Chapter 5

2187 Words
"SAAN KA ba nakatira, Sariah? At ihahatid na kita," tanong ni Shawn sa dalagang kasama. Inabot din sila ng alas siete y media sa site na iyon sa Alabang kaya naman napagpasyahan niyang ihatid na lang ito. "Ay, huwag na po, sir kahit sa tapat ng opisina niyo na lang po ako ihatid. May masasakyan pa naman po ako mula roon pauwi sa amin," tanggi naman ng dalaga. "I insist, gabi na rin masyado at hindi maganda para sa isang dalagang katulad mo ang umuuwi ng mag-isa," mariing tutol din ni Shawn. "Ituro mo na lang sa 'kin paglagpas natin ng opisina. Tatawagan ko lang ang asawa ko," dagdag pa niya pagtapos ay sinumulan muling i-dial ang numero ng asawa. "Hello, hon?" sagot naman kaagad nito. "Pauwi na ko, honey, may gusto ka bang pasalubong?" tanong naman niya rito. "Hindi, wala naman, nag-dinner na rin kasi ako akala ko gagabihin ka ng husto," tugon naman ni Bella. "Ikaw ba kumain ka na?" tanong naman nito. "Baka sa daan na ako kumain, para pagdating diyan sa bahay ay pahinga na lang ang gagawin ko. Kung inaantok ka na, mauna ka nang matulog, ha. I love you!" paalam naman niya rito. "Sige, honey, walang problema. Mag-iingat ka sa biyahe, okay?" "Okay, hon, bye!" Pagbaba niya ng tawag na iyon ay napansin niya si Sariah na nakatayo di kalayuan sa kaniya at nakahawak sa sikmura nito. Batid niyang nagugutom na ito kaya naman lumapit siya sa dalaga. "Sariah, sumakay ka na. Kakain muna tayo bago umuwi," utos naman niya rito. Tumalima naman si Sariah at sumakay na ng sasakyan ni Shawn. Pagsakay nito ay pinaandar na rin ni Shawn ang kaniyang sasakyan. "Saan mo ba gustong kumain?" tanong ni Shawn kay Sariah habang nagmamaneho. "Kahit saan po, sir, hindi naman po ako mapili," tugon naman ng dalaga. "Anyway, nakapagpaalam ka ba sa inyo na gagabihin ka ngayon baka hanapin ka nila dahil anong oras na rin," nag-aalalang wika naman ni Shawn. "Okay lang po, sir, mag-isa lang naman po ako sa bahay simula nang makulong ang Tatay ko," malungkot na wika nito, nagulat siya kaya napalingon siya rito. "Ah. Maaga po kasi namatay ang Nanay ko, pitong taon pa lang po ako kaya si Tatay na ang mag-isang nagtaguyod sa 'kin pero dahil nga hindi naman po kami mayaman ay hindi rin po ako nakatapos ng pag-aaral," dagdag pa nito. "Kung ikaw ba ang tatanungin, gusto mo pang mag-aral?" Nagulat si Sariah sa tanong na iyon ni Shawn. "Oo naman po, sir. Gusto kong makapagtapos at makahanap ng mas maayos na trabaho para makaipon ako kahit pang-piyansa man lang ng Tatay ko," tugon naman nito at nag-aalangan na tumingin sa kaniya. "Pero, sir, hindi ko naman po sinasabi na hindi maayos ang trabaho ko sa inyo, malaki lang po talaga ang pangangailangan ko," mabilis ding bawi nito kaya natawa si Shawn. "Alam mo hindi iyon ang iniisip ko. Natural lang naman sa tao ang mangarap ng mataas lalo kung naranasan na niya yung pagkakataong walang-wala. Bata ka pa naman, Sariah, at sigurado ako malayo pa ang mararating mo. Huwag ka lang susuko sa mga bagay na gusto mong mangyari sa buhay mo," payo naman ni Shawn dito. "Bakit po ba, sir ang bait ninyo sa 'kin?" di makatiis na tanong ni Sariah kaya muling natawa si Shawn. "Kahit tanungin mo ang kahit sinong empleyado ko ay ganito ako sa lahat sa inyo. Dahil sa maniwala ka't sa hindi naranasan ko rin yung punto na walang-wala ako at may mga kaibigan lang ako at mabait na asawa na sumuporta sa 'kin kaya narating ko ang kinalalagyan ko ngayon at kaya nga ibinabalik ko 'yon sa mga taong alam kong kailangan din ng tulong ko," saad naman niya, hindi rin niya alam kung bakit napakagaan ng loob niya sa dalaga. Siguro nga'y dahil nakikita niya ang sarili niya rito noong panahon siya man ay lugmok na lugmok. "Mukhang mabigat nga rin ang pinagdaanan ninyo, sir pero masuwerte po kayo dahil may mga taong tumulong sa inyo," malungkot na namang wika nito. "Ako po kasi wala na akong ibang malapitan kaya sarili ko na lang po talaga ang aasahan ko sa mga ganitong pagkakataon." "Basta huwag ka lang mawawalan ng pag-asa, walang imposible kapag ginawa mo ang lahat ng makakaya mo." Tumahimik naman si Sariah, iniisip nitong mabuti ang bawat salita na binitiwan ni Shawn sa kaniya. Tahimik namang pumasok si Shawn sa unang drive-thru na kaniyang nadaanan. "Anong order mo, Sariah? Pumili ka na riyan." "Kahit ano na lang po, sir, kayo na po ang bahala," tugon naman nito. Tumango naman siya at umorder lang siya ng pagkain para sa kanilang dalawa. Isang burger na may kasamang softdrinks ang in-order niya para sa kaniya at in-order naman niya ng rice meal si Sariah. "Iyan lang po ang kakainin ninyo, sir?" nagtatakang tanong ng dalaga. "Oo, okay na rin ito dahil hindi pa naman ako gutom," tugon naman ni Shawn habang kumakagat sa burger na hawak niya. "Saka mahirap din kumain ng rice habang nagmamaneho." Binuksan naman ni Sariah ang pagkaing bigay niya para rito at kinuha ang isang pirasong manok na nasa loob noon. At nagulat si Shawn ng itapat nito iyon sa bibig niya. "Sige na, sir, susubuan na lang kita habang nagda-drive ka," wika naman ni Sariah na mas ikinagulat niya. "Hindi na, kainin mo na iyan, binili ko nga 'yan para sa 'yo," mariing tanggi naman ni Shawn. "Dalawa naman po ito, sir. Kaya kainin mo na po," pamimilit pa rin nito at mas lalong inilapit sa bibig niya ang manok na hawak nito kaya wala na siyang nagawa kundi ang kagatin iyon. Napangiti naman si Sariah ng makita ang pagkagat na ginawa niya. Dinampot naman nito ang kutsara at kumuha ng kanin at isinubo rin sa kaniya. Noon lamang niya naramdaman ang totoong gutom kaya tinatanggap din niya ang bawat isinusubo nito. Naghati sila sa kaunting kanin na kasama ng in-order niya, pagsubo nito sa kaniya ay susubo rin ito ng para dito. Ganoon ang ginagawa ng dalaga hanggang sa maubos nila ang kaunting pagkain na binili niya. "'Kala ko ba, sir hindi naman kayo gutom?" natatawang tanong ni Sariah kay Shawn. "Akala ko nga rin," natatawang wika rin ni Shawn. "Saan kita ihahatid Sariah?" tanong niya sa dalaga nang mapansin na nakalagpas na sila ng opisina. "Sa Payatas pa rin po kasi ako umuuwi, sir, malayo po masyado kung ihahatid niyo pa ako. Hinihintay ko pa po kasi ang sahod ko para makahanap ako ng mauupahan malapit sa opisina," usal naman nito at nag-aalalangan sabihin sa kaniya ang direksiyon. "Ihahatid na nga kita. Ang tigas talaga ng ulo mong bata ka, eh," nakukulitang wika niya rito. "Saan ba ang pinakamalapit na landmark doon sa inyo?" "Sa Litex Market po, sir," sagot naman nito.Tumango lang siya rito. Binagtas niya ang daan papuntang Quezon City. Medyo ma-traffic dahil na rin sa inabutan sila ng rush hour. Tahimik lang ito kaya nilingon niya ang dalaga, hindi niya maiwasang mapangiti dahil nakatulog na ito habang nakahilig ang ulo sa bintana ng kaniyang sasakyan. Alam niyang lubhang napagod ito sa pagsama sa kaniya. Nasa dalawang oras din ang naging biyahe nila nang marating nila ang Litex Market ay naghanap siya ng maaari niyang paradahan upang gisingin ang dalaga dahil mula roon ay hindi na niya alam kung saan pa ito ihahatid. "Sariah..." mahinang tapik niya sa balikat nito ngunit nananatiling tulog ito. "Sariah?" sa pagkakataong iyon medyo nilakasan niya ang pagkakatapik niya, gumalaw naman ito at gumawi sa kaniya ang ulo nito ngunit mahimbing pa rin ang pagkakatulog. Hindi niya maiwasang mapatitig sa maamong mukha nito, lalo na sa mapulang mga labi nito. Bahagya niyang ipinilig ang ulo at pinalis ang kung anomang tumatakbo sa utak niya. "Sariah?" sa pagkakataong iyon malakas na ang pagtawag niya sa pangalan nito at tinapik na ito ng malakas sa pisngi. Nagising naman ito. "Nandito na tayo sa Litex, saan ba kita ihahatid dito? Hindi mo kasi nabanggit kaya ginising na kita." Mabilis naman nitong nilingon ang paligid. "Ah, sir dito na lang po ako, may tricycle naman na po riyan. Isang sakay na lang mula rito saka baka ma-traffic pa po kayo eh," wika nito at binitbit ang mga gamit nito kaya bago pa man siya makapagsalita ay mabilis na itong nakababa ng kaniyang sasakyan. "Marami pong salamat, sir! Bukas na lang po ulit," nakangiting paalam naman nito sa kaniya kaya ngumiti na lang din siya rito saka nito isinarang muli ang pintuan ng kaniyang sasakyan. Nasundan na lamang niya ng tingin ang dalagang naglalakad palayo sa kaniya. Nang makita niyang nakasakay na ito ay muli niyang pinaandar ang sasakyan niya at nagmaneho pauwi naman sa kanila. Nang makarating sa kanilang bahay sa Mandaluyong ay sa kuwarto kaagad siya dumeretso. Tulog na tulog na si Bella, pagpasok niya. Naligo at nagbihis na muna siya bago tumabi rito. Naalimpungatan naman ito pagkahiga niya. "Uhmmm... kararating mo lang, hon?" mapungay pa ang mata na tanong nito sa kaniya. "Oo, hon. Ang traffic kasi masyado saka naawa ako roon sa secretary ko kaya inihatid ko pa ng Quezon City," kuwento naman niya rito. Umayos ito ng higa at mahigpit na yumakap sa kaniya. "Kumain ka na ba?" tanong nito. "Oo, gusto ko na rin magpahinga dahil sa pagod," tugon naman niya at yumakap din ng mahigpit dito. "Honey?" tawag nito sa kaniya kaya alam niyang may sasabihin ito. "Bakit?" "Parang hindi pa ako makakapag-resign," malungkot na wika nito, di siya sumagot at hinintay ang iba pa nitong sasabihin. "I mean mag-reresign ako sa Magtanggol Law Firm pero baka hindi ako tumigil, nakatanggap kasi ako ng offer from Prosecutor's Office at ayokong palagpasin 'yon, honey, alam mo naman na iyon talaga ang pangarap ko, hindi ba?" Hindi siya sumagot sa halip ay inalis niya ang pagkakayakap nito sa kaniya saka muling tumayo mula sa pagkakahiga. "Shawn?" pigil naman nito ngunit tumuloy siya sa pagtayo saka ito hinarap. "What do you expect from me, Bella?" matabang na sagot niya sa asawa. "Gusto mo sabihin ko, na 'sige, honey tanggapin mo na 'yan'. For God sake, Bella ang tagal kong hinintay na sabihin mo sa 'kin na titigil ka na. For 7 years hinayaan kita sa lahat ng gusto mong gawin sa buhay mo. Alam mo kung gaano ako kasaya na marinig sa 'yo na sa wakas gusto mo nang simulan itong pamilya na ito which is you are already 7 years late," di mapigilang sumbat niya rito. Hindi ito sumagot at nakita niya ang pamumuo ng mga luha nito. "Bella, tulad ng sabi mo hindi na tayo bumabata. Sana alalahanin mo 'yon." "Shawn, please, just gave me another year. No, even six months, sapat na yung anim na buwan para makapasok ako sa Prosecutor's Office," patuloy na pakiusap nito sa kaniya. "Then what? After mong makapasok diyan sa Prosecutor's Office, ano naman ang susunod na hihilingin mo sa 'kin? Ang usapan natin, Bella, titigil ka na. Sa 'yo 'yon mismo nanggaling at hindi sa 'kin." "Shawn, please. Pag naman nakapasok na ako sa Prosecutor's Office madali na lang para sa 'kin ang pagbuo natin ng pamilya dahil hindi 'yon katulad ng private law firm, na wala kaming magagawa kundi tumanggap lang nang tumanggap ng kaso dahil doon kami magkakapera. Saka may mga batchmate na akong nasa Prosecutor's Office at hindi naman daw ganoon kabigat ang workload nila." Pagtapos ay tumayo ito at lumapit sa kaniya. "Shawn, please?" pakiusap pa rin nito saka humawak sa pisngi niya. "Sa tagal ng relasyon natin, Bella, kapag ba may gusto ka napigil ba kita? 'Di ba hindi naman? Kaya kahit anong sabihin ko o paliwanag ang gawin ko, sarili mo pa rin ang susundin mo. Iyon ang bagay na hindi nawala sa ugali mo mula nang ikasal tayo. You've never counted my opinion. Palagi mong pinaglalaban yung karapatan mo bilang babae pero paano naman yung stand ko at karapatan ko sa buhay mo bilang asawa? Nabilang mo ba 'yon?" Totoong masamang-masama ang loob niya rito at sa tagal ng pagsasama nila ganoon na kalalim ang bigat na itinatago niya sa asawa. "Ganoon ba ang tingin mo, Shawn? Na walang halaga sa 'kin ang kahit anong sasabihin mo? Bakit pa ko nagpapaalam sa 'yo kung wala rin palang halaga ang sasabihin mo?" di makapaniwalang wika nito. "Hindi ka nagpapaalam, Bella. Nagsasabi ka lang. You already had your own plan bago mo pa man 'yon banggitin sa 'kin kasi kung nagpapaalam ka lang, pag sinabi kong ayaw ko, hindi mo 'yon gagawin. Kaya nga tayo nagdedebate ngayon hindi ba? Dahil ayokong pumayag sa gusto mong mangyari." Bumitiw ito sa kaniya at bahagyang lumayo. "Next week na ang Prosecutor's Conference and Training sa Subic. At hindi ko palalagpasin ang opportunity na iyon, Shawn. Kaunting panahon na lang naman ang hinihingi ko sa 'yo." Napailing siya sa sinabi nito. "See that? Sana for the first place hindi mo na sinabi sa 'kin na titigil ka para hindi na ako umasa pa, Bella," saad niya bago ito tuluyang talikuran. Mas pinili niyang matulog sa study room niya upang iparamdam sa asawa na hindi siya sang-ayon sa gusto nitong mangyari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD