“Let us please welcome, Mister Angelo Collins!”
Natuon ang atensyon ng lahat sa binatang nakatayo sa entablado. Hindi matanggal ang mga matang nakatingin kay Angelo. Halatang-halata sa mga mukha ng taong naroroon ang paghanga at para bang nakakita sila ng isang nilalang na noon pa lamang nila nakikita.
Ang lalaki ay para bang isang Bathala sa tindig at postura nito. Hindi maitatangging sa kulay kape nitong mata, kahit sino ay mahuhumaling... lalong-lalo na ang mga kababaihan.
Subalit ang hitsura ni Marga ay tila ba nakakita ng isang multo na ayaw na niyang makita pa. Bumalik sa kaniyang alaala ang nakaraan. Ang lalaking nasa harapan niya ay ang lalaking nanakit sa kaniya ilang taon na ang nakalilipas. Pilit pinoproseso ni Marga sa kaniyang utak kung paano nangyaring nagtagpo ulit ang landas nilang dalawa ganoong matagal na niyang hindi nakikita si Angelo. Sumariwa tuloy sa kaniyang isipan ang mga panahong magkasama pa sila. Kung paano siya nito saktan at sumbatan.
“Girl, okay ka lang?” tanong ni Hanna sa kaniya. Napansin kasi nitong namutla siya nang makita niya ang lalaking sumulpot sa kaniyang harapan.
This is not happening. Kung sana nga ay panaginip lang ang lahat... pero hindi, totoong nangyayari ang nangyayari. Nasa harapan niya ang bangungot ng nakaraan.
“Girl?” Saka pa lamang siya nagising at bumalik sa huwisyo nang tuluyan na siyang tapikin sa balikat ni Hanna.
“Y-yes?” Marahan siyang lumingon sa kaibigang nakakunot na ang noo sa pagtataka.
“Okay ka lang?” usisa ni Hanna.
Sana nga okay lang ako. Iyon sana ang gusto niyang sabihin sa kaibigan subalit hindi niya magagawa sapagkat walang nakakaalam ng nakaraan niya sa kahit na sino sa mga kaibigan o nakakakilala sa kaniya. After all, they don't need to know her past.
“O-oo naman!” pagtanggi niya.
“Sure ka?” Tumango lang si Marga. Tumikhim siya upang maibsan ang bumabara sa kaniyang lalamunan dala ng kabang naramdaman.
Ibang klase ang pakiramdam na iyon. Para bang gusto niyang mawala sa kinatatayuan. Maglaho na parang bula. O kahit anong paraan na hindi siya makita ng lalaking matagal na niyang iniiwasan.
“Excuse me lang, girl. Kuha lang ako ng drinks,” sabi na lang niya at hindi na hinintay pang magsalita ang kaibigan. She just walked to find something to drink. Pakiramdam niya, anytime ay mauubusan siya ng hangin.
Luckily, she saw a waiter holding a tray of glasses of Tequila. She tapped the waiter and got the glass. Parang tubig lang niyang linagok ang alak na tila ba uhaw na uhaw.
“Can you just give me a bottle of wine?” she requested.
“Coming up, miss.”
“Thank you.”
Humanap siya ng isang cocktail table kung saan malayo sa karamihan. Doon ay pinagmasdan niya sa kalayuan si Angelo habang nagsasalita. Guwapo pa rin ito sa paningin niya. Hindi... mas gumuwapo pa ito ngayon dahil kitang-kita niya ang laki ng pinagbago nito. Ibang-iba na siya kumpara noong naghiwalay na sila. Nakaramdam siya ng kilig nang mga sandaling natitigan niya ang lalaki subalit mas nangibabaw ang masasakit na ginawa nito sa kaniya.
“Bakit nagpakita ka pa ulit?” bulong sa sariling nakatitig sa lalaking nasa harapan.
Tingnan mo nga naman ang tadhana. Hindi niya inaasahang sa lugar na iyon pa niya muling makikita ang taong matagal na niyang ibinaon sa limot. Pero paano siya makalilimot kung muli niyang nasilayan ang lalaking iyon? Tila pinaglalaruan siya ng tadhana. Kung laro man iyon, iyon ang larong ayaw niyang salihan.
Tinititigan lang niya ang matipunong lalaking nakasuot ng itim na tuxedo na kanina pang inilalahad ang mga naabot niyang tagumpay ngunit kahit isa sa mga salitang sinambit nito ay walang pumapasok sa kaniyang isipan. Malinaw ang kaniyang pandinig ngunit mas nangibabaw ang kaniyang mga mata na hindi man lang bumibitaw ang tingin sa lalaking nasa harapan. Wala siyang maintindihan sa mga sinasabi nito. Ang alam lang niya at pumapasok sa kaniyang isipan ay ang mga alaalang nanunumbalik sa kaniyang kaisipan.
Nang matapos ang pagsasalita ni Angelo sa entablado ay doon pa lamang siya nakahinga nang maluwag. Subalit sa pag-aakalang hindi siya mapapansin ng binata ay laking gulat niya nang bigla itong lumingon sa kinatatayuan niya. Sinipat siya nito at tila kinikilala. Mabilis niyang tinakpan ang kaniyang mukha upang hindi siya makilala ni Angelo. Pero sigurado siyang nakilala siya nito.
“Miss, here's your bottle of wine.” Siya namang pagdating ng waiter sa mesa kung saan siya naroroon.
“Salamat.” Pilit ang mga ngiti niya sa waiter. Nang mailagay na nito ang alak sa boteng inilapag sa kaniyang harapan ay panibagong lagok ang kaniyang ginawa.
Balak sana siyang balaan ng waiter na baka malasing ito subalit wala siyang nagawa nang muli pang lagyan ni Marga ang kaniyang kopa ng alak. Nagkibit-balikat na lang ang waiter at kapagkuwa'y umalis na lamang. Marahil ay inisip nitong balak talaga ni Marga na magpakalango talaga sa alak. Subalit hindi iyon ang nais ni Marga. She just wanted to ease the consciousness that bothers her. At sa tingin niya, alak lamang ang makakatanggal ng kabang kanina pa niyang nararamdaman.
Hindi niya alam kung nakakailang baso na siya ng alak pero pakiramdam niya ay medyo namamanhid na ang kaniyang mukha dala ng alak na kanina pa niyang nilalagok.
“Girl, ano ba? Kanina pa kita hinahanap!” Siyang paglapit ng kaibigan niyang si Hanna na halatang kanina pa siya hinahagilap.
“Sorry, na-suffocate lang ako. I need some air,”alibi nito. Pero ang totoo, kanina pa niya gustong lumabas.
“Suffocated ka saan? E, ang ganda rito! At ang daming artista, girl. For sure, marami akong mabibingwit dito na investors.”
Napatawang pilit si Marga sa mga narinig na turan ng kaibigan. “Talaga ba? Businessman ba talaga ang bibingwitin mo o mga artista.”
“Syempre artista muna. D'yan ka muna. I got somone...” Sabay sipat sa lalaking 'di kalayuan sa kanilang kinaroroonan. “Target locked.” Saka pa lamang umalis si Hanna.
Nang maiwang mag-isa si Marga ay ipinagpatuloy na lang niya ang paglagok ng natitirang alak. Hindi niya namalayan ang paglapit ng isang tao sa kaniyang likuran.
“Hanna, akala ko ba—”
Hindi na niya naituloy ang sasabihin sa pag-aakalang ang kaibigan niyang si Hanna sa kaniyang balikat mula sa likuran.
“Hi, Marga.” It was him.
She didn't expect na makikita niya nang malapitan ang lalaking iyon.
“Angelo?”