"Nakakainis naman, bakit kailangan pa kase tayong gumawa ng ibong nagtutukaan sa taas ng puso? Kainis naman itong project natin kay Maam Monera." Nakasimangot na pagrereklamo ni Katness habang nag-gugupit ng pulang kartolina para sa assignment namin.
"Oo nga eh, kung kelan ilang araw nalang ang Valentines ay saka pa tayo pagagawain nito." Ani Daril.
"At sa atin pa talaga itinapat ang puso. Parang nakakaloko si Maam." Reklamo din ni Michelle.
"Kaya nga. Yun iba kurtina lang na nabibili sa tyangge tapos yun iba naman floor wax lang. Bakit kailangang grupo natin ang gumawa ng mga palawit na ito?" Saad naman ni Rose Ann.
"Wag na tayong mag-reklamo, at least magkakagrupo tayo." Si Analuna.
"Buti sana kung may boyfriend tayo na maghihintay sa atin pauwi, aba eh magaalas-singko ymedia na ano." Si Katness.
"Sabay-sabay naman tayo eh." Ako.
"Ah basta kaasar 'tong ginagawa natin. Daril paabot nga ng paste." Si Katness ulit.
"Paste your face."
"Ulol."
Sa kabila ng katamaran sa ipinapagawa ng guro ay nakukuha parin naming magtawanan. Kahit kami nalang ang nasa school ng hapong iyon. Nakatapos na kase ang iba at mahigpit na bilin ng guro namin na dapat ay nakasabit na ang ipinapagawa nya bukas sa classroom. Kaya madalian ang paggagawa namin.
"Analuna ang pangit naman ng pagka-ibon nito tssk," sabi ni Daril kay Analuna.
"Ha bakit naman?"
"Eh mukhang pugo ito at di love birds eh. Palitan mo."
"Wala kaseng marunong mag-drawing sa atin. Wala rin tayong magayahan kahit isang ibon lang na nagtutukaan." Wika ni Katness.
"Sa fourth year maraming nagsabit. Hiram kaya tayo tapos sa bahay na natin tapusin." Ani Rose Ann.
"Eh sabi ni Maam dito daw gawin, alam na naman nila Nanay na gagabihin tayo ng uwi." Si Katness.
"Naku ayokong gabihin dito, balita ko maraming multo dito pag gabi. Sabi nung mga nag-scout dito last year." Kinikilabutang wika ni Michelle.
"Oo nga daw, dati daw kase itong sementeryo--lalo na sa may burol." si Daril.
"Hoy Salinay tumigil ka nga dyan at ako'y natatakot." Saway dito ni RoseAnn.
"Kaya mabuti pa kumuha na tayo ng gayahan sa senior classroom. Ibabalik din naman natin." Mungkahi ni Daril.
"Sarado na yun." Si Michelle.
"Di naman yun naka-lock. Si Mang Boy ang nagla-lock ng mga room pag gabi." Si Analuna na ang tinutukoy ay ang care taker ng paaralan na nasa tapat lang ng school ang bahay.
"Eh sinong kukuha? Ang layo pa naman ng fourth year sa atin. Sa likuran pa kaya nakakatakot." Ani Michelle.
"Sige ako nalang ang hihiram, baka may tao pa don." Pagbo-boluntaryo ko sabay tayo at pinagpagan ang palda na may mga ginupit na kartolina at glitters.
"Samahan mo Daril." Sulsol ni Katness.
"Ikaw nalang katness." Tanggi ni Daryl .
"Mas marunong akong mag-cutter sayo kaya ikaw na ang sumama kay Vivian."
"Naku dalian na natin para matapos na yan." Sabi ko sa dalawang nagpapa-uyuhan.
Walang nagawa si Daril kundi samahan ako. Medyo papadilim na pala sa labas. Matatakutin din pala itong si Daril. Ako kase ay hindi. Nakahawak pa sa braso ko ang kaibigan habang naglalakad kami.
"Vivian di kaba kinikilabutan? Pag may tumawa ditong boses bata kanya-kanya muna tayo ha." Saad nito sa akin.
"Naku naman Daril, wala namang multo dito saka ang aga pa."
"Meron daw eh, kwentuhan din ng mga guro. sementeryo kase ito noon tapos tinayuan ng school."
"Magkasama naman tayo eh."
Nang makarating kami sa dulo ng paaralan kung saan naroon ang room ng fourth year class A. ay lalong naging tahimik ang paligid.
"Vivz alis na tayo, nakakakilabot na talaga." Bulong sa akin ni Daril.
"Nandito na naman tayo eh kaya relax lang."
Nasa likod ko lang ito nang pihitin ko ang knob ng pinto. Nakahinga ako ng maluwag nang malamang bukas iyon.
"Wow ang gaganda ng puso nila. Kaya lang baka mapagalitan tayo pag nakialam tayo ng walang pasabi." Ang wika ko pa matapos makita ang halos magkakatulad na pusong nakasabit sa taas, perperkto ang love birds noon. Pasimple ko pang hinanap ang pwesto ni Ken. Kinikilig ako nang mabasa ang name tag nya sa upuan.
"Ibabalik din naman natin eh kaya okey lang yan."
Tumango nalang ako saka tumuntong sa isang silya para abutin ang isang nakasabit na puso. Kaya lang nang nakatikdi na ako ay sya namang pagkalabog ng pinto ng banyo doon at bigla nalang nagtitili si Daril na tomboyin saka ako iniwan. Nagtatakbo ito paalis doon.
Anyare?
Ngunit ganon nalang ang gulat ko nang lingunin ang pinagmulan ng ingay at makita si Ken na may sukbit na bag sa balikat. Para akong na-estatwa sa pagkakataas ng isa kong kamay.
"Anong ginagawa mo dito?" He asked habang lumalapit sa pwesto ko.
"A-ah e-eh--" diko malaman ang isasagot sa binata.
Tiningala pa nya ako ng makalapit sa akin kaya ako'y napayuko sa kanya. Gwapo talaga nito. Kung titingnan si Ken ay para syang yung anak-mayaman na taga-maynila. Ang kinis kase ng balat nya.
"Gabi na ah, bakit nasa school kapa?" Kunot ang noong tanong nito.
"May tinatapos kase kaming valentines project. Hihiram lang sana kami nitong isa panukat lang." Sabi ko sa kabila ng kaba sa dibdib.
Hindi ko napaghandaan ang kasunod na gagawin ni Ken. Tumuntong din ito sa desk at inabot ang puso na sana ay aabutin ko. Para akong nanghina ng dumikit ang dibdib nya sa aking likuran. Naamoy ko ang kanyang pabango at di ko na halos maunawaan ang nangyayari sa paligid dahil doon.
"Ito na oh, bumaba kana dyan." Aniya.
"Ah ok salamat." Buti at agad akong naka-bawi.
"Saan ba kayo nagawa ng project nyo?" Tanong ng binata nang naglalakad na kami sa pasilyo ng paaralan.
"Sa classroom lang namin. Konti nalang naman tapos na eh."
"Ah." Tango nya.
First time kong nakausap ng ganito si Ken, at first time ko rin syang nalapitan ng ganito kalapit. Isa na yata yun sa pinaka-masayang araw sa buhay ko.
"I-ikaw? Bakit nasa room kapa?" Ibinalik ko ang tanong sa kanya.
"Ginabi kami ng practice, naiwan ako nila Marlon kase nagbihis pa ako. Paglabas ko ng banyo nandon kana. Sino yung tumakbo?"
Napangiti ako ng maalala si Daril. Buti nga at nagtatakbo ito. At least nagkausap kami ni Crush. Ano kayang nakain ni Ken at namamansin na sya ngayon?
"Si Daril yun, kilala mo sya diba?"
"Hmm hindi eh, si Michelle lang ang kilala ko sa mga kaibigan mo dahil sa kuya nya."
Tumango-tango nalang ako. Gusto ko pa sanang bagalan ang lakad ko para mas matagal pa kaming magkausap kaya lang maliit lang ang pasilyo ng school eh.
"Asan na ang mga kaklase mo?" Takang tanong ni Ken ng makarating kami sa classroom namin at walang maabutang tao don.
"Naku nasaan na nga sila? Baka naman iniwan na nila ako." Nasabi ko nalang.
"Sabay na kitang umuwi, baka mapahamak kapa sa daan. Wala ng pedicab sa labas at gabi na." Ani Ken na ikinatuwa ko ng lihim. Kaya lang yung project nga pala namin.
"Paano na'to?" Tukoy ko sa hawak na puso.
Napakamot sa ulo ang binata.
"Gawin nalang natin para makauwi na tayo agad."
Hindi ko akalain na sasabihin nya yun, pero naupo na sya at tiningnan isa-isa ang ginagawa namin. Pigil ang kilig na naupo narin ako sa katapat nyang desk chair at sinimulang tapusib ang project.
Hindi ako makapaniwala na ang sikat na MVP at hearthrob ng school namin na kilalang suplado ay tinutulungan ako ngayon sa aming project. Tiyak na isusulat ko sa aking diary ang tungkol doon mamaya pag-uwi.
Kinabukasan ay nakasabit na ang mga pusong may love bird sa classroom namin. Todo hingi ng tawad ang mga kaibigan sa pag-iwan sa akin pero lutang pa ang utak ko sa nangyari kahapon. Nasa utak ko pa kase ang paglalakad namin pauwi ni Ken. Tinukso pa nga kami ng kuya ni Michelle nung makita kaming magkasabay na naglalakad.
"Akala ko kasunod kita pagtakbo, sorry talaga Vivz." Sabi ni Daril.
"Okey lang."
"Natakot na kase kaming lahat Vivian kaya nagkatakbuhan na. Nawala sa utak namin kung kompleto pa ba tayo. Si Daril kase eh sabi may aswang." Ani Michelle.
"Okey nga lang ako, wag na kayong magalala." Nakangiti kong sagot.
Sa akin tuloy nabaling ang mga tingin nila. Si Analuna ay nag-ayos pa ng suot na salamin at pinakatitigan ako.
"Umamin ka nga Vivian, anong nangyari sayo?" Tanong ni RoseAnn.
"Asan ka ng gabing maganap ang krimen?" Si Daril.
"Ha? Ano bang klaseng tanong yan." Iwas ko pero may ngiti sa labi.
"Oh my God, sabi ni Kuya gabi na daw umuwi si Ken kaya dina nakadaan sa amin---wag mong sabihin na magkasama kayo?" Patiling tanong naman ni Michelle.
Ayun pinaghahampas ako ng mga ito at pinaamin. May humihila ng buhok ko, may sumasabunot. Kaya bago pa ako makapagsalita ay bugbog-sarado na ako. Mga s*****a!
"Umamin kana Vivz at ng ma-suportahan namin ang kalandian mo hihihi." Ngisi ni Katness.
"Ano ba kayo, walang ganon. Tinulungan lang ako nung tao na gumawa ng project natin dahil mga nangawala na kayo!" Wika ko saka ikwinento ang nangyari. Muli lang akong pinagbubugbog ng mga ito dahil kinikilig sila sa aking isinalaysay.
"Hays, parang may pag-asa ka rin kay Ken eh." Komento ni Daril.
"Oo nga basta ayusin mo ang pagsusuklay ay pwede kang mapansin non." Ani Michelle.
"Ano namang kinalaman ng pagsusuklay? Bruha ba ako?" Nakasimangot kong pakli. Sabagay tamad nga akong mag-suklay.
Tawanan muli ang mga ito. Bigla lang silang natahimik dahil dumadaan pala si Lucille. Tila reyna ito kung maglakad kasama ang mga alipores nya.
"Ganyang beauty nga dinedma ni Ken, ikaw pa kaya na di naman kaputian?"
Tinawanan pa ako ng mga ito sa sinabi ni Michelle. Ang sakit na ha? Pero ang nakakapagtaka ay kung bakit nakitawa din ako. Pinagtatawanan ko rin ang sarili ko ganon.
***