NAYAYAMOT na binitiwan ni Lianne ang mga hawak na papeles. Magdadalawang oras na siyang nakakulong sa kanyang silid at binabasa ang mga documents na ibinigay sa kanya ni Xander kahapon, pero wala talaga siyang naiintindihan sa mga iyon. Nahiga siya sa kama at napatitig sa kisame. Naiinip na siya roon. Hindi niya malaman kung paano niya matatagalan ang isang buwang pamamalagi sa mansyon ng mga Javier. Ikatlong araw pa lang niya sa mansyon pero pakiramdam niya ay buwan na ang inilalagi niya roon. Nami-miss na niya ang mga naiwan niya sa probinsiya.
Naipilig niya ang kanyang ulo. Lianne, kung iisipin mo nang iisipin ang mga naiwan mo, lalo ka lang malulungkot. Kaya mo 'yan. Twenty-seven days na lang naman, konting tiis pa. Isipin mo na lang na ginagawa mo ito para sa mommy mo, bulong niya sa sarili.
Ilang beses siyang napahugot nang malalim na hininga bago siya bumangon. Naisip niyang bumaba sa kusina para kumuha ng inumin at makakain habang binabasa niya ang mga papeles. Baka sakaling kung may nginunguya siya ay mawala ang bagot at antok na nararamdaman niya habang nagbabasa.
Bago niya marating ang kusina ay napadaan siya sa malaking sliding door na patungo sa poolside. Napakunot ang noo niya nang matanaw ang kanyang ama at si Xander na nasa isang lamesa malapit sa pool. Lumapit siya sa pintuan at palihim na pinanood ang mga ito. Mukhang nagkakatuwaan ang dalawa habang naglalaro ng chess. Pakiramdam niya ay may tumusok sa kanyang dibdib habang pinapanood ang mga ito. Hindi niya maiwasang makadama ng inggit sa nakikitang closeness nina Xander at ng Daddy niya.
She was six years old nang dumating si Alexander Quiroz sa bahay nila kasama ng Daddy niya. Anak ito ni Mang Apollo, ang dati nilang driver at matalik na kaibigan ng kanyang ama. Bago iyon ay magkasamang naaksidente sina Felipe at Mang Apollo. Nakaligtas ang kanyang ama habang ang tatay naman ni Xander ay binawian ng buhay. Ulilang lubos na si Xander—yumao na rin ang ina nito pagkatapos ipanganak ang lalaki—kaya inako na ng Daddy niya ang pagpapalaki at pag-aalaga rito. Wala raw kasing kamag-anak na gustong kumuha kay Xander, at paraan na rin daw nito iyon ng pagtanaw ng utang-na-loob sa ama nito.
Naging malapit siya noon kay Xander, tulad ng sinabi ng kanyang ama ay itinuring nga niya itong parang nakatatandang kapatid. Pero habang lumalaki siya na wala sa piling ng ama ay napuno ng hinanakit at inggit ang puso niya para kay Xander. Pinalaki ng kanyang ama ang lalaki, habang siya na tunay nitong anak ay hinayaan nitong lumaki na walang kapiling na ama.
“Lianne,” anang isang tinig buhat sa kanyang likuran.
Awtomatikong umayos siya ng tayo at humarap sa tumawag sa kanya. Nakita niya ang papalapit na si Mamang Aida. Bitbit nito ang mga pinamili buhat sa supermarket.
“Ano’ng ginagawa mo riyan?” tanong ng matandang babae at napatingin din sa labas ng sliding door.
Hindi siya sumagot.
Ibinalik nito ang tingin sa kanya. Saglit siya nitong pinagmasdan na para bang binabasa ang laman ng isip niya. “Bakit hindi mo sila puntahan?”
“Hindi na ho, napadaan lang naman ako rito. Papunta ho kasi ako sa kusina,” aniya na pilit pang ngumiti.
“Bakit may kailangan ka ba?”
“Wala naman ho, kukuha lang ho ako ng maiinom.”
“Ganoon ba? Sige, halika at igagawa kita ng fruit shake.”
Nakangiting tumango siya. Kinuha niya mula rito ang isa sa mga eco bag na bitbit nito at magkasama na silang nagpunta sa kusina. Pagdating doon ay agad na inumpisahan ni Mamang Aida ang paggawa ng fruit shake habang siya naman ay tumulong sa isa pang kasambahay sa paglalabas ng mga pinamili ng matandang babae.
Napakunot-noo siya nang makita ang mga pinamili ni Mamang Aida: may mga hinog na bayabas at bagoong doon. “Mamang, ano ho ang iluluto ninyo?”
Tiningnan siya nito. “Nag-request si Xander ng sinigang na isda sa bayabas. Ang daddy mo naman ay Bicol express. Ikaw? May iba ka bang gustong kainin?”
Umiling siya. “Okay na ho ang mga 'yon. Gusto ho ba ninyong tulungan ko kayong magluto? Wala naman ho akong ginagawa, eh.”
“Ayos lang sa akin, pero marunong ka ba?” tanong ni Mamang Aida.
“Opo. Restaurant ho ang negosyo namin ni Mommy sa Sorsogon, tinuruan ho niya akong magluto,” nakangiting tugon niya.
Napatango-tango ito. “Sige, ikaw na nga ang tumulong sa akin dahil wala akong maaasahan d'yan kay Larina pagdating sa pagluluto,” anito na ang tinutukoy ay ang kasama nitong kasambahay.
“Sobra naman kayo, Mamang Aida,” nakalabing sabi ni Larina. “Marunong naman ho akong magluto kahit paano.”
“'Yon nga, kung paa-paanong luto ang ginagawa mo,” pakli ng matanda.
Natatawa na pinanood niya ang sagutan ng dalawa. Itinaboy na ni Mamang Aida si Larina na tulungan na lang ang isa pa nilang kasambahay sa pag-aasikaso sa iba pang gawaing-bahay. Nang wala na ito ay sinimulan na niyang ihanda ang mga gagamitin nila sa pagluluto.
“Itinuloy pala ng mommy mo ang pagtatayo ng sarili niyang restaurant,” maya-maya ay pagbubukas ni Mamang Aida ng usapan.
Nakangiting tumango lang si Lianne habang pinuputol ang ilang piraso ng sitaw. “Nagsimula po kami sa isang maliit na karinderya; at nang makaipon na kami, bumili si Mommy ng isang maliit na lote sa sentro ng bayan para patayuan ng restaurant.”
Patango-tango na ngumiti si Mamang Aida. “Matagal na niyang pangarap 'yon, ang magkaroon ng sariling restaurant. Mahusay naman kasi talagang magluto ang Mommy mo, marami nga akong natutunan na iba't-ibang putahe mula sa kanya. Pero wala kasi siyang pangpuhunan noon, at nahihiya rin naman siyang humingi ng pera sa daddy mo."
Hindi siya kumibo. Alam niya ang tungkol sa bagay na iyon dahil naikuwento na iyon ng mommy niya noong katatayo pa lang ng restaurant nila. Ang sabi ng mommy niya, nag-aalangan itong humingi noon ng pera sa kanyang ama dahil baka malaman iyon ng pamilya ng daddy niya. Ayaw nito na may masabi ang pamilya ng ama niya.
“K-kumusta naman ho kayo rito noong umalis kami ng mommy?” naisip niyang itanong.
Saglit siyang sinulyapan ng matanda at pagkatapos ay malungkot itong ngumiti. “Maraming nagbago. Parang biglang nawalan ng kulay ang mansiyon… lumungkot at masyadong tahimik. Siguro dahil nawala na 'yong malalakas na tawanan ninyo noon ni Xander.”
Hindi siya kumibo.
“Naging tahimik noon si Xander, ganoon din ang daddy mo. Isinubsob niya ang sarili sa trabaho, madalas nga gabing-gabi na siyang umuuwi. Kapag nandito naman siya sa bahay, lagi lang siyang nakakulong sa kuwarto nila ng mommy mo. Kung hindi naman ay sa kuwarto mo o sa music room,” patuloy ni Mamang Aida.
Napatigil siya sa ginagawa at tiningnan ito.
“Ilang taon din bago naka-recover kahit paano sina Felipe at Xander sa pagkawala ninyo. Sa totoo lang, ngayon ko lang uli nakitang masigla si Felipe. Mula lang noong araw na bumalik ka,” dagdag pa nito at matipid siyang nginitian.
Napaiwas siya ng tingin sa matanda, ayaw niyang makita nito ang pangingilid ng luha niya. Parang ang hirap paniwalaan ng sinasabi ng matandang babae. Kung talagang nalungkot ang daddy niya sa pag-alis nilang mag-ina, bakit hindi sila nito pinuntahan? Bakit wala man lang itong ginawa para ibalik sila rito ng Mommy niya?
Magkaganoon man ay parang may kumurot pa rin sa puso niya dahil sa mga sinabi ni Mamang Aida.
“Sinabi noon ng Tita Cassandra mo na bakit hindi mag-asawa uli ang daddy mo. Sinubukan niyang kumbinsihin ang daddy mo na ipawalang-bisa na ang kasal nila ng mommy mo noon," patuloy na pagkukuwento ng matandang babae.
Napa-ismid siya. Mula noon ay tutol na ang Tita Cassandra niya sa pagpapakasal ng mga magulang niya. Walang pangingiming ipinamumukha ng tiyahin niya sa kanyang ina na hindi nito ito gusto. At kahit sa kanya, ni minsan ay hindi nagpakita ng amor ang tiyahin. Kaya hindi na siya nagulat sa sinabi na iyon ni Mamang Aida.
"Pero hindi iyon ginawa ng daddy mo. Ni ang ibaling ang pansin niya sa ibang babae ay hindi ginawa ni Felipe.”
Muli siyang napatingin sa matandang babae.
“Mahal na mahal ni Felipe si Lucy. Sobra-sobra ang pangungulila niya noon sa inyo,” ani Mamang Aida.
Hindi niya maintindihan ang damdaming namumuo sa kanyang dibdib. Binawi na niya ang tingin sa matanda at tumayo siya. Hindi na niya gusto pang marinig ang mga sasabihin nito.
“Mamang, pasensiya na ho kayo, hindi ko na kayo matutulungan. Naalala ko po kasi, marami pa pala akong kailangang aralin. Ang dami ho kasing ibinigay ni Xander na papeles sa akin, kailangan ko raw hong basahin ang lahat ng iyon."
Hindi na niya hinintay na magsalita ang matanda, malalaki ang hakbang na tinungo ni Lianne ang kanyang silid. Pagkapasok doon ay agad niyang ini-lock ang pinto, kasabay ng pagdaloy ng kanyang mga luha. Pinahid niya ang mga iyon gamit ang kanyang palad at tinungo ang bintana. Tinanaw niya ang kanyang ama at si Xander mula roon.
Tahimik siyang napahikbi. Bakit nga ba, Daddy? Kung mahal mo si Mommy, bakit hinayaan mong magkahiwalay kayo? Bakit hindi ka gumawa ng paraan para bumalik kami sa 'yo? Bakit kailangang mangyari ito sa pamilya natin? Ang dami-daming tanong sa isip ko. Sana man lang magkusa kang ipaliwanag sa akin ang lahat. Pareho kayo ni Mommy na kapag tinatanong ko ay walang maayos na sagot na naibibigay sa akin.
Tuloy-tuloy ang pag-agos ng mga luha sa kanyang mga pisngi. Isang bahagi ng isip niya ang lihim na nagsisisi kung bakit siya nagpunta roon. Kahit paano ay maayos na ang buhay niya, tanggap na niyang kinalimutan na siya ng kanyang ama. Pero dahil sa problema ay napilitan siyang bumalik doon, at kabaliktaran ng inaasahan niyang pagtanggap ang ipinapakita ng daddy niya. She's been expecting him to be cold to her, even send her away. Subalit hindi iyon ang nangyari. Sa tatlong araw na inilagi niya roon, nakita niyang sinusubukan ng kanyang ama na mapalapit sa kanya.
Pinuno niya ng hangin ang tila kinakapos ng hininga niyang dibdib. Naguguluhan talaga siya kung ano ba ang dapat niyang maramdaman ngayon. Napaupo siya sa may bintana at yakap ang mga tuhod na napaiyak.