Clyde’s POV
Katatapos ko lamang tignan ang mga pasyente. Agad akong pumunta sa aming quarters upang kahit sandal ay magpahinga.
“Ayan na pala si Clyde the transferee eh. Kumusta naman ha? Mukhang pagod na pagod ka.” pagtatanong ni Kevin, isa sa mga kasamahan ko.
“Ok naman. Kayang kaya. Ako pa ba?” nakangiting pagmamalaki ko sakaniya.
“Ikaw na talaga, ikaw na.” pangaasar nito sa akin habang ako ay tinutulak tulak.
Dahil sa pagtulak tulak ni Kevin sa akin ay may nabangga ako sa aking likuran. Agad ko itong tinignan upang humingi ng paumanhin.
“Sor-”
“Ikaw na naman?” inis na tanong sa akin ni Dra. Montemor.
Sa dinami dami ng tao sa hospital na ito, bakit laging siya ang nabubunggo ko? Kevin, kevin, kevin. Kasalanan talaga ito ni Kevin. Agad akong lumingon sa aking likuran upang tignan si Kevin ngunit laking gulat ko na ito ay biglang nawala. Talaga nga naman oh.
“Pasensya na, Dra.” paghingi ko paumanhin dito.
Tila hindi niya ako naririnig at nakatingin lamang ito sa lapag. Tinignan ko rin kung saan ito nakatingin at napagtanto ko na nabitawan pala niya ang kaniyang mga dala-dala. Pupulutin ko na sana ang mga ito.
“Don’t you dare touch my things.” pagbabanta nito sa akin.
Pinulot niya ang kaniyang mga dala dala at pumasok na sakaniyang opisina. Nakakapagtaka, hindi niya ako sinigaw-sigawan.
Napansin ko na nagbubulungan ang ilan sa aking mga kasamahan.
“Hoy, nakita nyo ba yon?”
“Kanino na naman kaya galing yon?”
“Magaling talaga si Dra. pipili ng pasyente no?”
“Talagang certified M.Y lang ang mga pasyente nya.”
Ilan lamang iyon sa mga narinig ko. M.Y? Ano kaya yung M.Y? Dahil sa aking kuryosidad ay tinanong ko sila.
“Uy, ano yung M.Y?” pagtatanong ko sa mga ito.
Napatingin lamang sila sa akin. At walang sumasagot.
“Malalaman mo rin.” bulong ni Kevin na ngayon ay biglang sumulpot.
Binatukan ko na lamang siya. Ano kaya yung M.Y na yon? Ay nako, kaysa aksayahin ko ang oras ko sa pag-iisip ng M.Y na yon, graham lang ang naiisip ko. Tama, makakain na nga ng dinner. Nag-out muna ako para bumili ng pagkain. Pagbalik ko sa hospital ay tila may emergency.
“Kevs, anong meron?” pagtatanong ko kay Kevin ng ito ay makita ko na may hinihilang pasyente.
“May nasunog na building. Bilisan mo, kilos na.” sagot nito sa akin.
Agad akong tumakbo sa locker room upang magpalit ng damit. Bumalik ako kaagad sa emergency room upang tulungan ang mga doctor at tignan ang mga pasyente.
“Mr.Diego, pakibilang kung ilan pa ang mga higaan na bakante.” utos sa akin ni Dra. Montemor.
“Dra. isa nalang po at ang lahat ay okupado na.” sagot ko rito.
Napuno ang aming hospital ng mga pasyente mula sa nasunog na call center building sa malapit. Nai-admit naman namin ang lahat ng sugatan mula sa sunog, ngunit kung sakali na may emergency na naman na mangyari ngayong gabi ay iisa na lamang ang pwede naming i-admit.
Pasado alas-tres na ng madaling araw ng biglang may narinig kami na sirena ng ambulansya na papalapit. Agad na tumayo si Dra.Montemor at nagabang sa labas ng emergency room. Sinundan ko ito. Dalawang ambulansya ang paparating.
“Mr.Diego, ilan ulit ang bakanteng higaan sa emergency room?” tanong nito sa akin habang nakatingin sa paparating na ambulansya.
“Isa nalang po Dra.” sagot ko rito.
Huminto na ang mga ambulansya at lumapit ang mga Nars na nakasakay rito.
“Anong nangyare?” tanong ni Dra.
“Car accident po.” sagot ng Nars.
Lumapit si Dra sa mga ambulansya at tinignan niya ang mga pasyenteng nakasakay.
“Anong lagay nila?” pagtatanong ko sa Nars.
“Yung isa malubha, yung isa naman galos lang” sagot nito sa akin.
“Diego, ihanda mo yung isang higaan. Ipasok niyo yon. Isa lang ang kaya naman iadmit sapagkat lahat ng mga sugatan mula sa sunog kanina ay sa amin dinala. Yung isa, duon na ninyo iadmit sa hospital niyo.” sambit ni Dra.
Iginayak ko naa ng higaan at tumakbo pabalik sa labas upang tumulong sa pagpasok ng pasyente.
“Dra, baka ho nagkakamali kayo ng tinuro na ambulansya. Yung nasa isang ambulansya ho kasi yung malubha yung kalagayan, may mga bali po siyang buto sa likod, at matindi rin ho yung mga galos na kaniyang natamo. May posibilidad ho na maubusan siya ng dugo kung sa Francis Hospital pa ho namin siya iaadmit. Kaya ho dito muna kami dumeretso sapagkat ito ang pinaka malapit na hospital sa pinangyarihan, upang siya po ay maagapan.” sagot ng Nars kay Dra.Montemor.
“Hindi na namin kayang kumuha pa ng isang malubhang kalagayan, hindi mo ba nakikita? Hanggang ngayon ay may ginagamot pa rin kami, madami ang malubha. Hindi na namin siya kayang maasikaso. Ipasok niyo yung isa, at dalhin ninyo yung isa sa Francis Hospital. Lalo siyang mauubusan ng dugo kung babagalan moa ng kilos mo” sagot ni Dra. sa Nars.
Agad na kumilos ang Nars at ibinaba na ang pasyente sa isang ambulansya.
“Dra. may punto ho siya. May posibilidad na mamatay ang pasyente na nasa isang ambulansya.” pangungumbinsi ko rito.
“Nakapagdesisyon na ako, Diego. Sumunod ka nalang.” sagot nito sa akin.
“Pero..”
“May polisiya kami rito. Ngayon, kung madami kang reklamo, edi magresign ka.” pagpuputol niya sa akin.
Hindi na ako kumontra pa. Tumulong na ako sa pagpasok ng pasyente na piniling iadmit ni Dra. Habang yung isang ambulansya ay nakaalis na. Agad na inasikaso ni Dra. Montemor ang pasyente. Hindi malubha ang kalagayan nito, may kaunting galos lang ito sa mukha, dala ng pagkauntog nito sa manibela at pagtama ng mga nasabag na salamin sakaniya.
Ala-sais na ng umaga at tapos na ang shift ko. Hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin ang nangyare sa lalaki na tinaggihan ni Dra na iadmit kanina. Sana ay umabot pa siya sa hospital.
Palabas na ako ng hospital ng makita na ang mga kasamahan kong Nars ay may pinapanood sa t.v. Ako ay huminto upang tignan ito.
“Isang lalaki na kasali sa car accident kaninang alas-tres ay dineklarang dead on arrival.”
Nang marinig ko ito ay lumingon ako sa paligid ko upang tignan kung nanonood din ba si Dra. At oo, nanonood din siya. Matapos ang balita ay nagpatuloy itong maglakad papalabas ng hospital. Ang tigas ng puso niya, hindi kaya siya nakokonsensya? Hindi ko na napigilan ang aking sarili at sinundan ko siya.
“Dra.Gabrielle Montemor, narinig mo naman ho siguro ang balita. Kumusta ho ang inyong pakiramdam?” pagtatanong ko rito.
Hindi ko maiwasan ang hindi manginig sapagkat may pagkakataon sana kami na iligtas yung lalaki, kaso mas pinili niya yung isa na galos lang ang natamo sa aksidente.
“Ayos lang naman ako.” sagot nito sa akin habang patuloy na naglalakad.
Ayos lang siya? May namatay na lalaki dahil sa maling desisyon niya. Tapos ay ayos lang siya. Magsasalita pa sana ako ng may biglang humila sa akin. Si Kevin pala.
“Bakit?” tanong ko rito.
“Kung gusto mong magtagal diyan sa trabaho mo, huwag mong pakielaman si Dra. Mondragon. May sarili siyang polisiya at wala tayong magagawa kundi sundin siya.” sagot nito sa akin.
“Hindi ba’t tinatanong mo kung ano yung M.Y? Ayan na ang sagot.” dagdag pa nito.
M.Y? Hindi ko talaga maintindihan. Ano ba yung M.Y na ‘yon? Bakit ‘yon ang basehan niya ng pagpili ng pasyente.
“Ano bang M.Y Kevin?” tanong ko rito.
Huminto siya sa paglalakad at muli akong nilingon.
“Mayaman.” sagot nito at patuloy ng naglakad.
Yun ang basehan niya? Ang pagiging mayaman? Hanggang ngayon pa rin pala ay may mga doktor na kagaya niya. Mga doktor na tumitingin sa antas ng pamumuhay ng isang tao. May nakakakita naman sa mga ginagawa niya, kung ako ay walang magagawa, alam ko isang araw may magtuturo sakaniya ng leksyon niya.
Third Person’s POV
Ilang araw na ang nakalipas simula nung pangyayare na ‘yon. Iniiwasan na lamang ni Clyde na makialam sa mga desisyon na ginagawa ni Gabby.
Hanggang sa isang araw ay nabigla ang lahat sa isang balita. Naaksidente si Dra.Montemor at ito ay dead on arrival.
“Kawawa naman si Dra. no?”
“Ano raw bang nangyare?”
“Ang sabi sa balita, nawalan daw ng preno yung sasakyan ni Dra at bumangga ito sa isang truck.”
“Hindi ko alam kung dapat ba akong maawa kay Dra o hindi, kilala niyo naman sya.”
“Tama, karma niya ‘yon”
Ilan lamang ‘yan sa mga naging bulung bulungan ng mga Nars. At narinig ito ni Clyde. Hindi naniniwala si Clyde sa karma pero ngayon ay napapaisip siya.
Gabby’s POV
Ang ingay naman. Nasaan ba ako? Bakit ako nandito? Saan na naman kaya ako dinala ni Jenny? Kahit kailan talaga yung babae na yon! Bakit ang daming nakaputi? May pinupuntahan silang pila, ano bang meron?
“Excuse me, I am Dra.Montemor. What place is this? Where am I?” pagtatanong ko sa babae na nasa harapan ko.
Hindi niya ako sinasagot at nakatingin lang siya sa akin na para bang gulat na gulat. Siguro ay ngayon lang siya nakakita ng maganda.
“Miss, alam kong maganda ako pero wala akong oras makipagtitigan sa’yo. Nasaan ako ngayon?” pagtataray ko rito.
“What’s your full name Ma’am? And When is your birthday?” pagtatanong nito sa akin.
“Gabrielle Louise Montemor. March 19, 1994.” sagot ko rito.
Mukhang plano pa akong interviewhin nito.
“Umupo muna ho kayo at babalik ako.” sagot nito sa akin at agad na umalis.
Ano bang meron sa lugar na ‘to at ang lahat ay nakaputi? Bakit ako lang yata ang nakaitim? Sabagay, ayos lang para kitang kita ako.
“Dra.Montemor, sumama po muna kayo sa akin. Kakausapin lang po kayo ni Mr.White.” pagaaya niya sa akin.
Sino naman si Mr.White? Makasama nalang para matapos na ‘to at makauwi na ako. Pumasok kami sa isang silid, napakalaki ng kwarto na ito ngunit wala naman itong kalaman laman kundi isang isang lamesa sa may gitna at tatlong upuan.
“Mr.White eto na po siya.” sambit ng babae na aking kasama.
Umikot ang upuan at humarap ang isang lalaki na kulay puti ang buhok. May katandaan na rin siya, siguro ay nasa 60 or 70 na siya.
“Welcome to heaven station, Dra.Montemor.” pagbati nito sa akin habang nakangiti.
Heaven station? Where the hell is that?