong nasasaktan tuwing binibugkas niya ang pangalan ng babaeng iyon!
Napakahumble ni Alexis.
Ang hinhin ni Alexis.
Napakakinis ni Alexis.
Matalino si Alexis.
Ang ganda ni Alexis.
Alexis! Puro na lang Alexis! Alexis nalang lagi ang naririnig ko mula sa bibig niya simula pa noong gumising kami kanina.
"Bro! Ano ba?" Singhal ko sabay pabagsak na ipinatong yung kutsara ko sa plato ko. Lumikha iyon ng ingay kaya bahagya pa itong nagulat saka bumaling ng tingin sa akin. Nangunot ang kanyang noo at may pagtataka ang nakikita ko doon. Kasalukuyan kasi kaming nasa kusina ng apartment at kumakain ng agahan at naghahanda sa pagpasok sa eskwela. Marahil ay hindi niya inaasahan ng pagbuhos ng aking damdamin sa sandaling iyon. Ngunit anong magagawa ko? Nasasaktan ako!
"Bro?" Gulat niyang tanong. Ang kanyang dalawang mga mata ay nandidilat na mariing nakatitig sa akin.
"Kanina ka pa Alexis ng Alexis! Nakakarindi ka na." May halong paninibugho ang paraan ng pagkasabi kong iyon. Oo nagseselos ako! Selos na selos! Hindi naman ganyan dati si bro ah! Dumating lang yang Alexis na iyan para wala na akong bahagi sa puso niya. Sinamaan ko siya ng tingin. Unti unti namang nagbago yung ekspresyon niya sa kanyang mukha.
"Sorry bro." Malungkot na sabi niya. Mayamaya pa ay bigla itong tumayo saka lumapit sa akin habang niyayakap ako nito patalikod. Napasinghap ako at sabay tabig sa kanyang kamay.
"Ano ba? Madudumihan yung uniform ko bro." Masungit na sabi ko sa kanya saka ko siya hinarap. "Nakakainis ka na talaga!" Sabi ko sabay talikod at kuha ng bag ko na nakapatong sa sofa at tinahak ang pintuan ng apartment palabas.
Nakakaiinis naman talaga kasi eh. Oo nagseselos ako! Oo tanga ako. Pero ano bang magagawa ko? Mahal ko siya. Ano sa tingin ninyo ang mararamdaman ko ha? Naiinis ako para sa sarili ko kasi wala naman talaga akong karapatang magselos kasi walang namamagitan sa amin kundi ang pagkakaibigan lang. Pero tangina! Sa paulit ulit niyang pagbigkas ng pangalan ng babaeng iyon ay katumbas naman nito ay animoy may pakong nakatusok sa dibdib ko at palalim ng palalim ang sugat na dulot niyon tuwing binibigkas niya ng paulit ulit ang pangalan ng babaeng mahal niya.
Pero di pa man ako nakalabas ng tuluyan ay nahigit na nito ang aking braso saka ako niyakap ng mahigpit. Pilit kong kumawala sa mga bisig niya pero ang higpit ng mga yakap niyang iyon.
"Bro kung may problema tayo pag usapan natin to. Wag mo naman ako basta bastang talikuran bro." Paiyak na samo niya sa akin saka niya ako pinaharap sa kanya. "May mali ba akong nagawa bro? Kanina ka pa ganyan. Di mo ako kinakausap."
"Wala naman sayo ang problema bro eh. Nasa akin yung problema bro."
"Bakit nga bro? Nagseselos ka ba?"
"Oo! Nagseselos ako bro." Kahit nakakabakla mang isipin ay aaminin kong umiiyak ako sa pag amin kong iyon. "Nagseselos ako bro kasi siya na lang lagi yung bukambibig mo samantalang ako naman ang nandito! Naiinis ako sa sarili ko kasi nagseselos ako kahit alam kong hindi naman dapat. Kaibigan mo lang naman ako at siya yung mahal mo. Sorry bro."
"Im sorry din bro. Tssk. Tahan na." Sabi niya sabay pahid ng aking luha. "Sorry bro kung di ko alam na nasasaktan ka na pala. Hindi ko sinasadya. Patawarin mo ako."
"Wala ka naman dapat ihingi ng tawad bro. Wala ka namang kasalanan eh." Sabi ko. Tama wala siyang kasalanan kung nararamdaman ko ito. Hindi niya kasalanang tumitibok yung puso niya habang ako namay unti unting nilalamon ng sakit at pighati.
Mabilis lumipas ang mga araw at sumapit ang araw ng sabado. Kung tatanungin ninyo kung kamusta na ako heto humihinga pa rin naman habang unti unting tinanggap ang katotohanang di kami para sa isat isa ni bro. Masakit man sa loob pero may mga bagay talagang dapat mong tanggapin kahit ayaw ng puso mo at nasasaktan ka.
Napapikit ako ng tumama ang sinag ng araw sa aking mata. Kahit tinatamad man ay pinilit kong bumangon mula sa pagkakahiga saka tumayo paalis sa aking kama. Nagsuot muna ako ng puting sando saka lumabas mula sa aking silid. Pagkabukas ng aking pinto ay bumungad agad sa akin ang mabangong amoy ng cupcake. Kaya nagmamadali akong pumunta sa kusina at buong tuwa ko nang madatnan ang anim na piraso ng cupcake doon na nakapatong sa mesa.
Kumuha agad ako ng isang cupcake at akmang susunggaban na sana iyon nang matigilan ako nang marinig ang sigaw ni bro.
"Huwag!!!" Gulat naman akong napalingon sa kanya at nakita ko itong humahangos patakbo palapit sa akin at inagaw yung cupcake sa kamay ko.
"Ay ang damot mo naman bro. Para isa lang. Para kanino ba yang cupcake na yan ha kung di naman pala para sa akin?" Nakita kong binalik niya yung cupcake doon sa iba pang cupcakes na natira.
"Pasensiya na bro. Kung gusto mo ng cupcake bigyan nalang kita ng pera at bumili ka na lang doon sa labas."
"Ayaw ko bro. Gusto ko yan."
"Hindi nga pwede bro. Para kay Alexis to. Magsisimula na kasi akong manligaw sa kanya." Sabi niya sabay silid nung cupcakes sa box na kulay pula. "At isa pa ako mismo nag bake nito bro."
"Eh bilhan mo nalang siya doon sa labas. Tapos akin na lang yan." Paglalambing ko sa kanya.
"Huwag ka ng makulit bro. Siyempre gusto kong magbigay sa kanya ng pagmamahal na with effort para makita niya talaga na totoo yung pag ibig ko sa kanya."
"Ganun ba bro? Sige." Malungkot kong sabi.
"Oh malungkot ka na naman." Sabay hawak sa kamay ko." Wag kang mag alala bro magbebake ako ng cupcake para sayo bukas." Nakangiting sabi niya sa akin. Tumango naman ako saka ngumiti ng pabalik habang ninanamnam yung kirot sa ilalim ng aking dibdib.
"Ano bro ayos ba ang hitsura ko ngayon? Okay lang ba itong suot ko para sa unang date namin ni Alexis?" Tanong niya sa akin. Sandali ko namang sinusuri ang suot niya. Naka gray v-neck ito saka short na maong. Gwapong gwapo ito ngayon at sobrang bango pa.
"Ayos na ayos bro. Siguradong maiinlove sayo agad agad ang Alexis na yun."
"Haha thanks bro. The best ka talaga!"
"Oo naman bro suportado kaya kita. Haha." Patawa tawa kong sabi para ikubli ang sakit na nadarama.
Ang swerte talaga ng Alexis na iyon. Kung ako ba ang nasa katauhan ni Alexis ay mamahalin rin kaya ako ni bro? Kung naging si Alexis ba ako, ako ba ang maswerteng babaeng pag-alayan niya ng kanyang pag-ibig? Bakit napaka unfair ng mundo? Pwede naman ako nalang ang mamahalin ni bro. Sa akin ay nasisigurado niyang hindi ko siya sasaktan. Sa akin ay kaya ko siyang iingatan higit pa sa buhay ko. Sa akin ay kaya ko siyang ipaglaban hanggang sa huling pintig ng aking puso.
"Ako na lang kasi bro... Ako na lang. Ako na lang ang ibigin mo. Kaya kitang pag-alayan ng pag-ibig higit pa sa hinahangad mong makuha mula sa bisig ng iba. Kaya kitang awitan ng pagmamahal. Kaya kong ialay sa iyo kahit ang buong mundo pa. Hi di mo na kailangan pang maghanap ng iba. Narito ako. Lubos at wagas ang pagmamahal ko sa iyo. Sa akin ay wala kang pangamba na luluha sa huli. Sasamahan kita. Darating ako bawat segundo tuwing kailangan mo ako! Ilalaban kita hanggang sa mapagod ang mapanakit na mundong ito na pasakitan tayong dalawa. Ako na lang ang piliin mo. Hindi ka iiyak sa piling ko. Sa akin ay oawang kaligayahan lamang. Pakiusap, huwag ka ng tumingin pa sa iba. Mahal na mahal kita.