NAPABUNTONG-HININGA si Xander pagkatapos tingnan ang suot na wristwatch. Isa sa mga pinaka-ayaw niya ay ang pinaghihintay siya, at iyon mismo ang ginagawa ni Lianne. Mag-aalas-diyes na nang umaga pero hindi pa rin dumarating ang babae. Biyernes ngayon at ito dapat ang unang araw ni Lianne sa kompanya. Bukod sa Lunes, ang Biyernes ay mahalagang araw rin para sa kanila. Every Friday kasi ay nagre-report ang lahat ng mga department head tungkol sa naging flow ng trabaho sa buong linggo. Dapat ay alas-nuwebe pa nagsimula ang meeting pero dahil wala pa si Lianne ay hindi nila iyon magawa.
Napapiksi siya nang may kumatok sa labas ng kanyang opisina. Bumukas ang pinto at pumasok ang sekretarya niyang si Bernadette. “Sir, nandito na po si Miss Javier,” sabi ng babae. Nasa likuran na nga nito si Lianne.
“Good morning,” walang kabuhay-buhay na bati sa kanya ng dalaga. Parang wala itong ideya na kanina pa siya naghihintay rito.
“Thank you. Iwan mo muna kami,” aniya kay Bernadette. “And please tell the department heads to wait for me at the conference room. I’ll be there in a while.”
“Yes, Sir,” tugon ni Bernadette bago ito lumabas ng opisina niya.
Binalingan niya si Lianne. “Why are you late? I told you last night that you should be here at eight o’clock sharp.”
“I woke up late,” maikling tugon nito.
Nagsalubong ang mga kilay niya. “Woke up late? Hindi ba’t kinatok kita kaninang six sa kuwarto mo? Sumagot ka pa at ang sabi mo hindi ka sasabay sa akin, na kaya mo ng pumunta rito nang mag-isa.”
“I dozed off again,” parang balewala lang na sagot nito at naupo na sa silyang nasa harapan ng lamesa niya.
Napatiim-bagang siya. Kung ordinaryong empleyado niya ito, malamang ay nasinghalan na niya ang babae. Kinontrol niya ang sarili, hindi makakatulong kung gagawin niya iyon. Ang kailangan ay mapalapit uli siya sa dalaga para magawa niya ang ipinakiusap sa kanya ni Tito Felipe.
“I hope next time, hindi ka na ma-late. Trabaho ito, Lianne. You should take this seriously kahit pa ba sabihing napipilitan ka lang na gawin ito,” seryoso pero malumanay na sabi niya.
Hindi ito umimik. Kahit na napansin niya ang pagsimangot nito ay nagkunwari na lang siyang hindi iyon nakita.
“From now on, you will be my assistant. Lahat ng alam ko sa business na ito ay ituturo ko sa 'yo. I’ll ask Bernadette later to bring in a new table for you dito sa loob ng office ko."
Napakunot ang noo si Lianne. “Puwede naman ako doon sa labas, bakit kailangan dito pa ako sa loob ng office mo?”
Tiningnan niya ito, gusto sana niyang barahin ang babae at sabihing napaka-obvious ng sagot sa tanong nito, pero nagtimpi siya. “Para malaman mo kung ano ang day-to-day activity ng general manager ng isang advertising agency. Isa pa, as your mentor, gusto kong ma-monitor nang maigi kung natututo ka," nasabi na lang niya.
Ibinuka nito ang bibig na para bang may gusto pa itong sabihin pero muli rin nito iyong isinara at pairap na lang na binawi ang tingin sa kanya.
Tumayo na siya. “Let's go, ipapakita ko sa 'yo ang bawat department at ipapakilala rin kita sa mga emplayado natin,” aniya na nagpatiuna nang lumabas ng pinto.
Ipinakilala niya si Lianne sa mga staff habang idini-discuss niya rito nang mabilisan ang mga function ng bawat department. Walang kaimik-imik na nakasunod lang ito sa kanya, bakas sa mukha nito na wala itong kainte-interes sa mga sinasabi niya.
“And this is the traffic department,” aniya nang puntahan nila ang huling department kung saan may apat na tao silang naabutan. “Raul is the traffic manager here. You’ll meet him later.”
Tiningnan siya ni Lianne, kita ang curiousity sa mukha nito. Mukhang finally ay napukaw na rin ang interes nito. “Traffic department? What do you mean?”
Nagtatakang napatingin siya rito at maya-maya ay napakamot siya sa ulo. “I’m sorry, nakalimutan ko na graduate ka nga pala ng HRM, so, you probably don’t know anything when it comes to advertising.”
Mukhang iba ang naging dating ng sinabi niya sa babae, nagdilim ang mukha nito. “Kaya nga nagtatanong ako, 'di ba?” sarkastikong sabi nito.
“Well, sila ang nagre-regulate ng flow of work dito. Lahat ng mga schedules sila ang nagma-manage at nagco-coordinate sa ibang nga department," paliwanag niya. "May mga ibibigay ako sa'yong papers. You need to read through those first bago ko ituro sa 'yo ang iba pa, kaya bukas basahin mo ang mga iyon. Every Friday, mayroon kaming meeting where in all the heads gives their report."
Hindi na nagsalita ang dalaga hanggang sa matapos niya itong ipakilala sa mga tauhan ng huling department. Tinatahak na nila ang daan patungo sa conference room nang magpaalam ang babae na pupunta sa comfort room.
********
NAGNGINGITNGIT na pumasok sa loob ng banyo si Lianne. Pigil niyang ibalibag ang pinto sa sobrang inis kay Xander. Napaharap siya sa salamin habang naghuhugas ng kamay. Sinadya niyang late na magtungo rito sa opisina para buwisitin ang lalaki, pero mukhang kabaliktaran niyon ang nangyari.
“Akala mo kung sinong napakagaling!” hindi makapagpigil na bulalas niya. Kita ang gigil niya habang sinasabon niya ang kanyang kamay. "Eh, 'di siya na ang maraming alam sa negosyong ito! As if naman na interesado ako rito. Pagkatapos na pagkatapos ng isang buwan, babalik na ako ng Sorsogon, hindi ako makikipag-agawan sa kanya para sa kompanyang ito! Isaksak niya sa baga niya ang lahat ng ito!"
"M-Miss Lianne?" anang isang tinig buhat sa kanyang likuran.
Namilog ang kanyang mga mata, hindi niya alam na may ibang tao pala sa loob ng comfort room. Tiningnan niya ang repleksiyon nito sa salamin. Agad niyang naalala kung sino ang babae, si Bernadette, ang sekretarya ni Xander.
"Okay lang ho ba kayo, Ma'am?" may pag-aalala ang tinig nito.
"Oo," tipid niyang sabi na alanganin pang ngumiti. "Okay lang ako."
Saglit na pinagmasdan siya ng babae, pagkuway ay tumango ito. "Sige, Ma'am, mauna na po ako sa inyo."
Napasunod ang tingin niya kay Bernadette hanggang sa tuluyan na itong makalabas ng comfort room. Marahas siyang napabuga ng hangin nang wala na ito, at saka muling napasimangot nang maalala si Xander. "Buwisit!" malakas na sabi niya bago naghilamos. Baka kahit papaano ay makatulong iyon na palamigin ang kanyang ulo.
Ano ba namang malay ko sa ganoong bagay? Malay ko kung ano ang traffic department at kung bakit mayroon n'on sa mga ganitong kompanya! tahimik na himutok niya habang naghihilamos. "Sa harap pa talaga ng mga tauhan mo ako pinagsabihan ng gano'n, ha?! Buwisit ka talaga, Alexander Quiroz!"
Pagkatapos masigurong maayos na ang sarili ay lumabas na siya ng comfort room at nagtungo sa opisina ni Xander. Wala roon ang binata. Pumasok siya at umupo sa tapat ng lamesa nito. Iginala niya ang mga mata sa paligid. In all fairness, napaka-organize ng opisina ng binata. Napako ang mga mata niya sa dalawang picture frame na nakapatong sa lamesa, patalikod sa kanya. Tumayo siya at akmang titingnan ang mga iyon nang bumukas ang pinto. Napalingon siya at nakita si Xander na nakatayo sa pintuan.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong ni Xander.
“Hinihintay ka,” pakli niya.
“Waiting for me? May meeting sa conference room, 'di ba? Hinihintay ka namin doon pero kung hindi pa kita pinuntahan dito, hindi mo siguro maiisip na sumunod doon.” Mahihimigan ng iritasyon ang tinig ng lalaki.
Tumikwas ang isang kilay niya. “Wala ka namang sinasabi sa akin na kailangan kong sumama ro'n, 'di ba?”
Tiningnan siya nito na tila nauubusan na ito ng pasensiya. Lihim naman siyang napangisi sa sarili. One point! kulang na lang ay mapapalakpak sa tuwa na naisaloob niya. Naisip na niya kanina na dapat siyang magtungo sa conference room pero gusto niyang bawian ang binata sa ginawa nito kanina.
“That meeting was supposed to start at nine. Pero dahil wala ka pa kanina, hindi kami makapagsimula n'on,” mariin at dahan-dahan na sabi ni Xander na para bang ipinaiintindi sa kanyang mabuti ang bawat salitang sinasabi nito. “At ngayon mahigit fifteen minutes na naman namin ang nasayang dahil sa paghihintay na sumunod ka doon.”
“Oh,” aniya at nakalolokong natutop pa ang bibig. “I’m sorry. Sana kasi ay sinabi mo. Kasi nga, hindi ko alam dahil HRM lang naman ang course ko, remember? At maliit na restaurant lang ang mina-manage ko sa probinsiya, so ano ba naman ang malay ko sa mga ganito kalaking kompanya?” puno ng sarkasmong sabi niya.
Pigil na pigil niya na tumawa nang malakas nang makita niya ang pagkuyom ni Xander ng mga kamay nito. Tumayo na siya at humakbang palabas ng opisina nang makalampas siya sa pinto ay saka siya humarap sa nakatalikod na lalaki.
"Let's go, kung ayaw mong madagdagan pa ang minuto na nasasayang n'yo," aniya para lalo pa itong inisin.