Chapter 04 - The Lone Soldier

1322 Words
"Tulungan niyo 'ko, itayo natin!" utos ni Kenneth sa mga kasama. Napatakbo na din si Paolo para tulungan sila at matagumpay naman na nailuwa ni Vincent ang kinain. Napabuntung-hininga na lang si Red at mag-isang umakyat sa taas. Pagdating sa taas ay naroon si Mira, nakatayo ito at tila inaantay siya. "Ikaw siguro ang landlady na sinasabi ni Mrs. Mendez," tanong niya. Tumango ang dalaga at mahinang nagsalita. "Ako si Mira," sagot nito. Ngumiti si Red nang ituro ni Mira ang kwarto niya. Nagpasalamat siya at pinuntahan na niya ito. Nang gabing 'yon... Napabalikwas si Mira sa pagkakahiga nang marinig ang bulong ng isang lalaki, nagmamakaawa ang tinig nito. Biglang gumalaw ang kurtina niya at humahawi ito kahit nakasara naman ang bintana at walang papasukan ang hangin. Tumayo siya at dumungaw paibaba sa bintana nang makita ang nakatayong lalaki na malungkot na nakatingin sa kanya, nakasuot ito ng uniporme ng isang sundalo. Nang mga oras ding iyon ay lumabas naman ng mansyon si Vincent. Sa di kalayuan ay may nakasagupa siyang grupo ng mga lalaki na armado ng patalim at bakal na tubo. Inaasahan na niya ang mga ito dahil kanina, habang nakatanaw siya sa bintana sa may sala ng mansyon, ay napansin na niya ang grupong ito na umaaligid sa gate. "Kayo nanaman? di pa din kayo nadadala?" di makapaniwalang tanong niya nang makilala ang mga ito. "Malaki ang kasalanan mo sa'min, halos ubusin mo ang kalahati sa grupo ko at di ko palalagpasin yon!" galit na buwelta naman ng lider nila. "Hah! Mukhang di ka pa nakuntento sa kalahati, gusto mong ubusin ko na kayong lahat!" pang-iinis ni Vincent sa grupo. "Ang lakas ng loob mo, kaya pala nagtago ka at lumipat ng bahay," sagot naman ng lider. "Tama na ang satsat! Umpisahan na natin 'to!" nakangising panghahamon niya. "Hmp, tingnan lang natin kung may magkagusto pa sa'yo pagkatapos kong sirain yang pagmumukha mo!" tugon ng lider. Sa kabilang banda ay napadpad si Mira sa kinaroroonan nila Vincent dahil doon siya itinuro ng multo na nagpapatulong hanapin ang kuwintas ng kanyang fiancé. Sinimulan na niya maghanap sa mga puno, sa basurahan, at sa damuhan. "Dito ba?" tanong niya sa nilalang na siya lang ang nakakakita. Tumango ito kaya dumapa na siya at kinapa-kapa ang damuhan hanggang sa marating niya ang noo'y mag-uumpisa pa lang na rambulan ng grupo laban kay Vincent. "Sige, tapusin niyo na 'yan!" utos ng lider at sumugod na nga ang mga tauhan nito. Nagsimula na din pumosisyon si Vincent at iniangat ang kamao upang simulan ang opensa. Paghakbang pa lang ng kalaban ay mabilis siyang nakalapit dito at akmang susuntok nang bigla itong tumumba. Natigilan si Vincent at nagtaka dahil hindi pa naman lumalapat sa mukha nito ang kamao niya. Tumigil din ang mga kasamahan nito at nagtatakang tiningnan ang ka-grupo nila. Namumutla ang lalaki na nakatingin sa likuran ni Vincent. "M-may... mu... mu... multoooooooooooooo!!!!!!!!!!!" sigaw nito. Lumuwa ang mga mata nila nang makita ang babaeng nakaputing bestida na gumagapang papalapit sa kanila na parang The Grudge (isang Japanese horror film). Nanginginig sa takot na nagtakbuhan ang lahat, iniwan ang mga armas at naihi pa nga ang ilan sa mga ito, habang si Vincent naman ay napasigaw din at hindi nakakilos sa takot. "Waaaaaaaaaaahhhh!!!!!!!!! Huhh?" Naputol ang sigaw ni Vincent nang bumangga ito sa binti niya—si Mira. "Ikaw?! Anong ginagawa mo dito?" hindi makapaniwalang reaksyon ni Vincent. Hindi siya pinansin ni Mira at nagpatuloy lang ito sa pagkapa sa damuhan. May nahawakan ito malapit sa paa niya. Napayuko si Vincent nang maramdamang parang may natapakan siya. Itinaas niya ang kanyang paa at agad hinila ni Mira ang isang kuwintas na ginto mula roon. "Nakita ko na!" masayang wika ni Mira at tumingin sa pagitan ng dalawang puno. Napasulyap din si Vincent sa direksyong iyon pero wala naman siyang nakita. Ang tanging naramdaman niya lang ay ang biglang pag-ihip ng malamig na hangin. "Lumabas ka ng ganitong oras para mag-treasure hunt? Di mo ba alam na delikado para sa isang babaeng katulad mo ang nasa labas pa dis-oras na ng gabi?" sermon ni Vincent. Natigilan si Mira, halatang nagulat. Tila naantig siya sa mga salitang iyon at malamlam ang mga matang tumitig kay Vincent. "B-bakit? May nasabi ba kong masama?" usisa ni Vincent, nakaramdam ng pagkailang nang unang beses niya itong matitigan nang malapitan. "Mmm." Umiiling si Mira. "Ito kasi ang unang beses na nasabihan ako ng ganyan..." sambit niya sa mahinahong tono, kasabay ng malambot na ekspresyon ng mukha. "Nang ano? Na delikado lumabas ng gabi?" nagtatakang tanong ni Vincent. "Hindi... na babae ako," mahinahong tugon ni Mira. "Huhh?" bahagya siyang natigilan at napakunot ang noo, halatang na-weirduhan. "Congrats kung ganon," ani Vincent, sabay iling. Tinapik niya sa balikat si Mira at naglakad na pabalik sa mansyon. "S-sandali!" pigil ni Mira. Tumigil si Vincent at nilingon ito. "Bakit?" tanong niya. "Pwede mo ba 'to ibigay sa kanya?" marahang pasuyo ni Mira, inilapit ang hawak na kuwintas. "Kanino?" kunot-noong usisa ni Vincent. "Sa isang babaeng naka-upo sa park malapit dito... galing ito sa fiancé niya." paliwanag ni Mira. "Eh bakit hindi fiancé niya mismo magbigay niyan?" nagtatakang balik ni Vincent. "Patay na siya..." bulong ni Mira. Kinilabutan si Vincent sa narinig. "Ano? Eh paano ka nakakasigurong sa fiancé niya galing 'yan?" "Sinabi niya mismo sa 'kin," diretsong sagot ni Mira. Nanlalaki ang mga mata ni Vincent habang tinititigan ito, seryoso at walang kurap ang tingin ng dalaga. "Kalokohan. Kakapanood mo siguro 'yan ng horror movies," naiiling na sabi ni Vincent. "Pa'no mo nalaman na mahilig ako doon?" gulat na reaksyon ni Mira. "'Di ba obvious?" tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa. "Si Michaelangelo lang ang nakakaalam ng sikreto kong 'yon..." halos pabulong na sambit ni Mira, halatang nabigla. "At sino naman si Michaelangelo?" usisa ni Vincent. "Kaibigan ko," tugon ni Mira. "Talaga? May kaibigan ka pa pala?" sarkastikong puna ni Vincent. Nang mga oras na 'yon, hindi maunawaan ni Vincent kung bakit hindi niya natanggihan ang pabor ni Mira. Basta na lang siyang sumunod hanggang sa makarating siya sa park kung saan naroon ang isang babaeng malungkot na nakaupo, nakayuko ang ulo. Nilapitan niya ito at iniabot ang kuwintas. "Para sa 'yo," matipid na sabi ni Vincent. Nagulat ang babae, napaangat ng ulo, at hindi makapaniwalang napatitig sa kuwintas na hawak niya. "Paanong...?" bulalas nito. Agad siyang tumayo, kinuha ang kuwintas, at mariing niyakap si Vincent. "Salamat... napakahalaga nito sa 'kin," mangiyak-ngiyak na bulong ng babae habang mahigpit ang pagkakayakap. Nailang si Vincent, itinaas ang dalawang kamay, at hindi alam kung paano makakawala. Napatingin siya kay Mira, para bang humihingi ng saklolo, ngunit tumalikod na ito at naglakad palayo. "Hoy! Saan ka pupunta?" mahinang bulong ni Vincent na nadinig naman ng dalaga. Lumingon si Mira—hindi sa kanya, kundi sa likuran ng babae. Doon, nakatayo ang sundalo, malungkot ngunit nakangiti habang nakatingin sa kanyang nobya. Tumingin ito kay Mira at marahang tumango. "Tapos na misyon ko..." sagot ni Mira at sumaludo. "T-teka, sandali!" tarantang sigaw ni Vincent habang pilit inaalis ang mga braso ng babae. "Ahm, Miss... okay na." "Naku, pasensya na!" natauhan ang babae at agad kumalas, nahihiyang ngumiti. Hindi na nagsalita pa si Vincent, sinundan na lang niya si Mira, at sabay silang bumalik sa mansyon. Kinaumagahan... "Aaaaaaaaaahhhhhhhhhhhh!!!!!!!!!" Nagising si Mira at agad bumangon sa kama nang marinig ang matinis at nakabibinging tili ni Chelsea na masayang lumutang palapit sa kanya. "Mira, bumangon ka, bilis!" wika nito na tila hindi mapakali at malikot na lumipat-lipat ng puwesto. "Bakit? May nangyari ba?" antok na antok niyang tanong habang kinakamot ang leeg. "Oo, sa baba. Grabe! Ngayon lang ako nag-init ng ganito nang makita ko ang mga lalaking 'yon. Kahit pawis na pawis sila, eh ang gwapo-gwapo pa din nila! Ahihihi!" kinikilig na kuwento ni Chelsea sa kanya. "Ano bang ginagawa nila?" tanong ni Mira habang tinitiklop ang pinaghigaan. Napabuntung-hininga na lamang siya sa eksaheradong kwento nito—akala niya naman kung ano.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD