Chapter 1
ISANG simpleng dalaga si Gabby Buenaventura sa kanilang bayan sa probinsya ng Zambales. Nakapagtapos ang dalaga sa kursong medisina. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa RHU ng kanilang bayan bilang doktora.
Masaya ito sa buhay at wala na halos mahihiling pa sa Poong Maykapal. Kinaiinggitan din siya sa kanilang barangay. Ito kasi ang pinakamaganda sa mga dalaga doon. Idagdag pang isa itong doctor kaya halos lahat ng binata sa barangay nila at kalapit bayan ay nanligaw dito. Pero wala sa mga iyon ang pumasa sa dalaga–maliban sa isa.
Si Mayor Anton Altameranda. Pinakabatang mayor sa buong probinsya ng Zambales. Gwapo ang binata. Matangkad ito, moreno at may malalim na biloy sa magkabilaang pisngi na nakadagdag sa charm at kagwapuhan nito. Halos lahat ng dalaga sa bayan nila, nagpapapansin sa mayor. Ang mga ito na nga ang nagbibigay motibo sa binata na gusto nila ito. Gano'n pa man, wala sa mga iyon ang pinatulan ni Anton. Bukod kasi sa iniingatan nito ang reputasyon sa publiko at isa itong public servant, may dalaga nang tinatangi ang kanyang puso. Si Gabby.
Mahigit isang taon niyang niligawan ang dalaga. Hindi lang ito kundi maging ang mga magulang nito. Challenging sa kanya at mahirap mapasagot si Gabby. Pero hindi ito sumuko dahil nage-enjoy naman siyang ligawan ang dalaga. Pumapayag din kasi itong mag-date silang dalawa. Pero hanggang hawak sa kamay lang ang hinahayaan ni Gabby na gawin nila, maliban sa holding hands, wala na.
Sobrang saya ni Anton nang sagutin siya ni Gabby sa araw mismo ng kaarawan nito! Hindi nito inaasahan na iyon ang regalong matatanggap mula sa dalaga! Ang maging nobya niya ito! Hindi naman lingid sa kaalaman nito na maraming naghahabol kay Gabby. Kahit nga sa kalapit nilang bayan ay may mga manliligaw ito. Ang ilan ay dumadayo pa na magpa-check-up sa clinic ng dalaga sa munisipyo nila para lang magpapansin dito.
Kaya naman hindi na pinatagal pa ni Anton at inalok niya na kaagad ng kasal si Gabby. Nasa tamang edad naman na ang mga ito. Nasa thirty na si Anton habang twenty-eight naman si Gabby. Noong una ay nag-alangan pa si Gabby. Eksaktong isang buwan pa lang kasi magmula nang maging official sila nito. Pero heto at inaalok na siya ng kasal ni Anton.
“Please, babe? Say yes,” pakiusap ni Anton habang nakaluhod siya sa harapan ng dalaga.
Nilingon ni Gabby ang pamilya nitong nasa gilid. Naluluha at nakangiti ang mga ito na tumango sa kanya at nag-thumbs-up dito. Kahit noong una pa lang na nanliligaw sa kanya si Anton, boto na ang pamilya niya sa mga ito. Lalo na ang kanyang mga magulang. May kaya kasi ang pamilya ni Anton. Silang pamilya ang pinakamayaman sa bayan nila. Idagdag pang mabait ito, magalang at hindi babaero. Bonus na lang na matangkad ito, moreno at napakagwapo. Tall, dark and handsome–ika nga. Matulungin ito at ginagampanan ng maayos ang pagiging alkalde sa bayan nila. Kaya gustong-gusto siya ng mga tao na niluluklok sa pwesto.
Nangilid ang luha ni Gabby na napangiti dito. Kahit may puwang sa puso niya ang hindi sana sang-ayon at masyadong maaga pa para sa pagpapakasal. Pero heto at umaasa ang kasintahan nito at buong pamilya niya. Kaya naman tumango ito kahit may konting pagtutol sa isipan.
Nagliwanag naman ang mukha ni Anton na tumulo ang luha. Hindi makapaniwalang nakatingala sa dalaga habang nakaluhod pa rin na may hawak na red box kung saan nakasilid ang alok niyang singsing na may disenyong korteng puso ang bato nito. Kahit maliit lang ang bato no'n ay kitang mamahalin ang singsing na iyon!
“Is that a yes, babe?” pangungumpirmang tanong nito.
“Yes, babe. Magpapakasal ako sa'yo,” sagot ni Gabby dito na ikinatulo ng luha ng binata!
Napahiyaw naman ang pamilya nito sa gilid. Naluluha na nakamata sa dalawa. Nangangatal ang kamay ni Anton na kinuha ang singsing sa box nito at saka dahan-dahang isinuot sa palasingsingan ni Gabby iyon. Namangha pa ito na bumagay sa daliri ni Gabby ang singsing na binili niya at sumakto ang size no'n. Mariin nitong hinagkan ang kamay ng dalaga na tumayo na at saka mahigpit itong niyakap!
Kahit hindi 100% na masaya si Gabby sa biglaang proposal ng nobyo nito, hindi ito nagpahalata. Ayaw niyang ma-disappoint ang pamilya niya lalo na si Anton. Nag-effort pa naman itong ipaayos ang harapan ng bahay nila Gabby para sa proposal nito.
Sumapo si Anton sa magkabilaang pisngi nito. Nagniningning ang mga mata na dahan-dahang inilapit ang mukha at mariing hinagkan sa noo ang dalaga. Napapikit naman si Gabby na napakapit sa baywang nito. Napapalunok nang abutin ni Anton ang kanyang mga labi na ikinairit ng pamilya niya! Ayaw niya sanang magpahalik sa labi lalo na't nasa harapan sila ng kanyang pamilya, pero dahil nag-propose na si Anton na tinanggap nito, hinayaan niya na lamang ang binata.
Hindi naman matagal ang halik na iginawad ni Anton sa kanyang mga labi. Tamang pagdampi lang ang ginawa nito. Ni hindi nakatugon si Gabby dala na rin ng hiya sa kanyang pamilya. Pinalaki kasi silang conservative ng mga magulang. Istrikto ang ama nila sa kanila at puro sila mga babae sa pamilya. May kapatid naman silang lalake, ang bunso nila. Iyon nga lang ay pusong babae naman ito. Nasa lima silang magkakapatid at si Gabby ang panganay. Ito rin ang katuwang ng mga magulang niya na nagpapaaral sa apat pa nitong mga nakakabatang kapatid.
MASAYANG idinaos ang proposal ni Anton sa dalaga. Kahit simpleng salo-salo lang ang handa nilang pamilya ay masayang masaya ang binata at pamilya ni Gabby. Nakikisabay naman ang dalaga sa mga ito at ayaw niyang mapansin nila itong hindi masyadong masaya sa biglaang pag-propose sa kanya ng kanyang nobyo.
Mahal naman nito ang binata. Sadyang nabibilisan lang siya dahil napunta na kaagad sa usapang kasal ang kanilang kasisimulang relasyon. Kahit matagal na nitong kilala si Anton, may parte pa rin sa puso niya ang nag-aalangan. Bagay na hindi niya maintindihan.
"Ate, okay ka lang ba? Ang tahimik mo yata," puna ng nakababatang kapatid nitong dalaga. Si Aimee.
Pilit itong ngumiti at umiling sa kapatid nito. Nasa sala kasi si Anton at mga magulang nito. Umiinom ang ama nila at si Anton ng lambanog. Kasama naman nilang nakikipag kwentuhan sa dalawang lalake ang kanilang ina. Maging ang iba pang kapatid ni Gabby.
"Okay lang ako, Aimee. Bakit naman ako hindi magiging okay, 'di ba?" ani nito na pilit pinanormal ang boses.
Ilang segundo namang tumitig ang kapatid niya dito bago muling nagsalita.
"Iba kasi ang nakikita ko sa mga mata mo, Ate. Kaya akala ko. . . hindi ka okay." Ani nito na ikinangiti ni Gabby at nagpatuloy sa paghuhugas ng mga pinagkainan nilang lahat.
Tinulungan naman na ito ng kanyang nakababatang kapatid para mapabilis ang paghuhugas nito ng mga plato.
HINDI naman nagtagal, nagpaalam na rin si Anton at kailangan pa ito bukas sa munisipyo. Idagdag pang magmamaneho ito kaya hindi siya pwedeng makarami ng inom.
"Gabby anak, ihatid mo na si mayor sa labas." Saad ng ama nito sa dalaga na tumango.
"Tay, Anton na lang po. Masanay na po kayong tawagin ako sa pangalan ko at magiging asawa ko na ang anak niyo." Wika ni Anton na nagmano sa mga in-laws nito.
Nakipag-apiran at bumeso ka siya sa apat na nakababatang kapatid ni Gabby.
"O siya sige, Anton anak. Salamat ulit sa pag-aalaga sa anak namin ha? Dumalaw ka ulit dito. Alam mo namang bukas ang pintuan ng bahay namin para sa'yo." Sagot ng ama ni Gabby na ikinangiti at tango ng binata.
"Sige po, Tay. Salamat po ulit sa pagtulong sa akin at pagsuporta. Asahan niyong hinding-hindi po luluha ang anak niyo sa piling ko," magalang sagot nito na ikinangiti ng mag-asawa.
Napakindat pa siya sa nobya niyang tahimik lang na nakikinig sa mga ito.
"Tara na." Saad ni Gabby na inakay na itong lumabas ng bahay.
Umakbay naman sa kanya ang binata habang palabas sila. Pasado alaadyes na rin kasi ng gabi, inaantok na nga rin si Gabby at hindi ito sanay na nagpupuyat. Maaga din itong papasok bukas sa clinic nito at bukas iyon ng weekdays. Sa weekend lang siya bakante.
Akala nito ay ihahatid na niya si Anton sa sasakyan nito sa tapat ng bahay nila. Pero inakay siya nito sa kubo sa gilid nitong bahay nila at naupo doon. Nagpatianod naman si Gabby at nasa harapan lang naman sila ng bahay nila.
Biglang bumilis ang kabog ng dibdib nito na maramdaman ang mainit na hininga ni Anton na tumatama sa kanyang pisngi. Nilingon kasi siya ng binata kaya nanatiling sa harapan siya nakamata. Lalong nagkarambola ang pagtibok ng puso nito nang yumapos si Anton sa kanyang baywang.
"Masaya ka ba talaga sa akin, babe?" pabulong tanong ni Anton dito na napasinghap.
"O-oo naman. Sasagutin ba kita kung hindi?" mahinang sagot ni Gabby dito.
Napanguso naman ito na isinubsob ang mukha sa leeg ng dalaga. Napalunok pa si Gabby at ibang-iba ang dating ng mainit nitong hininga na tumatama sa kanyang balat.
"Pakiramdam ko kasi ay hindi ka masaya sa akin. Isang buwan na tayong magkarelasyon pero dama kong naiilang ka pa rin sa akin. Ni hindi ka nga nagpapahalik sa akin ng matagal sa mga labi mo e. Ayaw mo rin na napapahawak ako sa maselang parte ng katawan mo. Naiintindihan ko naman na naga-adjust ka pa. Pero syempre. . . hindi mo maiaalis sa akin na magtampo. Nobyo mo ako e. 'Yong ibang magkasintahan nga, higit pa roon ang pinagsasaluhan nila, hindi ba?" nagtatampong saad ni Anton dito.
Hindi naman nakaimik si Gabby. Aminado ito na hindi siya sanay at naiilang kapag ginagawa iyon ni Anton sa kanya. Katulad na lamang ngayon na nakayakap si Anton sa kanya habang nakasubsob sa leeg niya. Para siyang nasasakal. Hindi makahinga ng maayos. Hindi pa rin masanay sanay ang katawan nito sa mga yakap, haplos at halik ni Anton sa kanya.
"Hindi naman kasi ako katulad ng ibang babae d'yan, Anton. Paulit-ulit ko na itong sinasabi sa'yo noon pa man. Hindi ako sanay na hinahawakan ako ng lalake. Ikaw pa nga lang ang nagiging kasintahan ko e," sagot ni Gabby na pilit pinanormal ang boses.
"Paano kapag mag-asawa na tayo, babe? Kaya nga dapat ngayon pa lang, masanay ka na sa akin," aniya na nagsimulang halikan si Gabby sa leeg.
Nanindig ang mga balahibo ng dalaga sa katawan. Para siyang kinikilabutan sa mga sandaling ito. Kahit pilit niyang itinatatak sa isipan na ikakasal na sila ni Anton, hindi pa rin ito komportable. Na parang sarili niyang katawan mismo ay tumututol.
"T-tama na, Anton. Sige na, umuwi ka na. Magkita na lang tayo bukas sa munisipyo," pagtataboy ni Gabby na pilit inilayo ang mukha nito sa leeg niya.
Kita ang kabinitan sa mga mata ni Anton na mapupungay. Napapisil siya sa baba ni Gabby na dahan-dahang inilapit ang mukhang ikinalunok ng dalaga.
"Sige na nga. Goodnight, babe. I love you," malambing bulong nito na inabot ang mga labi nitong mariing napapikit!
Sumusukong binitawan ni Anton ang mga labi nito na hindi manlang tumugon ang nobya niya. Minsan ay iniintindi na lang niya ito na hindi pa sanay at komportable si Gabby sa mga yakap at halik niya. Pero bilang lalake, pakiramdam niya ay natatapakan ng dalaga ang ego nito. Madalas kasing kant'yawan siya ng kanyang mga kaibigan dahil bukod sa taon din niyang niligawan si Gabby, ni hindi niya manlang matikman ang nobya.
"Sige na. It's getting late. Magpahinga ka na, babe." Bulong nito na mariing hinagkan sa noo si Gabby.
Tanging pagtango lang naman ang isinagot nito na iniwan na ang nobyong bagsak ang balikat na napasunod ng tingin kay Gabby na pumasok na ng bahay. Napailing na lamang ito na mapait na napangiti. Kahit kasi napapayag na niya ang dalaga na magpakasal sila, damang-dama nitong naiilang pa rin si Gabby sa kanya. Minsan na niyang muntikang mapwersa si Gabby na ikama pero natakot niya ito at isang linggo rin siyang hindi inimikan o maski sulyapan. Kaya kahit mahirap ay pigil na pigil ito sa sarili na hwag nang ulitin iyon.
"Magiging akin ka rin naman e. Hindi ka na makakatanggi sa akin kapag kasal na tayo, Gabby. Sisiguraduhin kong ako lang ang makikinabang sa katawan mo dahil pag-aari kita. Akin ka lang, Gabby. Akin ka lang." Usal nito na lumabas na rin ng kubo at nagtungo sa SUV nito.
Napahinga ng malalim si Gabby na ibinaba na ang kurtina sa bintana ng silid nito. Sinilip niya pa kasi si Anton dahil hindi pa umaalis ang sasakyan nito sa tapat nila. Kaya nakita niyang ilang minuto pang nakatambay si Anton sa kubo. Malalim ang iniisip na parang pasan ang bigat ng mundo ang itsura.
"Masasanay din ako sa kanya. Dapat lang na masanay na ako sa kanya dahil ikakasal na kaming dalawa," usal nito sa sarili na may bahid ng kakaibang lungkot sa mga mata.
Bagsak ang balikat nitong nagtungo sa kama niya at saka humiga. Pilit ipinagsisisiksikan sa isipan na mahal niya si Anton at magiging masaya rin ang pagsasama nila. Dahil kung itsura lang naman ang pag-uusapan, gwapo si Anton. Siya na nga yata ang pinakagwapo lng binata sa bayan nila. Idagdag pang medyo moreno ito at matangkad. Maganda din ang built ng katawan nito. May kaya ang pamilya nila at kita namang mabait ito sa mata ng mga tao. Hindi ito mamahalin at susuportahan ng taong bayan sa pagka-mayor kung hindi ito mabait sa mga tao at madaling lapitan.