"Naglilinis," saad ni Chelsea, at kumislap ang mata ni Mira sa sinabi nito.
"Uy, kinilig din," tukso ni Chelsea nang makita ang mukha niya. Malawak at maaliwalas ang pagkakangiti ni Mira habang iniisip na sa wakas ay hindi na niya dadanasin pa ang hirap sa paglilinis ng buong mansyon mag-isa. Ngayon ay may iba nang gumagawa niyon para sa kanya.
Bumaba siya para tingnan kung totoo ang sinasabi ni Chelsea at nasilaw siya sa maliwanag na sinag ng araw. Tinanggal nila ang mga kurtina, makintab din ang mga sahig, at abala ang lahat sa kanya-kanya nilang puwesto. Napaatras si Mira at nakaramdam ng kaba nang makita na wala silang suot na pang-itaas, kaya dahan-dahan siyang lumakad paakyat, pabalik sa kuwarto.
"Hoy! Saan ka pupunta?" tanong ni Vincent nang makita siya. Tumigil sa paglilinis ang iba at napatingin sa direksyon ni Mira. Nang dahan-dahan siyang lumingon ay hindi nila maiwasang kilabutan sa kanya.
"Ah, huwag mo na lang siyang pansinin. Sige na, umakyat ka na," marahang sabi ni Laurence na halatang takot sa kanya.
"Ano? Tayo lang ang gagawa dito? Dapat kasama siya, nakatira din siya dito," reklamo ni Vincent sa kanila.
"At ano namang maitutulong niya sa'tin?" sabat ni Kenneth.
"Ah, guys... landlady natin siya," paalala ni Paolo sa mga ito.
"Wala akong pake—!" Naputol ang sasabihin ni Vincent nang patunugin ni Red ang hawak nitong babasaging pitsel gamit ang kutsara.
"Tama na 'yan, pahinga muna tayo," nakangiting inilapag nito ang dala niyang inumin.
"Wow! Buko juice!" masayang lumapit si Paolo dito at humupa ang tensyon.
Habang abala na ang lahat sa pag-inom ay umakyat na si Mira. Tahimik na sinundan ni Red ng tingin ang dalaga at hinayaan na lang niyang umalis ito.
Pagkatapos, ipinagpatuloy na ng lima ang paglilinis sa ibaba at natapos nila ang ginagawa bago magtanghalian. Sa labis na pagod ay napahiga na lang sila sa sahig, hapung-hapo at pawis na pawis, pero masaya sila dahil gumanda at umaliwalas ang bahay. Maya-maya pa ay nakaramdam na ng gutom ang mga ito.
"Meron ba sa inyong marunong magluto?" tanong ni Red sa kanila.
"Konti lang alam ko, puro pang-diet," sagot ni Kenneth.
"Magprito lang ng itlog, kaya ko," saad ni Paolo.
Hindi na nagkomento pa sina Laurence at Vincent na halatang walang alam sa pagluluto.
"Kaso kahit marunong pa 'ko magluto, wala na 'kong lakas gumalaw," matamlay na dagdag pa ni Paolo.
Agad silang bumangon nang makaamoy ng masarap na pagkain na nanggagaling sa kusina. Pinuntahan nila iyon at naabutan si Mira na nagsasalin ng ulam sa malaking mangkok. Sa sobrang busy ng lima kanina ay hindi na nila namalayan ang dalaga na nagpasyang paglutuan sila ng pananghalian.
Sa isang kisapmata ay nawala na lang bigla ang mangkok sa kamay ni Mira at itinakbo na ng apat sa lamesa. Nilapitan naman siya ni Red at kumuha ng malaking lagayan.
"Tulungan na kita." Hindi na inantay pa ni Red ang sagot ni Mira at nagsandok na ito ng kanin. Pinagtulungan nilang ihain ang kanyang mga niluto habang abala na ang apat sa pagnguya. Nang matapos ay pinagmasdan na lamang nila Red at Mira ang apat sa lamesa at namangha ang dalawa sa bilis ng mga itong kumain.
"Sabayan mo na sila..." wika ni Mira kay Red.
"Pa'no ka?" tanong nito sa kanya.
"Busog pa naman ako," sagot ni Mira.
Lumakad na si Mira pabalik sa kanyang kuwarto, habang si Red naman ay umupo na at sinaluhan ang apat.
"Sandali!" pigil ni Laurence kay Mira. Tumayo ito at lumapit sa dalaga.
"Normal ka naman pala. Bagay sa'yo 'yang apron na suot mo at maganda ka kapag nakatali 'yang buhok mo. Masarap ka din magluto, ganyan na ganyan ang tipo ko sa babae," papuri nito sa kanya.
"Naku, ingat ka d'yan, Mira. Babaero 'yan," biro naman ni Paolo.
Nagtawanan ang mga ito subalit nag-iba ang mukha ni Mira sa naging babala ni Paolo. Agad siyang lumayo kay Laurence at parang natakot bigla. Nag-aalalang lumapit si Kenneth sa dalawa.
"Mira, anong problema?" tanong nito.
"W-wala naman, babalik na 'ko sa taas," nag-aalangang sagot ni Mira kay Kenneth.
Hinarangan ni Vincent ang daanan ni Mira at pinilit siyang sumagot.
"Hindi kita paaalisin hangga't 'di ka nagsasalita," mariing saad ni Vincent.
"Hindi kaya... may pangit kang karanasan sa kagaya ni Laurence?" mapaghinalang tanong ni Kenneth.
"Aba teka, ba't ako nadamay d'yan?" reaksyon ni Laurence na nalilito din sa kakatwang ikinikilos ng dalaga.
"Wala naman, pero iniiwasan ko 'yong mangyari," napayuko si Mira habang hinahaplos ang buhok.
"Bakit?" tanong ni Vincent.
"Kasi gusto ko pang pahabain ang buhok ko!" pagtatapat ni Mira.
"Huhh?" naguguluhang reaksyon ng mga ito sa kanya at matagal ding inisip ang koneksyon ng buhok niya kay Laurence.
Humagalpak sa tawa si Vincent nang mapagtanto ang lahat. Agad namang tumakbo si Mira paakyat ng hagdan.
"Anong nakakatawa?" tanong ni Laurence.
"Napagkamalan ka niyang barbero," sagot ni Kenneth na naunawaan na din ang nangyari.
"Ano?" At nagtawanan ang mga ito, naiiling namang pinagpatuloy ni Red ang kanyang pagkain.
Matapos kumain ay nagpahinga na ang mga ito sa sala. Binuksan ni Paolo ang TV habang binasa naman ni Kenneth ang magasin na nakita niya nang maglinis sila kanina.
"Alam n'yo, naisip ko lang... ano kayang nangyari kay Mira? Bakit lagi siyang nagkukulong sa kuwarto niya at hindi makausap nang matagal?" tanong ni Laurence sa mga kasama.
"Hah! Huwag mong sabihing interesado ka talaga sa kanya?" nangingiting sabi ni Kenneth dito.
"Bakit hindi? Wala pang babaeng hindi natukso sa taglay kong charisma," pagmamayabang nito sa kanila.
"Tama!" biglang nakaisip ng ideya si Kenneth.
"E di sumang-ayon ka din sa'kin," puno ng kumpiyansang pagmamalaki ni Laurence.
"Hindi 'yon!" mariing tanggi ni Kenneth sa sinabi nito at ibinulong sa mga kasama ang naisip niyang plano upang makilala nila nang mabuti ang misteryosang landlady ng mansyon.
"Ano sa palagay n'yo?" tanong ni Kenneth matapos ipaliwanag ang plano.
"Kayo na lang, wala akong alam pagdating sa ganyan," wika ni Vincent at tumayo na ito upang mag-shower.
"Sa totoo lang, gustuhin ko man kayong tulungan, eh hindi kaya ng oras ko. May schedule kasi ako ngayon sa isang clothing brand," sagot naman ni Red.
"Ano nga palang trabaho mo?" tanong ni Paolo sa kanya.
"Model at nag-e-extra din sa mga palabas kung minsan," sagot ni Red.
"Wow! Kaya pala ang lakas ng dating mo kahit anong suot," paghanga ni Paolo sa kanya.
"Balik tayo sa plano. Kayong dalawa, sang-ayon ba kayo o hindi?" tanong ni Kenneth sa mga ito.
Tumango sina Laurence at Paolo bilang pagsang-ayon sa kanya. Nagbulungan ulit ang tatlo at nagkanya-kanya ng punta sa sari-sariling mga kuwarto upang simulan ang plano.
Nang mga oras na 'yon ay abalang nanonood ng horror movie si Mira nang makarinig ng mahinang pagkatok mula sa pintuan ng kanyang silid. Hindi niya muna sinagot ito; lumapit siya sa pinto at inilapat ang kaliwang tenga upang tiyaking sa kuwarto talaga niya nanggagaling ang tunog.
Napaatras siya nang mabingi sa sumunod nitong pagkatok na lumakas bigla at sunod-sunod, halatang naiinip nang pagbuksan.
"Sandali lang..." sambit niya atsaka pinihit ang doorknob.
Nagtaka siya nang walang nakitang tao sa tapat ng pinto. Lumabas siya at nagulat nang biglang may magsalita.
"Sa wakas at pinagbuksan mo din ako, binibini..." biglang sulpot ni Laurence sa gilid at matamis ang pagkakabigkas nito ng mga salitang iyon habang hawak-hawak ang isang piraso ng pulang rosas. Nakasuot ito ng see-through na sando at may nang-aakit na tingin.
Napahakbang si Mira paatras nang itapat nito sa mukha niya ang hawak na rosas.
"Tanggapin mo sana ito, tanda ng aking paghanga," dagdag pa ni Laurence.
Napatakip si Mira ng ilong subalit hindi na niya napigilang malanghap ang bulaklak sa tapat niya.
"Achooo!!!" bahing ni Mira sabay singhot ng ilong. Natigilan naman si Laurence sa 'di niya inaasahang reaksyon nito.
"Ilayo mo sa'kin 'yan, allergic ako sa pollen," wika ni Mira habang tinatakpan ang ilong. Sinundan pa niya iyon ng isang tanong:
"May kailangan ka ba sa'kin?"