KABANATA XXVII: BULAKLAK

1647 Words
MAKALIPAS ang dalawang araw na pagkakahinlay ni Haring Roarke ay nagising na siya. Kaagad niyang hinanap ang kaniyang anak na si Elora. Kaagad namang sumilay ang ngiti sa labi ng dalaga pagbukas ng pinto sa silid. Nakita niyang nakaupo na ang ama sa malaking kama habang hinihintay siya. "Kumusta na ang pakiramdam ninyo ama?" tanong niya rito. "Maayos na anak, kumusta kayo rito? Kumusta ang palasyo? Nahuli na ba ang may gawa nito sa akin?" tanong ni Roarke. Biglang nawala ang maaliwalas na ngiting ibinungad ni Elora. Ilang kawal na kasi ang ipinadala niya sa kakahuyan para masundan ang dalawang Caballerong iyon, ngunit ni isa sa kanila ay hindi na bumalik. Panigurado ay namatay na ang mga iyon at ang katawan nila ay kinain na ng mababangis na hayop sa gubat. "Paumanhin ama ngunit hindi na nila natunton ang may gawa niyan sa inyo. Pero matanong ko lang." Lumapit si Elora sa ama. "Paano nakapasok iyon sa palasyo at paano nola napasok ang iyong silid?" "Hindi ko rin alam, anak. Ang naalala ko lang ay naghahanda ako para sa iyong pagdating ngunit bigla silang sumalakay. Ibig sabihin... hindi mahigpit ang pagbabantay ng mga kawal sa palasyo, humanda sila sa akin." Nagngisngis ang mukha ni Haring Roarke sa galit. "Ako na ang bahala sa kanila ama. Magpahinga ka muna riyan at mamaya ay papatingin kita sa doktor. Ako na rin ang bahala sa hampaslupang si Hera, sinasagad niya ang pasensya ko." "Bakit, ano ba ang ginawa sa iyo ni Hera? Gusto mo ay ipatawag ko siya?" Umiling si Elora. "Ako na ang bahala doon ama. Siguro, mas pagtuunan ninyo ng pansin ang mga pabayang kawal. Hindi kayo magkakaganiyan kung hindi dahil sa kanila. Biruin mo, wala silang nagawa para hulihin ang may gawa niyan sa inyo. Para lamang kayong isang basura sa paningin nila!" Tuluyan nang tumayo si Roarke dahil sa galit, ngunit sa kaniyang pagtayo ay natigilan siya nang hawakan niya ang kaniyang dibdib. Bigla iyong sumakit, kaya kaagad siyang inalalayan ni Elora. "Ama! Anong nangyayari sa inyo?!" Ibinalik ni Elora sa higaan ang ama. "Huwag muna kayong tumayo! Ipapatawag ko lang ang doktor!" Habang sinusuri ng doktor ang kalagayan ng hari, bigla namang pumasok ng silid ang katiwala nito na si Kara. Alalang-alala siyang tiningnan ang hari, kaya naman nagulat si Elora sa naging reaksyon nito. "Kumusta na ang Hari? Ano ang sakit niya? Magaling na ba siya?" sunod-sunod nitong tanong na ikinabahala ni Elora. Tiningnan lamang niya ito na may halong pagtataka. Animoy may namamagitan sa dalawa at hindi siya sang-ayon sa kaniyang iniisip. Tumayo si Elora at hinarap si Kara. "Maayos na ang ama. Bakit ka narito? Sino ang nagpapasok sa'yo sa silid ng Hari?" tanong niya. Hindi makapagsalita si Kara, bagkus tumingin lamang siya kay Roarke na animoy nanghihingi ng tulong tungo sa anak. "Hija, anak. Hayaan mong nariyan si Kara. Siya ang katiwala ko, kaya sana pagkatiwalaan mo rin siya. Wala siyang masamang balak sa atin." Aangal pa sana si Elora ngunit inalala na lamang niya ang sitwasyon ng hari kaya hinayaan na lang niya si Kara na tingnan ang kalagayan ng ama. — TAHIMIK ang palasyo at nagpapahinga ang mga tao. Ilang araw nang kinakabahan ang iba patungkol sa kalagayan ng hari, habang ang iba naman ay masaya dahil nagkakasakit ito. Habang naghihintay ng ulat sa paggising ni Haring Roarke ay nagpunta muna sa hardin sina Amara at Hera upang magpalamig. Tapos na rin ang kanilang gawain, kaya pinagbigyan sila ng kawal. Malawak ang hardin sa palasyo. Kung susumahin ay maaari ka pang magpatayo ng tatlong malalaking bahay doon. Binabalot ang hardin ng maliliit na d**o na maaaring higaan at pahingahan. Pinalilibutan din ito ng samut-saring bulaklak na kaysarap sa mata. Madalas ay doon namamalagi si Hera tuwing may palaisipan siya o kaya naman tuwing nalulungkot. "Pasensya ka na, Amara ha? Gusto ko lang makalanghap ng preskong hangin," paumanhin ni Hera. Ngumiti si Amara. "Wala iyon, Prinsesa. Mas gusto ko ring magpunta sa hardin at magpahinga, kaysa sa loob lamang tayo ng ating silid at doon magmumukmok," natatawa niyang sabi. Pagkarating nila doon ay tinanggal nila ang kanilang saplot sa paa at saka umupo sa damuhan. Mabuti na lang at umiihip ang malamig na hangin sa gawinnila, kaya napapawinang kanilang pawis. "Alam mo noon, madalas ay narito ako. Mas gusto ko kasing tingnan ang mga malulusog na halaman at matingkad na bulaklak kaysa sa mga kagamitan sa aking kwarto," paglukwento ni Hera. "Sayang lamang at wala na si ama at ina. Kung narito sila ay matutuwa din silang makalanghap ng preskong hangin. Makikita rin nila ang kanilang tanim na marigold dito na malalaki na." Nanlaki ang mata ni Amara sa kaniyang nalaman. "A...ang iyong ina ang siyang nagtanim niyan Prinsesa?" Hindi siya makapaniwala. Tumango si Hera at bumunot ng isang bulaklak. "Bata pa lamang ako nakikita ko nang mapagmahal sa mga halaman si Ina, siguro iyon din ang namana ko sa kaniya. Ang mga bulaklak ay tulad ng buhay ng isang tao. Darating ang araw at mamumukadkad ito. Pupurihin ng lahat sa ganda ng kaniyang tubo, ngunit darating ang araw na ito'y malalanta at mawawalan ng bisa." Tumingin siya kay Amara. "Tulad ng nararanasan natin ngayon. Sa bawat paglanta ng bulaklak, may umuusbong na bago. Kaya hindi ako pinanghihinaan ng loob, Amara. Matatapos din lahat ng ito." Ngumiti at sumang-ayon si Amara. "Tama ka, Prinsesa. Balang araw ay maliligtas din ang ating palasyo. Magiging maayos at babalik din ang lahat sa dati." Habang masayang nagkukwentuhan sina Amara at Prinsesa Hera, biglang nabanggit ni Amara ang kaniyang kaibigang si Harrison. "Bilib din ako sa kaibigan mong iyon," buska ni Hera. "Ako rin prinsesa. Kung siguro ay maaga lang tayong naniwala sa kaniya, hindi sana nangyari ito sa hari at sa atin. Sana ay maayos pa ang lahat... sana kasama pa natin siya ngayon." Biglang nalungkot ang boses ni Hera. "Pasensya na, Amara ha?" "Pasensya saan?" takang tanong nito. "Dahil... hindi kami kaagad naniwala sa kaibigan mo. Hindi ako naniwala, sana napagtanggol ko siya kay Ama, sana hindi siya dinala sa Calais at..." "Ano ka ba, Prinsesa! Huwag mong sisihin ang sarili mo. At saka, hindi ako naniniwalang wala na siya! Lampa lang iyon, pero alam kong nakaligtas siya mula sa Nakee." ILANG minuto din silang nakapagpahinga sa hardin nang magpasya na silang bumalik sa loob ng palasyo. Habang masayang nagkukwentuhan sina Amara at Hera ay bigla anmang sumulpot sa harapan nila si Elora, dala ang pagkainis sa kaniyang mukha. Kaagad silang nagbigay galang sa prinsesa at ngumiti si Hera. "Prinsesa, mukhang nagmamadali kayo." Tiningnan ni Elora mula ulo hanggang paa ang kasuotan ni Hera. Animoy sukang-suka din siya sa amoy nito. "Kahit sino naman sigurong makasabay mo sa paglalakad ay bibilisan nila. Napakarumi ninyo at...at mabago pa!" pandidiri nito. Pasimple namang nagtawanan sina Hera at Amara, ngunit nangunan nang sumagot si Hera. "Paumanhin prinsesa, ngunit ang amoy at hitsura naming ito ay palatandaan na kami ay marangal na nagtatrabaho at hindi nang-aapak ng iba. Isa pa, may bahid man ng alikabok at sebo ang aming damit ay pag-aari namin ito at hindi nakaw." May diin sa huling salitang binitawan ni Hera. "Anong ibig mong sabihin! Wala akong ninakaw na kahit ano!" dipensa ni Elora. Natawa naman si Amara. "Prinsesa, huminahon kayo. Wala pong binanggit si Prinsesa Hera na inyong ninakaw. Pwera na lang kung..." Lumapit si Amara sa tainga ni Elora. "Kung aaminin ninyo na ang inyong suot sa paa at inyong balabal ay kagamitan ng dating prinsesa. Napakapangit namang pakinggan na ang tinuturing na prinsesa sa palasyo ay isang...magnanakaw." Hindi naman nakasagot si Elora, bagkus inis na inis siyang tumingin kina Amara at Hera saka nagmamadaling umalis. Ang dalawa naman ay masayang bumalik sa loob ng palasyo. Pagpasok nila sa palasyo ay dumiretso naman sila sa isang pasilyo papunta sa kanilang silid. Pagbukas nila ng pinto ay nakita nilang nakahiga si Celia sa maliit na higaan at animoynhinang-hina. Kaagad namang tumakbo ang dalawa papalapit kay Celia at tinanong kung ano ang nararamdaman nito. Hinipo ni Amara ang leeg at noo ni Celia nang malamang mataas ang lagnat ng kaniyang Tiya. "Tiya Celia, napakataas ng lagnat mo! Kailangan nating tumawag ng doktor!" anito kay Hera at akmang tatayo na ngunit hinawakan ni Celia ang kaniyang braso. "Huwag na, Amara. Ang doktor ay nasa silid ng Hari,tinitingnan ang kalagayan nito kung maayos na siya, kaya huwag mo nang gambalain. Mas mahalaga ang buhay ng hari kaysa sa atin." "Ginang Celia, huwag mong sabihin 'yan!" sumabat na si Hera. Nakakita naman siya ng isang maliit na palanggana sa mesa kaya tumayo siya. "Kung hindi ka matingnan ng doktor ay kami na lamang mag-aasikaso sa iyo," presinga niya saka kumuha ng puting bimpo. Tinulungan naman siya ni Amara na magpainit ng tubig at nilagyan ng maligamgam na tubig ang palanggana. Nalaman din nila na dahil sa sobrang pagod, kaya sumuko ang katawan nito at tuluyan nang nilagnat. Nagluto rin ng lugaw si Amara at sinahugan niya ito ng tatlong itlog. Sakto na iyon para sa kanila, dahil hindi naman daanan ngayon si Policarpio sa kanilang silid. Habang pinapakain nila si Celia ay sumasabay na rin sila. Nakwento rin ng dalawa ang naganap kanina sa pagitan nilang tatlo ni Elora. "Mga anak, sinasabi ko naman sa inyong huwag niyo na lamang patulan ang mahal na prinsesa. Kahit ganon ay nakakataas pa rin siya sa atin," wika ni Celia. "Eh Tiya, bagay lang sa kaniya iyon! Hindi niya dapat laitin ang mga tulad nating alipin! Galing din siya dati sa ibaba, pero kung makaasta siya ay parang siya ang tagapagmana ng lahat,"pambubuska ni Amara. Napasinghal na lamang si Celia. Pagkatapos siyang pakainin ni Amara ay nagpasya itong magpunta sa palikuran, ngunit nang akma na siyang tatayo, bigla siyang nakaramdam ng hilo kaya bumalik siya sa higaan. "Mukhang masama talaga ang timpla ninyo Ginang Celia. Hayaan ninyo at kami na lamang ang bahala rito. Maiintindihan naman nila iyon."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD