Pinipilit ko nalang imulat ang aking mga mata pero kulang nalang ay masubsob ako sa table ng desk namin sa sobrang antok na nararamdaman. Hindi ko na maunawaan ang itinuturo ng Math Teacher namin.
"Gaogano stand up and solve the problem."
Nanigas ako sa kinauupuan. Anong problem ang iso-solve? Kung heart problem nga'y di ko ma-solusyunan math pa kaya? Pero lumapit parin ako sa blackboard at hinawakan ang chalk pero wala akong maisulat. Dinig ko ang hagikgikan ng mga kaklase ko sa likod nangunguna na ang mga kaibigan.
"Sit down napakahihinang umintindi. Kung ano-ano ang inuuna."
Namula ako sa pagdakdak sa akin ng guro. Naglalakad na ako pabalik ng aking pwesto ay todo dada parin ito. Sinalubong tuloy ako ng mga pambubuksa ng barkada.
"Bakit ka kase lutang?" Mahinang tanong ni Katness. As if alam nya ang sagot sa problem solving.
"Sana nag-try ka kahit ano." Sabi naman ni Daryl. Wow ha ang galing magpayo.
Naupo nalang ako ulit matapos ingusan ang mga kaibigan. Sana tawagin din sila para mapalakpakan. Ang gagaling eh, tssk.
"Oh RoseAnn ikaw nga dito. Bitiwan mo muna yang pocketbook mong binabasa kung pwede. Baka ni pasang awa ay di kita mabigyan dyan sa fourth grading." Anang guro.
Natawa ulit ang mga kaklase namin pati na ako. Huling-huli kase si RoseAnn sa binabasa nya. Oh loko, akala nyo ako lang ha.
Nang mapasulyap ako sa bintana ay sakto namang pagdaan ng mga Senior student. Nakita ko si Ken na naglalakad kasama ng mga kabarkada nya. Nawala ang antok ko at habol ito ng tanaw. Kaya muntik na akong mahulog sa upuan ng sumubsob ako sa table non para itago ang mukha. Bigla kaseng lumingon ang lalaki sa gawi ko kaya dali-dali akong yumuko.
Nakahinga ako ng maluwag ng makalampas na ang mga Senior. Hayss, buti naman.
Kaya lang nang tingnan ko ang mga kasama ay ganon nalang ang pagkabigla ko dahil lahat sila ay nakamasid na pala sa akin-- at kasama na doon ang guro namin.
Tadtad ng kurot, hampas at mga paghila sa buhok ang napala ko sa mga kaibigan matapos kong aminin sa kanila ang tungkol kay Ken. Pinutakte ako ng mga tanong kaya halos di ko na magawang sumagot sa kanila. Na-corner na ako ng mga ito kaya wala akong nagawa kundi umamin. masarap din palang may mapaglabasan ng nararamdaman mo ukol sa isang tao. Muntik pa akong mapalabas sa classroom kanina ng guro dahil sa pagkahuli sa akin. Buti at napa-squat lang ako sa unahan habang nagtuturo ito.
Pasalamat nalang ako ay hindi kami magka-batch ni Ken, kung kaklase ko siguro ang binata ay baka wala na akong mukhang maiharap dito sa dami ng kahihiyan ko sa classroom namin.
"Putek ka Vivz, si Ken yon gwapo, habulin ng chicks, varsity player at top sa klase." Wika ni Rose Ann. Wala itong hawak na pocketbook dahil nasamsam ni Maam kanina.
"Oo nga ang daming may crush doon eh, imposibleng magka-gusto sayo yun." Iiling-iling namang sabi ni Michelle matapos akong titigan saglit mula ulo pababa. Laki ng problema nito.
Sanay na ako sa mga panlalait ng mga kaibigan kaya bakit pa ako magtataka? As if naman ang gaganda nila hello?
"Crush lang naman." Naisagot ko nalang para tigilan na nila ako.
"San paba mauuwi yang crush-crush na yan e di sa love? Ganyan din ako kay Cris eh." Si Katness.
"Bakit nyo ba pinapakialaman si Vivian? Hayaan nyo sya, eh sa kay Ken lumaglag ang panty nya eh--" saad ni Daril na nahampas ko ng libro dahil sa sinabi.
Tawa lang ng tawa ang mga ito. Naroon kami sa tapat ng library at hinihintay lumabas si Analuna na syang taga-gawa ng aming Assignment para sa Science subject mamayang hapon. Swerte kami dahil may kaibigan kaming mabilis ang utak at saulo ang scientific table.
Kaya lang maloko talaga ang mga ito. Dahil nang matanaw nila ang grupo nila Ken, itong si Michelle ay biglang tinawag ang lalaki. Naghabulan tuloy ang mga daga sa dibdib ko. Panay ang kurot ko sa kaibigan habang palapit sa amin si Ken na sobrang pogi sa uniporme nyang pang-basketball.
Panay hagikgik naman ang iba kong barkada na lihim akong tinutukso.
"Bakit?" Tanong ng binata pagkalapit sa amin. Pati boses nakaka-kilig.
"Wala Ken, itatanong lang sana namin kung a-attend ka ng Valentines program?" Nakangising ani ni Michelle.
"Ay yun ba? I'm not sure kase may practice kami non, bakit?" Tanong ni Ken na sa akin nakatitig. Kailangan ko yata ng BP sa sobrang kaba ng dibdib. Ganong-ganon yung titig nya nung maghatid ako ng ulam sa kanila kagabi.
"Naku wala naman, naisip lang namin na baka doon mona makilala si Barbie."
Natawa ang binata sa narinig. Kahit ako ay napatawa sa kalokohan ni Michelle. Tinawag na si Ken ng mga kasama kaya nagpaalam na ito sa amin. Pagkalayo ng binata ay pinagkukurot ko si Michelle. Tawa ng tawa ang mga ito.
"Mukhang nasa mood si Ken, madalang kaya yang mamansin." Komento ni RoseAnn.
"Syempre ang gaganda kaya natin para deadmahin nya." Confident pang pakli ni Michelle na lalong ikinatawa namin. Sana lang totoo.
Pero tama naman ang sinabi ni RoseAnn. May pagka-suplado talaga si Ken at madalang ang pinapansin nitong girls sa school na yon lalo na kung may crush dito ang nalapit. Kaya nga kahit magkapitbahay kami at magkaibigan narin ang mga magulang namin ay hindi pa nya ako nabati manlang, kahit ang totoo ay noon ko pa sya crush. Mula yata ng magkaisip ay ito na ang gusto ko, lihim na lihim dahil nahihiya ako kina kuya at Mama pero si Ken ang nagturo sa akin ng salitang puppy love. Sa ngayon ay yun palang ang maiipangalan ko sa uri ng aking nararamdaman para sa binata.
Isang umaga ay napa-aga ako ng pasok kaya mag-isa lang akong naglalakad sa hallway ng paaralan. Patingin-tingin ako sa labas kung nasaan ang ilang mga player na nagpa-practice ng sepak takraw. Yun naman talaga ang pinaka-popular na laro sa school namin pero nang magkaroon ng basketball court ay nabaling doon ang atensyon ng lahat. At ang pinakasikat na MVP ay si Ken.
Napabuntong hininga ako. Malapit na ang Valentines at puro puso na ang paligid. Nangangamoy pagibig na talaga pero hanggang ngayon ay hindi ko parin masabi ang feelings ko para kay Ken. Sabagay di pa ako baliw para ipagtapat yun sa binata. Baka pagtawanan lang nya ako.
Pero last year na ni Ken dito sa school, tiyak na sa maynila ito mag-aaral ng kolehiyo o di kaya ay sa malayong lugar dahil wala namang kolehiyo sa bayan namin. Maiiwan ako dito at hindi pwedeng pati pagibig ko sa kanya ay maiwan din. Kailangan ko na talagang magtapat. Kahit di nya pansinin ay okey lang. Basta masabi ko.
Wala sa loob na dinala ako ng mga paa sa basketball court ng paaralan. Bumilis ang pintig ng aking puso ng matanaw ang mga nagpapapawis na mga player doon kabilang si Ken. Malapit na ang last game nila kaya puspusan ang page-ensayo ng mga ito.
Naupo ako sa pahabang bench at tahimik na nanood sa kanila. May ilang estudyante na naroon din at tila naghihintay ng practice. Isang oras pa naman bago ang flag ceremony kaya pwede pa akong mag-stay.
Hayss! Ang gwapo ni Ken. May konting masel na ito sa kanyang edad at kahit puno ng pawis ay parang ang bango-bango parin nya. Matangkad ito at may mapuputing ngipin. Type na type ko pa ang dimple nya sa kaliwang pisngi. Patay na patay talaga ako sa binata. Hindi lang naman ako kundi maging ang halos lahat ng estudyante sa SDNHS. Kaya nga wala akong pag-asang mapansin nya.
Mula sa pagtunganga ko sa panonood sa kanila ay napatuwid ako ng upo nang mag-angat sya ng tingin at saktong sa mga mata ko iyon tumama. Yung mabilis na pintig ng puso ko ang tanging naririnig ko ng mga sandaling iyon sa pagtatama ng aming mga paningin. Nawala lang yun ng lapitan sya ni Marlon na kaibigan nito at may ibulong sa kanya.
Tumango si ken sa kausap habang nasa akin parin ang titig. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Pero isa lang ang nasisiguro ko. Napakasarap sa pakiramdam ang titigan ka pabalik ng crush mo.
***