Gusto kong sumigaw, gusto kong tumakas ngunit paano? Nakikita ko na ang unti-unting paglaki ng apoy ngunit hindi ako makaalpas sa kamay ng babaeng mahigpit ang kapit sa aking buhok.
Bawat kalmot niya sa aking mukha, bawat wasiwas niya sa aking buhok ay damang dama ko ang sakit.
"Maawa ka! Tama na!" umiiyak na sigaw ko. Buong lakas ko siyang itinulak palayo at nagtagumpay akong makawala sa mga kamay niya.
May sinasabi ang babae ngunit bumuka man ang bibig nito ay hindi ko naman marinig ang tinig.
”Tulungan mo ako! Parang awa mo na!” Luhaan akong humingi ng tulong sa lalaking nasa isang tabi ngunit hindi man lang ito gumalaw ni tumugon sa akin.
Tinadyakan ako ng babae sa aking sikmura na halos ikaputol ng aking paghinga. Natumba ako sa sahig at parang mawawalan na ako ng ulirat dahil sa tindi ng sakit noon. Nag uunahan sa pagtulo ang aking mga luha nang makita kong magka hawak kamay akong iniwan ng dalawa sa nasusunog na bahay.
Napabalikwas ako ng bangon. Habol ko ang aking paghinga at daig ko pa ang nag-marathon sa hingal ko. May pawis pa ngang tumulo sa gilid ng noo ko na agad kong pinahid.
Napalingon ako sa pintuan nang bumukas iyon at pumasok si mama na bakas ang pag aalala sa mukha.
”Nanaginip ka na naman," wika ni mama at saka lumapit sa akin.
Huminga muna ako ng malalim bago sumagot upang maalis ang bara sa aking lalamunan. "O-opo."
"Panaginip lang iyon, anak," aniyang haplos ang aking buhok. "Uminom ka muna." Sabay abot sa akin ng isang baso ng tubig.
Natatandaan ko noon na halos gabi-gabi ang pagdalaw ng panaginip na iyon sa aking pagtulog. May pagkakataon pa nga na halos sumisigaw ako dahil sa takot.
Ang sabi ni mama ay sanhi iyon ng pagkaka aksidente ko dalawang taon na ang nakararaan. Naaksidente raw kami sa barko. At baka ang nakikita kong sunog sa panaginip ay ang barkong nasusunog. Ngunit malinaw na malinaw sa aking panaginip na bahay ang kinalalagyan ko at hindi isang barko.
Nawala rin ang mga alaala ko sa aksidenteng iyon. Dalawang taon na ang nakalipas at paulit-ulit lang ang mga panaginip na iyon sa aking isipan. Takot ang hatid sa akin ng mga panaginip na iyon na halos araw-araw akong dinadalaw.
"Handa na ba ang mga gamit mo?" maya maya ay tanong ni mama sa akin.
"Kagabi pa po, ma. Anong oras po ba ang alis natin?"
"Mamayang hapon pa. Kumilos ka na riyan ng makapag agahan na. Bago tayo umalis linisin na natin itong bahay at pupunta pa tayo kina Mrs. Ang para kunin ang sweldo ko," wika ni mama saka iniwan na ako sa aking maliit na kwarto.
Ngayong araw ang uwi namin sa Romblon. Namatay na kasi ang lola ko at ang sabi ni mama ay baka doon na rin kami manirahan. Maraming kwento si mama tungkol sa probinsya nila at tiyak daw na magugustuhan ko doon.
Hapon na ng nilisan namin ang Maynila. Sakay ng eroplano ay narating namin ang Romblon. San Agustin, Romblon. Dito raw ako ipinanganak sabi ni mama ngunit ng umedad ako ng lima ay umalis na kami rito at sa Maynila na nanirahan kasama si papa na ilang taon na ring patay.
"Danna!" Salubong ng isang babaeng kamukha ni mama. "Kumusta ang byahe? Ito na ba ang pamangkin ko?" Baling ng babae sa akin.
"Oo, si Laira. Anak, s'ya ang Tita Donita mo." Pakilala ni mama sa aming dalawa.
Ngumiti ako ng bahagya at inabot ang kamay niya upang makapag mano.
"Kay gandang dalaga na nitong pamangkin ko!” Puri niya sa akin matapos akong pasadahan ng tingin. “Halina kayo sa loob para makapag pahinga na.” Nauna na si Tita Donita bitbit ang dalang bag namin.
Maraming tao sa loob pagpasok namin. Lahat sila ay napatingin sa amin ni mama. May ilang bumati kay mama habang ako ay tahimik lang sa kanyang likuran.
Bago magpahinga ay inakay muna ako ni mama para sumilip sa kabaong ng lola ko. Kahit anong hagilap ko sa aking utak tungkol sa kanya o kahit sa tiyahin na ipinakilala ni mama ay wala akong makapa.
Isang linggo ang naging burol ni lola. At sa mga araw na iyon ay lagi lang akong nasa isang tabi. Kung hindi pa ipakilala ni mama sa mga kamag anak ay hindi talaga ako aalis sa kung nasaan ako.
At sa buong linggong iyon ay si Klare lang ang nakakausap ko. Madaldal ito at maraming kwento tungkol sa lugar nila. Kagaya ni mama ay sigurado rin talaga siyang magugustuhan ko dito.
"Tita, pwede ko po bang isama si Laira sa panonood ng liga mamaya?" paalam ni Klare kay mama.
"Sige, kayo ang bahala." nakangiting tugon naman ni mama.
Huling gabi ni lola ng ayain niya ako para manood nga ng liga sa covered court. Noong una ay hindi ko naman alam ang ibig sabihin ng liga. Laro pala iyon ng basketball at ginaganap daw iyon taon-taon kapag palapit na ang fiesta.
Maraming tao at halos karamihan ay mga babae. Maingay ang tugtog na nagmumula sa speaker na magkabilaan.
"Dito tayo!" wika ni Klare at hinila na naman ako sa kung saan. "Ipapakilala kita sa mga kaibigan ko."
Kumaway si Klare sa ‘di kalayuan. Mga grupo ng kababaihan iyon.
"May kasama ka?" puna ng isang babaeng kulot ang buhok.
"Oo, pinsan ko galing Maynila. Laira, mga kaibigan ko."
Nginitian nila ako kaya ganoon rin ako sa kanila. Nagpakilala pa ang mga ito sa akin ngunit hindi ko na matandaan ang mga pangalan dahil sa ingay ng masakit sa tainga na musika.
”Dito tayo maupo mag uumpisa na ang laro,” ani Klare at hinila ako sa kanyang tabi.
Naghiyawan ang mga kababaihan sa pagsisimula ng laro. Hindi magkamayaw ang mga ito sa pagsuporta sa dalawang koponan na naglalaban.
"Laira!" tili ni Klare ng biglang mapunta sa pwesto namin ang bola.
Pikit na pikit ang mga mata ko at nakasalag na aking ang mga braso pero walang bolang tumama. Napadilat ako at nakita ang katawang nakaharang sa aking harapan.
"Ayusin n'yo naman ang laro n'yo!" sita ng lalaki sa mga player.
Mula sa pagkakayuko ko ay dinig na dinig ko ang mga bulungan tungkol sa lalaking nasa aking harapan. Unti-unti akong nag angat ng tingin at napanganga ako dahil sa gandang lalaki nito.
"Ay! Sir Axcel, thank you po sa pag-save sa pinsan ko," ani Klare na bakas ang kilig sa boses.
"Pinsan?" tanong niya na sa akin pa rin nakatingin.
"Opo! Taga Manila po 'yan," sagot ni Klare.
"Really?" tumatango-tango pang sabi nito. "I'm Axcel, and you are?"
Nasundan ko ng tingin ang nakalahad nitong kamay at mas lalong umugong ang mga bulungan. Napalunok ako dahil hindi ko alam kung tatanggapin ko ba iyon?
"Laira!" Si Klare na ang nagbigay ng palad ko sa lalaki.
Hindi ko alam pero parang hindi ako komportable kaya agad kong binawi ang kamay kong hawak niya. "S-sorry," hingi ko na lang ng tawad.
"It's okay," anitong mas lalong naging gwapo dahil sa paglabas ng dalawang dimple sa magkabilang pisngi.
Natapos ang laro at ang sinusuportahan na grupo nina Klare ang nanalo. Huling laro na daw iyon at champion ang mga ito. Sasama daw sa after party ang mga kaibigan ni Klare kaya sasama rin siya.
"Ayaw mo ba talagang sumama?" pang ilang ulit niya na iyong tanong sa akin.
"Ikaw na lang. Saka nakakahiya, hindi ko naman sila kilala," tugon ko na sinabayan pa ng pag-iling.
"Sige, basta next time time isasama kita para makilala mo rin ang mga taga rito sa atin. Dito na kayo titira ni tita kaya masanay ka na."
Nang makatanggap ng text mula sa mga kaibigan ay agad na rin niya akong iniwan sa aking kwarto at nagpaalam lang kay mama at tita saka tuluyang umalis.
"Ikaw ang bunso kaya sa 'yo dapat ang bahay ni mamang. Ang maliit na sakahan ay ikaw muna ang magbubuwis at ang kikitain n'yo doon ay pang umpisa n'yo ng mag ina."
Iyon ang nabungaran ko nang lumabas ako ng kwarto. Nasa kusina si mama at Tita Donita at magkatuwang na nagluluto.
"Nagugutom ka na ba, Laira?" tanong ni mama ng malingunan ako.
"Hindi ka sumama kay Klare?" si tita.
"Ayoko po. Nahihiya po ako eh," tugon ko.
"Masanay ka na sa pinsan mong iyon at mahilig talaga iyon sa kasiyahan. Palibhasa bunso kaya kahit hindi magtrabaho ay ayos lang," pahayag ni Tita Donita. "Anong plano n'yo ngayon, Danna?"
"May naipon naman ako kahit paano. Napansin kong mahilig sa pagkain ang mga tao rito kaya magluluto ako ng pagkain," sagot ni mama. "Si Laira masarap magluto 'yan," nakangiting sabi pa ni mama na agad tumingin sa akin.
"Mahilig sa meryenda ang mga tao rito sa atin kaya tiyak na papatok 'yang naisip mo. Hayaan mo at ipapaayos ko ang maliit na kubo natin para gawing tindahan." Bakas rin ang excitement sa boses ni tita.
"Naku! Salamat talaga, ate!"
"Sino pa bang magtutulungan dito kundi tayong dalawa lang?"
Tama si Tita Donita. Pumatok nga ang aming negosyo at maghapon kaming busy ni mama. Mabuti na lang at dumating si Klare para tumulong.
"Grabe! Nakapag pahinga rin!" ani Klare at nagpunas pa ng pawis sa noo saka naupo sa plastic na bangko.
"Kapag nagtuloy-tuloy ito tiyak na makaka ipon pa tayo at lalago pa ito," Tuwang-tuwang ani mama. "Salamat sa tulong, Klare."
"Libre na lang po meryenda, tita." pa-cute na sagot nito na ikinatawa naman ni mama. "Ay! Hala!"
Sabay naming nilingon ni mama ang tinatanaw ni Klare. Nangunot ang noo ko ng may humintong kotse sa tapat ng aming tindahan.
Napanganga ako ng bumaba roon si Axcel at agad ngumiti sa amin nang makita kami. "Ano po ang meryenda?" tanong niyang malaki ang ngiti nang makalapit sa amin.
"Turon saging na lang po ito," si mama na binuksan pa ang takip ng tray ng turon para ipakita kay Axcel.
"Ilan po ba lahat 'yan?"
"Sampung piraso na lang ito, iho," tugon naman ng mama ko.
"Kunin ko na po 'yan lahat. Magkano po ba?"
"Two hundred pesos po lahat," sagot pa ni mama at binalot na ang mga turon sabay abot kay Axcel.
"Ito po." Nakangiting inabutan nito ng five hundred pesos si mama.
"Teka lang at susuklian kita-"
"Keep the change na lang po," awat ni Axcel sa pagdukot sana ni mama ng panukli.
"Naku! Nakakahiya naman. Pero… maraming salamat po!"
"Wala po iyon," anito pa sabay sulyap pa sa akin.
Nag iwas ako ng tingin nang sulyapan rin ako ni mama. Ano ba kasing ginagawa ng lalaking ito?
Tumikhim si Klare para kunin ang aming atensyon. "Ah! Tita, si Sir Axcel po anak ni Mayor Licauco."
"Ay! S'ya! Pasensya ka na, iho. Bago lang po kasi kami rito," natatarantang saad ni mama.
"Wala po iyon. Sige po mauuna na po ako. Babalik po ulit ako bukas para bumili ng meryenda n'yo."
"Salamat!" pahabol na turan ni mama habang malaki ang ngiti.
Nakaalis na at lahat si Axcel pero hindi pa rin naalis ang tingin nina mama at Klare sa akin. Para bang may ginawa akong kababalaghan sa mga tingin nila.
"Binata ba iyong Axcel, Klare?" tanong ni mama na kunwari ay inabala ang sarili sa pagliligpit.
"Oo naman po, tita. Marami nga lang magiging kaagaw si Laira-"
"Klare!" saway ko.
"Bakit?" nakangising tanong niyang pinagtaasan pa ako ng kilay. "Obvious namang type ka ng bunsong Licauco"
"Hindi ko siya kilala!" ingos ko.
"Kahit na ba! Masama bang magkagusto sa 'yo?" tanong niya pa. "Hay naku, tita! Maswerte si Laira kapag naging boyfriend n'ya si Sir Axcel, bukod sa gwapo na mabait pa!" Buhat agad nito sa lalaki.
"Kay Laira na iyon kung magpapaligaw siya," nanunuksong sagot ni mama.
"Ma, naman eh!" ani kong nakakaramdam na ng inis.
"Anak, nasa tamang edad ka na. Wala ka na sa kalendaryo, kaya hindi ako tutol kong tumanggap ka ng manliligaw."
Napasimangot na lang ako dahil busy na ang dalawa sa pagku kwentuhan tungkol kay Axcel at sa pamilya nito.
Oo nga at mukhang mabait ngunit hindi ako komportable sa presensya ng lalaking iyon.
Tinutoo nga ni Axcel ang kanyang sinabi at halos araw-araw ay naroon sila sa maliit naming kainan kasama ang mga bodyguards niya.
Minsan pa nga ay pinapakyaw niya ang meryenda namin at pina-di-deliver sa munisipyo o 'di kaya ay sa pagawaan nila.
"Anak, nililigawan ka ba ni Sir Axcel?" minsan ay tanong ni mama sa akin.
"Ha?! Hindi po!" direktang sagot ko. "Bakit n'yo naman po naisip 'yon?" tanong ko.
"Usap-usapan kasi ang madalas na pagpunta niya rito. Bali-balitang tipo ka raw ng anak ni mayor."
Napabuntong hininga na lang ako. Hindi lang pala kami ni Klare ang nakakarinig noon pati pala si mama.
”Ma, hindi po ako komportable sa mga lalaki sa paligid ko," pag amin ko. "Anak siya ng mayor dito sa lugar natin kaya po nakikisama ako. Kung gusto man po niya ako, at balak niyang manligaw. Hindi ko po alam ang isasagot ko," pahayag ko.
At ang isa pang dahilan pakiramdam ko parang may taong naghihintay sa akin. Hindi ko lang masabi kay mama iyon.
"Wala naman akong tutol kung sakaling mag nobyo ka. Nasa tamang edad ka na," saad ni mama.
"Hindi ko po iniisip 'yan sa ngayon," malungkot na sagot ko. "Pakiramdam ko po kasi maraming kulang sa pagkatao ko, eh."
Natigilan si mama sa sinabi kong iyon. Napabuntong hininga na lamang siya at nagpatuloy sa kanyang ginagawa.
”Gusto ko pong bumalik ang mga alaala ko, ma. At iyon ang mahalaga sa ngayon.”
"Babalik rin ang mga alaala mo, Laira. 'Wag mong pilitin dahil kusang babalik 'yan, anak."
“Sana nga po dahil marami akong hindi maintindihan,” mahinang saad ko.