Troy’s POV
Madalas sabihin sa akin ng mga taong sumusubok kumausap sa akin na ang hirap ko raw kilalanin at maging kaibigan. Hindi raw ako palasalita at hindi mahilig makisalamuha. Hindi raw ako madaling basahin at bihira lang may makakuha sa interes ko. Alam ko ‘yon dahil isa akong antisocial.
Nagsimula ang pagiging antisocial ko noong middle school. I was bullied back then. Nakaranas ako ng matinding pagpapahiya mula sa mga kaklase ko. Yung tipong hindi ko na makayang i-angat ang paningin ko at parati na lang nakayuko ang ulo ko, trying not to meet anyone’s eyes.
Dahil sa bullying na naranasan ko noon, nagkaroon ako ng takot na makisalamuha sa mga taong nasa paligid ko. Pakiramdam ko ay wala akong puwedeng pagkatiwalaan at maging kaibigan dahil sa takot na muli kong maranasan ang nangyari noon. Takot na akong maging tampulan ulit ng tukso at tawanan. Kaya minabuti kong i-distansiya na lang ang sarili ko sa iba.
Simula nang maging mailap ako sa tao, bihira na lang akong magkaroon ng pakialam o interes sa mga tao sa paligid. Ngunit, nitong mga nagdaang araw, may nagbago sa akin bigla. Pansin ko ‘yon, at alam ko kung ano ‘yon. It was her. It was because of Kylie. She caught me.
Hindi ko alam kung anong mayro’n sa kaniya at sa may-ari nitong cellphone at nagawa nilang makuha ang interes ko. They triggered my curiosity. Their story keeps bothering me, and that made me pay attention.
Pangalawang araw na ngayon nang magsimula ang deal ni Kylie. Katulad noong 1st day, madalas pa rin siyang mag-text. At hindi ko maintindihan kung bakit inaabangan ko ang bawat pag-beep ng cellphone at hindi pinapalampas basahin ang kada text message na pinapadala niya.
Inaayos ko ang aking higaan nang ma-receive ko ang unang text message ni Kylie ngayong araw. Nagmamadali kong tinapos ang pag-aayos ng higaan at kinuha ang cellphone. Binuksan ko ang inbox at binasa ang text niya.
From: Kylie
[Good morning, babe! Maaga akong nagising dahil may pasok na naman.] Received: 5:36 AM
“Magandang umaga rin, Miss Cordovez.”
Palabas na sana ako nang kwarto pero napahinto ako nang mag-text ulit siya. Kinuha ko ulit ang cellphone at binasa ito.
From: Kylie
[Mamaya na ako magte-text. Maghahanda muna ako sa pagpasok para di ma-late. Love you!] Received: 5:38 AM
I wonder how can she still manage to tell him those words even he’s not showing up to her? Hindi ba dapat magalit siya rito?
From: Kylie
[Babe, on my way to school na ako. Ang aga ko diba? Actually late na nga ako. 7AM start ng class namin today haha. Lagot ako nito kay Ma’am huhu] Recieved: 6:49 AM
Napangiti ako bigla pagkabasa ng text. Kailangan niya nang magmadali para hindi siya malagot sa kaniyang guro. Mahuhuli din sana ako dahil traffic sa daan. Mabuti na lang at naka-motor ako kaya nakakapag-overtake ako at hindi na-stuck sa traffic. Kadarating ko nga lang sa eskuwelahan nang pumasok ang message niya.
Malaki rin talaga ang naitutulong kung may sariling sasakyan. Hindi ako nahihirapang pumasok sa eskuwela. Hindi ko na kailangan mag-abang sa mga pampasaherong sasakyan at pumili o makipag-agawan. Dahil sa niregalong motor sa akin ni Papa, napadali ang pagpasok ko sa eskuwela. Nakatipid na ako sa pamasahe, nakaiwas pa ako sa traffic.
From: Kylie
[Babe, mabuti na lang at hindi ako na-late. Mas nauna ako kay Ma’am. Ang bilis kasi magmaneho ng sinakyan kong jeep. Share ko lang.] Recieved: 7:05 AM
Nakaupo ako sa classroom at naghihintay ng guro namin nang mag-text uli siya. Good to know that she didn’t get late. After a minute, she texted again.
From: Kylie
[Babe, later na lang. Mag-start na ang klase. I love you.] Received: 7:06 AM
No’ng break time, mag-isa lang ako sa classroom dahil nasa canteen ang mga kaklase ko para bumili ng snacks. Niyaya ako ng dalawang tokmol pero hindi ako sumama. Hindi naman ako nagugutom. Ayoko rin pumunta ng canteen dahil crowded. I hate crowded places. Hangga’t maaari ay hindi ako pumupunta sa mga mataong lugar. Sometimes, I skipped meal or I just bring my own lunch food. Napipilitan lang akong pumunta ng canteen kapag gutom na gutom na ako at wala akong dalang pagkain.
Nakinig na lang ako ng music sa earphones habang nagdo-doodling. Nasa gano’n akong sitwasyon nang mag-text uli si Kylie.
From: Kylie
[Babe?] Received: 9:16 AM
Napakunot-noo ako. Bigla akong nakaramdam ng kaba. Nakakaramdam na kaya siya na hindi na ang boyfriend niya ang may hawak nitong cellphone?
From: Kylie
[Babe, I’m so sad. I know that it’s been three weeks without you pero hindi pa rin ako sanay na hindi ka kasama tuwing snack time. Mag-isa lang ako ngayon. Alam mo naman na ikaw lang ang nakakasama ko sa cafeteria. Sino makakasama ko sa lunch mamaya?] Received: 9:17 AM
Napahinga ako nang maluwag pagkabasa ng sunod niyang text. Akala ko kung ano na. Nami-miss niya lang pala ang boyfriend niya.
From: Kylie
[Nasa’n ka na ba, babe? I miss you so very much.] Received: 9:17 AM
“Baka nagloloko na,” sagot ko sa hangin.
“Sinong nagloloko?”
“Sinong kausap mo diyan sa cellphone? Yung chiks ba?”
Mariin akong napapikit nang marinig ang boses ng dalawang tokmol. Nakabalik na ang mga ito galing sa canteen dala ang mga binili nilang pagkain. Naglapag ng bukas na chichirya si Baron sa desk ko pagkaupo niya sa tabi ko. Naupo naman si Calvin sa kabila ko.
“None of your business.”
“Pa-showbiz naman ‘tong si Troy! Sige na, share mo naman ‘yang pinagkakaabalahan mo,” ani Calvin.
“Hindi mo pa rin ba sinasabi kung sino ka?” tanong ni Baron.
“Sasabihin ko rin sa kaniya pero hindi pa ngayon.”
“Bakit? Kawawa naman. Aasa nang aasa lang siya.”
Hindi na ako nagsalita. Mabuti na lang at ilang sandali lang ay nagsimula na uli ang klase kaya hindi na rin nila ako kinulit pa.
Habang nasa klase kami ay nakatanggap uli ako ng text kay Kylie. Hindi ko alam kung wala lang ba silang klase sa mga oras na ito o sadyang gumagamit siya ng cellphone sa oras ng klase.
From: Kylie
[Babe, napagalitan ako. Pinatayo ako ni Prof at tinanong about something pero di ako nakasagot. Lutang kasi ako kaiisip sayo. Haays!] Recieved: 11:24 AM
Nagiging distraction na ang boyfriend niya. Hindi na maganda ang naidudulot nito sa kaniya. She needs inspiration not distraction.
From: Kylie
[Alam kong tuwang-tuwa ka kapag nagkukuwento ako sayo tungkol sa academic performance ko. Kapag nakaka-recite ako sa class at nakakakuha ng high score sa quiz, may reward akong nakukuha mula sayo. Alam kong malulungkot ka kapag itinuloy ko ang ganitong pagpapabaya sa study ko. Sorry, babe. Hindi ko lang kasi matiis na isipin ka. Hayaan mo, babawi ako. Ibabalik ko ang ako na magaling sa klase. I’ll do this for you. Aasahan ko ang reward mo, ah?] Received: 11:28 AM
“Do that for yourself, Kylie, not for him,” bulong ko pagkabasa sa mahaba-habang text niya.
Pagdating ng tanghalian ay saka uli ako naka-received ng text galing sa kaniya. Kumakain kami sa canteen nang mag-text siya.
From: Kylie
[Happy noon time! Tara, kain? Huwag kang magpapalipas ng gutom, babe. Btw, may kasama na ako ngayon sa lunch. Si Helen, kaklase ko siya at close friend. Alam kong hindi mo siya kilala kasi ikaw yung tipo ng lalaki na walang pakialam sa iba kundi sa sarili mo lang, sa akin at sa atin. Kinikilig ako. Hehe.] Received: 12:06 PM
Mabuti na lang at may makakasama na siya. Nag-aalala din kasi ako para sa kaniya. Baka ma-stress siya kaiisip sa boyfriend niya kung palagi siyang nag-iisa. She really needs a companion.
Uwian na nang mag-text uli siya. Pasakay na ako ng motor nang matanggap ko ang message niya. Napatigil pa ako dahil medyo may kahabaan ang text niya.
From: Kylie
[I’m going home alone. Dati nasa labas ka ng classroom, hinihintay ang dismissal namin para sabay tayong umuwi. Daming inggit na kaklase ko sa akin dahil ang swerte ko raw na may boyfriend akong sobrang gwapo at mahal na mahal ako. Pag-uwi galing ng school, dadaan ka muna ng bahay para magmano kila Mama at Papa tapos ipapaalam mo ako sa kanila na dadalhin mo ako sa bahay ninyo para manood ng anime. Palagi naman nila tayong hinahayaan kasi alam nilang hindi natin sila bibiguin. Alam natin ang limitasyon at gagawin lang ang bagay na iyon kapag kasal na tayo. You’re a great man, babe. You know how to control yourself. You respect me a lot and love me unconditionally that’s why I can’t let you go so easily.] Received: 5:37 PM
Naghintay ako ng kasunod sa text niya pero lumipas ang ilang minuto na wala nang sumunod na text kaya sumakay na ako ng motor ko at nagmaneho pauwi.
Twenty minutes ang nakalipas nang makarating ako sa bahay nang may pumasok uli na text message sa cellphone galing kay Kylie. Nakaupo ako sa harap ng study table at ginagawa ang aking assignment. Huminto ako sa paggawa ng assignment para basahin ang text niya.
From: Kylie
[Babe, when I was on the way home, I met Angel. Tinanong ko siya kung may balita na siya sayo pero maging siya na pinsan mo ay walang alam sa nangyayari sayo. Ang alam niya lang ay lumipat na kayo ng bahay pero hindi niya alam kung saan. Nag-aalala na ako, babe.] Received: 6:27 PM
Lumipat ng tirahan nang walang pasabi sa girlfriend niya at kahit sa pinsan niya. Nakakapagtaka na. Hindi ko mapigilang magduda sa boyfriend na ito ni Kylie. Ano ba talagang nangyari dito?
From: Kylie
[Babe, parang maloloka na ako sa kaiisip kaya kung pwede, magparamdam ka na sa akin, ha?] Received: 6:29 PM
“Sorry, Kylie. Hindi siya magpaparamdam sa ‘yo dahil nasa akin ang cellphone niya. Ako ang nakaka-received ng text mo, hindi siya.” Bumuntong-hininga ako.
Akala ko may kasunod pa ang text niya pero wala na pala. Hindi kaagad ako nakabalik sa ginagawa ko dahil binabagabag na naman ako ng konsensiya. Ano bang gagawin ko?
Humugot ako nang malalim na hininga. Namalayan ko na lang ang sarili kong nagta-type ng text message para kay Kylie. Sinubukan kong may mabuong text pero wala akong mahanap na sasabihin. Hindi ko alam kung paano sisimulan. Hindi ko alam kung ano’ng dapat kong i-text kay Kylie.
Pinagpatuloy ko ang pagtipa pero kahit ano’ng gawin ko ay parating pagbura lang ang nangyayari sa huli. Nagpakawala ako ng malalim na buntong-hininga. Suko na ako.
“Pasensiya na, Kylie.”
From: Kylie
[Inutusan ako ni Mama na magluto kanina kaya hindi ako naka-text. Babe, gumagaling na ako sa pagluluto. Kapag naging mag-asawa na tayo, hindi ka lang busog sa pagmamahal ko, sisiguraduhin ko ring busog ka palagi sa masasarap na pagkaing lulutuin ko. I’ll master cooking.] Received: 8:29 PM
Tama ang ginawa niya. Imbes na isipin ang kaniyang boyfriend, mas maganda kung itutuon niya ang atensiyon niya sa ibang bagay. She must be stress-free.
From: Kylie
[By the way, I checked your f*******: account. Kailan ka pa nag-deactivate, babe?] Received: 8:34 PM
Nag-deactivate? Kumunot ang noo ko. Nakakapangduda na talaga ang mga nangyayari. Bakit kailangan niyang mag-deactivate? Bakit hindi niya magawang magparamdam kay Kylie? Oo, alam kong nasa akin ang cellphone niya pero nasa kaniya ang will kung gusto niya talagang magparamdam kay Kylie.
From: Kylie
[Saglit lang, babe. Tinatawag ako nina Kuya. I’ll be back.] Received: 8:49 PM
From: Kylie
[I’m back, babe. Miss me? I miss you too!] Received: 10:54 PM
From: Kylie
[Tinawag ako nina Kuya kasi nagtatanong na sila tungkol sa atin.] Received: 10:55 PM
From: Kylie
[Babe, sina Mama, Papa, Kuya Kevin at Kuya Kyle, nagtataka na sila kung bakit hindi ka na nila nakikita. Madalas na ang pagtanong nila kung anong nangyayari sa ating dalawa. May problema raw ba tayo. Hindi pa nila alam na umalis na kayo sa dati ninyong tirahan. Anong sasabihin ko sa kanila? Ayaw ko naman na basta-bastang magsalita at baka mali ang isipin nila.] Received: 10:58 PM
Hindi lang siya ang apektado sa ginagawa ng boyfriend niya, nadadamay na rin ang pamilya niya sa pag-aalala.
From: Kylie
[Babe, mabuti na lang at marami tayong pictures together dito sa gallery ko. Tinitingnan ko na lang ang pictures natin kapag nami-miss kita. Halos 3k ang pictures natin. Kaloka.] Received: 11:02 PM
Ang dami na siguro nilang memories. Paano kung hanggang memories na lang ang mga ito? Sana hindi naman. Kawawa si Kylie.
From: Kylie
[11:11 PM. Sabi nila, pwede raw humiling sa oras na ‘yan. Kung totoo man, isa lang ang hiling ko. Sana magparamdam ka na sa akin. Good night, babe. I love you so much!] Received: 11:11 PM
“Sana magkatotoo ang hiling niya. Please do grant her wish, 11:11 PM.”