Lumabas na nga ng tuluyan si bro habang naiwan naman akong malungkot sa mesa. Labag man sa loob ko ang pagkikita nila pero wala na akong magawa. Sino ba naman ako para pigilan siya sa mga bagay na makapagpasaya sa kanya? Kaibigan lang naman ako na may lihim na pagtingin sa kanya. Yan lamang ang tanging role ko sa kanyang buhay. Ang kanyang maging bestfriend lang. So, aning karapatan kong pigilan siya sa mga bagay na makapagpasaya sa kanya? Hindi ako madamot. Hindi ako makasarili. Kahit hindi ako ang taong makapagpasaya sa kanyang puso ngunit di ako hahadlang sa kaligayahan niyang iyon. Kaibigan niya ako. Dapat masaya rin ako kung saan siya masaya. Kahit nasasaktan ako bahala na! Ganyang naman ang magkaibigan hindi ba?
Isa pa, kung mahal mo ang isang tao dapat hindi ka makasarili. Mabuti ng mag-isa kaysa ipipilit mo ang iyong sarili sa taong hindi naman magawang suklian ang pag-ibig na inaalay mo. Hindi ako galit kay bro. Marahil ay nasasaktan ako sa pagkakataong ito ngunit baka bukas makalawa ay maghilom rin itong pasakit na nadarama ko. Marahil nga ay sadyang hindi kami para sa isat isa. Si Alexis, ay sadyang isang paalala sa akin na magising na sa katotohanan na kahit pagbabaliktarin man ang mundo ay hanggang magkaibigan lang talaga kami ni bro. Simula ngayon ay gigising na ako mula sa kahibangang ito.
Ako na muna. Ako na muna ang magmamahal para sa sarili ko. Masakit, oo! Napakasakit pero anong magagawa ko? Wala! Kahit na magsisigaw ako at magwawala hindi mababago ang katotohanang hindi ako mamahalim ni bro sa paraang gusto ko.
Kasalukuyan akong nag mo-mop sa sahig. At kahit ramdam ko na ang pagod at naliligo na ako sa sarili kong pawis ay ininda ko iyon. Tapos narin akong maglaba at naglinis ng banyo at sa kwarto at sa buong apartment. Pinipilit kong magpakabusy para kahit isang saglit lang ay makalimutan ko ang lungkot dahil sa pagkikita nila ngayon.
Pero kahit anong gawin ko ay laging sumasagi sa isipan ko ang larawang masayang masaya si bro kasama si Alexis. Nakikita ko silang dalawa na masayang nagkwentuhan habang nakaakbay sa kanya at nagsusubuan sila ng cupcake na binake ni bro Wessley para sa kanya. Napabuntong hininga ako saka napaupo sa sofa.
Nagseselos na naman ako sa babaeng iyon. Tuwing sabado kasi ang araw ng pamamasyal namin ni bro. At hindi ako sanay na may lakad siya na di ako kasama. Sanay na kasi ako na kung saan naroon siya ay dapat naroon din ako. Pero anyare ngayon? Heto ako nag iisa. Imbes ako ang kasama ni bro sa mga oras na ito ay ayun siya kasama ng babaeng mahal niya. Napasabunot ako sa sarili kong buhok. Kahit anong pilit kong wag mag isip anu ano ay di ko maiwasan iyon selos na selos lang talaga ako. Parang kakainin ko rin agad ang iniisip kong magmove on na.
Matagal na umiikot ang orasan at alas tres na pala ng hapon. Napagpasyahan kong lumabas ng bahay at gumala mag isa. Kasi kung manatili pa ako doon ay siguro mababaliw na ata ako sa kakaisip kay bro at kay Alexis. Bakit ko naman hahayaang magdusa ako sa loob ng apartment na ito gayong naroon ang mahal ko masayang masaya kasama ang mahal niya?
Lakad lang ako ng lakad at hindi ko alam kung saan ang patutunguhan. Lutang ang aking isip at hinayaan ko na lamang ang aking mga paa kung saan ako nito dadalhin. Siguro di rin magtatagal ay mawawala din itong nararamdaman ko sa kanya. Siguro nga ay senyales na si Alexis para tuluyan ko ng alisin si bro dito sa puso ko na tanging siya lamang ang nakaespasyo. Siguro nga tutol ang tadhana sa kahibangan kong ito. At kahit nasasaktan ako ay bahala na. Siguro ito lang talaga ang papel ko sa buhay niya. Ang maging bestfreind.
Hindi ko namalayan na nakarating na pala ako sa boulevard kung saan lagi kaming tumatambay ni bro tuwing sabado. Ang seawall ang paborito naming lugar. Malayo kasi ang maabot ng aming mga paningin. Bukod pa doon ay gusto ko ang amiy ng dagat. Gustong gusto ko ang tunog ng paghampas ng alon sa sementong seawall.
Sandali akong napahinto at saka nagpalinga linga sa paligid. Kaunti pa ang tao ngayon sa lugar na ito, madalas kasi maraming tao dito tuwing sabado ng hapon lalo na kung maaliwalas ang panahon kasi masisilayan mo ang kulay red orange na araw na papalubog sa asul na dagat.
Huminto naman ako sa paglalakad saka umupo sa sementong seawall ng dagat. Paharap ako sa dagat habang tinitingnan ang papalubog na araw habang nililipad ng hangin ang aking buhok. Mabuti pa ang kalangitan tila masayang masaya tuwing nakikita ang araw na humahalik sa karagatan.
Naalala ko yaong mga araw tuwing nandito kami ni bro para tumambay. Masaya kaming kumakain ng hilaw na mangga na may bagoong habang masayang magkwentuhan sa mga walang kwentang bagay.
"Alam mo bro pag yumaman ako bibili ako ng barko. Mas malaki pa diyan sa barkong yan oh." Sabi niya sabay turo sa padaong palang na barko. "Tapos isasakay kita bro. Lilibutin natin yung buong dagat tayong dalawa lang."
Napangiti naman ako sa sinabi niyang iyon.
"Talaga bro? Eh paano ka naman makabili ng ganoon eh mahirap lang naman tayo?" Tanong ko sa kanya. Di naman kasi kayamanan ang pamilyang kinalakhan namin. Kapwa magsasaka ang aming mga magulang at medyo salat kami sa pamumuhay. Pero hindi iyon naging hadlang para magsumikap makatapos ng pag aaral.
"Eh para saan pa na nag aaral ako ng engineering bro? Siyempre para yumaman. Haha at kapag yayaman na ako magpapagawa ako ng barko at iuukit ko doon ang pangalan nating dalawa. Tanda iyon na kahit gaano man katayog ang maabot natin sa buhay ay mayroong ikaw at ako na kinakapitan at sinasandalan."
Napatawa naman ako sa sinabi niyang yun. Kung tutuusin kasi ay napaka walang kwenta ng hangarin na iyon pero labis na labis ang aking saya na nadarama na kasama pala ako sa mga pangarap niya sa buhay.
"Tumatawa ka diyan bro. Bakit ano bang pangarap mo bro?" Tanong niya sa akin sabay akbay ng braso niya sa aking balikat.
"Simple lang ang pangarap ko bro. Yung magkasama tayo hanggang sa pagtanda natin. Siyempre gusto kong makita yung pangit mong mukha kapag kukulobot na yan. Siguro papangit ka lalo."
"Grabe ka talaga sa akin bro. Wala ka talagang kasweetan sa akin. Nakakasakit ka talaga ng damdamin." May himig ng pagtatampo ang boses niyang iyon." Pero wag kang mag alalala bro. I grow old with you!Haha!"
"English yun bro ah."
"Tangek! Kanta yun."
"Alam ko. Pero sige na nga bro. I grow old with you na rin. Haha!" Masayang sabi ko. Bigla naman niyang ginulo yung buhok ko sabay sabing.
"Ay labyu bro."
"Thank you."
"Ano ba yan sabi ko ay labyu!"
"Haha aylabyu too bro!"
Bigla akong nagbalik sa kasalukuyan nang biglang mabasa yung paa ko dahil sa hampas ng alon na nagmula sa dagat. Napangiti ako sa alaalang iyon. Mga alaalang masaya kaming dalawa at kapwa kami kuntento sa presensiya ng bawat isa.
Pero bigla ding nalusaw ang mga ngiting iyon ng lungkot nang nagbalik ako sa realidad. Na ako na lang pala ang nag iisa dito ngayon. Na wala palang bro Wessley na gugulo sa aking buhok habang nakaakbay sa akin. Gusto kong marinig yung mga tawa niya sa mga pagkakataong ito. Yung mga tawa niya na ako ang dahilan. Pero iba na ngayon. Ako nalang pala. Nag iisa nalang pala ako dito habang si bro na mahal ko ay nandoon sa babaeng mahal niya tumatawa at ngumingiti. Tawa at ngiti na dapat sa akin lang niya ginawa. Ang sakit lang kasi nasanay akong kasa kasama ko siya. Pero dapat sigurong sanayin ko ang sarili ko na may kahati na pala ako ng lugar sa puso niya.