PANIMULA
SA ISANG tagong lugar, nakatayo ang palasyo ng Magindale. Pinamumunuan iyon ni Haring Montgomery at kanyang anak na si Prinsesa Hera. Dahil sa nalalapit na kaarawan ng Hari ay abala ang lahat sa paghahanda sa gaganaping kasiyahan. Habang abala ang lahat, naroon naman sa sulok si Harrison at tila naninibago sa lugar na kanyang napuntahan.
"Hoy! Anong ginawa mo riyan? Magtrabaho ka doon!" Tinulak siya ng isang kawal, dahilan para mabunggo siya ng isang aliping babae.
"Ano ba 'yan! Nagmamadali na nga, bubungguin ka pa..." Reklamo nito, habang salubong ang kilay na nakatingin kay Harry.
"P-pasensya na po." Napayuko na lamang si Harry.
Sinimangutan pa siya ng babae at saka nagmamadaling umalis, bitbit ang isang basket. Lalong nanlaki ang mata ni Harry nang pagyuko niya at nakita ang kanyang suot na damit.
Kumpara sa nakasanayan niyang butas-butas at maruming t-shirt, ito ngayon ay napalitan na ng mahabang manggas na may butones sa gitna at pantalon na itim.
"Ano bang hinihintay mo riyan! Magtrabaho na, paparating na ang Hari!" matigas na suway ulit sa kanya ng kawal, kaya naman sumabay na siya sa iba pang alipin na may dala ng naglalakihang plato at mga basket.
Sa pagsunod ni Harry sa mga alipin ay napunta siya sa napakalawak at magarbong kusina sa loob ng palasyo. Bumungad sa kanya ang naglalakihang mga ilaw na nakasabit sa bubong, habang ang mga nag-uuntugang kawali naman ay naririnig sa buong silid. Abala ang iba sa paghiwa ng mga gulay, habang ang iba naman ay walang sawang nagluluto sa malaking kawali ng ibat-ibang putahe. Hindi naman alintana ng iba ang tagaktak nilang pawis sa mukha.
Nakatanga pa ring pinagmamasdan ni Harry ang bawat isa, ngunit bigla siyang bumalik sa ulirat nang makita ang paparating na mga kawal na may dalang baril at nakasabit iyon sa kanilang balikat.
Kaagad siyang sumabay sa iba pang mga alipin na nagpupunas ng naglalakihang plato. Nakita niya ang iba roon na pagod na pagod na, ngunit patuloy pa rin sa pagtatrabaho. Kinuha niya ang puting basahan at nagsimula na sa pagpunas.
"Bukas na ang kaarawan ng mahal na Hari, kaya dapat lamang na bilisan ninyo riyan," isang natatakot na sigaw ang bumalot sa buong silid. Natigilan sa pag-uusap ang iba nang sabay-sabay silang tumingin sa tapat ng pinto.
"Sino siya?" tanong sa sarili ni Harry, nang bumungad sa harapan nila ang isang lalaking matikas. Nakasuot siya ng pandigmaan, habang nakaladlad ang hanggang balikat nitong kulot na buhok. May espada siyang nakasuksok sa tagiliran. Animoy isa siya sa nakakataas rito.
"Hindi mo ba siya kilala?" Tumungo ang tingin ni Harry sa nagsalita. Katabi niya ang isang babae na tingin niya ay nasa edad treinta na. Nakasuot ito ng mahabang damit, habang nakabalot ang kanyang buhok ng animoy belo.
Umiling si Harry.
"Siya si Roarke. Siya ang nag-iisang katiwala ng hari. Nakakatakot siya diba?" saad ng babae.
Bigla namang nagtama ang mata ni Harry at Roarke, kaya imbis na sumagot si Harry ay napalunok na lamang siya at tumango. Sa sobrang kaba, pinagpatuloy na lamang niya ang pagpunas sa plato.
"Mukhang ngayon pa lang kita nakita rito. Anong pangalan mo?" tanong ng babae.
Kahit si Harry ay napapaisip rin sa tanong ng dalaga. Hindi rin niya alam kung bakit bigla siyang nakarating dito, gayong ang tanging naalala lamang niya ay pauwi na siya sa bahay, dala ang kanyang pasalubong para sa ina.
"Harry... Harrison ang pangalan ko, ikaw?"
"Ako naman si Magenta. Matagal ka na ba rito?"
Sasagot pa lang sana si Harry, ngunit biglang may nagsalita sa kanilang likuran. "Hindi kayo dinala rito para lang magtsismisan!" galit na sabi ng kawal, kaya naman hindi na sila nakapag-usap pa simula niyon.
Nang matapos na si Harry sa kanyang trabaho, panandalian siyang tumakas, upang libutin ang buong palasyo. Gusto kasi niyang malaman kung nasaan siya ngayon, at anong klassng lugar ito.
Sa kanyang pag-iikot-ikot, nakarating siya sa tila saligan ng palasyo. Mayroong isang mahabang hagdan doon pababa, kaya naman dahil sa kanyang kuryosidad, hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at bumaba roon.
Dahan-dahan ang kanyang ginagawang hakbang pababa nang hagdan. Nang nasa ilalim na siya, sumalubong sa kanya ang dilim. Wala siyang ibang makita, at kung may makakasalubong man siya ay hindi niya ito maaaninag.
Dire-diretso ngunit maingat sa paglalakad si Harry, hanggang sa may naririnig na siyang iilang nagbubulungan. Kaagad siyang nagtago sa isang sulok nang maramdaman na papunta sa kanya ang yabag ng kanilang paa.
"Ano kayang binabalak ni Roarke bukas sa hari?" tanong ng isang kawal.
"Hindi ko rin alam. Bukas natin malalaman 'yan, kaya maghanda ka na."
Lalong lumalim ang kuryosidad ni Harry, kung ano nga ba ang tinatago nila rito sa saligan at kung ano ang tinutukoy ng mga kawal na balak ni Roarke.
Nang tuluyan nang makalayo ang dalawang kawal, nagpatuloy naman sa paglalakad si Harry at doon niya nakita ang isang butas na pinanggagalingan ng liwanag.
Dahan-dahan siyang naglakad patungo roon. Nang malapit na siya, nakumpirma niyang isang bintana iyon, kung sana nanggagaling ang sikat ng araw. Mabigla pa siya nang marinig ang malakas na tawanan sa loob.
Pagsilip niya sa bintana, namangha siya nang makita ang isang maliit laboratoryo. Mayroon isang matanda roon na hawak ang isang boteng naglalaman ng kulay pulang tubig, habang nagtatawanan silang dalawa ni Roarke.
"Sigurado ka na bang tatalab iyan bukas? Mamamatay ba riyan ang Hari?" Tanong ni Roarke sa matanda.
"Oo naman. Panigurado rin na pagkatapos ng kaarawan ng hari ay mamamatay na siya at ikaw na susunod na hihirangin," saka sila nagtawanan.
Nanlaki naman ang mata ni Harry at paulit-ulit pa siyang napalunok sa kanyang narinig. Ibig sabihin, may balak silang paslangin ang hari bukas, sa araw ng kanyang kaarawan? Hindi ito maaari! Kailangan niyang gumawa ng aksyon.
Sakto naman at pumasok sa sa isang silid ang dalawa at saka sinara ang pinto. Kinakabahang bumaba ng bintana si Harry at saka maingat na pumasok sa loob ng labratoryo. Nakita niya ang ibat-ibang kulay ng tubig na nasa babasaging bote. Habang ang iba naman ay bumubula pa. Sakto naman at nakita niya ang katulad ng pulang tubig na hawak ni Roarke. Hinawakan niya iyon, at nang marinig ang yabag ng dalawa sa kawarto ay kaagaad niyang tinago sa kanyang bulsa at kumaripas ng takbo palabas.
Kahit narinig na ni Harry ang binabalak ng dalawa, nanatili pa rin siyang kalmado, habang naglalakad palabas ng basement.
Nang ligtas na siyang makalabas roon ay saka naman siya tumakbo patungo sa loob ng palasyo, kung saan naroon lahat ng tao.
"Tulong!" Naghihikahos na kanyang sabi. "Kailangan nating tulungan ang Hari, bukas sa kanyang kaarawan!" sigaw niya.
Pinagtitinginan lamang siya ng mga alipin pati na kawal. Inaakalang isa siyang baliw.
"Papatayin ni Roarke si Haring Montgomery bukas! Kailangan natin siyang iligtas! Magtulungan tayo!" Sa pagsiwalat niyon ni Harry at siya naman gulat ng karamihan.
"Lapastangan ka!" sigaw ng isang kawal at kaagad siyang dinakip ng mga kasamahan nito. "Wala kang karapatang siraan si Roarke sa hari! Humanda ka! Pupugutan ka namin ng ulo!" Binuhat nila si Harry at akmang dadalhin sa labas, ngunit biglang may pumigil sa kanila.
"Tahimik!" sigaw ni Roarke habang maaliwalas ang mukhang kasama ang isang lalaking magara ang kasuotan at nakasuot ng koronang ginto. "Sino ang lapastangang iyan?" tanong ni Roarke.
"Paumanhin, Haring Montgomery at Roarke, ngunit ang batang ito, pinagsigawan niya sa loob ng palasyo na nais mo raw patayin ang hari sa araw ng kanyang kaarawan," sumbong ng kawal na namumuno sa kanila.
Tumawa nang malakas si Roarke pati na ang hari. Halata sa kanila ang matibay na pagkakaibigan.
"Ilang beses nang may nagsabi niyan hijo, ngunit sa tagal naming magkaibigan ni Roarke ay hindi kailanman nangyari ang sinasabi mo," may katandaan na sa boses ni Haring Montgomery, ngunit taglay pa rin dito ang pagiging malumanay.
"Sige, ikulong 'yan sa Calais upang magtanda! Hindi ko akalain na ang isang batang walang nararating sa buhay ay aakusahan ako ng ganyang bagay," may diin sa sinabing iyon ni Roarke.
Pagkatango ay siya namang bitbit nilang muli kay Harry. Pilit namang nagpupumiglas si Harry at sumisigaw.
"Haring Montgomery, tumakas ka na! Papatayin ka ni Roarke!"
Ngunit imbis na paniwalaan, pinagtawanan lamang siya ng mga tao, pati na ng Hari.