PROLOGUE
EVANGELINE
Isang minuto bago sumapit ang hatinggabi.
Nakalinya kaming lahat sa loob ng service area, tuwid ang tayo at walang sinumang nangangahas na gumawa ng ingay.
Pare-pareho kaming nakasuot ng hapit na black dress at misteryosong lace mask na tumatakip sa itaas na bahagi ng aming mukha.
Sa paningin ng mga elite sa labas, hindi kami mga tao. Kami ay mga palamuti, mga anino na taga-silbi sa kanilang mga maruruming luho.
Nakatitig ako sa bilugang kulay ginto at puting orasan na nakasabit sa tapat namin. Naririnig ko ang lagitik ng mga kristal na baso sa mga tray at ang mabibigat na hininga ng mga kasamahan ko, pero halos mabingi ako sa sarili kong tib0k ng puso. Binibilang ko ang bawat segundo habang papalapit ang mahabang kamay sa itaas.
Tatlong ticks na lang. Dalawa. Isa.
Nang tuluyang pumatak ang alas-dose ng gabi, humigpit ang hawak ko sa hawakan ng pilak na tray na bitbit ko.
Kaya ko ’to. Para sa pamilya ko.
Ang alas-dose ang hudyat na simula na ng pag-abante ng aming linya.
Sabay-sabay na bumukas ang malaking pinto patungo sa naglalakihang ilaw at ingay ng casino floor ng House of Pleasure.
At sa bawat hakbang ko palabas, alam kong wala nang balikan—ito ang pormal kong pagpasok sa impyerno.