BUONG akala ni Shawn ay tatablan si Bella sa pag-iwas na ginagawa niya rito. Ngunit sa dalawang araw na lumipas maging ang asawa ay umiiwas lang din sa kaniya. Alam niyang nakikipagmatigasan ito upang mapagbigyan niya ito.
"Bukas baka hindi ako nakauwi, may aasikasuhin ako sa site sa Batangas at tatlong araw ako roon," paalam ni Shawn sa asawa kahit nag-rerebelde ang loob niya rito.
"Okay," maikling sagot naman ni Bella. "Baka pagbalik mo ay nasa Subic na rin ako. Two weeks training iyon kaya mahigit dalawang linggo tayong hindi magkikita. Nakapag-resign na rin ako sa law firm, aayusin ko na lang din yung mga gagamitin mo sa loob ng dalawang linggo."
"Talaga bang hindi mo maramdaman na ayaw ko sa gusto mong mangyari na 'yan, Bella?" di makapaniwalang tanong ni Shawn sa asawa.
"Tulad ng sinabi mo, hindi ako nagpapaalam sa 'yo. Nagsasabi lang din ako," walang ganang tugon ni Bella.
"Hanggang kailan ba na puro career mo lang ang iintindihin mo? Kailan mo mare-realize na kailangan ko rin ng asawa?"
"Shawn, pag-aawayan na naman ba natin 'to? Sinabi ko na sa 'yo hindi ko kayang tanggihan yung offer na 'to. It was a once in a lifetime opportunity. Sana naman intindihin mo ko, pakiusap naman," malungkot na wika ni Bella.
"Bella, sawang-sawa na ko riyan sa once in a lifetime opportunity na lagi mong dinadahilan sa 'kin! Sana pala sinamantala mo ang lahat ng 'yan bago ka pumayag na magpakasal sa 'kin kasi ganoon din naman. Mula noon hanggang ngayon sarili mo lang ang pinakikinggan mo, yung sariling gusto mo lang ang sinusunod mo!" di napigilang sigaw ni Shawn.
"Shawn, pakinggan mo kasi muna ako, ito na lang yung huling hihilingin ko sa 'yo," malumanay na wika ni Bella sa tagal ng pagsasama nila ay noon lamang niya nakitang magalit ng ganoong si Shawn sa kaniya.
"No, Bella, this time ako naman ang pakinggan mo! Kung hindi mo kayang makinig sa 'kin lumayas ka sa bahay na 'to!" Doon tuluyang bumagsak ang mga luha ni Bella.
"Then fine! Aalis ako!" sigaw na rin ni Bella sa asawa saka ito mabilis na tumalikod kay Shawn. Tinungo nito ang kanilang silid at nilabas ang maleta saka isa-isang inilagay doon ang kaniya mga damit.
"At talagang pipiliin mo pang umalis?" di makapaniwalang tanong ni Shawn.
"Ito 'yong gusto mo hindi ba? Ang umalis na ako!"
"Hindi iyan ang gusto ko!" nauubusan ng pasensiya na sigaw ni Shawn saka lumapit kay Bella. "Ang gusto ko buoin na natin itong pamilya na 'to, Bella, alam mo kung gaano ako nasasabik na magkaroon ng sarili kong pamilya dahil alam mo na maaga akong naulila!" wika nito habang isa-isang ring tinatanggal ang mga damit na inilalagay niya sa maleta.
"Shawn, alam ko naman 'yon! At handa naman akong ibigay 'yon sa 'yo. Huling anim na buwan na lang ang hinihingi ko sa 'yo pakinggan mo naman ako."
"Hindi ka handang ibigay 'yon sa 'kin dahil kung handa ka talaga. Noong una pa lang, noong pagkakasal pa lang natin naibigay mo na 'yon!" Pagtapos ay naupo si Shawn sa kama nila at huminga ng malalim. "Pero sige alam ko naman wala akong magagawa. Alam ko na kahit anong gawin at sabihin ko hindi kita mapipigil. Gawin mo na lang lahat ng gusto mong gawin sa loob ng anim na buwan at kung handa ka na talaga saka mo ko kausapin." Pagtapos ay tumayo siyang muli at lumakad palabas ng silid na iyon.
Bagsak din ang balikat ni Bella habang sinusundan ng tingin ang asawa. Alam niya sa pagkakataon na 'yon na totoong labag sa loob nito ang pagpasok niya sa Prosecutor's Office ngunit noon pa man ay talaga iyon ang tanging pangarap niya kaya sa loob ng maraming taon ay nagsumikap siya upang maging isang magaling na abogado.
Lumapit siya sa suitcase niya, binuksan niya iyon at tiningnang muli ang application form na ipapasa niya pagdating sa conference and training nila sa Subic.
Huminga siya ng malalim at muling tiningnan ang papel na iyon. Sige pagtapos ng training saka ako magdedesisyon ng dapat kong gawin pero sa ngayon kailangan kong pumunta sa training na iyon.
Iyon ang naging huli niyang desisyon bago muling ibinalik ang papel sa loob ng suitcase niya.
Nang araw na iyon ay inayos niya ang lahat ng dadalhin ng asawa papuntang Batangas pati na ang mga gagamitin nito para sa loob ng dalawang linggo na mawawala siya.
Ganoon naman siya kahit na madalas ay abala siya ay hindi pa rin niya pinababayaan ang responsibilidad niya kay Shawn bilang asawa nito dahil kapag may pagkakataon ay siya pa rin ang naglalaba at nagluluto para sa asawa.
Kahit pa madalas nilang pagtalunan ni Shawn ang tungkol sa career niyang iyon ay laging ito ang sumusuko sa kaniya. Ngunit alam rin ni Bella na sa pagkakataon na iyon ay nauubusan na nang pasensiya sa kaniya ang asawa.
"OH BAKIT ang sama naman yata ng mukha mo ngayon?" nakakunot noong tanong ni Seo kay Shawn pagpasok pa lang nito ng coffee shop.
"For the nth times, ayon nagbago na naman ang isip ni Bella at ang gusto niya naman ngayon mag-prosecutor! Letseng career 'yan hindi na natapos sa pagiging karibal ko sa buhay niya!" bulyaw ni Shawn habang papaupo sa paboritong puwesto nilang magkakaibigan.
"Sinabi mo ba sa kaniya na ayaw mo?" nag-aalalangang tanong ni Seo sa kaibigan.
"Oo naman, tol! Dalawang gabi nga akong hindi natulog sa kuwarto namin pagtapos ngayon malaman-laman ko nakapag-resign na pala siya sa law firm at papunta naman ng Subic para sa conference and training. Hindi ba, nakakawalang respeto lang sa pagiging mag-asawa namin?" naiiling pang wika nito.
"Siguro naman, nag-iisip na 'yon si Bella ngayon. Ang hirap naman kasi ng buhay ninyon mag-asawa, yung ibang asawa pera lang ang problema kayo ang tagal-tagal na ninyo hanggang ngayon iyan pa rin ang problema ninyo."
"Siya lang naman ang may problema sa amin dalawa! Ako kayang-kaya ko siyang buhayin kahit hindi niya ipagsisikan yung sarili niya sa law firm na 'yon tapos ngayon naman nagkaroon ng pagkakataon makapasok sa prosecutors office iyon naman ang gusto niya ngayon! Hindi ko na maintindihan ang gusto noon sa buhay!"
"Aminin mo, Shawn, may problema ka rin dahil ilang beses ka rin namang tumikim ng iba bukod sa asawa mo! Masuwerte ka na nga lang dahil sobrang abala ni Bella wala na siyang pagkakataon na isipin pa yung mga ganoon," naiiling na kastigo naman ni Seo sa kaibigan.
"Kung nagagawa ko mang tumikim ng iba dahil lang 'yon sa stress na ibinibigay niya sa 'kin! Kung hindi ko lang talaga siya mahal baka matagal ko na siyang iniwan! Pero, dude, hindi ko kaya sa ganitong mga away namin ako pa rin naman yung susuko."
"So, ano, gusto mo bang iinom na lang 'yang hinanakit mo sa buhay?" tanong ni Seo sa kaibigan.
"Hindi na," tanggi naman ni Shawn. "Kailangan ko lang talagang masabi sa inyo 'to ni Bray. Aalis kasi ako bukas, kailangan kong asikasuhin yung project na sisimulan sa Batangas kaya hindi ako pwedeng mag-inom. Pagbalik ko na lang tutal two weeks namang mawawala 'yon si Bella. Sabihan mo na lang si Bray," pagtapos ay tumayo na si Shawn sa kaniyang kinauupuan.
"Oh, saan ka naman pupunta?"
"Aalis na. Dadaan pa ko ng opisina, ihahanda ko pa yung mga dokumento na kailangan kong dalhin para bukas," wika ni Shawn saka tuloy-tuloy na lumabas ng coffee shop na iyon ni Seo.
Si Seo naman ay naiiling na lang na nasundan ng tingin ang kaibigan. Ganoon naman palagi si Shawn palibhasa nga maaga nawalan ng magulang kaya sa mga kaibigan ito madalas naglalabas ng sama ng loob sa asawa.
SA KABILANG banda naman ay abala si Sariah sa pag-aayos ng kaniyang gamit na dadalhin niya sa pagpunta nila ng Batangas. Tatlong araw sila roon kaya pinili na niya ang pinakamaaayos niyang damit, naubos din kasi ang ipon niya sa kakaasikaso niya sa kaso ng kaniyang ama. Kaya hindi pa siya makabili man lang ng mga bagong damit na magagamit niya sa pagpasok sa opisina.
"Seryoso ka na ba sa gagawin mo, ateng?" tanong sa kaniya ni Trina na matalik niyang kaibigan.
"Oo naman, saka wala nang makakapagpabago ng isip ko. Ito na lang ang naiisip kong paraan para kahit paano maiganti ko ang Tatay ko," buong loob na tugon niya rito.
"Pero gaano ka ba kasi kasigurado na talagang walang kasalanan ang Tatay mo. Kilala mo rin 'yon lahat gagawin noon para kahit paano umangat sa buhay," naiiling na wika ng kaibigan.
"Alam mo, Trina, kung hindi ako maniniwala sa Tatay ko, sino pang maniniwala sa kaniya saka sigurado ako na hindi niya magagawang magnakaw ng ganoong kalaking pera saka kung siya nga ang gumawa noon, eh di sana wala na kami sa impiyernong lugar na 'to," pagtatanggol naman niya sa kaniyang ama.
"Sabagay may punto ka naman doon pero, bakit ba kay Atty. Santillan ka galit na galit, ha? Eh, hindi naman siya ang nagpakulong sa Tatay mo, abogado lang naman siya si Mr. Hernandez."
Muling bumalik sa alaala niya ang araw na binalak niyang puntahan ang amo ng kaniyang ama upang makiusap na iatras ang kaso at siya ang handang magbayad ng malaking halaga na ibinibintang nito sa kaniyang ama. Ngunit sa kasamaang palad ay narinig niya si Atty. Santillan sa ipinayo nito kay Mr. Hernandez na kung nais nitong manalo sila sa kaso ay bayaran nito ang husgado na kasalukuyang may hawak ng kasong iyon.
"Dahil siya ang totoong dahilan kung bakit nakakulong ang Tatay ko saka wala na akong pakialam sa kahit ano pang mangyayari, Trina. Dahil ang totoo naman sa mundong ito kapag wala kang pera wala kang kalaban-laban," tanging naisagot niya sa kaibigan.
"Pero gaano ka kasigurado na mahuhulog naman sa alindog mo ang asawa ni Atty. Santillan?"
"Sigurado ako dahil bago ko ito gawin ay isang buwan ko naman siyang sinundan, talagang marupok ang asawa na iyon ni Atty. Bella Santillan, hindi ko nga lang malaman kung bakit hindi niya iyon napapansin o ganoon na lang talaga kalaki ang tiwala niya sa sarili niya na hindi siya magagawang lokohin ng asawa niya," naiiling na wika niya. "Sabagay, mas maganda nga iyon para siguradong tatagos sa kaniya ang gagawin ko."
"Mukhang desidido ka na nga talaga, pero hindi ka ba talaga natatakot? Dahil abogado iyang binabalak mong talunin at tulad ng sinabi mo walang kalaban-laban sa mundong ito ang taong walang pera."
"Hindi ako natatakot dahil sa pagkakataong ito asawa niya ang magiging kalaban niya at hindi ako. Sa totoo lang dapat nga magpasalamat pa siya sa 'kin dahil kung hindi dahil sa akin ay hindi niya malalaman na matagal na pala siyang iniiputan ng asawa niya," wika niya pagtapos ay tumayo. "Teka, magbibihis lang ako."
"Bakit pala tanghali na ang pasok mo ngayon?" nagtatakang tanong nito habang nagbibihis siya sa maliit na silid na iyon ng kanilang bahay na ang tanging tabing lang ay isang manipis at lumang kurtina.
"Isasama kasi ako ni Mr. Santillan bukas sa Batangas at doon na ako matutulog sa opisina dahil doon na lang daw niya ako dadaanan. Tatlong araw kami doon kaya pinayagan niya akong pumasok kahit after lunch na."
"Wow! Ang bongga rin pala ng nakuha mong trabaho riyan, eh, buti pala tinanggap ka niya kahit hindi ka nakatapos ng kolehiyo."
"Ano ka ba, siyempre attracted iyon sa beauty ko saka nagpaawa ako, ateng, nakuha sa mga mapang-akit kong ngiti," natatawang wika niya rito kaya natawa na rin ito.
"Eh, di ikaw na talaga! Pero may itsura ba? Baka naman mashonda na ang lolo mo," curious namang tanong nito sa kaniya.
"Hmmm..." huni niya saka lumabas ng silid na iyon. "Actually, hindi siya mukhang matanda saka guwapo pa rin siya. Sa totoo lang mas mukha pa ngang matatanda yung mga kabataang tambay diyan sa labas."
"So, hindi naman pala masama na ikembot mo ang kepweng mo sa kaniya!" mahagya siyang namula dahil sa sinabi nito. "Sus! Nahiya ka pa. Eh di ba iyon naman ang balak mo! Ang bumukaka sa harapan niy—ARAY NAMAN!" bulyaw nito dahil mabilis niya itong binato ng kutsara na nadampot niya sa ibabaw ng lamesa.
"Alam mo ang bastos talaga ng bunganga mo!" ganting bulyaw naman niya sa kaibigan.
"Akala ko ba ay handa ka na riyan sa papasukin mo, inday? Mga salita ko palang hindi mo na masikmura, paano pa yung sasabihin ng ibang tao sa 'yo? Yung sasabihin niyang asawa ng lalandiin mo!" naiiling na wika nito. "Naku, Sariah! Sinasabi ko sa 'yo ayusin mo ang desisyon mo sa buhay! Habang maaga pa tigilan mo na kasi 'yang binabalak mo! Ang Tatay mo matanda na 'yon, ikaw bata ka pa, matalino ka naman, at sigurado akong malayo pa ang mararating mo. Huwag mong sirain ang buhay mo nang dahil diyan sa galit mo sa taong sumira sa buhay ng Tatay mo," seryosong payo nito sa kaniya hindi niya ito sinagot.
Ngunit buo na ang loob niya sa gagawin at hindi niya sasayangin ang pagkakataon na nakapasok siya sa S. Santillan at pagkakataong mapalapit sa asawa ng nagpakulong sa kaniyang ama.