“… Nakapikit ang aking asawa. Wala siyang saplot sa pang-ibaba nyang katawan, habang nakakubabaw sa kanya ang lalaki na nakababa ang pantalon at brief hanggang tuhod…”
Mahiwaga ang buhay. Hindi tayo nakakatiyak kung ano ang darating at paano natin iuugnay ang nakalipas sa dinaranas nating ngayon. Sabi nila, tayo ay alipin lang ng tadhana. Na ang atin daw na kapalaran ay naka-guhit na sa ating mga palad bago pa man tayo isilang. Ang tadhana daw ang nagpapasiya, kung saan patungo ang ating kapalaran. Ang tangi lang daw nating magagawa ay buhayin ang mga sandali nang naayon sa ating kagustuhan. Subalit, ang nakatadhana ay nakatakda. Tanggapin man natin o hindi ang ating kapalaran.
“Bukid ay basa,
Tag-ulan noon,
May isang mutyang sa aki’y nagtanong;
Kung nais ko raw siya ay tutulong
sa pagtatanim ng palay sa maghapon.
Ang sabi ko pa, wag na neneng ko,
At mapuputikan lamang ang bakya mo…”
Ang klasikong Philippine folk song na ito ng ating mga ninuno, ay nagpapa-alala sa akin kay Lissa, at sa isang mabigat na pagsubok na dumating sa buhay ko, na nagpabago sa aking pananaw sa buhay.
Nakilala ko si Llssa sa mga panahon ng aking mga paghahanap. Nasa apat na dekada na ang aking edad. At sabi nila, sa edad ko raw na ito, saka pa lamang nagsisimula ang buhay.
Life begins at forty.
Isa akong Agricultural Engineer, at nagtatrabaho sa BAEX, o Bureau of Agricultural Extension, isang ahensya ng gobyerno na nasa ilalim ng Kawanihan ng Pagsasaka. Dahil dito ay lagi akong nasa Field Works. Nakakarating ako sa iba’t- ibang lugar sa kalawakan ng buong Luzon upang mamahagi ng mga kaalaman sa makabagong pamamaraan ng pagsasaka. Tumutulong din kami sa pagtatayo ng mga Farmer’s Cooperative, upang matulungan ang mga magsasaka para magkaroon sila ng access sa mga pribado at pampublikong financial institutions upang matugunan ang kanilang mga pinansyal na pangangailangan sa kanilang pagsasaka.
At habang ako ay konektado sa sangay na ito ng pamahalaan; ako ay nagpapaka-dalubhasa din sa aking kurso. Naka-enroll ako sa isang pamantasang pang-sakahan dito sa gitnang Luzon. Sa mga panahon ding ito ay aking isinusulat ang aking dissertation sa para sa aking masteral degree.
May asawa na ako noon. Isang guro sa isang pamantasan sa bayan namin sa Bulacan ang aking may-bahay na si Merhama. Dahilan sa pareho kaming abala sa aming mga propesyon ay iisa pa lamang ang aming anak. Nang maliit pa si Jenny ay kumuha kami ng taga-pag alaga nya. Subalit ng mag-aral na ito, ay ipinasiya ni Merhama na sa kanyang tinuturuang paaralan na lang pag-aralin ang aming anak, para magkasabay silang mag-ina sa pagpasok at pag-uwi. Nag- iisang anak si Merhama at matagal ng balo ang kanyang ina na naninirahan sa kalapit na bayan dito rin sa Bulacan.
Maganda si Merhama. Maputi, matangos ang ilong at may magagandang mga mata. Maganda rin ang kanyang taas na 5’6” na binagayan ng mahabang buhok. Matalino ang aking may-bahay. Kaya naman kahit nakasal na kami ay pinayagan ko siyang mag-aral pa at tapusin ang kanyang MA sa Edukasyon.
Pag-ibig sa unang pagkikita ang nangyari sa amin. Si Merhama ang una kong babae na itinangi. Siya rin ang una kong kasintahan at aking unang karanasan.
Mayroong sinasaka ang tatang ni Lissa na tatlong ektaryang lupain sa bayan ng Caranglan, sa lalawigan ng Nueva Ecija. Ang Nueva Ecija ay isa sa itinuturing na rice granary ng Central Luzon.
At isa sa mga pilot projects na hinawakan ko ang sakahan ni Mang Usting, na ama ni Lissa. Ang proyekto ko na ito ay siya ring paksa at pag- aaral para sa sinusulat kong dissertation ukol sa cross breeding at soil nutrients enhancement and management.
“Ito ang bahay na sinasabi ko, Engineer, na pwede mong tirhan habang nandito ka,” sabi sa akin ni Mang Usting.
Matangkad si Mang Usting at may pagka- dangkawan ang kanyang mga kamay. Palangiti siya at laging nakalitaw ang hgipin nya, na tila laging ibinibida ang kanyang isang gintong ngipin sa harapan. Sa aking pagtantya ay edad singkwenta anyos pa lang si Mang Usting.
“Lyebo sisenta na ako Engineer,” sagot nito ng tanungin ko ang tunay nyang edad. Napakamot ako ng ulo sa maling pagtasa ko sa kanyang edad. Ang pagiging mukhang mas bata nya kesa sa tunay nyang edad ay dahil sa pagiging batak ng kanyang katawan sa halos ay maghapong paggawa sa bukid.
“Bahay ito ng aking anak na nasa Australia, di pa pinapaayos pero pwede mong matirhan kasi, malimit naman gamitin ito ng isa ko pang anak na si Lissa. Ginagawa nyang tahian ito,” sabi pa ng matanda.
Malinis nga ang bahay. Mayroon itong isang kwarto na walang pinto at tanging isang malinis na puting kurtina lamang ang nakatabing. May maliit at malinis na palikuran sa loob, lababo at paminggalan. Mayroon din itong maliit na lamesang kainan na may apat na upuan. Sa munting salas nito ay may isang lamesita na nasa gitna ng dalawang upuang kahoy na kupas na ang varnish. At sa may dulo ng maliit na salas ay nandoon ang isang lumang Singer na makinang panahi na de padyak.
“Pwede mo nang ilagay sa kwarto ang mga gamit mo, at pagdating ni Lissa ay ipalilinis ko ang aparador para magamit mo. At iaalis na rin natin ang makina nyang panahi,” dugtong pa nito, “poso pa lang ang tubig dito at nasa kabilang ibayo pa lang ang mga naglalatag ng tubo ng NAWASSA.“
Kasalukuyan kong nirerepaso ang mga entries ko sa aking daily activities report sa pagkakaupo ko sa silyang kahoy sa sala ng dumating si Lissa.
“Hano, ikaw pala ang sinasabi ni Ama na pansamantalang titira dito sa bahay ni Ateng,“ narinig kong sabi ni Lissa ng pumasok ito sa kabahayan. Ang punto nya sa pagsasalita ay punto ng mga taal na Novo Ecijano.
Ang una kong impresyon sa kanya ay hindi siya mahiyain, prangka at pala ngiti tulad ng kanyang tatang. Nagtaka lang ako at maliit siya gayong matangkad ang kanyang ama. Payak lang siya, hindi kagandahan, at hindi rin pangit. Morena siya at medyo chubby ang pangangatawan.
“Ako nga pala si Lissa. Annalissa ang buo kong pangalan,“ pagpapakilala nya sa sarili. Naramdaman kong parang nanlalamig ang kanyang palad ng magdaop-kamay kami.
“Greg naman ako. Gregorio Silvestre,” pagpapakilala ko naman.
“Ikaw ang agriculturist na na-assign dito sa Caranglan?” tanong nya. Napuna kong may itinatago siyang ganda habang pinagmamasdan ko siya.
May mga babae na sa unang tingin pa lang ay maganda na. May mga babae namang hindi punahin ang kanilang kariktan. Subalit, kapag matagal mo na silang natitigan, saka mo lang mapapansin ang taglay nilang kagandahan. At kabilang si Lissa sa huling nabanggit ko.
“Isa akong Agricultural Engineer, at isa sa pilot projects ko ay pag-aralan ang bagong hybrid na seeds ng palay na pinatubo sa lab ng IRRI sa UPLB sa Laguna. At ang bukid ng tatay mo ang napili kong control field para sa aking eksperimento,” paliwanag ko kay Lissa.
“Ngayon ko lang nalaman na may Engineering na pala na Agriculture,” tatango-tangong sabi nya.
“Dito rin ako sa Nueva Ecija nagtapos ng BSAE, dyan sa CLSU sa Munoz,“ sabi ko pa.
“Sa Wesleyan University naman ako sa Cabanatuan,” pakli nya.
“Nag- college ka?“ tanong ko. Nabigla ako sa tanong ko. Sa unang akala ko kasi ay isa lang siyang simpleng anak-bukid na karaniwang tapos lang ng elementarya o kaya ay highschool.
Bihihira kasi sa mga sulok-sulok na probinsaya lalo pa sa mga farming villages ang nagpapa-aral hanggang kolehiyo sa anak na babae.
Tumango siya.
“Nagtapos ako ng BS Social Works, kaya lang, dalawang beses na akong kumuha ng licensure exam. Dalawang beses na rin akong bumagsak sa board exam. Nahihiya na nga ako kay Ateng,” malungkot nyang sabi. Naramdaman ko ang paghaplos ng awa sa kaibuturan ko, habang pinagmamasdan ko ang pagkakatungo nya habang sinisipa-sipa nya ang suot na gomang sinelas.
“Cheer up! Ako rin naka-take two, bago ako nakapasa sa board,” ewan ko kung bakit nagsinungaling ako para lang itaas ang kanyang morale. Kabilang ako sa top ten ng batch namin na pumasa sa board exam para sa Agricultural Engineers.
“Talaga? At di ka nawalan ng pag-asa?” sunod-sunod na tanong nya. “Gusto nga ni Ateng na mag take ako uli ng board exam this year, magpapadala daw siya ng perang pang review ko. Ikako, baka sayang lang pag bumagsak uli ako,” parang ibig maluhang sabi nya.
Nilapitan ko siya sa pagkakatayo nya sa gilid ng kanyang makinang panahi. At nanuot sa ilong ko ang mahinhing bango ni Lissa. Pumasok sa isip ko ang bango ng di pa nahihinog na palay. Masarap itong gawing pinipig.
“May ituturo ako sayong teknik para makapasa ka,” sabi ko sa kanya.
“Una ay wag ka magtatagal sa isang tanong. Pag di ka tiyak sa sagot mo, iwan mo muna at pumunta ka doon sa alam mo at tiyak ka sa sagot mo. Tiyakin mo na masagot mo ang kabuuan ng mga tanong. Pag may oras pa, balikan mo ang mga di mo nasagutan. Kung multiple choice, sabihin mo lto habang itinuturo ng dulo ng ballpen mo, ‘a-lin di-to ang ta-ma, e-to o e-to? E-to! Kung saang letra matapat ang ‘eto’, yun ang bilugan mo!“ sabi ko sa kanyang naka-ngiti. Nakita kong tumawa siya at iningusan ako.
“Ala- tsamba naman yang tinuturo mo,” nakatawang sabi nya.
“Wala namang mawawala kung gawin mo di ba?” natatawa ring sabi ko.
At nagkatawanan kami. Yun ang naging simula ng pagiging magkaibigan namin ni Lissa. Sa pakiramdam ko ay may magandang vibes sa pagitan namin.